logo
logo-text

Tải xuống cuốn sách này trong ứng dụng

Chapter 7

"Gremlins, matagal pa ba kayo? Inaantok na kasi ako." Mag-a-alas nuwebe na ng gabi at sampung minuto nang palakad-lakad sina Kape at Ulan sa hardin pero hanggang ngayon hindi pa sila nakakapagbawas.
Nakaupo siya sa bench at nakatingala sa langit. Walang kahit isang bituin siyang makita. Natabunan siguro ng mga ulap, baka uulan ngayong gabi.
Hindi maalis sa isip ni Father Mer ang narinig na mga iyak at boses kanina sa may hagdan. 'Yung iba parang nagmamakaawa, humihingi ng saklolo. Galing ba 'yon sa second floor? Imposible naman yata. Walang tao roon. Napakadilim pati. Saka parang nasa malayo galing ang mga boses na kanyang narinig. Pero bakit niya naririnig kung totoong nasa malayo nga ito? Isa pa, bakit gano'n na lang ang inasta nila Kape at Ulan? Unang beses na nakita niyang ganoon ang mga alaga niya. Maaamo ang mga ito. Ni hindi mo nga maaasahang maging bantay sila ng bahay dahil siguradong kakaibiganin lang nila ang magnanakaw. Ano kaya kung akyatin niya ang ikalawang palapag? Wala lang. Gusto lang niya makita anong meron doon.
Kung ano-ano na naman ang naglalaro sa isip niya. Kalma. Kalma lang palagi, Mer. Huminga siya nang malalim at saka niya ito dahan-dahang ibinuga. May nakita siyang gumalaw sa kanyang kanan, si Nana Conrada. Palabas ito ng gate at mukhang nagmamadali.
"Nana, magandang gabi po," bati ni Father Mer sa matanda. Tumayo ito at lumapit.
Napatalon sa gulat si Nana Conrada. "Ay! Naku naman, Father. Nagulat ako sa'yo." Bitbit niya sa kamay ang bayong na nakita ni Mer kanina.
"Mamimili po ba kayo sa palengke ngayon? Sabi ni Minggay sa gabi raw talaga kayo nabili."
"Opo, Father. Gabi kasi talaga dating ng bagsakan ng sariwang gulay at karne sa palengke. Sa umaga, dagsa na ang mga mamimili. Unahan na sa paninda. Mauubusan ka. Kaya mas mainam talaga kapag sa gabi." Kinapa ni Nana Conrada ang bulsa at ang bra. Ihahanda na kasi sana niya ang pamasahe para diretso bayad na pagsakay ng tricycle. Pero wala ito at naiwan niya pala sa kanyang tulugan sa likod ng Casa.
"Susmaryosep! Naiwan ko yata wallet ko sa loob. Teka lang po, Father kukunin ko muna. Hay, nagmamadali kasi ako, Father. Pasensya na." Natatawang naiinis na bumalik si Nana sa likod para hanapin ang pitaka. Iniwanan nito si Father at ang bayong.
Napasulyap si Father sa bayong na pula. Bakit parang maumbok yata ang gilid nito? 'Di ba mamalengke pa lang siya? Bakit parang may laman na agad ang bayong niya? At ano 'yung telang puti sa loob?
Hindi napigilan ng pari na umiral ang pagka-usisero niya. Tumingin muna si Father Mer sa direksyong pinuntahan ni Nana Conrada. Matagal pa siguro bago bumalik ang matanda kaya sinilip niya nang mabilisan ang laman ng bayong. Binulatlat niya ito at tinanggal ang puting tela na nakatabing sa ibabaw.
Bumulaga sa kanya ang candelabra ng simbahan. "What the..."
"Father, ano po pala gusto niyong almusal bukas ng umaga. May talong pa po tayo d'yan. Ayos po ba sa inyo na mag-tortang talong na lang at sinangag?" tanong ni Nana habang naglalakad pabalik. Nahanap na yata ang pitaka at inaayos itong isuksok sa loob ng kanyang bra.
"Ay! Ano ba yan? Tae!" Biglang iyak ni Nana Conrada. Hindi nila namalayan na nakatae na pala ang isa sa mga aso at natapakan iyon ng matanda. Pumunta ito sa damuhan at saka doon ipinahid-pahid ang tsinelas.
Sakto. Nakakuha ng ilang segundo si Father Mer at dali-dali niyang ibinalik ang telang nakatakip sa candelabra habang abala ang kasambahay.
"O-okay po, torta. Tortang talong na lang po," sagot ni Father sa tanong sa kanya kanina. Lumuhod siya at hinimas-himas si Ulan sa ulo. Patay-malisya lang sa kanyang nakita.
"Sige po, Father. Una na po ako't para makauwi rin agad bago maghating-gabi mamaya." Dinampot ni Nana Conrada ang bayong. Lumabas ito ng gate, tumango sa pari at saka pumara ng tricycle.
Nang humarurot na ang sasakyan, si Father Mer naman ang lumabas. Sa sobrang pagmamadali, nalimutan pa niyang isara ang gate. Agad niyang pinara ang sumunod na tricycle. "Manong, pakisundan niyo po 'yung kulay green na tricycle na dumaan dito ngayon-ngayon lang. Pakibilisan po."
Bumarurot ang sinasakyan ni Father Mer at naabutan naman nila ang kay Nana Conrada. Nagtaka lang siya dahil imbes na lumiko sa Villavicencio, ang daan papuntang palengke, dumiretso lang ito at tumagos sa Villapuerto, sa isang residential area. May mga dinaanan pa silang mga sanga-sangang kalsada bago iniluwa ng pulang tricycle si Nana Conrada sa harap ng isang bahay na may tatlong palapag.
Pumara na rin si Father, hindi kalayuan kung saan bumaba ang matandang kasambahay. Nagbayad siya ng isang daan sa driver at hindi na siya nasuklian nito dahil wala raw itong barya.
Simple lang ang disenyo ng bahay. Kulay dilaw ang pintura ng dingding nito sa labas at may apat na bintana sa bawat palapag. May gate itong kulay pula rin gaya ng sa bayong at ang pinto ng mismong bahay ay bagong barnis. Hindi ito magara pero mukhang ito na yata ang pinakamagandang bahay sa lugar na iyon kumpara sa mga pinagtagpi-tagping hollow block at yero ng mga kapitbahay.
Pinindot ni Nana Conrada ang doorbell na katabi ng gate. Wala pang isang minuto, lumabas si Manong Jerry sa pinto at siya ay pinagbuksan. Pagpasok, hinugot ni Nana Conrada mula sa bayong ang bagong nakaw na candelabra at ipinakita iyon sa kasama. Sinipat-sipat pa ito ni Manong Jerry na parang alahero sa pawnshop at pagkatapos ay sabay na silang pumasok sa loob.
Napamulagat si Father Mer sa nalaman. Magkasabwat sa pagnanakaw sina Nana Conrada at Manong Jerry? Nagpapatira siya ng mga ahas sa loob ng Casa? Matagal na ba nilang ginagawa 'to? Alam ba ito ng lahat ng mga paring pinagsilbihan nila dati?
Walang duda. Galing sa nakaw ang pinampatayo ni Nana sa bahay. Maliit lang ang suweldo ni Nana bilang kasambahay at ang mga anak niya, hindi lahat nakapagtapos. Tumama ba siya sa Lotto?
Gusto sana niya kausapin si Nana at Manong Jerry doon mismo noong mga oras na 'yon. Pero hindi siya komprontasyonal na tao. Hangga't maaari ayaw niya ng gulo. Nilalayuan niya ito. Isa pa, baka atakihin siya ng kanyang anxiety kapag siya ay nagiging emosyonal.
Kung gayon, pa'no niya haharapin ang dalawang matanda? Magbubulag-bulagan na lang ba siya kahit harap-harapan na siyang ninanakawan? Baka mamaya pati ang mga donasyon at abuloy sa simbahan ginagalaw na rin nila.
Litong-lito si Father Mer. Pumara na lang siya ulit ng tricycle para magpahatid pauwi sa simbahan.
Hindi niya alam na dadatnan niya ang isa pang masamang balita.

Bình Luận Sách (98)

  • avatar
    ZamoraReyvan

    Kaawang awang Bata si Mingay dahil Hindi niya ginustong pumatay subalit kailangan Gawin ang pumatay para maka-alay ng sariwang dugo para mabuhay sila at maabot ang kanilang pangarap. Condos to the author of this story. More interesting stories to create please 👏🤍

    08/08/2022

      0
  • avatar
    John Kevin Aven

    5.50

    20d

      0
  • avatar
    Tata Jee Ann

    so very good

    27/07

      0
  • Xem tất cả

Các chương liên quan

Chương mới nhất