logo text
Thêm vào thư viện
logo
logo-text

Tải xuống cuốn sách này trong ứng dụng

Level 1

Hindi nakabili ng mga gamit si Saga pagbalik nila ng Maynila. Nagkasakit kasi siya bigla. Inabot iyon ng halos dalawang linggo. Napagod siya nang pumunta sila sa isla. Isama pang naulanan din nang pauwi na sila. Kaya mamaya siya bibili kapag tapos na siyang mag-enroll.
Tiningnan niya sa vanity mirror ang kanyang itsura. Tingin niya may kulang pa. Kumurap-kurap siya. Maayos naman ang pagkakaarko ng kilay niya. Pantay ang foundation powder. Walang lagpas na lipstick sa lip line.
Ah! Mascara pa pala.
Hindi mahaba ang pilikmata niya. Hindi rin naman maliit at straight. Sakto lang ang haba at natural ang pagka-curl noon. Pero mas lalong nai-emphasize ang kanyang mga mata kapag may mascara. Matapos maglagay noon ay nag-spray siya ng paboritong pabango. Handa na siyang umalis.
Kinuha niya ang pouch bag kung saan nakalagay ang pera, phone, grade slip, at evaluation form. May isa ring ball pen doon. Hindi niya kailangan nang malaking bag dahil mas marami siyang bibitbitin mamaya.
“Maaga pa, Lovisa. Kumain ka muna bago umalis,” bungad ng ginang paglabas niya ng silid.
Sumunod siya sa kusina. “'Ma, sunduin n'yo ako mamaya pagkatapos kong bumili ng gamit.”

“Mag-text ka kapag tapos ka ng mag-enroll. Sasamahan na kitang mamili. Mamaya magkasakit ka na naman.”
Napangiti siya bago maupo sa kanyang puwesto sa mesa. Makatitipid na naman siya ng pamasahe pauwi.
—•—
Mas haba ang pila ngayon sa encoding room. Halo-halo na iyon. May lower na nahuli sa pagpapatala at higher year na irregular student. Huling linggo na ng enrolment kaya maraming estudyante.
“Sadge!”
Umikot ang mga mata niya sa lakas ng boses ni Chanise. Nakaramdam siya ng hiya dahil nakakaagaw sila ng atensyon. Pumihit siya patalikod upang harapin ang kaibigan.
Paglapit nito, agad siyang sinalubong nang mahigpit na yakap.

“Kakagaling ko lang sa sakit,” labas sa ilong na sabi niya.
Mabilis pa sa alas kuwatrong humiwalay ang dalaga. Nanlalaki ang mga mata nito. Mukhang takot mahawa sa kanya.

“Biro lang. One week na akong magaling.” Ngumiti siya. “Ngayon ka pa lang mag-e-enroll?”

Tumango ito. Ngiting-ngiti na. “Oo. Hinintay kita, eh. Baka wala kang kasamang mag-enroll.”

“Parang kailangan ko ng kasamang mag-enroll.” Umikot ang mga mata niya muli.

“Grabe ka sa 'kin, ah.” Tumingin ito sa paligid na parang may hinahanap na kung sino.

“Sinong hinahanap mo?” Pati siya ay naghanap ng pamilyar na mukha sa mga estudyanteng nakapila.

“Iyong nag-comment sa picture mo. 'Di ba tinanong niya kung enrolled ka na. Hindi mo ba sila kasabay?”

“Si Devlin? Hindi. Ba't naman ako sasabay sa kanila. Hindi ko naman close iyon. Saka puro lalaki ang mga kaibigan niya.”

Naglakad sila para maghanap ng mauupuan sa mga bukas na room. Wala na kasing bakante pa sa pasilyo. Lahat ay okupado na.

Nasa pintuan pa lang sila ng Room 315, nang bigla siyang higitin at bulungan ni Chanise.

“Nandito siya.”

Si Devlin ang tinutukoy nito. Kasama ng binata ang buong barkada nito. Sina Ramsey, Jadon, Damion, at Westin. Saka mga lalaking hindi niya kilala.

“Hindi ako bulag.” Umirap siya.

“Hindi ka pa enrolled, Chanise?” isang lalaking nakaputing polo shirt ang nagtanong noon.

Hindi agad nakakilos si Saga nang tingnan niya ang binata. Kakaiba ang klase ng pagtingin nito. Intense. Kaya iniisip niyang may gusto ito sa kaibigan.

“Hindi pa. Hinintay ko kasi 'tong friend ko.”

Noon lang siya naupo matapos tingnan ng kaibigan.

Ang daming bukas na kuwarto. Doon pa sila napunta. Saka silang dalawa lamang ang babae sa loob. Puro lalaki na ang lahat ng natira.

“Taga kabilang section,” may isa pang nagtanong.

“Classmate namin 'yang si Saga. Mabait 'yan,” sagot ni Damion.

Inirapan niya lang si Damion. Tinawanan naman ito ng mga kasama.

“Grabe ka sa akin, Sadge. Hinintay ka pa naman naming mag-enroll.”

Nanlaki ang mga mata niya sa gulat. Hinintay nila ako. Bakit nila gagawin iyon?

“Irregular student ka rin ba?”

Sa halip na sumagot, tumayo ito at ipinakita ang evaluation form na may nakalagay na grado.

“Ikaw, anong backload mo?”

Tiningnan niya ang mga backload nito. At lahat iyon ay halos kaparehas lang din ng kanya. Isa lang ang naiba. May isa kasi siyang major subject sa first year na hindi naayos ang pagkaka-record ng grado.

Hindi pa niya nakikita ang iskedyul sa bulletin board. Maraming kumukuha ng iskedyul doon ngayon.

“Visual Communication 1.”

“Pare-pareho kami ng subject nina Devlin.”

Dumapo kay Devlin ang kanyang mga mata. Ang laki ng ngiti nito. “Sabi mo marami kang backload. Ano 'yong ibang subject mo?”

Kailangan pa ba talagang ibrodkast iyon. Nakakahiya kaya iyon. Kaya naman napasimangot siya.

“Don't worry hindi tayo magiging classmate sa backload ko.” Isang pilit na ngiti ang pinakawalan niya. Kahit ang totoo ay gusto niyang manakal sa sandaling iyon.

“'Di ba mas okay nga na kasama mo sila, Sadge. At least hindi ka mag-isa. Hindi ka rin mahihirapan,” singit ni Chanise.

Binigyan niya ng nagbabantang tingin ang kaibigan. Ang loka-loka, patay-malisya lang. Parang walang ginawang mali.

Alam niyang may plano ito kaya nasabi iyon. Kahina-hinala ba naman lahat ng mga kilos at pinagsasabi nito. Imposibleng hindi pa niya mahulaan.
“Safe na safe ka sa 'min, Sadge. Kaming bahala sa 'yo.” Salitan sa pagtaas ang kilay ni Westin habang nakangisi.

Sa halip na mapanatag, mas lalo lang siyang nabahala.

“'Wag n'yong takutin si Saga. Baka lalong hindi na siya mag-enroll,” singit ni Ramsey.

Sa limang binata, ito ang mas madalas niyang makausap. Sa tingin niya, hindi ito mukhang mapanganib. Saka hindi rin suplado. Nakaupo ito sa bandang likuran. Prenteng nakasandal sa sandalan ng upuan.

Si Devlin may pagkasuplado sa hindi nito kilala. Palibhasa ay guwapo. Akala yata nito lahat ng babaeng lalapit ay may gusto sa binata. Ganoon din si Westin. Pero kapag kakausapin nila si Saga, madalas nang-aasar lang sila. Kaya mas mabuti kung hindi niya ito kakausapin.

“Extended pa hanggang bukas ang pa-encode. Bukas na tayo mag-enroll.” Tumayo ang isang lalaki. Malinis itong tingnan at may singkit na pares ng mga mata.
“Sa W tayo, Skip.”
“Sama kayo, Dev.”
“Mga classmate mo.” Mahina lamang ang boses ni Saga.

“Oo. Hindi ko alam na kilala pala nila si Devlin.”
Pigilan niyang mapatampal sa noo. “May girlfriend na 'yan.”
“Ano?!”
Sa sobrang lakas ng boses nito, napatingin sa kanila ang mga binata. Natigil tuloy sila sa pag-uusap.

Napangiwi siya. Nakakahiya talaga kung minsan si Chanise. Ah, mali. Madalas pala. Madalas itong gumawa ng mga agaw pansin na eksena. Isang magandang halimbawa ang ginawa nito ngayon.

“Gusto n'yong sumama sa 'min?”

Tatanggi pa lang siya nang marinig ang sagot ni Chanise.

“Tara. Saan ba?”

Eh? Hindi na nakaalma pa si Saga

Mabilis pa sa alas kuwatro na tumayo si Chanise. Mukhang ito pa ang mas excited kaysa sa mga binatang kasama nila.

Hindi man lang nito naisip kung anong klaseng lugar ba ang pupuntahan nila. Paano na lang kung may masamang mangyari sa kanila?

“Chanise. Kailangan kong makapagpa-encode ngayon.”

Doon napatingin sa kanya ang kaibigan.

“Paano ka mag papa-encode, eh, ang haba-haba ng pila. Baka abutan ka pa ng cut-off. P'wede naman tayong bumalik bukas 'di ba.”

“Mas magandang tumambay roon sa pupuntahan namin. May aircon pa.”

Maganda at may aircon pa. Bakit parang hotel yata ang tinutukoy nito?
“Five versus five tayo.”

Natulala siya sa mga pinagsasabi nila. Malayo sa iniisip niya ang tinutukoy ng mga ito. Pero hindi pa rin niya alam kung ano ba iyon.
—•—
Hindi alam ni Saga kung paano siya napapayag ng kaibigan na sumama. Panay ang dikit nito kay Devlin. Habang naglalakad sila papunta sa lugar na sinasabi nila.
Malapit lang naman iyon sa Westbridge.

Nasa pinaka gilid lang siya. Dahil naiilang siya sa atensyong nakukuha kasama ang mga naggaguwapuhang binata. Maraming mga mata ang nakasunod sa kanila. Kung bakit, hindi niya alam ang dahilan.
“OMG! Sina Skip na ba 'yan?” mula sa kung saan ay may sumigaw.

Maraming mga estudyante. Pero hindi sa unibersidad nila. Sa ibang paaralan sila. Pero mukhang inaabangan ang mga binatang mapadaan doon.

“Gosh! Nandyan si Shannon!”

Nagbaba ng tingin si Saga. Ano bang problema ng mga taong 'to? Naisaloob niya.

Para kasing may mga rumarampang modelo sa kalsada. Pakiramdam tuloy niya, isa siyang alalay.

“Dito ka nga sa gitna, Sadge. Baka maiwanan ka.”
Hinila siya ni Damion at inilagay sa gitna. Kung nasaan si Chanise. Ang daldal pa rin nito. Sunod-sunod ang tanong nito kina Devlin. Minsan nagtatanong kay Westin. O kaya kay Ramsey. Naiisip siguro ni Chanise na masyadong halata kung si Devlin lang ang kakausapin.

Huminto sila sa isang gusali na may apat na palapag. Malapit na iyon sa isang pampublikong unibersidad.

Malaking internet café ang W. Nagkalat ang mga estudyante sa paligid ng naturang establisyemento. Karamihan ay puro lalaki rin. Mangilan-ngilan lamang ang mga babae.

Pumasok sila sa W. Maraming tao sa unang pa lang. May mga grupo na maiingay. May bahagi ring tahimik. Kung saan may glass wall na naghihiwalay. Nandoon ang lahat ng nagre-research para sa mga educational purposes only.

“Sa Top kami, Kuya!” isa sa mga kasama nila ang sumigaw noon.

“Ilan kayo?”

“Bigay mo na sa 'min ang buong Top.”

Pagkatapos noon ay umakyat sila sa itaas. May isang elebeytor at hagdanan.

“Maghandan na 'yong iba.”

Kasama si Saga at Chanise sa sumakay ng elebeytor.

“Sa family ko ang building na 'to.”

Nakatingin sa kanya ang lalaki. Matangkad ito. Mas matangkad kay Devlin nang kaunti.

“Kieron Gelvezon ang pangalan ko.” Ngumiti ito sa kanya.

Kaya tipid na ngiti lang din ang binigay niya. Baka isipin nitong suplada siya kahit pa na iyon talaga ang laging akala ng mga tao.

Hindi halata sa ayos nito na mayaman ito. Sa laki ng gusali, paniguradong kumikita sila nang malaki sa loob ng isang taon.

“Ito si Skip Hugo ang best friend ko.” Itinuro nito ang lalaking singkit na may suot na salamin sa mata.

Lahat yata ng mga kaklase ni Chanise ay magagandang lalaki. Walang tapon.

Hindi nito ipinakilala ang isa pa nilang kasama. Iyong lalaking nagtanong kanina kung enrolled na ba ang kaibigan niya. Kaya si Chanise na lang ang tatanungin niya mamaya.

“Paano kayo naging magkaibigan ni Chanise?” tanong ni Skip.

“Classmate kami since kinder school.”

Magkaibigan kasi ang mga magulang nila. At hindi talaga sila mapaghiwalay noong bata pa sila. Kung saan pumapasok si Chanise nandoon din siya. Sabay mag-enroll at grumaduate sa preparatory school, elementarya, pati na rin sa sekondarya.

“Wow! Ang tagal n'yo na palang magkakilala kung ganoon.”

Ngumiti lang siya. Wala siyang masabi.

“Pero bakit 'di tayo mag-classmate ngayong college?” Tumaas ang kilay ni Kieron sa pagtataka.

“Late ako ng one year sa college.”

“Ah. Financial problem?”

“Ano ka ba, Kie. Mas mayaman pa sa 'kin 'yang si Saga.”

Nagbabantang tingin ang binigay niya sa kaibigan. Ipaglandakan ba talagang mayaman sila. Paano na lang kung bigla siyang ma-kidnap dahil doon?

“Mahirap lang kami,” kontra niya sa sinabi ni Chanise.

Mamaya nambu-bully pala ang mga ito. Paano kung hingin ng mga ito ang allowance niya. Hindi ba ganoon sa mga asian drama. Kahit iyong mayayaman nabu-bully rin sila.

Hindi niya yata gustong maranasan iyon sa huling dalawang taon sa kolehiyo.

“Mukhang hindi naman halata.” Ngumisi si Skip at napahawak pa sa baba nito na para bang nag-aanalisa ng mga bagay-bagay.

Tinaasan niya ito ng kilay.

“Uy! 'Wag n'yong asarin si Sadge. Lagot ka sa akin, Skip!”

Lihim siyang natawa sa kaibigan. Pinagbabantaan ba talaga nito ang mga kaklaseng puro lalaki.

Bumukas ang elebeytor at nasa pang-apat na palapag na sila. Iyong iba ay wala pa.

Sobrang lakas ng aircon doon kumpara doon sa unang palapag. Wala pa naman siyang dalang dyaket. At hindi rin long sleeves ang suot niyang damit.

“Puwede kayong magbukas ni Chanise ng kahit anong PC. Upo lang kayo kung saan kayo komportable,” sabi ni Kieron.

Maganda ang disenyo ng lugar. Medyo madilim lang dahil malamlam ang ilaw na nakabukas. Parang sa sinehan lang.

Tumabi si Chanise kina Devlin. Kaya hindi rin siya humiwalay. Nakakahiya naman kahit sinabi ni Kieron na okay lang umupo sila sa kahit saan nila gustuhin.

Nagulat siya nang may umupo sa kanan. Iyong kaklase ni Chanise na hindi niya kilala sa room 315.

Bibihira itong magsalita. Iyong tipong isang tanong isang sagot. Nakaka-intimidate na katabi ang guwapong binata.

Kinalabit niya si Chanise para magpalit sana sila ng upuan. Pero ang gaga, hindi man lang siya pinansin. Tinalo pa nito ang tagapagbalita sa telebisyon sa dami ng tanong nito kay Devlin.

“Maglalaro ka rin?”

“Huh?” Gulat na napatingin siya muli sa binata.

Kinausap niya ako hindi ba?

Ito mismo ang nagbukas ng CPU. Akala siguro ay hindi niya alam kung paano bubuksan iyon. Napansin ba nito ang pagkalabit niya kay Chanise.

“Ah, hindi... Pero thank you.”

Hindi niya magawang ngumiti rito. O kaya ay tingnan ito nang matagal. Baka kung ano pang isipin nito sa kanya.

Hinintay niyang mag-open ng tuluyan ang monitor. Hanggang sa dumating na rin ang iba.

Halos nasakop nila ang sangkapat na bahagi ng palapag. Naalala niya iyong sinabi ni Kieron sa ibaba kanina. Sila lang ang gagamit ng buong lugar.

Nanghihinayang si Saga sa maaari pang kitain kung magagamit ang ilang kompyuter doon na hindi naman nila gagamitin. Magkano kaya ang mababawas sa kita ng may-ari ng W.

“Maglalaro din ba kayong dalawa, Chanise?”

Umangat ang tingin niya sa lalaking nagtanong. Mabilis niyang itinaas ang dalawang kamay sa ere at kumumpas ng pagtanggi.

“Hindi ako mahilig sa online games. Kaya hindi ako marunong.”

“Legend naman 'yang katabi mo. P'wede kang buhatin niyan.”

Legend? Buhatin? Para siyang ewan na nakatingin sa lalaki. Hindi alam kung anong ibig nitong sabihin.

“Hindi rin ako marunong. Manunuod na lang muna ako,” sabi ni Chanise. Sinamahan pa iyon nang maikling tawa.
Ibig sabihin itong isang katabi ko ang sinasabing legend. Anong klaseng legend naman kaya iyon?

Nagsimula silang maglaro. Si Chanise seryosong nanunuod sa screen monitor ng computer na gamit ni Devlin. Hindi ito nagbukas ng kompyuter.

Si Saga? Nag-check lang ng mga social media account. Tiningnan niya iyong ibang larawan na ina-upload noong nasa isla pa sila.

Minsan tinitingnan din niya iyong monitor ng katabi niya. Mukhang maganda iyong nilalaro nila. Maganda sa mata ang special effects. Pero parang mahirap laruin.

Bình Luận Sách (19)

  • avatar
    Darell Mallari Teofilo

    👏👏👏👏

    01/06

      0
  • avatar
    Hershey Martelino

    Sobrang ganda tlga

    08/04

      0
  • avatar
    BiboBob

    love it

    22/01

      0
  • Xem tất cả

Các chương liên quan

Chương mới nhất