Hindi nagtagal ay naging komportable na ako sa kaniya. Kinukwento ko na sa kaniya ‘yong mga bagay na hindi naman dapat ikinukwento sa tatlong buwan pa lang na kakilala sa internet. Minsan ay siya na rin ‘yong nagsasabi sa akin na tigilan ko na raw ang pagkukwento ng mga sensitibong bagay. Sabi niya pa nga noong isang beses na “You’re oversharing.” Hindi ko naman alam na hindi na pala dapat ikuwento ang mga bagay tungkol sa menstruation ko, pati sa mga panty na nakababad sa palanggana sa loob ng banyo namin. Basta gusto ko lang noon na kausapin nang kausapin siya. Hindi rin naman siya nakagugulo sa pag-aaral ko kahit madalas kong gustuhin noon na magkausap kami. Busy ako noong high school katulad niya. Syempre, dahil unang taon noon ng implementation ng senior high school, siguro ay kung ano-anong bagay ang ipinagagawa sa kanila, habang marami rin akong pinagkakaabalahan noon. Miyembro ako ng maraming club, officer sa kung saan-saang subject. Marami rin akong sinasalihan noong contest—tungkol lahat sa pagsusulat. I was the editor-in-chief of the Filipino school publication. Marami palaging trabaho. Hati ang oras sa mga gawain sa classroom at sa mga contest. Bumababa nga ang ranking ko sa klase dahil sa pagsali-sali sa mga contest, pero hindi ko naman dinadamdam ang grades. Walang katumbas ang mga bagay na natutunan ko sa labas ng classroom. Eli was there for me the whole time as a friend. Parehas naman naming tinitingnan ang isa’t isa bilang kaibigan. Nandoon siya para i-congratulate ako sa tuwing nananalo ako o para samahan ako sa tuwing may mga problema. Naramdaman kong kahit malayo ang Paranaque sa Bulacan ay magkalapit lang kami. Natatandaan ko noong umiyak ako sa kaniya dahil nag-away ang mga magulang ko. Kung ‘di ako nagkakamali, December 2016 ‘yon noong malaman ko na may ibang babae si Tatay. Hindi naman sila nagkikita ng babae niya, pero palagi silang nag-uusap sa phone. Hindi ko alam noon kung paano sasabihin kay Mama ang mga nakita kong message sa phone ni Tatay. Ayaw ko kasing masaktan siya, pero ayaw ko ring magkunwari na wala akong alam. January 03 noong 2017, nag sabihin ko kay Mama ‘yong mga nabasa ko. Pagkatapos no’n, naging magulo na palagi sa bahay. Palagi nang nag-aaway si Mama at Tatay. Kahit simpleng bagay lang ay napag-aawayan nila. Masama rin ang loob ko noon dahil kung kailan matanda na sila ay saka pa dumating ‘yong gano’ng pagkakataon. Dumagdag pa sa sakit noon na sinisisi ako ni Tatay na bakit daw kasi sinabi ko pa kay Mama. Ayaw ko nang umuwi noon sa bahay dahil hindi na ako makapagpokus sa pag-aaral ko. Maya’t maya ko na lang naririnig ang mga magulang ko na nagbabangayan. Sobrang naging magulo noon. Wala pa ring isang taon ang lumipas nang lumala ang sakit ni Tatay na goiter. Simpleng bukol lang naman iyon dati sa lalamunan ni tatay. Minsan sumasakit, pero madalas naman ay hindi. Dalawang beses siyang inoperahan sa lalamunan niya kahit sa una ay ayaw talaga niyang pumayag. Naaalala ko ‘yong isang beses na nasa k'warto ako. Gabi na noon at malapit na rin kaming maghapunan. Tinawag ako ni Mama sa kusina at tinawag din niya ang isa kong kapatid. Pabulong na sinabi sa amin ni Mama na may sasabihin siya, pero kabilin-bilinan niya na ‘wag naming sasabihin kay Tatay. Tinanong ko kung ano ‘yon, at humagulgol si Mama nang sabihin niyang cancer na ang nasa lalamunan ni Tatay. Nang sabihin niya ‘yon, wala ni anumang salita ang lumabas sa bibig ko. Niyakap ko lang si Mama at napaiyak na rin ako, samantalang pumasok ang kapatid ko sa banyo para ro’n ilabas ang sakit. Naisip ko noon na bakit sabay-sabay. Bakit ang bilis ng mga pangyayari sa bahay. May sama ng loob sa puso ko noon tungkol sa ginawa ni Tatay kay Mama, pero nang malaman kong may cancer siya, parang nawalan na rin ako ng karapatan na magalit sa kaniya. Kahit gaano pa kaliit na sama ng loob. Bilang 15 years old, napwersa na akong lawakan ang pag-iisip ko. Dahil sa mga nangyari, napilitan akong maging matatag, kahit hindi ko napapansin na lumalakas pala ‘ko sa mga panahong nanghihina ako. Sa lahat ng pagkakataon na ‘yon ay naroon si Eli. Naramdaman kong sa kabila ng pagsubok ay may isang tao pa rin na maiintindihan ako. Naranasan ko sa kaniya na maging masaya, na kahit papaano’y huwag ikulong ang sarili ko sa puro lungkot lang. Sabi ko sa sarili ko, gusto ko na magtagal ang pagkakaibigan namin. Ang bata ko pa noon para isipin at hilingin na ‘wag siyang mawala. Pero nagawa ko iyon. Isang araw ay sinabi ko sa kaniya na sana ay hindi magbago kung ano man ang mayroon kami. Pabiro ko ring sinabi na hindi p’wedeng dumating ang pagkakataon na magustuhan niya ako nang higit sa kaibigan. Halos lahat kasi ng kaibigang lalaki na nagkaroon ako ay nagugustuhan din ako, kaya sinabi kong hindi p’wede na mangyari rin sa kaniya iyon. Eli then promised that he will never fall in love with me. Napanatag ako ro’n, because I wanted to keep him. Hindi mangyayari ‘yon kung magugustuhan niya ako, kaya mas mabuting hanggang kaibigan na lang.
Cảm ơn
Ủng hộ tác giả để mang đến cho bạn những câu truyện hay
nice story
14/06/2025
0thank you jsjsndidn
29/03/2025
0Quality
15/03/2025
0Xem tất cả