logo text
Thêm vào thư viện
logo
logo-text

Tải xuống cuốn sách này trong ứng dụng

Chapter 3

“Gabi na naman!” salita ko sa kalagitnaan ng paglalakad ko pauwi ng apartment.
May parte sa aking hindi ako natutuwa sa gabi. Hindi ako ganoon ka-excited. Parang wala kang kasi alam kong wala namang magbabago sa sitwasyon ko.
May kadiliman ang daan, pero sapat naman ang ibinibigay na liwanag ng mga lamp post. Mangilan-ngilan lang ang bahay sa likod ng ospital. Mas marami ang nagpatayo ng apartment at puro nurse ang mga kasama ko dahil mas malapit lang.
Nang makapasok ako sa gate ng apartment, nabibingi ako sa katahimikan. Insekto ulit ang kasama ko sa paglalakad hanggang sa pag-uwi. Halos walang katao-tao sa labas. Tulog na sila kahit alas-siete y medya pa lang naman at ang iba ay naka-duty na.
Ramdam na ramdam ko ang pangagalay ng paa ko. Parang napipitpit dahil ilang oras kong suot ang high heels na hindi pa rin ako nasanay hanggang ngayon. Ilang taon na akong nagtratrabaho, pero choosy pa rin ang paa ko. Ayaw masanay sa bagay na araw-araw ko namang ginagawa, gaya ng katawan ko.
Akala ko papayat na ako dahil sa kawalan ng tulog, pero walang nagbago. Wala akong balak magpapayat. Proud na proud nga ako sa kung ano ako. Hindi ko naman gaanong ikinakahiya ang size ko kasi tao naman ako. Karne ba ako para palaging pansinin at sabihang baboy? Mga tao talaga.
Itinaas ko sabay kaway-kaway sa ere nang maitapak ko ang mga paa ko sa huling baitang ng hagdan. “Walang—”
Nahagip ng mata ko ang lalaking nakaupo sa tapat mismo ng pinto ko habang nakatitig sa nakasarang pinto. Wala siyang pakialam kahit marumihan iyong puting short niya. Dahil sa suot niyang maliwanag sa mata, mas nangibabaw ang natural niyang puti. Hindi naman sobrang puti kundi sakto lang. Parang nawasikan lang ng glutathione kasi tulog siya noong umulan ng kaputian.
Imbes na pansinin siya ay tinalikuran ko. Paniguradong naghihintay lang ito sa kung sino. Baka bagong boyfriend ni Marilyn, iyong kapit-bahay ko sa kabila. Hindi lang siya naupo doon sa tapat ng pinto niya kasi may mga basurang naka-display sa tapat ng pinto niya, na katabi lang niya naman pero hindi niya pinapansin iyong baho.
Itinulak ko ang pinto matapos kong masusian ang padlock. Katatapak pa lang ng kanang paa ko sa welcome mat na nasa loob ng apartment nang may maramdaman akong nakatayo sa likod ko.
Humarap ako. Naabutan ko siyang nasa harap ko, isang hakbang lang ang agwat namin base sa tantiya ko. Tiningnan ko ang paghilot niya sa kaniyang mga braso. Palipat-lipat sa pinto at sa mata ko ang tingin niya. Nakuha ng interes ko ang katangusan ng ilong niya sa pagyuko nito nang ilang segundo bago ibalik sa akin ang nag-aalangang tingin. Ang mga mata niya ay parang pagod, kulang sa tulog o baka malungkot lang siya, o baka nahihiya. Ewan ko.
“H-Hi,” nahihiya niyang pagbati, kumaway pa ito dahilan para kunutan ko siya ng noo. Umukit ang maliit nitong pagngiti, hindi naitago ang pagkamahiyain niya sa mga oras na ito at sa patuloy niyang paghaplos sa kaniyang mga braso.
“Kinakausap mo ako?” nagmamaang-maangan kong tanong. Malamang ako lang naman ang tao rito sa labas, unless kung may nakikita siyang multo sa likod o sa tabi ko.
“Wala kasi akong matutuluyan. Okay lang ba kung—”
“Hindi kita kilala para patuluyin ka,” putol ko sa sinasabi niya.
Ang kapal ng mukha niyang sabihin iyon sa akin nang hindi pinag-iisipan. Sa tingin niya, papayag ako nang ganoon kadali. Kahit na guwapo siya—kasingputi pa ng pangarap kong mga lalaki, hindi ako basta-basta magpapatuloy ng lalaki. Pekeng mahiyain pala ang isang ‘to.
“Kahit ngayong gabi lang sana. Aalis din naman ako agad,” lakas-loob pa niyang dagdag.
Hindi ko ipinahalata ang panlalaki ng mata ko sa gulat dahil sa pag-asta niya. Wow! Ni hindi ko pa nga pinapatulog dito si Dana, tapos gusto niyang makituloy sa akin? Patawa masyado. Paniguradong nakainom siya kaya ang lakas ng loob niyang magbitiw ng salitang hindi niya pinag-iisipan.
Manghang-mangha akong umiling, may ngisi pa ako sa labi bago ko siya tingnan nang diretso sa mata. “Ako nagbabayad ng renta ko rito,” simpleng sagot ko.
Kanina pa tapos ang shift ko sa hotel at pati naman dito sinusundan pa rin ako ng trabaho ko. Hinilot ko ang kanang sentido ko at pinanliitan siya ng tingin, ngunit hindi lang simpleng tingin. Binabato ko siya nang medyo masamang tingin.
Hindi nakagaganda sa akin kung pinapatay ko na siya sa sama ng tingin ko. Oo, guwapo siya, pero ayaw ko sa feeling close at saka kahit mukhang harmless, wala pa rin akong tiwala.
Kahit yummy siya sa lagay na ito, hindi ko siya papatulan ngayong gabi. Kahit hulog na siya ng langit mula sa mundo ng mga single na naghahanap ng love life, hinding-hindi ako magpapatalo sa isang tulad niya. Masyado pang maaga para kainin niya ang taba ko. Gusto ko pang enjoy-in ang buhay.
Tinaasan ko ng kilay ang pagsimangot niya. Wow! Siya pa ang may ganang maging malungkot? Ano ba ang balak niya? Mukha talaga siyang mabait, pero mahirap na kung magpapakabait din ako sa kaniya. May kulo ito sa loob, panigurado.
“Alam ko. Kaya nakikiusap nga ako sa 'yo.”
Mapakla akong tumawa. Ewan ko ba sa sarili ko kung bakit ko pa siya kinakausap. Hindi man lang ako tinatablan ng takot, pero ang kaba? Medyo lang. Hindi ko alam sa sarili ko kung bakit ang komportable nang pakiramdam ko sa kaniya, kahit alam ko naman sa sarili kong estranghero lang siya na baka may balak na masama.
Para bang may ginawa ang kalmadong hampas ng hangin, ang dampi ng lamig at ang pagkanta ng insekto sa mga halamanan, at lalong-lalo na ang pagkanta ng mga lamok sa tainga ko ay parang nanghaharana sa mga oras na ito. Ipinaling ko ang ulo ko sa kaliwa. Kung ano-ano ang naiisip ko. Ginising ko ang sarili ko sa pamamagitan ng pagpaypay sa bandang tainga para paalisin ang mga umaaligid na lamok. Kailangan kong alalahaning hindi ito ang oras para lumandi.
Ipinagsalikop nito ang kaniyang palad at inilapit niya sa bandang labi, hinahalikan niya habang pakurap-kurap siyang tumingin sa mata ko. Iyong bilog at itim niyang mga mata ay nadadala ako. “Wala akong. . .”
Pumikit ako sandali at dumilat din agad. “Ano naman kung wala kang pera? Problema ko pa ba iyon?” mataray kong pagbitiw ng salita.
Biglang umamo ang mga mata niya, na para bang inagawan siya ng kendi nang wala sa oras at anumang sandali ay parang iiyak siya sa harap ko. Kumiskislap ang malalim niyang mata na kasingtulad ng mata ng aso. Pinagsarhan ko siya ng pinto bago pa ako madala sa pagpu-puppy eyes niya.
Inihagis ko sa sofa ang shoulder bag ko saka ako dumiretso sa sulok ng sala, sa tabi ng bintana kung saan naka-display iyong kulungan ni Jeyo. Yumuko ako para sumilip sa loob ng ceramic kung nandoon siyang natutulog, kaso wala siya.
Sobrang nangunot ang noo ko sa matinding pagtataka. Hinalukay ko ang makapal na hamster bedding kasi mamaya natabunan lang pala, pero wala. Hindi naman siya makaakyat sa kulungan niyang napakataas at imposibleng maitutulak niya ang sara nito, lalo na at yari pa sa makapal na screen ang takip.
Wala rin akong maalalang pinakawalan ko siya pagkaalis ko. Mahimbing siyang natutulog noong iwan ko siya. May pumasok kaya?
Hinawi ko ang kurtinang nakalugay. Nakasara ang bintana kaya walang makakapasok o gagalaw sa kulungan niya. Mabusisi kong pinsadahan ng tingin at wala akong napansing kakaiba. Saan nagpunta si Jeyo?
Lumipas ang minuto hanggang umabot sa ilang oras at nawawala pa rin si Jeyo. Hinalughog ko na ang buong apartment, pero wala siya. Nakapagtatakang makakalabas siya sa kulungan niya. Hindi siya mabo-bore unless kung. . . imposibleng lilipad siya?
Tinampal ko ang noo. Ang tanga ko sa bagay na iyon. Wala namang pakpak ang hamster. Dahil siguro sa kakulangan ng tulog ko ay hindi ko namalayang pinakawalan ko siguro siya, tapos hindi ko naibalik sa kulungan.
Lumingon ako nang may maulinigan akong ingay galing sa labas ng pintuan ko. Nagdalawang-isip kong buksan agad kaya gumilid ako at kinuha ang nakasandal na walis tambo sa dingding, malapit sa posteng namamagitan sa pintuan. Hinawi ko ang kurtina. Sumilip ako sa labas. Wala na iyong lalaki?
Nakahinga ako nang maluwag dahil wala na siya. Ibinalik ko ang walis tambo sa pagkakasandal at pumihit patalikod. Upong-upo na ako. Kanina pa ako palakad-lakad.
Hindi pa ako nakakalayo nang marinig ko ulit ang pagkatok galing sa pinto. Wala sana akong balak tingnan kung ano iyon dahil malakas ang kutob kong iyong estrangherong mukhang hindi makakapagkatiwalaan ang may gawa niyon. Sinigurado kong nakasara ang pinto ko nang lapitan ko at iniharang ang shoe rack.
Muli akong tumalikod para iupo ko na ang pagod kong katawan nang  may kumatok ulit. Marahas akong bumuntonghininga kasabay ng pagdampot ko ng walis at pagbukas sa pinto habang hawak ko nang mahigpit ang tampo, nakahandang mamalo.
Walang taong nakatayo sa harap ko. Lumingon ako sa kaliwa para tingnan iyong narinig kong ingay na nanggaling doon, pero tumatakbong pusa lang ang naaninag. Tumingin ako sa kanan at napakalinis ng hallway, walang katao-tao at sobrang liwanag dahil sa nakasinding ilaw doon.
Nakahinga ako nang maluwag at umatras ako. Iwinalis ko pa palabas ang nakapasok na maliit na balot ng kendi. May biglang nahagip ang mata ko sa gilid dahilan para maupo ako.
“Jeyo?”
Umawang ang bibig ko. Inihagis ko sa loob ang walis tambo saka agad na kinuha ang alaga kong nagkukubli sa gilid ng basurahan ko.
Hinaplos-haplos ko ang balahibo niya habang titig na titig naman ang alaga ko sa akin, na para bang nagpapasalamat siya dahil sa wakas ay nakita ko siya.
“Paano ka napunta diyan?” nag-aalalang tanong ko at may halong panenermon pa nang kaunti.
Isinara ko ang pinto nang hindi inaalisan ng tingin dahil hinihila ako ng pagtitig niya. Weird. Hindi naman ganito ang nararamdaman ko kapag nakikipagtitigan ako sa dalawa kong hamster noon, pero ngayon parang may something sa kaniya.
“Ano’ng ginagawa mo doon?” nag-alala kong tanong sa alaga ko, na para namang sasagot siya.
“Hindi mo ako pinatuloy.”
Nanlamig ang buong katawan ko nang marinig ko ang boses ng lalaking nakausap ko kanina. Isinara ko ang pinto, ah. Paanong. . .
“Saan mo nakuha ang kapal ng mukha mo at nakapasok di—?” hindi ko tinapos ang tanong ko nang wala siya sa likuran ko.
Namilog ang mata ko sabay pikit nang mariin at dilat muli. Pinandilatan ko ng tingin ang nakasarang pinto at iginala ang mata sa loob, hinahanap kung saan nanggaling at kung saan siya banda nagtatago kung nakapasok man.  Katahimikan lang ang namayani sa loob. Pumikit-pikit ako. Multo iyong nakausap ko kanina o baka gawa-gawa lang ng isip ko dahil epekto nang wala pang tulog?
“Wala ako diyan. Nandito ako, sa harap mo.”

Bình Luận Sách (49)

  • avatar
    AjfaidheDkfksjf

    thank you

    14/06

      0
  • avatar
    AbdalJonan

    jonan

    22/04

      0
  • avatar
    RavinaAngelbert

    good

    03/01

      0
  • Xem tất cả

Các chương liên quan

Chương mới nhất