logo text
Thêm vào thư viện
logo
logo-text

Tải xuống cuốn sách này trong ứng dụng

Chapter 10.1

IKATLONG TAUHAN
“Selene”
GINAW.
Nginig.
Tapik sa hita.
Marahan niyang hinatak ang kumot na nasa kanyang paanan bago iyon inilatag sa ibabaw ng kanyang katawan. Makapal man iyon, ramdam na ramdam niya pa rin ang haplos ng malamig na simoy ng hangin sa kanyang balat.
Kanyang hinagkan ang kanyang mga binti’t maluwat na ipinatong ang baba sa tuhod, ilang ulit na pinaghahaplos ang mga braso.
[ maluwat - slow ]
Kanya nang pinatay ang air-conditioner sa kanyang kuwarto, subalit patuloy pa rin sa pag-akap ang lamig sa kanya.
Mahinahon niyang iginala ang paningin sa paligid.
Nagmamasid.
Nagmamasid.
Bukas na bintana, dilaw na kurtinang sumasabay sa indayog ng hangin: doon nagmumula ang lamig.
Subalit hindi niya kayang isarado ang mga pinto niyon.
Ang liwanag ng buwan na nanganganinag sa salamin ng bintana, kasabay ng lumalamang nitong ilaw mula sa paliwanag nang kapaligiran ay . . . sadyang nakahuhumaling.
Nanatiling nakatanod ang kanyang mga mata sa paligid sa labas.
Unti-unti nang nagkakakulay at nagkakahulma ang mga gusali, kalakip ng pagpaalam ng buwan na nagsilbing sandigan niya sa bawat gabing ’di siya nakatutulog tulad ng gabing ito.
Subalit babalik naman iyon, babalik naman iyon at muli siyang daramayan.
Maliliit na mga ingay.
Isa, dalawa, tatlo: sunod-sunod.
Nahagilap ng kanyang mga mata ang despertador na nakapatong sa maliit na mesang nasa gawing kaliwa ng kanyang higaan. Bawat numerong umuukit at nagbabago roo’y kanyang nagagawang antabayanan.
[ despertador - alarm clock ]
Limampu’t anim.
Limampu’t pito.
Limampu’t walo.
Limampu’t siyam . . .
Hanggang sa napalitan ng dalawang sero ang mga numero at pagiging lima ng numerong ‘apat’.
Alingawngaw ng nakagigising na tunog ang kaagad na napalitan ng katahimikan nang nakatagpo ng kanyang palad ang pindutan niyon.
Alas singko na.
Kanyang inalis ang kumot mula sa pagkakatakip sa kanya.
Dinalo niya ang bintana’t hinawakan ang metal na hawakan ng mga pinto niyon, ngunit alikabok ang nadama ng kanyang mga palad.
Itinuloy niya ang pagsasara sa mga iyon bago nilinis ang narumihang kamay.
Pinasadahan niya ng tingin ang kabuuan ng kanyang silid: ilang buwan na niya iyong hindi nalilinis. Ilang buwan na niya iyong hindi ipinalilinis. Bagaman may mga kasambahay sila, kailanma’y wala siyang ipinapasok ni isa sa kanyang kuwarto.
Ito ang nag-iisang lugar na ginawa siyang malaya . . . kahit siya ay isang preso.
Bawat sulok niyon, bawat gamit na nakapaloob doon, ay may naipong alaala: alaalang dapat ay ibinaon na niya sa limot, subalit hindi niya kayang bitiwan.
Ayaw niyang mabakasan ito ng ibang tao. Ayaw niyang may maipong ibang alaala rito—alaala ng mga taong iiwan din siya sa bandang huli.
Siya’y nagbuntonghininga.
Masyadong mahirap kalimutan ang mga bagay na humulma—at nagwasak sa kanya sa parehong pagkakataon.
Napunta ang kanyang tingin sa aandap-andap na kulay pulang maliit na liwanag sa itaas na bahagi ng sulok. Mahina siyang napailing at kaagad na inilayo ang tingin mula roon.
Alam niyang isa iyong CCTV camera.
Kanyang ipinasok ang mga kamay sa mumunting bulsa ng ginagamit na saluwal. Binunot niya mula roon ang isang matigas at mahabang bagay, bago iyon pinagmasdan.
Sinundan ng kanyang hintuturo ang guhit na nabubuo ng bawat pagkatirintas ng mga metal sa isa’t isa. Kahit ang matutulis na mga bahagi ng inililok na gintong ibon ay masyadong marikit.
Kuwintas: isang bagay na maraming ibig sabihin, subalit hindi niya magawang isipin ang dahilan kung bakit iyon ibinigay sa kanya ng binata.
Si Hope.
Ano nga ba ang dahilan?
Bakit nga ba?
MALALAKING mga hakbang ang kanyang ginawa. Bawat pagtagpo ng kanyang takong sa sementadong daan ay kalakip ang iilang talsik ng putik sa kanyang paa.
Kanyang ibinaba ang talukbong ng suot na kapote nang maabot ang kanilang gusali. Minaigi niya na ring lapatan ng tingin ang suot na relos: alas sais na.
Ilang buntonghininga ang kanyang pinakawalan bago mariin na hinaplos ang mga brasong nagsisimula na namang manlamig.
Napatanaw siya sa kalangitan: malimlim pa rin at mababakas ang hamog sa mga basang dahon ng halamang nasa ’di kalayuan.
Muli na namang umulan: bagaman mahina lamang iyon, labis pa rin niyon na sinira ang mga inaasahan niya para sa araw na ito.
Araw-araw nang may suot na kapote ang mga estudyante sa kanilang paaralan, wala na bang bago?
Mahinahon siyang napasandal sa metal na hawakan sa kanyang likuran, pinagmasdan ang sariling repleksiyon sa haligi ng isang silid-aralang nasa harapan niya lamang.
Ilang segundo niyang tinitigan ang sarili.
Ni hindi gumalaw.
Hindi ngumiti.
Hindi kumisap.
Humangin nang malakas: naantabayanan ang mga hibla ng buhok na sumabay sa direksiyon ng simoy. Kaagad niyang hinatak ang mga iyon at madaliang inipit sa likod ng kanyang tainga . . . ganoon din ang ginawa ng kanyang sarili sa salamin.
Hindi niya naiwasan ang pigilang huminga
Bakit parang bago iyon sa kanya?
Mabagal niyang ibinaba ang kamay—sumunod ang repleksiyon—bago dahan-dahang itinaas muli iyon.
Marahang hinaplos ang mukha, nagsimulang humakbang papalapit.
Isinuklay ng mga daliri ang pilikmata, isa pang hakbang.
Ipinagtagpo ang tuyong mga labi, isa na namang hakbang.
Nagpatuloy . . . nagpatuloy.
Hanggang sa sinubukang ngumiti, at kanyang inilapat ang mga palad sa malamig na salamin.
Sa wakas, nasa paanan na siya ng isa pang siya.
Rinig niya ang malakas na tibok ng kanyang puso, pati na rin ang mabigat na pagpapakawala ng kanyang mga hininga.
Hindi niya maunawaan kung bakit, subalit naninibago siya.
Alam niyang salamin iyon, ngunit parang hindi niya matandaan kung papaano iyon gagamitin. Mistulang nabura ang kanyang mga alaala.
Salamin, salamin, saan nga ba iyon ginagamit?
Agaran siyang napahinto.
Isang itim na paru-paro ang dumapo sa kanyang ulo.
Hindi niya maramdaman ang pagiging matimbang niyon—wari’y hindi nahawakan ang kanyang buhok—ngunit iba ang kalabog ng kanyang dibdib, tinitingnan pa lamang ang matingkad na pagka-itim niyon.
Mistulang nabunutan siya ng tinik sa lalamunan nang nagsimula nang muli iyon sa paglipad. Bawat paggalaw ng pakpak niyong may iba’t ibang disenyo ay nagagawa niyang sundan.
Animo’y kilalang-kilala niyon ang sarili’t mga kakayahan, pati na rin kung paano makisama sa hangin.
Malayang malaya iyon . . . sana ay ganoon din siya.
Papalayo na iyon nang papalayo mula sa kanya. Hindi siya nag-aabalang lingunin iyon, tanging pagsabay lamang ng kanyang mga mata sa repleksyon niyon ang kanyang ginawa.
Bawat pagdausdos ng kanyang mga daliri sa salamin ay ang paglikha ng tunog na tila’y kinakatkat ang kanyang pandinig.
[ pagdausdos - slide ]
Labis na nakaiirita, subalit hindi niya iyon ininda.
Kanyang ininat ang kanyang kaliwang braso: pilit na inaabot ang aninag ng maliit na insekto.
[ aninag - reflection ]
Kaunti na lamang . . . malapit na.
Hinto.
Kusa niyang naibaba ang braso, nakatakas mula sa paningin ang kanina’y  hinahabol.
Dalawang bulto ng tao.
Magkasama.
Magkaharap.
Nakapagtataka . . . bakit?
Bakit magkasama ang mga ito?
Magaspang na balat ng haliging nasa kanyang gilid ang kanyang nadama. Mahinahon niyang itinago ang sarili sa likod niyon, dahan-dahang inilabas ang ulo upang masilip ang dalawa.
Parehong nakakapote ang mga ito. Nakahalukipkip ang isa’t patuloy naman sa pagbuka ng mga labi ang kausap nito.
Sa paglipas ng mga sandali, kita niyang rumeresponde na ang isa sa patuloy nitong nagdadadang kasama: nagsimulang tumango-tango.
Sa kabila ng lumalamang na hamog sa paligid at distansya niya mula sa mga ito, hinding-hindi niya maitatangging nakikilala niya ang dalawa.
Kilalang-kilala niya ang mga ito.
Ramdam niya ang pag-angat ng kanyang kilay, pati ang mumunting pakiramdam na ngayon niya lamang naramdaman—nang matunghayan ang pagyakap ng babae sa kausap nito.
Tinusok: iyon ang tanging salitang makapagpapaliwanag sa puso niyang nag-iingay.
Walang pag-aalinlangan niyang inilihis ang kanyang paningin mula sa dalawa. Mistulang binawian ng lakas ang kanyang mga tuhod nang unti-unting nagtagpo ang kanyang likuran sa haligi.
Isang babae, at isang lalaki.
Si Yvonne . . . at si Hope?
Kusang lumandas ang likuran ng kanyang palad sa kanyang pisngi kalakip ng mainit na likidong sunod na nadama. Hindi niya naiwasan ang pagmasdan iyon: ilang beses na tinanaw.
Muli niyang pinahiran ang mga pisngi.
Hindi siya maaaring magkamali.
Hindi niya inakala . . . ngunit lumuluha siya.
Lumuluha siya.
Sumisinghot man, walang pag-aatubili niyang binuksan nang bahagya ang suot na kapote’t hinugot ang kuwintas na nakatago sa ilalim niyon.
Mariin niya iyon na hinawakan, halos bumaon na ang matutulis na mga bahagi niyon sa kanyang palad, subalit iyon ang nag-uudyok sa kanya na higit pang higpitan ang hawak doon.
Lumalabo ang kanyang paningin nang dahil sa butil ng mga luhang namumuo roon. Hindi na malinaw ang hugis ng ibon sa kanyang mga mata, nagmukha itong tinutunaw na ginto: unti-unting nasisira ang hulma, unti-unting nawawala ang ganda.
Ganoon din ba ang binata sa kanya?
Hindi niya lubos maunawaan ang kasalukuyang damdaming nahahalungkat sa kanyang sistema.
Nanggigigil siya, naiirita.
Nais sumabog ng kumukubling bomba sa kanyang kalooban.
Labis siyang naiinis.
Labis siyang nakararanas ng galit.
Lalong-lalo na ang ngitngit.
Ilang ipit na mga halinghing ang kumawala sa kanyang bibig . . . at patuloy na dumadaloy ang taksil na mga luha mula sa kanyang mga mata.
Binigyan siya ng aksesorya ng binata, kaya’t bakit ito makikipagyakapan sa ibang babae?
At sa kaibigan niya pa!
Kuwintas iyon.
Kuwintas.
Bago man sa kanya ang mga ganoong bagay, alam niyang isa iyon sa mga inihahandog ng mga lalaki sa t’wing nagtatapat ang mga ito ng kanilang pag-ibig.
Nagkamali ba siya ng akala?
Hindi ba siya gusto ng lalaki?
Wala bang gusto sa kanya si Hope?
Isang mabigat na buntonghininga ang kanyang pinakawalan.
Si Yvonne!
Ilang beses siyang suminghap, pinipilit pakalmahin ang sarili, datapwat hindi niya magawa.
Masyadong maraming nag-uumapaw na kung ano-anong mga isipin sa kanyang utak.
Masyado siyang nakaramdam ng sakit para makapag-isip pa nang maayos.
Masyadong marami.
Masyadong masakit.
Alam niya, batid niya ng mga oras na iyon . . . na unti-unti na siyang humihiwalay sa kanyang katinuan.

Bình Luận Sách (45)

  • avatar
    Michelle Sibaruten - Revilla

    One of a good novel I've read when it cones to suspense/ thriller/ horror genre! Veey realistic when it comes to narrating scenes where in readers/ audience would really feel the adrenalin in a certain scemario!

    06/12/2021

      1
  • avatar
    Bradley Patian

    Thankyou to sopport

    16/08

      0
  • avatar
    Joanie Sofia Delgado Eda

    oooommggggggg iiillllllooooovvvvvveeeee ittt!!!!

    28/10

      0
  • Xem tất cả

Các chương liên quan

Chương mới nhất