logo text
Thêm vào thư viện
logo
logo-text

Tải xuống cuốn sách này trong ứng dụng

Chapter 14

"Natapos mo ng isang gabi?" manghang tanong ni Natasha nang iabot ko sa kaniya ang script.
I shook my head. "Ginawa ko 'yong iba sa classroom." mabilis kasi akong antukin kaya hindi ko kayang magtagal sa panggagawa tuwing gabi.
"Pero ang haba nito ah? Akala ko nga mga 2 pages lang gagawin mo."
"Naka-organize na kasi iyan. Nilagyan ko ng mga description saka kaunting stage direction kaya humaba."
Tumango siya sa akin at inabot sa ibang mga kagrupo namin ang script. Hinati-hati na namin ang mga gawain kaya hindi na kami masyadong nahirapan. Si Diego at David ang magpapalitan bilang camera man. Si Natasha naman at Dana ang mga director. Si Kahel at Emily ang napagkasunduang magiging main lead namin. Ang iba naman ay mga co-actors na lang.
"Kompleto na ba? Punta na tayo kina Kahel." nagsitanguan kaming lahat kay Natasha. Umarkila kami ng dalawang tricycle upang makapunta patungo sa bahay nina Kahel. Ngumiti ako kay Diego nang tumabi siya sa akin sa upuan.
"Nakapunta ka na ba kina Kahel?" tanong niya sa akin.
Umiling ako. "Ito ang unang beses ko roon."
"Nakilala mo na pamilya niya?"
"Si Kuya Jacques pa lang saka si Ate Violet. Kilala mo iyon 'di ba? Teacher sa English."
"Oo iyong maganda." komento niya. Napangiti naman ako. Ibig sabihin marunong siyang tumingin kung sino ang maganda at hindi. Pakiramdam ko kasi ay wala siyang interes sa mga babae. Bukod kasi sa akin ay wala na siyang ibang kinakausap na babae sa classroom. "Edi makikilala ka na ngayon ng buong pamilya niya?"
Nagtaka ako sa kasunod na itinanong niya sa akin. Kumunot ang noo ko nang bumaling muli sa kaniya. "Oo, saka lahat naman tayo makikilala 'di ba?" siyam kaming pupunta ngayon doon. Siyempre lahat kami makikilala ng pamilya niya.
Pinaglapat niya ang mga labi na parang may pinipigilang ngisi. "Sabagay. Pero ayaw mong personal kang ipakilala ni Kahel sa pamilya niya?"
Inayos ko ang upo ko at mas lalo siyang pinagkunutan ng noo. "Bakit naman niya ako ipapakilala, Diego?" hindi ko maintindihan ang taong ito. Ano namang meron kung ipapakilala ako ni Kahel? At bakit niya ako kailangang ipakilala?
"Bakit? Hindi pa ba kayo? Eh kung bakuran ka nga wagas."
Namula ako sa sinabi niya. "Diego!"
"Bakit hindi ba totoo? Kung makatingin nga sa akin kahapon no'ng sinabi kong sabay tayo eh, parang makikipagsuntukan. Hindi ko naman alam na may usapan pala kayo."
"S-sinabi ko naman sa'yo, ganoon lang talaga siya kung tumingin-
"Ganoon nga ba? " pagputol niya sa akin.
"Ano bang gusto mong palabasin?"
Umiling lamang siya at natahimik. Natahimik na rin ako at itinuon ang paningin sa daan. Hangga't kaya kong i-deny, ide-deny ko. Ayaw ko namang umasa sa sinasabi nila. Kapag kasi hinayaan ko ang sarili kong maniwala, alam kong sa huli ay aasa lamang ako at... masasaktan.
Kahit kailan ay hindi ko pa nararanasan iyon. Hindi ko alam kung may nagustushan na ba ako dating kaklase o kakilala. Siguro hanggang paghanga pa lang. Wala rin akong sinabihan kung sino ang hinahangaan ko. Para sa akin ay hindi na dapat sinasabi iyon sa iba. Kung ano man ang nararamdaman ko, sa akin na lang iyon. Choice ko na iyon kung sasabihin ko ba sa taong nagugustuhan ko o hindi.
"Nandito na tayo."
Mangha kong pinagmasdan ang paligid nang makarating kami sa bahay nina Kahel. Kumpara sa bahay namin, gawa sa bato at sementado ang kanila. May second floor din at veranda sa taas. Sa labas naman ay maraming nakatanim na bulaklak. Sa hula ko ay si Violet at ang nanay nila ang nag-aalalaga nito.
"Anastacia, tingnan mo." kinuhit ako ni Diego kaya napalingon ako sa tinitingnan niya.
Namula ako ng matindi nang makita sina Kahel, Kuya Jacques at dalawa pang mga lalaki na nakahubad din ng kanilang mga damit. Basa ang mga buhok nila. Mistulang galing sa pagligo. Nagtatawanan.
Napaiwas kaagad ako ng tingin nang magtama ang mata namin ni Kahel. Napabaling ako ng tingin kay Emily na ngayon ay pulang-pula na rin ang mukha. Ang iba ko namang mga kaklase ay hindi nahihiyang tumitig. Sa katunayan ay naririnig ko pa ang mahihinang pagtili nila.
"Ano ba magbihis nga kayo! Nandito na mga kaklase ni Kahel!" boses ni Ate Violet ang narinig ko. Laking pasasalamat ko at inutusan niya ang mga kapatid na magbihis. Hindi kasi talaga ako komportable na nakakakita ng mga lalaking nakahubad. Si Kuya Gilbert naman ay hindi rin naghuhubad kung saan saan sa tuwing nasa bahay.
"Ana! Pumasok na kayo rito!"
"Sige po, Ate!" tumingin ako sa mga kaklase ko at hinintay silang manguna sa pagpasok sa salas. Nanguna nga sila, kahulihan kami ni Diego pumasok.
Naghintay muna kaming lahat sa salas. Pinaupo kami ni Ate Violet at binigyan kami ng maiinom. Hindi ko naman maiwasang igala ang paningin ko sa kabuuan ng salas. Maaliwalas dahil hindi naman kulob. May mga flower vase rin sa tabi. Talagang mahilig nga talaga sila sa paghahalaman.
"Ana..." tumayo ako nang marinig ang boses ni Kuya Jacques. Napangiti ako nang makita siya. Nakabihis na siya ngayon ng kulay dark green na t-shirt at jersey shorts.
"Jacques, kumusta?" napangiti siya sa tawag ko. Naalala kong ayaw niyang tinatawa ko siyang kuya kahit mas matanda siya ng tatlong taon sa akin.
"Ayos lang, magbabasketball kami nina Kuya, tara sama ka muna?"
"Hindi pwede eh, magsho-shooting pa kasi kami. Baka mamaya pa kami matapos." kaya suhesyon ko rin na agapan namin ang pagpunta para hindi kami gabihin. Ang kaso alas diyes na sila nagsidatingan.
"Shooting? Ako nga naka-graduate ng highschool ng hindi umaatend sa mga shooting na iyan."
"Kasi tamad ka, Jacques. Huwag mo ngang sinusulsulan iyang si Ana. Huwag mong idamay sa kalokohan mo. Hindi ko nga alam kung bakit ka naging valedictorian samantalang ang tamad tamad mo naman." napalingon kami nang muling sumulpot si Ate Violet. May dala na siyang mga biscuit.
Mangha naman akong napabalik muli ng tingin kay Kuya Jacques.
"Graduate ka ng Valedictorian?"
"Accelerated din ako." ngiting anas pa niya. Mas lalo akong namangha. Ang tali-talino niya naman.
"Wow ang galing galing mo naman. Pang boyfriend material." komento ni Natasha. Ngiting-ngiti siya sa amin habang nakatingin. Halos lahat din naman ng mga kagrupo ko ay pinapanood at pinapakinggan ang usapan namin.
Tumawa si Kuya Jacques.
"Ready na ako maging husband. Wife na lang kulang."
"Jacques!" mabilis na saway sa kaniya ni ate Violet. Natawa ako sa kanila.
Si Kuya Jacques kasi, ibang-iba siya kay Kahel. Though lahat naman sila matatangkad at may itsura, si Jacques, may pagkaloko ang ugali at palabiro pero mabait. Sa tuwing bumibisita kasi sila noon sa amin kasama si Ate Violet ay madalas ko siyang makakwentuhan.
Doon ko unti-unting nakilala ang ugali niya. Nabanggit ko rin sa kaniya na gusto kong maging zoologist balang araw o hindi kaya ay veterenarian basta't may kaugnayan sa mga hayop. Nabanggit naman niya na mag-eengineer siya kagaya ni Kuya Yessan, ang panganay nilang kapatid. Nabanggit din niya ang tungkol kay Kahel, balak daw nitong mag-seaman kagaya ni Kuya Ferrer, pangalawa sa panganay.
"Pero hindi pa ako pwede eh. Diploma raw muna." tumawa siya at ginulo ang buhok ko. Nakita ko naman ang mariing pagtitig sa kaniya ni Natasha.
Nangiti na lamang ako nang sandaling nawala ang usapan. Umalis naman si Ate Violet upang muling magtungo sa kusina. Bahagya kong sinilip ang loob ng bahay dahil hindi ko pa nakikita ang mga magulang nila. Siguro nasa taas o hindi kaya ay may trabaho.
"Ikaw, Ana? May boyfriend ka na ba ha?" namula ako sa tanong ni Jacques. Kapag talaga mga ganoong usapan ay hindi ko nagagawang maging komportable. Paano ba naman kasi, pinalaki ako ni Kuya ng walang halong ganoon. Napakastrikto niya pagdating sa ganoong bagay. Siguro isang araw, kung sakali man na may ipapakilala ako sa kaniyang kasintahan, paniguradong hindi magiging madali para sa akin ang lahat.
Napatingin ako kay Kahel na pababa na ngayon ng hagdan. Maayos na ang buhok niya at nakasuot ng isang puting t-shirt. Napaiwas ako nang kaagad na bumaling sa akin ang seryosong paninitig niya.
"W-wala. Wala akong boyfriend." tugon ko kay Jacques.
"Wala pa? Bakit sino ba dito sa mga ito ang nanliligaw sa'yo?" inisa-isa niyang suriin ang mga kaklase kong lalaki na kita ko ang pagiging atentibo sa usapan.
"W-wala. Jacques, wala nga. Walang nanliligaw." hindi ko alam kung paano ko siya papatigilin. Alam ko namang madaldal siya at maraming kalokohan, pero sana naman huwag ako ang gawin niyang topic.
"Naku iyan pa si Ana. Paniguradong maraming nanliligaw diyan sa school. Estudyante ko nga pinag-uusapan palagi iyan." si Ate Violet.
Namula ako ng matindi sa sinabi niya.
"B-bawal pa ako, Ate. Mayayari ako kay Kuya."
"Kailan ka ba pwede?" pahabol pa ni Jacques. Nakita ko naman ang pagtahimik ni Ate Violet nang mabanggit ko si Kuya. Saglit na nawala ang atensyon ko sa usapan upang suriin siya.
"Ano? Hindi pa ba tayo magsisimula?"
Natahimik kaming lahat nang magsalita si Kahel. Nasa may pintuan na siya at iritadong nakatingin sa amin. Nanguna rin siya sa paglalakad at hindi na kami hinintay pa. Ang sungit na naman niya. Akala ko ba okay na kami?
Wala na kaming nagawa kundi ang sumunod. Mabilis naming kinuha ang mga gamit at sumunod sa kaniya sa labas.
"Ana! Manood ka ng basketball game mamaya!" nag-thumbs up na lang ako kay Jacques. Panigurado namang hindi ako makakapanood dahil hapon na kaming matatapos dito.
Tumabi muli sa akin si Diego sa paglalakad. May nakasabit na DSLR sa leeg niya at may dala rin siyang itim na bag.
"Close ka na pala sa mga kapatid eh." saad niya habang nakatingin sa daan.
"Tumigil ka nga." pagsasaway ko sa kaniya. Alam ko na kung saan na naman patungo ito. Hindi ko alam kung bakit bigla niya akong naisipang tuksuhin tungkol sa mga ganitong bagay.
Itinuon ko na lamang ang paningin sa unahan nang manahimik siya matapos tumawa. Natanaw ko si Kahel na kasabay sa paglalakad si David sa unahan. Mas matangkad siya ng kaunti sa isa. Kung tutuusin, para sa edad niya ay masyado na nga siyang matangkad.
"Edi mas lalo pala akong gaganahan makipagkompitensiya." nahimigan ko ang pagbulong ng katabi.
"Huh? Anong sinabi mo?" ang ingay kasi ng kwentuhan nina Natasha sa unahan kaya hindi ko masyado narinig ang sinabi niya. Naabutan ko siyang kinakalikot ang camera niya at kumukuha ng mga litrato sa mga nadadaanan.
"Wala."
"May sinabi ka kanina eh."
"Wala nga." pagtanggi pa niya. Hindi na ako namilit.
Nakarating kami sa harap ng isang maliit na talon. Sakto lang ang taas kumpara sa mga nakikita ko sa mga pictures. Saglit kaming nagpahinga dahil sa paglalakad at pinagmasdan ang paligid. Puro puno rito at maraming baging. Malinis at malinaw din ang tubig sa ibaba ng talon.
Marahang hanging ang tumama sa balat ko habang nakaupo sa isang malaking bato. Nayakap ko ang sarili ko at naisip na wala akong balak lumusong sa tubig dahil halatang malamig.
"Kahel! Emily! Magready na kayo, start tayo in five minutes." si Natasha. Siya ang director at nagsisilbing leader namin. Naibigay ko na rin ang script sa kaniya kanina kaya hindi ko na alam ang susunod na gagawin. Sabi naman nila ay kahit umupo na lang ako dahil tapos na ang duty ko. Siguro ay tutulong na lang ko mamaya kapag kailangan na.
Love story ang topic namin. Alam ko rin naman kung saan ang settings kaya buti na lang at na-adjust ko na ang mga scenes. Ang sabi ng teacher namin ay kailangan daw naming makapag-produce ng short film bilang project namin sa third grading. Kami na raw bahala kung ano ang gagawin kaya love story na lang ang pinili ko dahil iyon ang madali.
Sa una ay ipapakita na naliligo sa talon si Emily. Magugulat siya nang makita na naroon si Kahel. Ang kasintahan niya na umalis at iniwan siya para sa pangarap. Magkakaroon sila ng pag-uusap at pagtatalo tungkol sa nangyari sa nakaraan.
Pagkatapos ng ilang minuto ay handa na ang lahat. Nakahanda na rin si Emily at basa na ang kalahating katawan. Nakahanda na rin sina sina David at Diego bilang mga camera man. Si Kahel naman, nakaupo lang sa isang bato at parang nababagot sa ginagawa namin.
Maayos naman noong una lalo na at magaling kumuha sina Diego. Magaling din mag-direct sina Natasha. Ang kaso nagpaulit-ulit kami sa acting lalo na at hindi makuha ni Emily ang tamang emosyon para sa mga linya niya. Nakikita ko na rin ang panunubig ng mata niya, para na siyang maiiyak dahil kanina pa sumisigaw si Natasha.
"Take four!"
Sumenyas si Diego bago muling bumalik sa eksena ang dalawa.
"M-mahal na mahal kita pero iniwan mo ako. Bakit bumalik ka pa? Bakit?-
"Mali! Naiba iyong dialogue mo Emily!"
Kita ko na ang tensyon sa kanila. Nahihirapan na rin si Emily kaya nakakalimutan niya ang ibang linya. Napabuntong-hininga na lamang ako saka lumapit kay Natasha.
"Ipakita kaya muna natin iyong buong script?" iyong unang part lang kasi ang nakita nila kanina kasi iyon pa lang ang kukunan namin ngayon. Siguro kapag alam na nila iyong flow, baka alam na nila kung paano i-aacting.
"Tatagal tayo lalo kapag ipapakita pa natin buong script. Ilang pages pa naman ito." si Dana. Sumang-ayon sa kaniya si Natasha.
"Hindi kasi nila alam ang flow ng story kaya nahihirapan sila sa acting. Mahirap naman na puro dikta na lang tapos hindi naman alam kung ano ang emosyong gagawin."
"Eh paano iyan? Hindi natin matatapos ang unang part ngayong araw."
Umiling ako sa kaniya. "Mas mabuti na iyong matagal pero maganda kaysa naman iyong mabilisan pero ginawang basta basta." kapag kasi minadali namin, mawawala iyong quality. Paniguradong mababa ang makukuha naming grade dito.
Nagkatingnan naman ang dalawa na para bang may naisip sila.
"Ana... 'di ba ikaw naman gumawa ng script?" si Natasha.
Tumango ako.
"Ibig sabihin alam mo kung ano ang dapat na emosyon ng mga dialogues dito?" si Dana.
Tumango muli ako. "Oo, medyo nakabisado ko na rin dahil ilang beses ko na itong binasa bago ko ipakita sa inyo."
Nagkatinginan muli ang dalawa. Taka naman akong tumingin sa kanila nang ngumiti sila sa akin. Parang hindi ko gusto ang patutunguhan ng usapang ito.
At hindi nga ako nagkamali.
"Ana... pwede bang ikaw na lang maging female lead?"

Bình Luận Sách (172)

  • avatar
    QuindaraImelda

    I really enjoyed reading this novel inspite of busy days. I try to read. So inspiring specially the main character Anastasia and Kahel. The time sequences is extremely important. The moral values of the characters are very good coz they show the value of being patience and if you really love the person you can wait until the right timing. Its give suspense for the reader to wait what will happen on the next chapter. My heart beat make me in love again, fall in love again.Thank you for this novel

    23/11/2021

      2
  • avatar
    RodriguezCharlene Mae Odal

    the novel is so really appreciated and it really feels like existing in real life congratulations author you made a wonderful novel👏👏👏

    01/07

      1
  • avatar
    Kimryl Nazareno

    niceeeeeeeeerereeeee

    28/06

      1
  • Xem tất cả

Các chương liên quan

Chương mới nhất