logo text
Thêm vào thư viện
logo
logo-text

Tải xuống cuốn sách này trong ứng dụng

Chapter 10.3

IKATLONG TAUHAN
“Yvonne”
MASYADONG madali—masyadong madali ang gawaing iyon para sa kanya. Higit pang kapaki-pakinabang kaysa pagiging buntot ni Lickesia.
Sana noon niya pa nakilala ang ina ng kaibigan.
Hindi niya napigilan ang mapatalon mula sa pagkakaupo sa lababo.
Wari’y may dumaang bagyo sa paligid: ramdam niya ang pagyeyelo ng kanyang mga palad. Ang dating galak na bumabalot sa kanyang sistema ay mistulang natunaw.
Tila’y napalitan iyon ng takot.
Kung kanina ay langitngit lamang at walang katiyakan ang kanyang mga hinuha, iba na ngayon. Hindi na siya maaaring magkamali.
[ hinuha - deductions ]
Nakasisiguro na siyang . . . hindi siya nag-iisa sa lugar na iyon.
Nanatiling nakapako ang kanyang mga paa sa kanyang kinalalagyan: tila’y tinapalan ng pandikit ang mga suwelas ng kanyang sapatos.
Hindi niya lubos maunawaan kung ibig niya bang tumakbo papalayo o manatili.
Masyado na siyang nilamon ng takot upang makapag-isip pa nang maayos.
Ang malakas na tunog ng pagbugso ng tubig mula sa inidoro ang siyang mistulang humuhukay sa kanyang kalamnan.
Nangangati iyon, nahihirapan siyang huminga.
Kung sinuman ang naroroo’y narinig ang buong pag-uusap nila ni Mallory.
Kung sinuman ang naroroo’y tiyak na naamoy na ang kanyang itinatagong baho.
Mahigpit siyang napahawak sa tela ng suot na palda. Hindi niya magawang alisin ang paningin mula sa pintuan ng munting silid na ilang metro lamang ang layo mula sa kanyang kinatatayuan.
Hindi na basta agam-agam lang ang kanyang nadarama, may bahid na iyon ng kilabot . . . at nginig.
Bahagya niyang natatanaw ang silhuweta ng babaeng kasuwal na kasuwal ang mga galaw. Sa mga panahong iyon, ramdam niyang bumagal ang takbo ng oras.
Bawat galaw nito’y kanyang nagagawang antabayanan. Sumasabay ang malakas na kalabog ng pusong alam niyang hindi niya magagawang pakalmahin.
Kaagad niyang pinahiran ang pawis na lumandas sa gilid ng kanyang mukha. Ilang beses pa siyang napapahid-pahid, napatingin sa likidong nagmimistula nang malagkit—
Lagutok.
[ lagutok - snap ]
Napabaling sa pinto.
Bumukas iyon: dahan-dahan . . . saka biglang sumara.
Langhap.
Lunok.
Ang tinik na nakabara sa kanyang lalamunan ay higit pang bumaon: labis siyang pinahihirapang makahinga.
Habol-habol na niya ang bawat kapiranggot na malalanghap na hangin: hinahatak, at nagmimistulang patay-gutom na binubusog ang kanyang sistema gamit iyon.
Parang nagkasinat siya ng mga sandaling iyon: yakap-yakap siya ng daan-daang libong bundok na yelo sa lamig na kanyang nadarama, datapwat nakatagpo na ng kanyang uniporme ang likurang pawis na pawis—labis siyang naiinitan.
Hinarap niya ang salamin, hindi naiwasang makapagbitiw ng mga mura nang makita ang kalagayan ng kanyang mukha: tila’y tinakasan siya ng kaluluwa’t dugo sa labis na pagkaputla.
Nanginginig niyang mga kamay ang nagbukas sa zipper ng isa sa mga bulsa ng bag.
Kanyang kinuha mula roon ang kulay pulang kolorete’t nagsimulang ilapat ang mamantikang dulo niyon sa kanyang labi: sinusubukang itago ang kanyang pagkaputla.
Subalit tila’y hindi iyon nakatulong.
Lalo niyang naramdaman ang panginginig ng kanyang mga kamay nang makita sa salamin ang bumukas na pintuan ng silid na kanyang binabantayan.
At iniluwa . . . ang isang napakapamilyar na pigura.
Pinigilan niyang makahinga—hindi—hindi siya makahinga.
Wari’y pinipiga ang kanyang katawan, ilang beses na ginawaran ng masasakit na palo’t bugbog . . . labis siyang nawawalan ng lakas.
Mayumi’t marahan na nagsimula itong maglakad papalapit sa kanyang kinatatayuan. Marahas namang nagwawala ang kanyang dibdib na daig ang ingay na nalilikha ng sanlibong tambol.
Bawat kabog niyon ay nagmimistulang bomba na isa-isang sumasabog.
Normal ang mga kilos nito.
Walang nagbago.
Mukhang . . . wala itong narinig?
Bawat paghakbang nito papalapit, bawat tunog na nagagawa ng takong nitong tumatama sa sahig—mistulang kinokontrol ang kanyang buong katawan.
Kabaligtaran ng lahat ng kanyang nais na gawin ang nangyayari: sinusubukang kumalma, lalong nangangamba.
Suot nito ang kulay abong chaketa, walang badya ang mukha nito—wala talagang nagbago.
Maliban sa isang bagay: hindi na nakatirintas ang buhok nito. Walang ni isang bigkis; nakalugay lamang.
Sinundan ng kanyang mga mata ang buhok nitong lampas baywang; doon lamang napansin ang nakamamanghang haba niyon.
Mabilisan niyang ibinalik ang paningin sa salamin. Pinahid ang iilang pulang marka na lumampas sa hugis ng kanyang labi nang dahil sa hindi makontrol na pangangaligkig ng mga kamay.
Mistulang bumara ang kanyang pang-amoy nang tuluyang maramdaman ang presensiya ng kaibigan sa tabi.
Pinilit niyang magpanggap na gulat at ngumiti pa rito sa harapan ng salamin.
“G-Girl, it’s y-you lang pala.” Sinabayan niya pa ng pekeng paimpit na pagtawa ang pagbati niya rito.
Pasimple lamang itong tumango: bagay na gagawin nito bilang sagot sa kahit anumang sasabihin niya.
“I-I thought it was ibang tao na.”
Noong mga sandaling iyon, parang binunot mula sa kanyang lalamunan ang tinik na sumusugat sa kanyang laman.
Siguro nama’y wala talaga itong narinig . . . hindi ba?
Pasimple niya itong sinisilip habang patuloy pa rin sa kunwaring pag-aayos sa sarili. Ilang pag-ubo ang kanyang binitiwan bago muling ngitian ang kaibigan, kita niya ang pagsukli nito sa kanya ng isa ring ngiti.
Dahan-dahan nitong inilapit ang mga kamay sa bandang pisngi nito at hinawi ang mga hibla ng buhok. Inipit nito ang mga iyon sa likod ng sariling mga tainga.
Kaagad niyang inilihis ang paningin dito nang mapansing lumingon ito.
Tuluyan siyang nakahinga nang maluwag. Nahagip ng kanyang mga mata ang dalawang malalaking bilog na tumatakip sa tainga nito.
Kung hindi siya nagkakamali, headset ang tawag doon.
Binuksan nito ang gripo’t nagsimulang maghilamos. Kanyang kinapkap ang bulsa ng kanyang sisidlan at hinatak ang pulbos nang nagsimulang magpunas ng mukha ang kaibigan.
Marahan niyang idinampi iyon sa kanyang mukha’t muling nginitian ang katabi nang lingunin siya nito.
“By the way.” Inilapag niya ang hawak, kinuha naman ang maliit na lalagyanan ng kolorete sa labi bago inilahad iyon sa harapan nito. “Baka want mo,” pagpapatuloy niya.
Katahimikan ang nanaig sa pagitan nilang dalawa. Wala itong ibang sinagot kung hindi ang mataimtim na pagtitig sa bagay na kanyang ibinibigay rito. Lalo niyang inilapit iyon dito. “Take mo na ’yan, girl.”
Muli, nanatili ang mga mata nito sa lipstick—bago nagsimulang gumapang patungo sa kanyang mga mata. Kitang-kita niya ang sariling repleksiyon sa mga mata nitong wari’y kristal: tila’y may nais itanong.
Mahina siyang napapalakpak nang tanggapin nito ang kanyang inaalok. Hindi nito inalis ang tingin doon; nagawa pang laruin sa mga daliri’t mistulang hindi alam kung ano ang gagawin.
Hindi niya naiwasan ang mapaikot ng mga mata at napahagikhik pa. “My gosh, girl! You don’t alam how ito i-use?” Kaagad niyang kinuha iyon mula rito.
“It’s ganito lang, okay?” Kanyang ipinakita rito kung papaano buksan iyon. Pansin niya naman ang pagsunod ng mga mata nito sa kanyang ginagawa.
“Then apply it to your labi,” saad niya. Inilahad niya iyon sa mismong mukha ng kaharap ngunit umatras ito.
Kahit siya ay napahinto.
Hindi niya lubos malaman ang gagawin nang makita ang pigil nitong paghinga. Nanginginig din ang mga labi nitong tuyo. At walang tigil sa paggalaw ang mga matang wari’y nagwawala—nananatiling nakatutok sa kanyang hawak.
Hindi na niya matukoy kung ano ang kanyang itutugon: matatawa ba sa labis nitong pagka-ignorante, o masisindak—magtataka . . . kung bakit ganoon ang naging reaksiyon nito.
Bakit tila’y takot ito roon?
Ano’ng . . . mayroon sa kanyang hawak?
Sapo-sapo ang kanyang tiyan, papikit-pikit, isang mahabang halakhak ang kanyang pinakawalan: ang unang pagpipilian ang kanyang ginawa.
Maliksi niyang ikinumpas ang kanang kamay sa ere at muling inilahad dito ang kolorete. “Girl, don’t be masyadong ignorant,” natatawa niyang saad at mabilisang ginuhitan ang labi ng kaibigan—
Hinto.
Wari’y nabingi.
Isa.
Dalawa.
Tatlo.
Tuloy-tuloy ang pagkisap.
Ni hindi magawang iproseso sa kanyang utak ang nangyari.
Dahan-dahan . . . dahan-dahan niyang inilipat ang tingin sa kanyang gawing kanan.
Naroon ang kulay pulang marka na nagmistulang dugo—dugong tila’y isinaboy.
Makalat.
Maliliit na mga bilog na parte ng nadurog niyang kolorete ang mababakas sa ibabang bahagi ng salamin at sa nakabaldosang hugasan.
Napaihip siya ng hangin.
Pagsalubong ng metal nitong pinaglalagyan sa lababo ang huli niyang narinig. Subalit hindi iyon ang tanging tunog na umalingawngaw sa kanyang tainga nang itinaboy nito ang kanyang kamay.
Hindi lamang iyon.
Hindi lamang iyon.
Nagsimulang lumikot ang kanyang mga mata.
Pinipigilan niyang lumingon.
Sinusubukan niyang h’wag balingan ang bagay na iyon dahil nakikilala niya ang tunog.
At ayaw niyang makasigurong . . . iyon ang pinanggagalingan ng ingay.
Parang bumara ang kanyang lalamunan; dinaganan ng isang dambuhalang elepante ang kanyang dibdib.
Kinakapos siya sa hangin.
Pinilit na magbigkas ng mga daing—hangin lamang ang lumabas mula sa mga labi.
Lahat ng kanyang mga nakita ay walang bahid ng katotohanan.
Kung kani-kanina lamang ay siniguro niyang wala itong naulinigan—na wala itong naamoy na baho—ngayo’y nagdalawang-isip na siya.
Napatunayan na niyang nagkamali siya.
Papaanong wala itong maririnig . . . gayong hindi naman nakasaksak ang suot nitong headset?

Bình Luận Sách (45)

  • avatar
    Michelle Sibaruten - Revilla

    One of a good novel I've read when it cones to suspense/ thriller/ horror genre! Veey realistic when it comes to narrating scenes where in readers/ audience would really feel the adrenalin in a certain scemario!

    06/12/2021

      1
  • avatar
    Bradley Patian

    Thankyou to sopport

    16/08

      0
  • avatar
    Joanie Sofia Delgado Eda

    oooommggggggg iiillllllooooovvvvvveeeee ittt!!!!

    28/10

      0
  • Xem tất cả

Các chương liên quan

Chương mới nhất