logo text
Thêm vào thư viện
logo
logo-text

Tải xuống cuốn sách này trong ứng dụng

Chương 2 Hanapin mo si Love

DALI-DALING naglagay ng tuyong sanga ng puno sa siga si Cameron. Kailangang mapanatili niyang malaki ang apoy para maitaboy ang mga hayop na panggabi sa isla at upang makita agad ng mga taong naghahanap sa kanila. Iyon na lang ang pag-asa niya.
Tumingala siya. Kitang-kita ang ningning ng bituin sa gabi. Kung normal lang ang pangyayari, gusto sana niyang mapadpad sa islang iyon na malinis ang tubig at puti ang buhangin. Perpektong paraiso para magkabasyon at takasan ang ingay sa magulong mundong ginagalawan niya.
Subalit hindi para maging castaway sa islang iyon kung saan limitado ang pagkain, puno ng panganib at walang taong mahingan ng tulong para magbalik sa kanila sa sibilisasyon.
Tinangay siya ng malakas na alon ay magdamag na palutang-lutang sa tubig. Nang magising siya, akala nga niya ay patay na siya. Para lang matuklasan na nasa isang isla siya na walang ibang tao. Sila lang ni Mitos ang magkasama doon. Nakita niya itong nakahandusay di kalayuan sa kanya. Mabuti na lang at doon ito napadpad kundi ay walang mag-aalaga dito. Mataas na mataas ang lagnat nito.
Narinig niya ang iyak ni Mitos. “Love. Kailangan kong makita si Love,” anito at nagpilit na bumangon.
Pinigilan niya ito sa pagbangon. “Huwag kang gumalaw.”
“Pero ang wallet ko… si Love…”
Iniumang niya ang kawayang may malinis na tubig sa labi nito na nakalagay sa putol na kawayan nagsilbing baso. “Uminom ka muna, Mitos. Para bumaba ang lagnat mo.”
Umiling ito. “Hindi na bababa ang lagnat ko. Mamamatay na ako dito.”
Nang magising siya kanina at nag-ikot-ikot sa isla ay natagpuan niya si Mitos na nakahandusay sa batuhan. Sa kabila ng pagkagulpi ng katawan niya dahil sa pakikihamok sa dagat, nagawa niyang dalhin si Mitos sa mas ligtas na lugar. Hindi siya kasing swerte nito. May paso sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Mitos dahil sa pagsabog. May sugat din ito sa ulo na iniinda nito. Mataas ang lagnat nito at natatakot siyang baka dahil sa impeksiyon. Subalit walang gamot sa islang iyon. Kahit halamang-gamot na pwedeng magpababa sa lagnat nito ay wala.
“Hindi ka mamamatay. May dadating na tulong sa atin. Huwag kang mawalan ng pag-asa. Gumagawa naman ako ng paraan para makita tayo. At sigurado ako na may mga tao ring naghahanap sa atin. Di pa naman tayo ganoon kalayo sa pinaglubugan ng yate. Makikita rin tayo.”
Ayaw niyang ipaalam pa dito na sa buong maghapon ay wala siyang nakitang naligaw na bangka. Baka mamaya ay hindi iyon ang karaniwang dinadaanan ng mga sasakyang-dagat. Wala rin siyang matanaw na malapit na isla doon. Hindi na iyon kailangang malaman pa ni Mitos.
Sila ang sandalan ng lakas ng isa’t isa. Kung wala si Mitos sa islang iyon, baka tuluyan na siyang mabaliw.
Umiling ito. “Paano kung hindi sila dumating? O kung dumating man, baka hindi na nila ako maabutang buhay. Ang sugat ko…”
“Matagal ka pang mabubuhay,” pagpapalakas niya sa loob nito. Nginingiki ito sa lamig at natatakot siyang baka tama ito. Paano kundi na ito magtagal? “Pinisil niya ang kamay nitong nakapatong sa dibdib. “Huwag
kang susuko. Magdasal ka lang. Makakaligtas ka pa dito. Kaya mo iyan.”
Hindi siya madasaling tao pero mula nang kaharapin niya ang kamatayan kagabi, natuto siyang magdasal. Saka niya na-realize na marami pa siyang bagay na gustong gawin. Ayaw pa niyang iwan ang mga magulang niya. Siya lang ang kaligayahan ng mga ito dahil nag-iisang anak siya. Kaya nga siya nagsusumikap dahil gusto niyang paligayahin ang magulang niya.
Mapait na ngumiti si Mitos. “Ibinigay naman ng Diyos ang lahat ng hiniling ko. Higit pa sa mga hiniling ko. Okay lang sa akin kung mawawala ako sa mundo. Marami rin akong naging kasalanan sa kanya kaya okay lang sa akin kung kukunin na niya ako. Nakahingi na ako ng tawad. Pero sana bago niya ako kunin, makita ko muna si Love. Gusto kong humingi ng tawad. Kaya kailangan kong makita ang wallet ko. Nandoon si Love.”
“Sinong Love?” Saka niya naalala ang picture na nakita niya sa wallet. Iyon ba ang babaeng tinutukoy nito?
“Lovellia Andrada ang totoong pangalan niya. Picture niya iyan noong seventeen pa lang siya. Kababata ko siya. Siya ang first love ko at first girlfriend ko. Siya ang laging sumusuporta sa akin lalo na kapag walang naniniwala sa akin. Dahil sa kanya, natuto akong lumaban sa buhay at natuto rin akong tumawa. Wala namang nagmamahal sa akin kahit na mga magulang ko. Mga sarili lang nila ang mahal nila. Parehong addict ang magulang ko na walang ginawa kundi ang mag-away. Tapos iniwan na lang nila ako noong twelve years old ako.
“Pero hindi sila katulad ni Love. Nandiyan si Love para sa akin. Siya mismo ang nakiusap sa pari sa parokya namin para may matuluyan ako. Hindi naman niya kailangang magtrabaho pero nagtrabaho siya para makapag-aral ako. Sinuportahan niya ako nang magkaroon ako ng oportunidad na makapag-abroad. Hindi siya naging madamot. Pero nang iwanan ko siya, masyado akong nalulong nang makuha ko ang mga bagay na bago sa akin. Mga bagay na nabibili ko ngayong may pera ako. Nakalimutan ko siya. Hindi ko na siya binalikan at sinaktan siya.”
Isang babaeng nagmamahal nang walang kondisyon. Isang babaeng mas inuuna ang iba kaysa sa sarili. Wala pa siyang nakikitang ganoong klaseng babae. Lahat ng mga nakilala niya ay laging may hinihintay na kapalit na higit pa sa naibibigay ng mga ito. Kaya walang permanenteng babae sa buhay niya. Dahil hindi pa siya nakakatagpo ng babaeng tulad ni Love.
Tiningnan niya ang nakangiting mukha ni Love. Saan naman kaya siya makakatagpo ng babaeng katulad nito?
Maswerte si Mitos pero gusto rin niya itong batukan. Ang mga babaeng tulad ni Love ay hindi ipinagpapalit sa iba. Kung may babaeng magbibigay sa kanya ng ganoong klaseng pagmamahal, magiging faithful siya. Hindi niya iiwan.
Subalit hindi naman niya ito masisisi. Hindi lumaki nang masagana si Mitos, di gaya niya. Bata pa lang siya ay nasa kanya na halos ang lahat. Masyado itong nagpakasasa sa mga bagay na di pa nito nararanasan. Nakakalunod ang tagumpay. Subalit dadating ang isang araw, matatagpuan mo na lang ang sarili na mag-isa sa taas. Walang kasama. Saka mo maaalala ang mga taong pinahalagahan ka. At kadalsan ay huli na ang lahat.
Ayaw niyang mahuli ang lahat para kay Mitos.
“Laging nasa wallet ko ang pictures niya kasi gusto ko nang bumalik ng Pilipinas at hanapin siya,” sabi nito. “Para itama mga pagkakamali ko.”
“Kaya nga huwag kang maging negative. Isipin mo makakaalis tayo sa islang ito. Maidadala ka sa malapit na ospital at gagaling ka. Magkikita kayo ni Love. Makakahingi ka ng tawad sa kanya. Magkakasama pa rin kayo.”
“Baka hindi na kami magkasama. Parang di na talaga ako magtatagal.” Umagos ang luha sa mga mata nito at malalim ang hugot ng paghinga. “Sir, ipangako ninyo sa akin na kapag nakaalis kayo sa islang ito, hahanapin ninyo si Love. Sabihin ninyo sa kanya ang lahat ng gusto kong sabihin sa kanya. Sabihin ninyo mahal ko siya. Mangako kayo.”

Bình Luận Sách (57)

  • avatar
    Thor Odin

    Thank you for sharing your stories

    22d

      0
  • avatar
    bansiljohn paul

    nice❤️❤️❤️

    16/06

      0
  • avatar
    Ricky Maramara

    ang ganda ng story,,

    13/06

      0
  • Xem tất cả

Các chương liên quan

Chương mới nhất