logo text
Thêm vào thư viện
logo
logo-text

Tải xuống cuốn sách này trong ứng dụng

Chapter 3

"Of course I like you. We're friends right?"
Dahil sa mga salitang iyon ay mas lalo akong napasyang iwasan si Jacques. Merong malaking parte sa akin na dismayado at naiirita sa sinabi niya. Friends pala ha? Friends pa ba 'yong ipinagdadala ng pagkain sa classroom at sinasabayang kumain?
Kung ako sa kaniya, huwag na siyang magpakita ng kahit na anong kabutihan sa akin para naman hindi ko binibigyan ng meaning. Samaan na lang niya ako ng tingin palagi hindi iyong may pangiti-ngiti pa siyang nalalaman.
"Pa..." kunot-noong tawag ko sa kaniya pagkadating ko ng hapon. "Saan galing iyang mga alak na iniinom niyo?" sa tabing lamesa niya ay may mga bote ng alak na hindi ko alam kung paano niya nakuha. Baka binili ni Tita Christine para sa kaniya. O baka dumaan ang mga kaibigan niya dito at nakipag-inuman sa kaniya. O hindi kaya ay siya mismo ang bumili sa tindahan kahit ganiyan ang sitwasyon niya.
Bumaling sa akin si Papa gamit ang galit niyang mata.
"Kamukhang-kamukha mo nanay mo ano?" may bahid ng poot na aniya sa akin. Muli siyang tumungga sa bote ng alak na hawak.
"Papa... huwag na nating pag-usap si Mama please. Hindi ko siya katulad. H-hindi ako nagmana sa kaniya. Kahit kailan ay hindi kita iiwanan dito ng mag-isa-
"Alam mo bang iyan din ang sinabi sa akin ng nanay mo?" humalakhak siya. Mukhang lasing na nga. "Sabi rin niya hindi niya ako iiwan ah? Pero anong ginawa niya? Umalis pa rin siya at iniwan ako para sa ibang lalaki. Paniguradong ganoon din ang gagawin mo kunsakali. Aalis ka rin dito. Ganiyan naman talaga ang mga babae. Pinipilit ang sarili na magmukhang naaapi para kaawaan ng lahat. Paano naman kaming mga lalaki? May damdamin din naman kami..."
Mula sa posisyon ko ay kita ko ang panunubig ng mata ni Papa. Humahakhak siya siguro ay para mapigilan iyon. Ganito siya sa tuwing nalalasing.
Napabuntong-hininga na lang ako at nagdesisyong pumasok sa maliit kong kwarto para magpahinga. Wala akong mapapala sa pag-uusap namin ni Papa kapag ganiyan siya. Wala siya sa sarili. Hanggang ngayon ay mahal na mahal pa rin niya si Mama kahit iniwan kami nito para sa ibang lalaki.
Matagal akong natulala sa kisame ng bahay bago nakatulog. Hindi na ako nakakain ng hapunan, hindi dahil sa tinatamad akong magluto kundi dahil wala namang makakain sa bahay.
"Partner daw tayo pagpunta sa library." anas ni Samara nang makalapit siya sa akin kinabukasan. Tumango lang ako at matamlay na kinuha ang mga gamit ko.
"Pwede raw bang individual na lang?" tanong ko bago ako makatayo. Nakita ko naman ang paglukot ng mukha ni Samara.
"Kung ayaw mo akong kagrupo, edi huwag mo!" aniya saka ako tinalikuran.
Nagtataka ko siyang sinundan ng tingin.
"Anong problema no'n? Nagtatanong lang naman ako kung pwede individual." kasi mas gusto ko ng groupings! Hindi ako marunong maghanap ng libro sa library.
Mabilis akong tumayo at sinundan si Samara. Hindi ko na siya makita dahil maraming estudyante ang nakakalat sa building namin. Tumakbo ako paibaba ng hagdan hanggang sa tuluyan akong makababa ng building. Kapag hindi ko siya naabutan, wala akong grades sa subject naming ito dahil hindi naman ako marunong maghanap ng mga libro. Ang laki-laki pa naman ng library sa SLSU.
Napatigil ako sa pagtakbo nang mabunggo ako sa dibdib ng kung sino. Hindi ko na napansin sa labis na pagmamadali. Gulat naman akong napabaling kay Jacques nang hawakan niya ako sa braso para hindi ako mabuwal. Sa kaba ay mabilis ang naging pagkilos ko at kaagad na lumayo sa kaniya.
"S-sorry, nagmamadali kasi ako eh." anas ko saka akmang aalis nang hawakan niya ako muli sa braso.
Kabado akong napabaling sa kaniya.
"Iniiwasan mo ako?" kunot-noong tanong niya.
Napalunok ako. Malamang mahahalata niya.
"Hindi kita iniiwasan, papunta lang talaga ako ngayon sa library. Iniwan ako ng kapartner ko." pangangatwiran ko at hinila ang kamay mula sa kaniya. Tuluyan ng nawala sa isip ko si Samara. Bahala siyang mag-solo riyan.
"Papunta rin ako sa library, sabay na tayo." aniya at akmang sasabay sa akin.
"H-hindi pwede." kaagad na kumunot ang noo niya sa sinabi ko. "May kapartner kasi ako eh kaya hindi kita masasabayan."
Dumungaw naman siya sa likuran ko at nakita na wala ang sinasabi kong kapartner.
"Sasabay lang naman ako papunta roon. Hindi ako manggugulo."
Napapikit ako ng mariin upang pakalmahin ang sarili. Ano ba Madelaine? Makikisabay lang naman eh. Saka tropa 'yan, hindi kayo talo niyan.
"Sige na nga, basta huwag kang magtatanong sa akin ng tungkol sa mga subjects mo ha. Busy ako." mataray kong anas saka nanguna sa paglalakad. Katwiran ko lang iyon para hindi niya ako kausapin. Isa pa, wala rin naman akong alam tungkol sa mga subjects niya kaya paniguradong wala rin akong maisasagot.
Nang makarating kami sa library, nakita ko ang mga kaklase na abala na sa ginagawa. Ni walang nagtangkang mag-angat ng tingin sa amin. Napabuntong-hininga ako, bakit ba kasi napunta ako sa section na competitive ang mga kaklase?
Hindi ko na sila matanong kung saan makakahanap ng babasahin dahil masyado na silang abala sa ginagawa. Kaya naman nagpanggap din akong abala sa paghahanap kahit hindi ko naman alam ang hinahanap ko.
Napatingin ako sa katabing si Jacques na dalawang libro na ang hawak sa kamay.
Napapikit ako ng mariin saka inipon lahat ng lakas ng loob bago nagsalita.
"Oy, alam mo ba kung nasaan itong librong 'to? Hindi ko mahanap eh, malabo mata ko." tiningnan naman niya ang nasa notes ko bago iginala ang tingin.
"Wala rito iyang hinahanap mo. Nasa kabilang section pa." aniya at itinuro kung saang bahagi ko matatagpuan iyon. Kaagad akong napangiti.
"Sabi ko na nga ba." anas ko at mabilis na nagtungo roon. Matataas ang stall ng libro at ang ilan ay kailangan pang gamitan ng hagdan. Nasa pang-limang hanay ang sa akin, gagamit sana ako ng hagdan kaso ay may ibang gumagamit nito. Isang babae at lalaki. Halatang mag-jowa. Nasa ibaba ng hagdan ang lalaki at inaalalayan ang kasama niya.
Napailing ako. Bakit ba kasi hindi na lang iyong lalaki mismo ang kumuha niyon para mas mabilis? Sa iritasyon ay hindi ko na hinintay pang matapos ang dalawa.
Tumalon-talon ako para maabot ang libro pero masyadong mataas para sa height ko. Napabuntong-hininga ako sa frustration. Hindi pa rin tapos ang dalawa sa paggamit ng hagdan at ngayon ay naglalampungan pa sa harap ko.
"Bakit iyon ang kinukuha mo? Hindi ba't ito ang kailangan mo?" tanong ng taong nasa likuran ko. Kaagad akong napalingon sa kaniya at napasandal sa stall ng mga libro.
"Huh?" akala ko ba iyong nasa itaas? Pataas ang turo niya kanina eh.
"Ito ang book of accounting, bakit kung saan-saan ka tumitingin?" kinakabahan akong napapikit nang bigla siyang lumapit at dumukhang sa akin para kuhain ang libro sa likuran ko. Kaagad niya iyong inabot sa akin na parang wala lang.
"K-kukunin ko naman na talaga dapat, naunahan mo lang ako." katwiran ko at mabilis siyang iniwan. Dali-dali akong humanap ng bakanteng table at doon pawisang inilapag ang mga gamit ko.
Sumunod din sa akin si Jacques at nakiupo sa harap ko. Hindi ako nag-angat ng tingin sa kaniya o nagsalita. Ramdam ko naman ang mga tingin niya sa akin.
Mabilis kong kinuha ang ballpen na dala at saka sinimulang buklatin ang libro. Sinikap kong intindihin ang laman niyon lalo na kahit puro mga numero. Ang pinakaayaw ko sa lahat, iyong tuturuan kuno kami ng professor na mag-aral ng mag-isa. Hindi niya ito itinuro sa amin bago siya umalis kanina. Iyong may nagtuturo nga ay hindi ko na maintindihan ng maayos, ito pa kaya na mag-isa lang ako?
Napahinga ako ng malalim sa frustration. Mahina kong pinupukpok ng ballpen ang ulo habang binabasa ang mga formula sa libro. Mariin kong kinagat ang labi dahil walang pumapasok sa utak ko. Sinusubukan ko namang mag-solve pero malakas ang pakiramdam ko na mali ang ginagawa ko.
Napabuntong-hininga ako at pagod na isinubsob ang mukha sa lamesa. Ayoko na, hindi bale ng walang sagot kesa naman mabaliw ako rito kaiisip. Kung magpalipat na lang kaya ako ng course? Hindi ko naman talaga ito gusto. Sana pala nag-psychology na lang ako o hindi kaya ay teacher. Baka mas kaya ko pa ang mga kursong iyon.
"Ayoko na, hindi ko na kaya." mahinang reklamo ko sa sarili.
"Let me see." nagulat ako nang biglang magsalita si Jacques sa harap ko. Napabaling ako sa kaniya at nakita na kunot ang noo niya sa akin.
"Hindi mo 'to alam, hindi ka naman accountancy eh." katwiran ko sa kaniya. Magkaiba naman pinag-aaralan ng accounting at engineering.
"Titingnan ko lang kung alam ko." palihim akong suminghal sa kaniya saka ibinigay ang libro at papel na sinusulatan ko kanina. Saglit niyang binasa ang nasa libro bago nagsimulang magsulat sa papel.
Seryosong-seryoso ang mukha niya habang nagsusulat. Habang abala siya sa ginagawa... doon ko na naman siya napagmasdan ng malaya. Lahat ng bahagi ng mukha niya, tinitigan ko ng hindi niya namamalayan.
"Bakit ang gwapo mo?" mahinang anas ko sa sarili. Natigalgal ako nang bigla siyang mag-angat ng tingin sa akin.
"What?" tanong niya.
Sa kaba ay kaagad akong nag-isip ng maiirason. "S-sabi ko ang tagal mo. Ano ba kasing ginagawa mo riyan?" kunwari ay inis na sabi ko sa kaniya saka dinungaw ang papel na sinusulatan niya. May mga computations na doon at mga label.
Umiling siya sa akin bago ipinagpatuloy ang pagsusulat. Pero bago iyon, nakita ko muna ang multo ng ngiti sa labi niya.
Pasimple ko namang kinagat ang labi ko para hindi na makapagsalita pa ng kung ano. Hindi naman siguro niya narinig ang sinabi ko kanina dahil abala siya sa pagsusulat. Medyo nakakahiya rin dahil piling ko ay matatapos na niyang sagutan iyong sa akin. Mas inuna pa niya kaysa sa sarili niyang ginagawa.
Makalipas ng ilang minuto, ibinalik niya sa akin ang libro at ang papel ko. Manghang kong tiningnan ang mga nakasulat doon kahit hindi ko maintindihan.
"Nilagyan ko na ng mga label at unit para makita mo kung ano. May explanation iyan sa bawat number na mas madali mong maiintindihan. Kapag may tanong ka pa, sabihin mo lang sa akin." aniya habang tinitingnan ko ang mga nakasulat sa papel. Kinagat ko ang labi dahil sa kahihiyan. Siya na ang nagsagot lahat ng sa akin.
Malinis naman siyang magsulat, pero hindi ganoon kaganda ang handwriting niya. Mabuti na lang at mas lamang ang numero dito kumpara sa mga letra.
"S-Salamat ha? Hindi ko naman sinabing sagutan mo lahat. Tinuruan mo na lang sana ako kung paano." napaiwas ako ng tingin nang makita ang mariing titig niya sa akin.
"Alright." aniya at biglang tumayo. Akala ko aalis na siya, nagulat na lang ako nang umupo siya sa tabi ko at binuklat muli ang libro. "Ituturo ko sa'yo kung paano." he said and then he immediately started explaining it to me.
Nanatili lang akong nakatingin sa kaniya. Namamangha. Halos hindi ko na nga marinig ang mga sinasabi niya. Ang tanging naririnig ko na lang ngayon ay ang mabilis na pagtibok ng puso ko dahil sa mga ginagawa niya.
We're friends right? Ginagawa ba talaga ito ng isang kaibigan? Bakit sina Twelve hindi naman ganito sa akin. Hindi sila sweet. Mga hampaslupa sila. Hindi ko rin binibigyan ng malisya ang mga ikinikilos nila dahil matagal na kaming magkakasama.
Pero bakit si Jacques... bakit konting galaw lang niya, bakit konting kibot lang ng labi niya, bakit konting pakita lang niya ng kabaitan ay ganito na kaagad ang reaksyon ko?
"Madelaine, are you listening?" kunot-noong tanong niya sa akin. Mabilis akong napaiwas ng tingin nang maabutan niya akong nakatitig sa kaniya.
"Oo naman, ano akala mo sa akin?"
I am thankful that I have this kind of attitude. Hindi kasi ako ganoon kahalata kumilos. Kaya kong magpanggap. Kaya kong magmaang-maangan, huwag lang mapahamak.
Matapos ng session sa library, sinamahan pa ako ng lalaki pabalik sa classroom ko. Gusto ko talaga siyang sigawan. Masyado siyang pa-fall. Hindi niya dapat ito ginagawa kung magkaibigan lang naman pala kami.
Masyado siyang paasa. Sana hindi siya ganoon umakto sa harap ko 'di ba? Para naman hindi ko binibigyan ng malisya. Ayokong umasa sa kaniya. Alam kong wala akong mapapala. Kahit anong mangyari, wala akong mapapala sa kaniya. Malakas ang pakiramdam ko na kapag hindi ko pinigilan itong namumuong damdamin ko para sa kaniya, ako lang ang masasaktan sa huli.
Nararamdaman ko na.
Paulit-ulit ang ginawa kong paglingon sa may pintuan ng bilyaran habang tinitira ko ang bola. Panay ang tingin ko sa bawat taong dumadating sa pag-aakalang siya na iyon. Usually kasi, kasama na namin siya ng ganitong oras.
"Olats na naman, ah?" pang-aasar sa akin ni Twelve. Ito na ang ikalawang talo ko sa kaniya.
Pikon kong ibinaba ang cue stick saka nagpasyang wala na akong balak maglaro. Wala akong gana. Bakit ba kasi wala pa ang taong iyon?
Hindi ako nakapanood ng maayos sa laban ni Twelve at ng isa pang lalaki dahil panay ang lingon ko sa may pintuan. Inaabangan ko ang pagdating ng mga tao sa bilyaran.
"Hoy, asan na iyong si Guevarra? Darating pa ba iyon?" maangas kong tanong para hindi nila mahalata na kanina pa ako rito isip nang isip.
Mapanuring tumitig sa akin si Sison bago siya ngumisi. "Ayie, bakit mo hinahanap?" pambubuyo niya sa akin.
Sa iritasyon ay akmang hahampasin ko siya ng gitara ni Nico.
"Hoy, Madelaine! Subukan mong galawin iyang baby ko at ako ang makakalaban mo." banta sa akin ni Nico nang makita na hawak ko ang gitara niya. Napatigil ako at iritadong ibinaba ang hawak.
"OA mo naman, Nico. Humanap ka kasi ng tunay na babae, hindi iyong gitara ang rinoromansa mo." pang-aasar ko sa kaniya.
Narinig ko ang pagtawa nina Warton at Cavier.
"Mas masayang kasama iyan kaysa sa mga babaeng manloloko." Nagkantiyawan ang mga siraulo sa isinagot sa akin ni Nico.
Napailing na lang ako. Ang laki rin ng problema sa mga babae ng taong iyon. Palibhasa mga walang girlfriend.
"Oh ayan na pala si Jacques eh." si Sison.
Mabilis akong napaangat ng tingin at doon siya naabutang naglalakad papunta sa amin. Kinagat ko ang labi sa pagpipigil ng ngiti. Aminin ko man o hindi, alam ko sa sarili kong hinihintay ko nga siyang dumating mula kanina pa. Kaya nga hindi ako makapag-concentrate sa laro dahil wala siya sa paligid. Naroon ang pagnanais sa dibdib ko na makita siya. Alam kong delikado itong nararamdaman ko, pero hindi ko kayang pigilan.
Narinig ko ang tawanan at kantyawan nina Sison.
"Pakilala mo naman kami sa kasama mo." anila na siyang ikinatigil ko.
Doon ko lang tuluyang napagmasdan ang maputi at magandang babae na nasa tabi niya. Napatulala ako at unti-unting nawala ang ngiti sa labi.
Tumikhim si Jacques saka bumaling sa kasama niya. Ngumiti ito sa kaniya. Para akong nanlumo.
"This is Esperanza." baritonong boses na pagpapakilala ni Jacques. Wala sa sariling bumaba ang tingin ko sa kamay nilang dalawa na magkahawak. Napakuyom ako ng kamao dahil sa paninikip ng dibdib na nararamdaman. Hindi ako nakapagsalita. May kung anong nagbabara sa lalamunan ko. "Girlfriend ko." dagdag pa niya. Kita ko ang isang beses na pagsulyap niya sa direksyon ko.
Nagpatuloy ang kasiyahan. Inakit sila nina Sison na maglaro. Ako naman ay nanatili pa ring nakaupo sa pwesto ko at hindi na nakagalaw pa, nakakuyom ang mga kamao at nakatulala sa sahig.
Mabibigat ang paghinga na pinapakawalan ko. Nang isang beses akong mag-angat ng tingin ay doon ko sila nakitang masaya at nagtatawanan. Ni hindi na nila ako napansin.
Bumagsak ang balikat ko sa matinding pagkadismaya.
I should have known it.
Sinabi na niya na may girlfriend siya.
Dapat hindi ako nagpabaya.
Bakit kasi ganito ako? Konting tulong at pag-aalala lang naman ang ibinigay niya sa akin pero bakit asadong-asado na ako? Pagak akong napatawa at nagpasyang umalis ng hindi nila nalalaman.

Bình Luận Sách (19)

  • avatar
    Sopeya

    😭 😭

    03/07

      0
  • avatar
    Judy Ann Gilbaliga Catedral

    Good

    05/05

      0
  • avatar
    ARINOMA LUDETTE

    ☺️☺️☺️

    29/01

      0
  • Xem tất cả

Các chương liên quan

Chương mới nhất