logo text
Thêm vào thư viện
logo
logo-text

Tải xuống cuốn sách này trong ứng dụng

Kabanata V: Katagdagang Pabuya

Dinampot ko ang mga bagay na ibinitang ko kanina sa lupa. Pinaunlakan ko ang paanyaya sa aming ng tagapayo ng hari. Kasama ang lima ko pang tauahan ay pumasok kami sa pintuan ng palasyo. May nakakasalubong kaming mga bahagi ng maharlikang angkan na bumabati sa aming tagumpay, habang umaakyat kami ng hagdan. Kasama sila ng haring naninirahan sa palasyo ng Wington.
May kulay pulang karpet na nakalatag sa mga baitang ng hagdanan at ang barandilya nito'y binalutan ng ginto. Matagal-tagal din kaming naglakad. Matatagpuan ang silid ng hari sa ikalimang palapag ng palasyo. Ito din ang pinakamataas na palapag.
Nang marating namin ang tapat ng pintuan ng kaniyang silid ay may mga kawal na sa amin ay humarang. Iniwan ng aking mga kasama ang kanilang mga espada, sa isang kawal. Dahil nasira na ang espadang ibinigay sa akin ng hari, ay tanging ang punyal na lamang ang aking naibigay. Napansin kong masama ang tingin ng kawal sa espadang pag-aari ng Hamporo. Alam kong gusto din niyang iwanan ko ito sa kaniya, dahil ipinagbabawal ang pagdadala ng anumang patalim sa silid ng hari.
"Iaalay ko sa hari ang isang ito," paliwanag ko sa kawal.
Nakatayo lang kami sa harapan ng pintuan. Mula dito ay nakakarinig kami ng mga tinig na tila ba nagtatalo. Hindi namin maintindihan kung ano ba ang kanilang pinagtatalunan. Ang natitiyak ko lamang ay boses ng hari at ng kaniyang tagapayo ang aming naririnig. Ilang saglit matapos mawala ang mga tinig ay biglang bumukas ang pintuan. At ang tagapayo ng hari ang una naming nakita. Nakatayo ito malapit lang sa pintuan. Siya din ang nagbukas ng pintuan para kami'y makapasok.
"Maraming salamat sa paghihintay," saad nito. "Maaari na kayong tumuloy."
Pumasok kami sa silid ng hari. Inabutan namin itong nakaupo at labis na pinagpapawisan. Ibinitang ko sa kaniyang harapan ang mga kapa, espada at mga koronang nakuha mula sa digmaang aking napanalunan. At sabay-sabay kaming yumukod sa kaniyang harapan.
"Maraming salamat sa mga alay mo, aking heneral." saad ng hari.
Napansin kong tila balisa ang hari. Nang magtama ang kaniyang paningin at ang paningin ng kaniyang tagapayo, ay napalunok ng laway, ang hari. Tumayo siya, kahit na halatang napipilitan lang. Para bang hindi niya gusto na makita kami ng aking mga kasama sa loob ng kaniyang silid.
"Dahil sa inyong katapangan ay panibago na namang karangalan ang inyong naibigay sa'kin. Maraming salamat—" saad ng hari. "Dahil dito, kayo-yo'y aking bibigyan na-ng pabu-buya, bilang parangal sa isang kawal at bilang pasasalamat mula sa hari."
Halos magkabuhol-buhol na ang kaniyang dila, at alam ko ang dahilan. Hindi ugali ng hari ang magbigay ng maliit na bahagdan ng kaniyang kayamanan. Doon ko naunawaan ang lahat. Marahil ang dahilan ng pagtatalo kanina ng hari at ng kaniyang tagapayo, ay tungkol sa pabuya.
"Lahat ng mga kawal na nakasama mo sa pagsakop ng Grandiya at Hamporo, ay bibigyan ko ng dalawampung pirasong gi-gi-gi-gi-ginto—bawat isa."
Tumingin muna ang hari sa kaniyang tagapayo. Napansin kong gumalaw nang pababa ang ulo nito. Para bang nais nitong sabihin sa hari na magpatuloy.
"Para naman sa mga matataas na opisyal na nakasama mo sa laban, Heneral Gideon, ay magkakaroon sila ng dalawang baul na pilak, sampung ektaryang lupain, apat na alipin at isang ba-ba-baul na gi-ginto."
Napatawa nang mahina ang aking mga kasama, nang marinig ang mga sinabi ng hari. Lahat sila'y natutuwa sa pabuyang kanilang matatanggap. At habang masayang kinakamayan ng aking mga kasama ang isa't isa'y nakarinig kami ng ingay. Nililikha ito ng paulit-ulit na pagtama ng paa ng hari sa sahig. Natigilan kaming lahat at pinanood ang hari. Nang mapuna niyang nakatingin kami sa kaniya'y huminto siya sa kaniyang ginagawa.
"Paumanhin," saad niya, "may pinatay lang akong surot."
Nanahimik na kaming lahat at naghandang makinig sa mga susunod na sasabihin ng hari. Pero nanatili nang tahimik ang hari. Nakatingala siya, habang sarado ang dalawang mata. Hindi ko masabi kung ano ba ang kaniyang iniisip.
"Mukha po yatang nakalimutan ninyong bigyan ng pabuya ang ating magiting at mahusay na heneral, kamahalan," saad ng kaniyang tagapayo.
Bigla na lang akong napatingin sa hari. Wala naman akong balak na humingi ng kahit na anong pabuya. Sapat na sa akin na tinupad na niya ang aking kahilingan. Napansin kong tila nabigla ang hari nang kami'y magkatitigan. Nanginginig ang kaniyang baba at tila nagulat sa mga sinabi ng kaniyang tagapayo.
"Ma-mali ka," wika ng hari. "Ang totoo'y iniisip ko lamang kung ano ba ang dapat na matanggap ni Heneral Gideon. Hindi naman tama na kaunti lamang ang kaniyang matanggap sa kabila ng napakalaki niyang sakripisyo.
"Hindi po ako naghahangad ng kahit na anong pabuya, kamahalan," saad ko.
"Talaga?" buong kagalakan nitong sambit.
"Hindi tamang tanggihan mo ang pabuyang inilaan sa'yo ng hari," sabat ng tagapayo nito. "Tanggapin mo ito nang buong puso, Heneral Gideon."
"Tama siya, heneral. Hayaan mong suklian ko ang iyong katapatan. Naging tapat ka sa akin, kaya dapat akong maging mabuti sa'yo. Makakatanggap ka ng isang daang ektaryang lupain, tatlumpung alipin, sampung baul na pilak at limang baul na ginto."
"Marami pong salamat, kamahalan," saad ko.
"Huwag ka munang magpasalamat, heneral. Hindi pa ako tapos. Dahil itataas ko din ang antas mo sa lipunan. Mula ngayon ay magiging bahagi ka na ng maharlikang angkan. At kung nanaisin mong manirahan dito sa palasyo, ay walang sinoman ang tututol. Natitiyak kong marami ang matutuwa."
Hindi ko inasahan ang mga sinabi sa akin ng hari. Ang mga materyal na bagay pa lang na ibinigay niya'y sapat na. At ang pagtataas niya ng aking antas sa lipunan ay kalabasan na.
"Hindi ka ba natutuwa, heneral?" tanong ng hari.
"Natutuwa po ako, kamahalan," kaagad kong sagot. "Salamat po kamahalan—marami pong salamat."
Noong araw na 'yon ay maraming nagbago sa aking buhay. Iniwan ko ang aking tungkulin, at namuhay nang naaayon sa aking kagustuhan. Wala na yatang papantay sa kaligayahan na aking nadarama. Umikot ang buhay ko noon sa pakikipagdigma. Ngayon naman ay namumuhay na akong mapayapa. Tinanggihan ko din ang alok sa akin ng hari, na manirahan sa palasyo. Kagaya ng aking kahilingan, ay namuhay ako nang payak, kasama ang aking mga alipin. Itinuring ko sila na parang mga kapamilya. Kung ano ang mayroon ako'y ibinabahagi ko ito sa kanila.

Bình Luận Sách (87)

  • avatar
    Randy Garbida

    thank you🙏

    23d

      0
  • avatar
    Zean Belda

    Nice story

    24/07

      0
  • avatar
    Rey Batiancila

    very nice the stretch

    21/07

      0
  • Xem tất cả

Các chương liên quan

Chương mới nhất