logo text
Adicionar à Biblioteca
logo
logo-text

Baixe este livro dentro do aplicativo

Kabanata VII

SINAKOP ng kadiliman ang kalangitan. Lumitaw na ang maliwanag na buwan at mga tala sa langit ngunit wala pa rin sila Amado at Agapito. Paniguradong may kasama na namang babae ang dalawang ‘yon. Pinandigan talaga nila ang ibig sabihin ng pangalan nila. Mahal. Sobra silang magmahal. Kaya hindi lang isang babae ang kanilang minahal. Lahat ng napupuntahan naming bayan o lugar ay mayroon sila laging nagiging kasintahan.
"Antonio!"
Napabuntong-hininga na lamang ako nang makita ko sila Amado at Agapito. Sa wakas. Nakarating din sila. Pero bakit may kasama silang babae? Wala naman sa plano namin na may isasama kaming babae sa bayan ng Alegros.
"Bakit ngayon lang kayo? Kanina ko pa kayo hinihintay rito," matabang kong saad.
"May nakasalubong kasi kaming mga magandang binibini na nangangailangan ng tulong. Hindi ko kaya maging bulag sa aking nakita. Ang dapat sa babaeng nangangailangan ng tulong ay tinutulungan," sambit ni Agapito habang nakangiti't nakatingin sa babaeng nasa gilid niya.
Umiwas ng tingin ang binibini na nasa tabi ni Agapito at binuka niya ang abaniko niya, hinarang niya ito sa kaniyang mukha para itago pamumula ng kaniyang pisngi.
"Maraming salamat, Ginoo," mahinhin na sambit nito kay Agapito.
"Binibini, napakaganda ng mga tala at buwan. Ngunit kapag ako’y tumitingin sa ‘yo, hindi na ako nagagandahan sa mga ito. Natatabunan na ng kagandahan mo ang kagandahan ng buwan at mga tala," malambing na wika ni Amado sa binibining katabi niya.
Niyuko ng binibini na nasa tabi ni Amado ang kaniyang ulo. "Ginoo, totoo ba ang ‘yong sinambit?"
"Binibini, sa aming bayan. Tinatawag ako ng mga tao roon na Ginoong Matapat. Kailanman, hindi ko pa nagagawang magsinungaling. Hindi ako marunong magsinungaling, Binibini," pagmamalaking sagot ni Amado.
Muntik na akong matawa dahil sa sinabi ni Amado. Ginoong Matapat? Si Amado? Kailan pa? Sa aming tatlo, siya ang pinakasinungaling at tuso. Dahil sa kaniya naging sinungaling na rin ako. Buti hindi ako sobrang sinungaling tulad niya.
"Mga Binibini, hindi maganda makita ang tulad niyo na may kasamang lalaki na kakakilala niyo pa lamang. Lalo na’t malapit nang lumalim ang gabi. Hindi bagay sa inyong mga Binibini na manatili sa labas ng ganitong oras," nakangiting sambit ko.
"May importante pa kaming pupuntahan nila Agapito at Amado. Ang tiyahin ni Amado at Agapito ay nag-aagaw buhay. May taning na ang buhay niya. Nagpadala siya ng sulat sa amin, nais niyang makita sila Amado at Agapito bago siya pumanaw. Pasensya na mga Binibini kung aalis na kami. Gusto ko lang maabutan nila Amado at Agapito ang kanilang tiyahin bago ito bawian ng buhay," makungkot na sambit ko at ako ay bumuntong-hininga.
"Ginoong Amado, ika’y magmadali. Puntahan niyo na ang inyong tiyahin. Maaaring hindi niyo na siya abutang buhay kung hindi pa kayo aalis ngayon," pag-aalalang saad ng binibini na nasa tabi ni Amado.
"Ginoong Agapito, puntahan niyo na ang inyong tiyahin," sambit ng binibini na nasa tabi ni Agapito.
"Huwag kang mag-alala, Binibining Sabel. Babalikan kita." Napakagat na lamang ako sa aking labi para mapigilan ko ang sarili na huwag matawa. Maraming babae na ang sinabihan niyan ni Amado. Pero ni isa sa kanila, wala siyang binalikan.
"Hihintayin kita, Ginoong Amado."
"Hintayin mo ang aking pagbabalik, Binibining Emilia." Isa pa itong sinungaling. Marami na rin sinabihan si Agapito niyan na babae, pero ni isa rin sa kanila, wala siyang binalikan.
"Hihintayin kita, Ginoong Agapito."
"Paalam mga Binibini, kami ay lilisan na." Kinapitan ko sa kamay sila Amado at Agapito at mabilis ko silang hinatak papalayo sa dalawang binibini.
"Bakit mo sinabing malapit nang mamatay yung tiyahin namin? Wala naman kaming tiyahin, Antonio," nagtatakang tanong ni Agapito.
"Bakit mo sinabing hintayin ni Binibining Emilia ang iyong pagbabalik? Hindi ba, hindi mo na naman siya babalikan?" pabalik na tanong ko sa kaniya.
"Ayaw ko lamang saktan ang puso niya kaya ko sinabi sa kaniya ‘yon," ani ni Agapito.
Tinignan ko si Amado. "Ikaw? Ganoon ka rin ba?" Ngumiti siya at tumango bilang pagsang-ayon. "Ayaw niyo silang saktan kaya hinayaan niyo silang maghintay sa wala." Natahimik silang dalawa dahil sa aking sinambit kaya napa-iling na lamang ako.
"Balang araw, makakahanap din kayo ng babaeng magiging katapat niyo."
HUMINTO kami sa paglalakad nang makarating kami sa bukana ng bayan ng Alegros. Mas malaki ito at mas maraming tao rito kumpara sa bayan ng Valencia. Tunay ngang maraming mayaman na tao rito. Kapag maraming tao, maraming mayaman. Isang linggo rin ang lumipas bago kami makarating dito. Hindi kami nangahas na maglakbay ‘pag gabi kaya inabot kami ng isang linggo sa paglalakbay. Kung maglalakbay kasi kami sa gabi, maaaring malagay sa panganib ang buhay namin. Mas aktibo kasi ang mga bandido kapag gabi.
"Libutin natin ang bayan ng Alegros. Alamin natin kung sino-sino ang mga mayayaman dito at alamin din natin kung ano ang negosyo nila, kung marami na ba silang na-agrabyado na tao o natulungan." Hindi lang kami basta magnanakaw. Ninanakawan lang namin yung mga taong mayaman na masama. Yung mga mayaman na mahilig manlamang sa mga mahihirap.
Maraming Pilipinong naghihirap ngayon. Kaya ang naisip namin ay tulungan sila. Noong una, tanging mga Kastila lamang ang ninanakawan namin. Ngunit nakita naming napakaraming mayaman na Pilipino na mapanlamang at mapangmata. Imbes na tulungan nila yung kababayan nilang mahirap, mas lalo pa nila silang ginawang mahirap.
"Maghiwalay tayo sa paglilibot sa bayan ng Alegros. Magkita na lamang tayo rito sa bukana ng bayan ng Alegros. Bago lumubog ang araw, dapat narito na kayo. Huwag na muna babae ang unahin ninyo," ani ko.
Muli kaming naglakad. Pagpasok namin sa bayan ng Alegros, magkakaibang direksyon ang tinahak namin. Pumunta ako sa pamilihan. Mas mabilis akong makakasagap ng balita kung sa pamilihan ako magtutungo. Maraming tao roon, tiyak maraming nag-uusap doon tungkol sa nangyayari sa bayan na ito.
"Balita ko, dahil Fiesta na bukas, magkakaroon daw ng sayawan sa Plaza sa bukas."
"Mayroon ka na bang susuotin na damit para bukas?"
"Mayroon na. Matagal na akong naghanda para sa sayawan na magaganap bukas."
Fiesta na pala rito bukas. Magaling. Mas madali naming makikilala ang mga tao rito bukas dahil tiyak na magtitipon sila bukas lahat sa Plaza.
"MAGKANO ang mga gamit na pangpinta na ito?" tanong ko sa batang nasa harap ko.
Kanina ko pa siya napapansin. Kanina pa siya sumisigaw para ibenta ang mga gamit pangpinta na tinda niya ngunit walang pumapansin sa kaniya.
"I-Isang pilak po lahat," utal na sagot niya. Halata sa boses niya na siya ay kinakabahan. Kawawang paslit. Sa murang edad ay napilitan na siya agad na magbanat ng buto.
Inabutan ko siya ng dalawang pilak. "Tanggapin mo ito. Bibilhin ko na ang lahat ng tinda mo," nakangiting sambit ko.
"S-Sobra po ang ‘yong binayad," ani niya.
"Sa ‘yo na ‘yan. Ibili mo ng pagkain ang sobra."
"Maraming salamat po, Ginoo!"
Kinuha ko ang mga gamit pangpinta na binili ko at muli akong naglakad. Sapat na ang nakalap kong balita kaya hindi ko na kailangan libutin pa ang bayan ng Alegros. Bukas naman ay makikita ko ang karamihan ng mga mayayaman na nakatira sa bayan ng Alegros sa Plaza.
Sa aking paglalakad, hindi ko namalayan na dinala na papa ako ng aking mga paa sa tabi ng batis. Nilibot ko ang paningin ko sa paligid ko. Napakaganda ng paligid dito, napakilinis at napakaaliwalas.
Malinis ang batis at maraming maliit na isda na naglalanguyan dito. Maraming nakatanim na puno ng kawayan sa gilid ng batis. Ang sarap pakinggan ng mga tunog nito kapag sila ay nagbabanggaan. Parang musika naman ang tunog ng mga huni ng ibon na nakadapo sa mga puno ng kawayan.
Muli kong nilibot ang tingin ko sa paligid ko. Saglit na tumigil ang tibok ng aking puso at ito ay agad din na bumilis sa pagtibok at para bang tumigil ang oras sa aking paligid nang may makita ako isang napakagandang Anghel. Kayumanggi ang kaniyang balat, ang itim na mahaba niyang buhok na kulot ay nakalugay at tila ito ay sumasayaw kapag tinatamaan ng ihip ng hangin. Siya ay nakaupo sa ilalim ng puno ng kawayan at siya’y nakangiti siya habang nakapikit at tila ba siya ay parang nananaginip nang napakaganda.
Napangiti ako nang may maisip akong magandang ideya. Humanap ako ng mauupuan na matatanaw ko ang Anghel ng maayos. Umupo ako at hinanda ko yung mga gamit ko pang pinta. Tinitigan ko muna siyang muli at ako ay ngumiti bago ko siya sinimulang ipinta.

Comentário do Livro (131)

  • avatar
    GalinatoJames

    thank you very much

    13d

      0
  • avatar
    Althea Mae O. Samosa

    its a good story

    23d

      0
  • avatar
    SapalNhora

    napagandang kuwento

    25d

      0
  • Ver Todos

Capítulos Relacionados

Capítulos Mais Recentes