logo
logo-text

Tải xuống cuốn sách này trong ứng dụng

Chapter 5

Pagkauwi ay dumiretso sa kusina si Alice. Naabutan niya roon ang inang si Alicia kaya agad siyang nagmano rito. Naghahanda ang babae ng meryenda para sa kanya, palagi nitong ginagawa iyon tuwing hapon pagkauwi niya galing sa eskwela.
Pormal ang mukhang inilapag ni Alicia ang mga pagkain sa lamesa bago nagsalita.
"Kumain ka diyan. Huwag mong pababayaan ang sarili mo," sambit nito. Marahan siyang naupo at hinarap ang pagkaing hinanda nito.
"Ubusin mo 'yan. Paborito mo 'yan hindi ba?" sambit ng babae kaya naman pinilit niyang kumain. Hindi niya hilig ang pancakes pero ito palagi ang inihahanda ni Alicia tuwing uuwi siya galing eskwela. Hindi na lamang siya kumikibo at itinuloy ang pagkain.
"Bakit may sugat 'yang siko mo?" marahas na hinawakan ng babae ang siko niya at tinignan ang sugat roon.
"Nadapa po ako, Mama," mahinang tugon niya. Bahagya pa siyang napayuko sa takot na pagalitan siya nito. Pumunta sa medicine cabinet ang babae at inilabas ang gamot roon para sa sugat.
"Ilang beses ko bang sasabihin na ingatan mo ang katawan mo!" singhal nito bago gamutin ang sugat. Napangiwi si Alice ng dumampi ang alcohol na may bulak sa sugat niya. Napakahapdi pero tila wala lang sa Mama niya ang hapding iniinda niya. Madilim ang mukha nito habang ginagamot ang kanyang sugat.
Hindi naman talaga siya nadapa. Nakuha niya ang sugat nang tuksuhin at itinulak siya ng grupo nila Andrea. Pero ayaw niyang sabihin iyon dahil tiyak na susugod na naman ito sa school para ireklamo ang mga kaklase niya. Sa huli ay mas lalo lang siyang tutuksuhin ng mga ito.
"Mama," alumpihit na sambit niya rito. Gusto niyang sabihin ang naging pag-uusap nila ni Ka Ipeng pero nag-aalangan siya.
"Ano? May sasabihin ka?" tanong nito habang nakakunot ang noo.
"Galing po kasi ako sa simbahan–" hindi na niya naituloy ang sasabihin nang higitin ni Alicia ang braso niya.
"Hindi ba sinabi ko na sa 'yong huwag kang papasok sa simbahan?" asik nito. Mahigpit na pinagbabawal ng ina ang pagpunta ng simbahan kaya labis niya itong ipinagtataka.
"P-Pero–"
"Sinuway mo na naman ako kaya dapat kang parusahan!" Hinila siya nito at ipinasok sa isang malaking kabinet. Kinalampag niya ang pinto at nagmakaawa siyang palabasin ngunit ini-lock lamang nito iyon. Wala siyang nagawa kung hindi ang mamaluktot at umiyak.
Nang maghahapunan ay pinalabas din siya doon ng ina. Ayaw na ayaw ng Mama niya na nalilipasan siya ng gutom para hindi siya magkasakit. Lagi nitong sinasabi na alagaan niya ang sarili niya. Siguro ay istrikto lang talaga ang kanyang Mama pero alam niyang mahal din siya nito.
Sa kalagitnaan ng gabi ay nagising si Alice dahil sa mga pagsutsot. Mabilis siyang nagtalukbong ng kumot at impit na umiyak.
"Psssst! Alice, hindi ka mahal ng Mama mo!" Itinakip niya ang mga kamay sa tapat ng tenga para hindi ito marinig. Umiling-iling siya kasabay ng pag-iyak.
"Alice, naaawa ako sa 'yo. Hindi ka mahal ni Alicia. Ako ang tunay na nagmamahal sa 'yo. Kaibigan mo ako Alice hindi kaaway," sambit pa ng boses. Malamyos ang boses nito pero alam niyang may kakaiba dahil hindi niya alam kung saan ito nanggagaling.
"Alice, bumangon ka para alamin na tama ang sinasabi ko. Tanggapin mo lang ako bilang kaibigan mo at tutulungan kita," pang-uuto pa nito.
"Alice, bumangon ka na!"
"Hindi totoo 'yan! Mahal ako ni Mama!" luhaang sambit niya bago niya mariing pinikit ang mga mata.
"Alice, patutunayan ko sa 'yo na totoo ang sinasabi ko! Bumangon ka!" utos muli ng boses. Napakalamyos nito at kaunti nalang ay nadadala na ang bata sa bawat pagtawag kaya naman hindi ito tumigil.
"Alice, puntahan mo si Alicia. Naroon siya sa lihim na silid. Bangon, Alice, bumangon ka!"
Walang nagawa ang bata kung hindi ang sumunod. Nakuha na nito ang kuryusidad niya at nais niyang malaman ang nasa likod ng silid na iyon. Bakit ipinagbabawal ni Alicia na pasukin niya?
Marahan siyang bumaba sa kama at isinuot ang tsinelas. Hindi na niya nakita pa ang mapupulang mga mata sa ilalim ng kanyang kama. Nakangisi ang nilalang habang nakatingin sa mga paa ng bata na naglalakad patungo sa pintuan.
"Sige, ganyan nga, Alice. Pumunta ka sa lihim na silid," wika ng nilalang sa napakalamyos na boses ngunit nasa mga labi ang demonyo nitong ngisi.
Dahan-dahan ang ginawang paglalakad ni Alice sa pasilyo patungo sa lihim na silid. Nag-aalalang baka magising ang Mama niya at mapagalitan siya. Nilampasan niya ang kwarto ng ina at nakahinga siya ng maluwag nang masigurong tahimik sa loob ng silid. Tumingin siya sa katabing kwarto at naroon ang kuryusidad na puntahan ito.
"Sige Alice, puntahan mo na." Iyon na naman ang tinig na nag-uudyok sa kanya. Ang boses na nagpakilalang si Lilith na nagsasabing kaibigan niya ngunit hindi pa niya nakikita. Tanging boses nito ang naririnig niya kahit saan siya magpunta.
"Malapit na, Alice, sige pa!" udyok muli nito. Dahan-dahan siyang naglakad patungo roon. Ilang minuto rin siyang nakatayo sa tapat ng pinto habang nag-dadalawang isip kung pipihitin ang seradura nito.
"Sige na, Alice. Buksan mo ang pinto. Nasa loob si Alicia!" sambit nanaman ng boses. Tila naiinip ito sa mga sandaling nasasayang. Nais na nitong maisakatuparan ang balak sa bata.
Hinawakan ni Alice ang seradura at marahang pinihit. Nagulat pa siya ng mapihit niya ito dahil dati ay naka-lock iyon at hindi niya mabuksan. Pikit matang itinulak niya ng bahagya ang pinto upang masilip ang nasa loob. Nakita niya roon si Alicia. Nakaluhod habang nakapatirapa ang mga kamay. Sa tapat nito ay mayroong isang rebulto ng nakatatakot na nilalang. Gawa sa itim na kahoy ang hugis kabayong rebulto ngunit katawan nito ay sa tao. May buntot at sungay na labis niyang ikinatakot.
Nagdadasal sa wikang latin si Alicia. Nang matapos ay tumayo ito at lumapit sa isang malaking picture frame. Larawan ng isang bata ang naroon na tingin niya'y kapareho niya ang edad. Mahaba ang unat na buhok at singkit din ang mga mata. Malaki ang pagkakahawig nito sa Mama niya! Nakita niya kung paano nito hinaplos ang mukha ng bata sa larawan. Tinirikan nito iyon ng itim na kandila at pagkatapos ay lumuluhang kinausap ito.
Labis siyang nagimbal sa narinig. Nanginginig ang mga kamay na marahan niyang inilapat pasara ang pinto at nagmadaling bumalik sa silid. Padapa siyang nahiga roon at impit na umiyak. Humahagulgol sa labis na nadaramang habag sa sarili.
"Ako lang ang nagmamahal sa 'yo, Alice. Kaibigan mo ako at hindi kaaway," naroon na naman ang boses. Tama ito, wala siyang ibang kakampi kung hindi ang boses na iyon.
"Lilith, tama ka! Walang nagmamahal sa akin!" humahagulgol na sambit niya. Nakaramdam siya ng tila pag-iinit ng katawan matapos sambitin ang katagang iyon. Naninikip ang kanyang dibdib! Naroon na naman ang halimaw na gusto siyang sakupin!
"L-Lilith, tu-tulungan mo a-ako," sambit niya habang kinakapos ang hininga. Parang may humahalukay sa kaloob-looban niya.
"Lilith, magpakita ka! Tu-tulungan mo ako!" Pinilit niyang labanan ang enerhiyang sumasakop sa kanya hanggang sa maalala niya ang paulit-ulit na isinisigaw ng boses na iyon. Walang nagmamahal sa kanya! Hindi siya mahal ni Alicia kaya siya nito iniingatan. Gusto rin nito ang katawan niya! Wala itong ipinagkaiba sa diyablong nais umangkin sa kanya.
Naalala niya noong araw na una silang magkakilala. Ang sabi nito'y may pagkakahawig sila ng namayapa nitong anak. Napakalambing at maalaga ni Alicia noon. Masaya naman sila at naramdaman niya rito ang pagmamahal ng isang magulang na kahit kailan ay hindi niya naramdaman. Sa kumbento na siya nagkaisip at lumaki. Ang sabi ng mga madre ay iniwan siya ng kanyang magulang sa lilim ng isang puno na nasa tapat ng kumbento. Hanggang tumuntong siya sa edad na labing isa ay walang umampon sa kanya. Tanging si Alicia lamang ang nagkainteres na ampunin siya kaya naman labis ang tuwang nadarama niya. Noong una'y magiliw ito subalit nagbago ang lahat ng maayos na nito ang lahat ng papeles para legal siya nitong maampon. Pagkauwi nila sa bahay nito ay nanlamig na ang pakikitungo nito. Subalit maalaga pa rin sa kanya at ayaw nitong nagkakasakit siya. Kahit ang masugatan ay ayaw nito. Kaya pala ang palagi nitong bilin ay ingatan ang katawan niya dahil gusto rin nitong agawin iyon sa kanya! Luhaang napatitig siya sa kawalan. Para saan pa ang paglaban kung wala namang nagmamahal sa kanya? Kahit si Ka Ipeng na tanging nalapitan niya ay sumukong tulungan siya. Napapikit siya at muli'y pumatak ang kanyang luha bago tuluyang nagpaubaya ang pagod niyang katawan.
"Lilith, tama ka," bulong niya bago tuluyang mawalan ng malay.
Nang magising siya'y isang matagumpay na ngiti ang gumuhit sa kanyang mga labi.

Bình Luận Sách (55)

  • avatar
    Jhenalyn De Belen Dedace

    ano to

    8d

      0
  • avatar
    Francis Dizon Concepcion

    good

    11/07

      0
  • avatar
    Justine Salvacion

    Df do di dog care and grocery package from HAPPY PERA 2 is now on the line for approval from the line for approval from the line for approval from the line for approval from the line for approval from the line for approval from the line for approval from the line for approval from the line for approval from the line for approval from the line for approval from the line for approval from the line for approval from the line for approval from the line for approval from the line for approval from th

    22/06

      0
  • Xem tất cả

Các chương liên quan

Chương mới nhất