logo text
Thêm vào thư viện
logo
logo-text

Tải xuống cuốn sách này trong ứng dụng

Kabanata IV: Pagsasanay

Maaga kaming gumising ni Suklang Malayon upang magtungo sa ilog. Alam kong naiwan na roon ni Paubari ang pana. Mataas na ang sikat ng araw kung maligo ang ilang kababaihan kung kaya't alam kong walang makakakita sa amin.
Agad kaming lumabas, ngunit walang ingay ang aming ginawa upang hindi mapansin ang maaga naming pag-alis sa aming tahanan.
"Saan ang inyong tungo?"
Agad kaming napahinto nang marinig ang boses ni ama. Nagkatinginan pa kami ni Suklang malayon bago ito hinarap.
"Nais naming maligo ama." Nakangiting saad ko rito.
Titig na titig siya sa akin habang papalapit. Ang kaniyang mapanuring mata ay tila kinakabisa ang mga nais sabihin ng aking mata. Maayos ang tindig ni amang nakatayo sa aming harap, mahaba rin ang kaniyang buhok at ang malaking gintong palamuti na nakalagay sa kaniyang tainga ay litaw.
"Sa ganitong kaaga? Hindi pa sumisilay gaano ang araw." Napalunok ako sa kaniyang tanong. Nakatitig pa rin siya sa aking mga mata na isang maling sagot lamang ay batid kong alam na niya ang gagawin namin.
"May nais kaming pag-usapan ni Alunsina patungkol sa aming kasal ni Mabu at ang bagay na ito ay para lamang sa aming dalawa ama. Ayaw naming may makaalam na iba." Nakahinga ako nang maayos ng ang mga mata ni ama ay kay Suklang Malayon na ang tingin.
"Humayo na kayo upang makabalik kayo ng mas maaga. Magtutungo tayo ngayon sa aking ama."
Nanlaki ang mga mata ko matapos itong marinig. Matapos tumalikod ni ama ay nagmadali kami ni Suklang Malayon upang hanapin ang iniwan ni Paubari.
Bakas ko sa mukha ni Suklang Malayon ang tuwa sapagkat matutuloy ang aming nais na makausap ang mahal na Datu Mangal.
Patuloy ang aming paghahanap sa ilang mga puno roon kung saan isa sa mga narito ay iniwanan ni Paubari ng aking gamit.
"Nakita ko na!" Masayang sigaw ni Suklang Malayon. Nagmadali akong lumapit sa kaniya.
"Sadyang maganda ang isang ito. Mukhang hindi pangkaraniwan," pagsuri niya rito.
"Halina't mag-umpisa na tayo," alok ko sa kaniya at tuluyang naglakad patungo sa batis.
Hindi ako ganoon kabihasa kung kaya't kung saan-saang dako napupunta ang palaso, si Suklang Malayon naman ang tagakuha kapag ubos na ang palaso.
"Ayusin mo ang paghawak. Ang sabi nila ay dapat tutok ka sa iyong puntirya upang iyong matamaan."
May mga inilagay si Suklang Malayon sa mga batuhan na bunga ng prutas upang aking matamaan, ngunit wala ni isa ang aking natamaan. Kung hindi abot ay sobra naman. Nanginginig din ang aking kamay habang hinihila ito, sobrang higpit kung kaya't bumibigay ang aking braso.
Ilang subok bago ko tuluyang natamaan ang isa. Laking tuwa namin na may pagtalon pa.
"Maaari bang tama na? Pagod na akong pulitin ang mga palasong hindi mo naman maitama." Marahan akong natawa habang nakahawak siya sa kaniyang baywang na parang isang matanda.
Umupo muna siya saglit habang ako ay tuwang-tuwa habang nakasukbit ang lagayan ng pana sa aking likuran.
"Sa iyong , mukha na ba akong matapang?" tanong ko habang paikot ako sa kaniya.
"Mukha ka namang matapang ngunit huwag lamang tumira, sapagkat kahit isa lamang ang iyong kalaban ay hindi mo matatamaan." Pagbibiro pa nito habang natatawa.
"Maghintay ka lamang. Kapag ako'y naging bihasa kahit pa isang libong kalaban ay kaya kong lupigin." Pagyayabang ko rito habang patuloy pa rin ang pag-ikot sa kaniyang harapan.
Sadyang tuwang-tuwa lamang ako na sa wakas ay makakahawak at malapit na akong matutong gumamit nito ng pana.
"Nakakatuwa naman iyan." Mabilis kaming nagkatinginan ni Suklang Malayon, matapos marinig ang isang usapan.
"Bilisan mong itago iyan." Pagmamadali niyang tumayo. Aligaga naman ako sa paghahanap ng lugar na pagtataguan hanggang sa makarating ako sa hindi gaanong pinupuntahan ng mga kababaihan at doon ko iyon inilagay, upang madali ko ring makuha. Matapos nito at nagmadali akong bumalik.
Naabutan ko ang iba kausap ang aking kapatid. Wala sana akong balak na magpakita sa kanila ngunit nadulas ako at bumagsak sa tubig dahilan upang mabulabog sila.
"Ayos ka lamang ba Alunsina?" Pag-aalala ni Mahalimuyak at itinayo ako.
"Ano bang ginagawa mo riyan?" dagdag pa nitong tanong matapos akong itayo.
"Naglalaro kami ng taguan. Ngunit ng marinig ko ang inyong pagdating ay lumabas na ako." Katwiran ko sa kanila na mukhang pinaniwalaan naman.
"Sadyang maaga kayong naparito?" tanong ni Mayumi.
"Oo, paalis na rin kami dahil pupunta kami sa mahal na Datu Mangal," sagot ko habang nagpapalit ng damit. Ang iba sa kaniya ay naghuhubad pa lamang, ang iba naman ay nakalusong na.
"Sadyang napakaganda ng iyong damit Suklang Malayon." Napatingin ako rito matapos purihin ni Mayari. Suot na pala niya ang bigay kong tela, bagay na bagay talaga sa kaniya ang asul na kulay.
"Maraming salamat. Bigay ito ng aking kapatid." Tumango na lamang ako sa kaniyang sinabi.
"Mauna na kami at naghihintay na si ama," paalam ko sa kanila at hinila na ang aking kapatid.
Sa kalagitnaan kami ng paglalakad ng muli kaming matigil sa isang kaluskos. Kumapit ako ng mahigpit kay Suklang Malayon dahil nakaramdam ako ng kaba.
"Mukhang nariyan na naman sila. Sabihan na natin ang ating mga kasama na umalis na," wika nito na bakas ang takot sa kaniyang boses.
Pinagpatuloy namin ang paglakad at mas binilisan pa ito. Kung sino man ang mga taong iyon marahil ay sa ibang balwarte sila nabibilang, sapagkat alam ng lahat na bawal ang kanilang ginagawa. Ngayon lamang nagkaroon ng ganito na tila halos lahat ng galaw namin at may nakamatyag.
Nang makarating kami sa dulo ay nawala silang muli. Mas marami na kasi ang mga narito dahil ang iba ay nangunguha ng mga kahoy at ang iba ay naglilibot sa paligid.
Pagod kaming nakarating sa aming tahanan kung saan nakita namin si ama habang kausap ang ibang bagani.
"Ayusin mo ang iyong buhok," utos ko kay Suklang Malayon. Katulad ng sinabi ko sa kaniya ay ginawa ko rin ito sa aking sarili. Hindi maaring mahalata ni ama ang pawis namin dahil sa pagtakbo.
Umayos kami ng tindig at lumapit sa kanila. Naputol ang pagsasalita ng mga bagani nang masilayan nila kami. Sa mga naroon ay si Lumad lamang ang aking kilala, dahil maliban sa isang bagani ay marunong din siyang manggamot.
Sa ginawang pagtigil ng bagani ay nilingon kami ni ama. Hindi namin rinig ang kaniyang sinabi ngunit nagpaalam na sila. Napatingin ako kay Lumad na may malawak na ngiti sa akin kung kaya't binawian ko siya ng isang malawak na ngiti.
"Patawad kung natagalan kami ama, napasarap ang aming pag-uusap," saad ko rito habang nakayuko.
"Magtungo na kayo sa balangay at maghintay," utos nitong agad naming sinunod.
Mabait si ama ngunit sadyang nakakatakot ang kaniyang boses. Sa bawat bitaw niya ng salita ay iyong sadyang susundin ito. Ngunit pagdating sa pakikipaglaban ay walang kayang tumalo at iyon ang labis kong hinahangaan sa kaniya, kung kaya't nais ko ring maging gaya niya.
Sa balangay kami'y naghintay kasama ang ilang bagani at kasama maging si Mabu. Pilit kong sinusumpungan si Paubari ngunit kanina ko pa siyang hindi makita.
Sa pananabik ko sa kaniya napahawak ako sa medalyon na kaniyang ibinigay. Ito ang gabay ko at ang pangako niya na ako lamang ang mamahalin ng bagani na si Paubari, ako'y lubos na nagtitiwala roon.
Alam kong ako lamang ang babaeng lubos na minamahal niya.
"Narinig niyo na ba ang balita patungkol kay Paubari at sa pangalawang anak ni Datu Zula?" Napatigil ako sa pagtitig sa kawalan ng marinig ito. Marahan akong napatingin kay Suklang Malayon na nabigla rin. Marahil mga bagong bagani ang narito at walang kaalam-alam na narito rin ako.
"Tumigil na kayo sa inyong pinag-uusapan. Dapat ay pinag-uusapan ninyo kung paano maging magiting," sita ni Mabu sa mga ito.
"Maaari naman naming pag-aralan iyon. Ngunit sadyang napakapalad ni Paubari, mismong ang anak ni Datu Zula ang dumadalaw sa kaniya. Mukhang napupusuan siya nito at nais magpakasal."
Hindi ko ito pinansin dahil alam kong kahit na anong mangyari ay ako lamang ang pipiliin ni Paubari, katulad ng kaniyang laging sinasabi.
"Kung hindi niyo ititigil iyan, ako na mismo ang puputol sa mga dila ninyo upang ipakain sa isda!" Banta ni Mabu dahilan para mapatigil ang lahat.
Napakagat ako sa ibabang bahagi ng aking labi upang pakalmahin ang aking puso. Naramdaman ko ang mahigpit na hawak ni Suklang Malayon sa aking kamay.
"Huwag mo silang pansinin, alam nating parehas na ikaw lamang ang tunay niyang mahal."
"Tama siya Alunsina, kahit anong mangyari ay hindi ka kayang biguin ni Paubari," dagdag pa ni Mabu.
Tama sila. Kailangan kong magtiwala sa lalaking mahal ko. Alam kong ako lamang ang nais niya at kahit sino pa mang babae ang nasa kaniyang harap ay ako lamang ang kaniyang pipiliin. Ako at ako lamang.
Sa pagtitig ko sa kawalan hindi ko napansin na nasa likuran na namin si ama at nag-utos ng magsasagwan.
Nakatitig ako habang palayo kami sa aming balwarte at papunta sa Punta Enga upang puntahan ang mahal na Datu Mangal.
Kailangan ko siyang makausap upang masabi kay ama ang nais ko. Alam kong siya lamang ang kayang magpasunod kay ama, ang bawat niyang sinasabi ay sadyang sinusunod ni ama.
Sa buong paglalakbay ay si Paubari lamang ang laman ng aking isip. Sa bawat hampas ng alon, sa bawat daan ng ulap sa asul na langit ay siya lamang ang aking iniisip. Masyado na akong nahuhumaling sa kaniya at inaamin kong nasasaktan ako sa aking mga naririnig.
Dahil papaano kung ayaw na niya sa akin? Paano kung mas maganda sa akin ang babaeng iyon? Paano kung ang mga bagay na hindi niya nakikita sa akin ay naroon? Paano na ako? Paano ko haharapin ang katotohanan na iyon?
Hindi ko kaya.
Alam kong matapang ako sa ibang bagay ngunit hindi sa kaniya.
Siya ang tunay kong lakas ngunit siya rin ang kahinaan ko.
Nawa'y patatagin ng mga Anito ang pag-ibig namin ni Paubari upang walang sino man ang mang-iwan at pumili ng iba.
Matagal ang naging paglalakbay kung kaya't mahaba rin ang oras kong inisip ang mga maaring mangyari kung hindi na ako ang babaeng may hawak sa puso ni Paubari.
Kaya nga bang baguhin ng bagong kakilala lamang ang puso ng isang tao? Maari nga bang mas piliin ng puso ang bagong tao at kalimutan ang dating tinitibok nito?
"Ano pa't kanina ka pa riyan tahimik?"
Napasulyap ako sa paligid matapos itong itanong ni ama. Narito na pala kami sa banwa ng Datu Mangal ngunit hindi ko manlang napansin.
"Mukhang masama ang pakiram ni Alunsina, ama," sagot ni Suklang Malayon.
"Kung gayoon, dapat ay iyong sinabi upang naiwan ka na lamang at nagpahinga," saad ni ama na may pag-aalala.
"Kaya ko pa naman ang aking sarili, ama," sagot ko sa kaniya habang nakaalalay sa akin si Mabu pababa ng Balangay. "Nais ko ring makita ang mahal na Datu Mangal."
Matapos ko itong sabihin ay nagsimula na kaming maglakad. Nangunguna si ama habang nasa kaniyang likuran si Mabu at Suklang Malayon; nagpahuli akong maglakad. Nilingon pa ako ni Suklang Malayon ngunit binigyan ko siya ng pagtango na isang hudyat na maayos lamang ako.
"Kung masama pa ang iyong pakiramdam narito naman ako upang gamutin ka." Halos mapatalon ako sa gulat.
"Sa sobrang abala mo kanina sa pag-iisip hindi mo napansin ang pagdating namin ng iyong ama." Masayang saad ni Lumad.
Muli kong ibinaling ang paningin sa harapan kung saan nanglalakad ang aming mga kasama.
"Kaya ko naman ang aking sarili." Walang buhay kong sagot sa kaniya.
Katulad nina Paubari, si Lumad ay isa sa mga kababata namin, ngunit hindi siya katulad nina Mabu at Paubari sa pagiging malakas at nangunguna sa kanilang mga pagsasanay. Hindi siya ganoon kalakas ngunit magaling siya pagdating sa paggagamot.
Wala na siyang pamilya sapagkat siya'y nakuha lamang ng isang mangingisda sa pampang at simula noon ay kung sinu-sino na ang nag-aalaga sa kaniya.
Natuto siyang manggamot dahil paminsan ay ang punong babaylan ang nag-aalaga sa kaniya.
"Maganda ang gintong medalyon na iyong suot. Lalong lumitaw ang iyong ganda."
Hindi ko na siya sinagot dahil malapit na kami sa tahanan ng mahal na Datu Mangal, kung kaya't nagmadali na ako sa aking paglakad.
Hindi ko na binigyan nang pansin ang ibang bagani na abala sa kung anong kanilang usapan. Kami lamang nina ama ang pumasok sa loob ng tahanan ng mahal na Datu Mangal.
Nanatili kaming nakaupo ni Suklang Malayon habang si ama at Datu Mangal ay tila may masinsinang usapan. Sabagay, ang mukha ni ama ay laging seryoso. Kung ngumiti siya ay mabilis pa sa isang kisap-mata.
Matapang ang mukha ni ama, mapanuri ang kaniyang mga tingin na tila kaya niyang kumpirmahin kung tunay ba ang iyong sinasabi o hindi. Batid kong ang katwiran ko ay alam niyang hindi tunay.
"Sa tingin mo ba'y mapapapayag mo ang mahal na Datu Mangal?" bulong ni Suklang Malayon habang ang tingin namin ay tutok kina ama.
"Sa palagay ko ay kaya ko," sagot ko na tila sigurado ako.
Pilit kong binabasa ang kanilang usapan base sa pagbigkas nila ng mga salita ngunit batid kong alam ni ama na magaling ako sa ganitong bagay, sa tuwing siya na ang magsasalita ay tumatalikod siya sa akin.
Sa gitna ng kanilang pag-uusap ay bigla siyang natigilan. Marahan siyang napatingin sa akin habang ang Datu Mangal ay tila may sinasabi sa kaniya. Bigla akong nakaramdam ng kaba sa mga tingin na iyon, hindi ko mawari ang lamig ng hangin na dumadampi sa aking balat.
"Sa iyong palagay ang kanilang usapan kaya ay patungkol sa akin?" tanong ko kay Suklang Malayon na hindi ako binigyan ng pansin kung kaya't hinarap ko ito. Nakita ko ang pagiging abala niyang inililibot ang paningin sa isang dingding kung saan nakalagay ang ilang gamit ni Datu Mangal.
"Tingnan mo ang bagay na iyon. Hindi ba't may pagkakatulad ito sa panang iyong ginagamit?" Pinilit kong hinanap ang tinutukoy ni Suklang Malayon.
May isang palaso roon na nakasabit sa dingding at napakalaki ng pagkakahalintulad ng bagay na ito sa gamit kong pana.
"Sa aking palagay ay dito galing ang iyong gamit. Nagkataon nga lang ba o sadyang inilalapit ka na sa iyong tadhana?" tanong ni Suklang Malayon na sunod-sunod ang pagkurap. Muling sumulay ang mahahaba at kulot nitong pilik-mata.
"Sa aking lagay ay-"
"Alunsina, maari ba tayong mag-usap?"
Naputol kami sa aming bulungan noong lumapit sa amin ang mahal na Datu Mangal. Tumingin ako kay ama na nanatili ang magandang tindig mula sa hindi kalayuan.
Tumayo ako at maharahang bumitaw sa magkahawak naming kamay ni Suklang Malayon. Tiningnan ko pa ito na may malawak na ngiti at ang aming mga mata ay tila nag-uusap at sinasaad na, "ito na ang oras."
Sumunod ako sa mahal na Datu Mangal. Lumabas kami ngunit hindi kasama si ama. Tumingin lang ito sa amin habang kami ay palabas.
Nagtungo kami sa tabing-dagat kung saan may mga naglalakihang bato. Tumayo kami sa pinakadulo habang ang aming mga paa ay nababasa sa bawat pagtama ng alon dito.
Malamig ang hangin kung kaya't hindi ko mapigil ang pagyakap sa aking sarili, malapit na rin ang taki-silim kung kaya't tanaw namin ang magandang langit.
"Marahil ay nagtataka ka kung bakit dito pa natin dapat pag-usapan ang isang bagay," panimula nito kung kaya't napatingin ako sa kaniya.
"Ang ilan sa aking mga pangitain ay nalalapit nang dumating."
Agad na nanindig ang balahibo ko at bumilis ang tibok ng aking puso sa kaniya mga sinabi. Alam kong ang lamig na aking nadarama ay hindi lamang dahil sa hangin kung hindi dahil sa iba pang bagay.
"A-ano po ang inyong tinutukoy?"
"May isang dayuhan ang magnanais na sakupin ang inyong balwarte na magdadala ng isang madugong digmaan. Uulan ng bato, putik, sibat at pana. Aanurin ng dagat ang mga dugong dadaloy sa lupang iyon. Marami ang masasawi at mag-aalay ng buhay upang maipagtangol lamang ang kalayaan. Ang kanilang mga dugo ang tunay na magbibigay tibay sa mga susunod pang henerasyon."
Hindi maalis ang mga tingin ko sa kaniya habang ang matandang boses nito ay patuloy ang pagbibigay ingay sa paligid.
"Magiging saksi ka sa mga pangyayaring iyon. Masisilayan mo ang laban na siyang magliligtas sa atin sa kamay ng mga dayuhang mananakop. Ngunit huwag kang mag-alala sapagkat ang huling dugong dadanak sa sandata ng iyong ama ang siyang magiging katapusan ng lahat. Kasabay ng huli mong bitaw sa palasong iyong hawak ay ang pagsaksi mo sa kamatayan ng isang taong tunay mong mahal." Napaatras ako matapos niya itong sabihin.
Hindi napigil ng mga mata ko ang pagbagsak ng luha. May tila kung anong bagay ang sumabog sa aking dibdib, daig ko pa ngayon ang binagsagsakan ng langit at lupa.
Hindi ko alam kung ano ang dapat kong maramdaman. Tuwa dahil sa pagkapanalo laban sa mananakop o sakit dahil sa huli niyang sinabi. Muling bumalik sa aking alaala ang sinabi ng lalaking nasa Sibu noon.
Tama nga kaya si Suklang Malayon? Na ang lahat ng ito ay tunay ng nakatakda? Hindi lahat ng nangyayari ay naktaon lamang, lahat ng ito ay sadyang may kinalaman sa magiging kinabukasan.
Nanatili akong tahimik hanggang sa muli kaming makabalik sa aming balwarte. Mukhang ang masayang simula ng aking araw ay siyang sakit na sasapitin ko maghapon.
Pilit ko mang huwag isipin ang mga sinabi ng mahal na Datu Mangal, ngunit ang lahat ng kaniyang hula ay hindi nagkakamali. Isa pa ay hindi lamang siya ang nagsabi sa akin ng bagay na iyon. Nais kong baguhin ang mangyayari ngunit sino ang kanilang tinutukoy?
Mariin kong ipinikit ang aking mata ng maharang hawakan ako sa braso ni Suklang Malayon. Hindi ko pa sa kaniya sinasabi ang lahat, sapagkat ayokong mag-alala siya. Mas gugustuhin ko pang akong na lamang ang magdusa sa kakaisip ng bagay na ito.
Kanina pa siya nagsasalita, ngunit wala akong kibo. Katulad ni ama na tahimik ngayon, at sa aming unahan nakaupo. Nadarama kong malalim rin ang kaniyang iniisip na minsan ay tumitingin sa amin. Hindi man niya nais ipahalata ang kaniyang tingin, alam ko ito dahil sa galaw ng kaniyang balikat.
Marahil alam ni ama ang lahat ng aking nalalaman. May iba pa silang pinag-usapan ng mahal na Datu Mangal na batid kong dumagdag sa kaniyang iniisip.
Tunay na ang naging sakit ng aking ulo na kanila lamang ay pagpapanggap. Pakiramdam ko ngayon ay may sakit ako, nais ko nang humiga dahil sa bigat ng aking pakiramdam.
"Ako na ang tutulong kay, Alunsina." Pag-unang alok ni Lumad matapos maglahad ni Mabu ng kaniyang kamay.
Dahil wala ako sa aking kaisipan; sadyang pagod ang aking katawan at utak ay ako na mismo ang bumaba ng walang tulong nino man.
Madilim na ang paligid at tanging mga sulo lamang ang nagbibigay ng liwanag sa ilang bahagi ng aming pulo.
"Hindi mo lamang nasilayan ang mukha ni Paubari, tila para kang isang lantang gulay." Pagbibiro ni Suklang Malayon na hindi ko binigyan kahit maikling ngiti lamang.
"Ganiyan ka rin ba kapag hindi mo ako nasisilayan?" Panunukso ni Mabu.
"Sa palagay ko'y ganoon ka rin sa akin," saad nitong kapatid kong may impit na pagtawa.
"Sadyang tama ka riyan. Sa katunayan ay hindi na ako makapaghintay na makita ka sa paggising ko sa umaga at sa pagtulog ko sa gabi." Matapos itong sabihin ni Mabu at napahawak sa kaniyang pisngi si Suklang Malayon na kahit sa dilim ay halata ang pamumula.
"Huwag ka ngang ganiyan." Mahinahon na saad nito habang may mahinang pagdabog sa paglalakad.
Nanatili akong tahimik habang nakikinig sa kanilang dalawa.
Patuloy ang kanilang biruan at palitan ng mabulaklak na salita hanggang sa makarating kami sa aming tahanan. Mukhang hindi nila ito napansin dahil sa pagiging abala nila.
Huminto ako kasabay ni ama. Umikot ito at tumingin sa dalawa na halos ayaw maputol ang usapan.
Ang seryosong mukha at mapanuring mata ni ama ay tutok sa dalawa. Marahan kong siniko si Suklang Malayon upang magbigay ng babala sa mga tingin ni ama at hindi naman ako nagkamali, dahil tumigil sila at inayos ang kanilang tindig.
"Patawad mahal na Datu, narito na pala tayo sa inyong tahanan. Nais ko ng magpaalam sa iyo Suklang Malayon. Nawa'y maging maayos ang iyong tulog. Bukas ay paparito ako upang muling masilayan ang ganda mong nagbibigay sigla sa buong maghapon ko." Ngumiti ito at marahang yumuko.
Nagbigay lamang ng senyales si ama. Hindi siya mahilig magsalita at minsan ay napaka-ikli lamang ng mga salitang binibitawan niya, lalo na kung hindi ganoon kahalaga ang usapan.
"Maraming sa-"
Naputol ang pagsasalita ni Suklang Malayon ng may ilang bagani ang mabilis na nagtungo sa aming kinatatayuan. May mga dala silang sulo. May mga matatanda ring narito at hindi matigil sa pagtangis.
"Mahal na Datu Lapu-Lapu. May mga sumalakay sa batis kung saan para lamang sa mga kababaihan at kumuha sila ng bihag."
Nanlaki ang mga mata ko sa aking narinig. Nagkatinginan kami ni Suklang Malayon na batid ang nasa isip ng bawat isa. Mahigpit siyang kumapit sa aking braso na tanda ng pagkatakot nito.
Nakasisigurado akong ang mga nararamdaman naming tila may mga matang nagmamasid ay ang mga sumalakay roon upang manguha ng bihag..
"Mahal na Datu, tulungan niyong mahanap ang aming mga anak." Pagtangis ng isang matandang babae habang akay ng kaniyang asawa.
"Ilan sa mga kababaihan natin ang naging bihag?" tanong ni ama.
"Sa aming bilang ay nasa lima, si Mayari ang nagbalita sa amin kung saan siya lamang ang nakatakas sa mga ito." Aligagang sagot ni Buhawi.
"Kung gayoon, ang sumalakay na ito ay nagmula sa ibang balwarte kung saan nais nilang masira ang aking pamumuno." Giit ni ama habang nakaharap sa mga bagani.
"Sumunod kayo sa akin." Utos nito sa kanila na agad din nilang sinunod. Naiwan kami ni Suklang Malayon sa tapat ng aming tahanan. Nang hindi na namin sila matanaw ay nagmadali kaming nagtungo sa aming silid upang pag-usapan ang aming mga narinig.
"Marahil tama ka sa iyong palagay noong nakaramdam tayo na tila may nagmamasid," wika ni Suklang Malayon habang paupo sa aming higaan.
"Kung gayoon ay mapalad pa tayo. Sa unang pagkakataon ay nakita tayo ni Mabu, kung saan hindi agad sila nakasalakay. Matapos noon ay kanina kung saan mabilis tayong nakaalis sa lugar."
Kung nagkataon ay maaring isa kami sa mga bihag. Ngunit sino ang nasa likod ng pagsalakay na ito?
Patago sila kung lumaban. Mukhang batid nilang hindi nila kaya ang pamumuno ni ama, kaya't nais nilang daanin sa patagong pagsalakay at sadyang inuna nila ang mga kababaihan na batid sa kanilang labis na pinapahalagahan ni ama.
"Sa palagay ko ipagbabawal na muna ang pagpunta roon. Hindi ba't naiwan mo ang iyang pana? Paano mo makukuha iyon?" Matapos niya itong itanong, doon ko lamang naalala na may naiwan nga pala ako roon.
Wala nang pupunta sa lugar na iyon dahil sa takot ng muling pagsalakay. Hindi maaaring magbantay ang mga bagani roon, kung kaya't alam nilang madaling kumuha ng bihag sa lugar na iyon.
Ito na nga kaya ang tinutukoy ng mahal na Datu Mangal? Nalalapit na nga ba ang araw na iyon? Nalalapit na nga bang masaksihan ang pagkamatay ng taong kanilang sinasabi?

Bình Luận Sách (46)

  • avatar
    Reymond Cinco Almencion

    5000

    30/05

      0
  • avatar
    Pings Tngcay

    500

    19/04

      0
  • avatar
    Erenel James Magno

    🥰😍😍😍

    13/04

      0
  • Xem tất cả

Các chương liên quan

Chương mới nhất