Ilang minuto na matapos bumaba si Nikasha sa sasakyan sa mismong bungad ng gate nila. Gusto na muna niyang maglakad-lakad para naman masanay siyang maglakad ng may benda ang paa. Hindi alintana kung mabugbog ang sugat doon dahil nalinis naman iyon ng maayos ni Summer. Kailangan niya lang ipahinga iyon ngunit walang mangyayari kung tutunganga lang siya. Kahit kailan, hindi pa niya inisip ang kaniyang sarili. Konsiderasyon ng ibang tao ang inuuna at sa tingin niyang tama. Sakto lang ang lakas ng hangin, sapat na para hindi mainitan ang dalawang naglalakad sa kahabaan ng mansyon, malayo pa iyon na kung tutuusin at dapat talagang gumagamit ng sasakyan para makapunta sa mismong bahay. Tahimik na naglalakad si Nikasha na pa-ika-ika, habang si Maru ay mahinang kumakanta at isinasayaw-sayaw ang ulo sa hangin. "Yummy baby," tawag ni Maru sa dalagang automatikong sumama ang paningin sa kaniya. Nakakatawa lamang isipin na pinag-isipan talaga ni Maru ang katawagang iyon sa dalaga, wala naman siyang intensyon na masama, gusto niya lang talagang inaasar ito. "Kalabitin mo ako kapag hindi mo na kaya a, papasanin ulit kita," ngiting suhestiyon ni Maru. "Pwede mo ba akong tulungan mamaya?" tanong ni Nikasha na nakapagpahinto kay Maru. Sino ba naman ang hindi magugulat kung alukin ka ng isang taong bihira lang kung may pabor na hinihingi. Tumango si Maru nang mabilis saka lumawak ang ngiti. "Oo naman! Saan ba?" masiglang tanong nito na nagtatatalon na sa saya. "Kakatukin na lang kita sa kwarto mo," maikling sagot ng dalaga. Nang makarating sila sa bahay ay nakagawian na ni Nikasha na dumiretso sa likuran, doon kasi ay wala siyang makakasalubong na tao, walang magtatanong kung maayos na ba ang kalagayan niya, walang mag-aalala. Blangko lamang ang emosyon niya nang mahagip ng kaniyang paningin ang litratong nakasabit sa mismong pasilyo, naninilaw na ang isang malaking larawan kung nasaan ang mga miyembro ng Black Ficarro. Marami ang nasa litrato ngunit siyam lang ang natira. Sa susunod na larawan naman ay makikita ang dalawang magkambal na lalaki at ang isang lalaki na mukhang kasundo ng dalawang kambal batay sa litratong iyon, kung titingnan ng mabuti ay nasa limang taon ang edad nito. "Armando Azarcon," bulong ni Nikasha habang titig na titig sa litrato kung saan kasama nila Zenos at Zorteo. Sadyang magulo ang kwento. Hindi mo malalaman kung pawang katotohanan iyon o baka kagaya lang din ng mga nababasa ni Nikasha sa libro, kathang-isip. Malaking katanungan ang nasa kaniyang utak, kung paanong gano'n na lang ang kagustuhan ng mga matatandang miyembro ng Black Ficarro sa grupo ng Azarcon, samantalang sadyang dikit ang organisasyon na iyon. "Curiosity kills you," biglang sabat ng isang nasa lalaking hindi katandaan. Mabilis na napalingon si Nikasha kay Matthaois na titig na titig sa litratong pinagmamasdan ng dalaga. Lumingon si Matthaois sa anak ng kaniyang amo, ibinaba nito ang tingin sa bendang nasa paanan nito. "Walang katapusan ang isang kwento kung malikot ang imahinasyon ng isang tao," makahulugang pagkakasabi ni Matthaois dito na ikinakunot ni Nikasha. "Ano pong ibig niyong sabihin?" Isang ngisi ang sinagot ni Matthaois. Tama ang kanilang hinala, na wala pa talagang masyadong alam ang mga bata sa mga nangyari noon. Higit sampung beses ng nag-kwento ang mga magulang nila tungkol sa nangyari noon, ngunit sampung beses na ring walang maintindihan ang mga bata. Sampung taon ang itinagal ng digmaan noon. "Hindi ko kayo masisisi kung bakit walan kayong uunawaan sa mga sinasabi namin. Pero hindi ba't iyon ang maganda? Ang lumikha ng mga pangyayari gamit ang mga litratong malapit nang kumupas," paliwanag niya habang titig na titig kay Armando na minsan na niyang naging kaibigan. Iniwan na siya ni Matthaois, ngunit siya ay nananatili lamang sa hallway na iyon kung nasaan ang mga litrato, dahan-dahang kung siya ay maglakad. Animo'y sinasabayan ang pagtunog ng yapak at ng kaniyang hininga, habang masusing tinitingnan ang mga litrato na halos unti-unting nababawasan ang mga kasama roon. "El Cuanto," bigkas niya sa isang pangalang hindi niya kilala ngunit nakita niya sa bandang ibaba ng litratong may hawak na tabako. Si El Cuanto na pinakamalakas noon. Walang takot na pinatay ang mga gobernador sa bansang Amerika sa tulong ng mga taga-Mexico na kaniyang napasailalim. Ngunit sa kasamaang palad ay mayroong isang nagsalita, isang traydor na hindi aakalain na siya pang magiging dahilan para masira ang mga makapangyarihan na grupo noon. Kaya nasundan ito ng malaking digmaan na mga tanging mafioso lang din ang naglalaban-laban. Hindi na nasunod ang isang salita na may anim na letra na pinaka-importante sa kanilang samahan. Marami ang nahuli at namatay, kabilang na ang kaniyang ama. Napabuntong hininga na lamang si Nikasha dahil hanggang ngayon ay para bang may nawawala pang eksplanasyon na hindi na niya alam kung saan hahagilapin. Nang makarating siya sa dulong pasilyo kung saan tumatagos sa sala ay kumanan ito saka bumungad ang hagdanan paakyat sa ikalawang palapag. Mabilis na nagpalit ito ng damit, simpleng pajama na itim at puting sando lang ang kaniyang isinuot. Pagkalabas niya sa Cr ay kinuha na niya ang isang envelope, hindi man lang tiningnan kung anong laman non at saka muling lumabas ng kwarto. Pumunta ito sa gawing kanan kung nasaan ang kwarto ni Maru. Kakatok pa lang sana ito pero niluwa na ng pinto ang binata na nagmamadaling isuot ang itim na sando. "Saan tayo?" mabilis na tanong ng binata habang sumusunod kay Nikasha sa pag-akyat ng hagdanan. "Library, asikasuhin natin ang mga transferee na ito," mabilis na sabi ni Nikasha. Nang makarating sila sa ikatlong palapag, sa dulo ng bahagi ay binuksan nila ang tipikal pinto kung saan naroon ang maraming libro, tahimik at kumportableng mag-aral doon kaya mas pinili nilang dito na lang dahil paniguradong maraming tao sa ibaba. Nagsimula ng ituro ni Nikasha ang mga dapat na gawin, si Maru ang nagsasama-sama ng mga grade level year at kursong kinuha, samantalang si Nikasha ang nakatakda sa oras ng pasok at iba pang mga gawain. Sa bawat pagbasa ng dalawa sa mga pangalang hawak nila ay kapwa sila napapatingin sa isa't-isa, parang may mali. Pinagsawalang bahala iyon ng dalawa dahil wala silang patunay sa mga pangalang nakikita nila at nababasa. Nagpatuloy muli sila sa pagsasagawa non hanggang sa matapos. Pero imbes na lumabas sa kwartong iyon ay sandali silang nanahimik. "Baka nagkakamali lang tayo Nikasha," seryosong sambit ng binata dahil natutunugan na niya ang paraan ng pagtitig ng dalaga sa papel. Marahang tumayo si Nikasha saka naglakad sa loob ng silid ba iyon na para bang walang sugat sa paa. Ang dalawa niyang kamay ay ipinatong niya sa kaniyang bewang at inakyat sa batok. "Nagkataon? Ito ang anim na apelyidong kasama sa mga namatay noon. Kung may nagkataon man Maru, ito ay ang napunta sa atin ang pagkakakilanlan nila," mahinang sambit ni Nikasha na nakatitig na sa binata ngayon. Matunog na inilapag ni Maru ang lapis saka tumitig kay Nikasha. "Maaari ding sinadya."
Cảm ơn
Ủng hộ tác giả để mang đến cho bạn những câu truyện hay
💜😘
3d
0love it😘
10/08
0Wow
22/11/2024
0Xem tất cả