logo text
Thêm vào thư viện
logo
logo-text

Tải xuống cuốn sách này trong ứng dụng

Chương 6 Maraming First Time

LIGHT
“Bakit hindi ko na magawa? H-hindi na ako ulit makatayo! Bakit! Bakit! Hindi puwede! Nagagawa ko na ito noon. Pero ano’ng nangyari!”
Bago ang event na The Bachelors ay isang linggo na akong na akong nakakapaglakad pero nilihim ko ito dahil may iba pa akong plano pero ano ito—bakit—ngayon hindi ako ulit makalakad! Ano ba’ng nangyayari!
Napipikon talaga ako. Hindi maari!
Tinukod ko ulit ang mga kamay ko sa armrest ng wheelchair saka ko inangat ang sarili ko para makatayo pero, damn! Hindi ko na magawa!
Para akong nahahapo, nagsimula ito kaninang maga paggising ko. Para akong nasu-suffocate.
Hinang-hina na napasandal ako sa wheelchair, basang-basa ang katawan ko ng pawis habang hinahabol ang hininga. Sadyang madilim ang silid kaya alam ko na ang paningin ko ang dumidilim.
Wala si Jules, lumabas na. Wala akong mahingan ng tulong kaya sinikap kong huminga nang dahan-dahan ulit gaya ng ginawa ko kanina paggising ko. At nang medyo makabawi ay dahan-dahan kong pinaandar ang powered wheelchair ko hanggang makalabas ako ng kuwarto. Mariin akong napapikit sa armrest nang salubungin ako ng matinding sikat ng araw. Pikit ang isang mata nang makita kong nakabukas ang mga bintana. Parang doon naman napunta ang atensyon ko na kinakunot ng noo ko.
‘Sinong pangahas ang gumawa nito!’
Alam lahat ng tao rito na hindi puwedeng buksan ang mga bintana, maliban siyempre sa bagong yaya ni Sonny. Hindi ko na nga pinansin ang bukas na bintana ni Sonny pero bakit pati ang mga ‘to!
“Sir Light, may kailangan po ba kayo?”
“Uryu, bakit nakabukas ang mga ‘yan!”
“Isasara ko na lang ulit, sir.”
Nagmamadali si Butler Uryu sa pagsara ng mga bintana, napabuntonghininga naman ako. “Sino may gawa n’yan? Si Yaya Love ba?” His silence means yes. Hindi ko na lang siya kinulit pa, hinubad ko na lang ang basang-basa kong t-shirt saka tinapon iyon, saan man iyon bumagsak ay wala akong pakialam. Pinagulong ko na lang ang wheelchair ko pabalik sa room ko. Dapat siguro makausap ko na s’ya kung ano ang mga dapat at hindi dapat sa bahay na ‘to!
Amoy ng pagkain naman ang sumalubong sa aking ilong pagkapasok ko ng kuwarto. Dinalhan pala ako ni Uryu ng makakain. Pero mukhang ibang pagkain ito ngayon. Hindi ko na mabilang ilang beses na kumunot ang noo ko at pang-ilan na ito ngayon—nang silipin ko kasi ang mangkok ay hindi nga ako nagkamali. May sabaw itong kulay puti.
Teka! Bakit bigla naman akong natakam? Hindi naman iyong tipong espesyal talaga ang pagkain na ito na mabibili o makikita sa mamahaling restaurant pero ‘yung amoy at hitsura niya nakakapaglaway talaga! Siguro ay naumay na lang ako sa itlog, ham at tocino na laging niluluto ni Uryu. Kaya parang sabik sa sabaw ay bigla kong kinuha ang kutsara na nakapatong sa tissue saka sumandok nito. Alam kong mainit pa ito dahil umuusok pa pero wala akong pakialam. Parang first time ko ulit makakain ng sopas. Ilang taon na ba akong hindi nakakatikim nito?
Ang sarap naman nito! Sino ba nagluto nito?
Sinisimot ko na ang malukong na dinala ko pa sa taas at tinatataktak sa bibig ko ang kahuli-hulihang patak ng sabaw nang pumasok si Uryu.
Shit! Nakakahiya!
Nakita ko pa siyang bahagyang natawa bago nagsalita. “Mabuti’t nagustuhan mo, hijo. Itatanong mo rin ba kung sino ang nagluto?”
“Tss! Hindi na. Alam ko namang hindi ka marunong magluto.” Nagyuko naman siya ng ulo. “Sige na. Pakilabas mo na ito at maliligo na ako.”
Mas maraming pawis ang gumapang sa katawan ko dahil sa mainit na sabaw na hinigop ko at sa tingin ko nakaginhawa naman sa ‘kin.
“Salamat sa pagkain,” usal ko lang nang makita kong papalabas na si Uryu tangan ang tray.
“Walang anuman,” anito na kalaunan ay umalis na rin.
Nagsimula na akong pumasok ng banyo na may kakaibang sigla.
LOVE
Miyerkules kahapon nang magsimula ako dito sa mansyon, July 2, at may sakit ang inaalagaan ko na may pangalang Sonny. Hindi siya nakapasok kahapon at ngayon na okay na siya ay excited naman siyang pumunta ng school, at siyempre kasama ako. Hinatid ko siya kasama si Tatay Uryu na nagsilbing driver namin. Pero bago siya bumaba ay binilinan ko muna siya.
“Huwag mo kalilimutang kumain. Kung hindi kalilimutan ka rin ng pagkain.” Inabot ko ang lunch bag niya. Magkatabi kami sa backseat kaya mabilis niya lang na kinuha sa akin ang bag.
“Weird naman no’n, ate,” nakangusong sabi niya pero bigla ay natawa. “Sigurado magugulat ang mga kaklase ko. First time na may baon akong pagkain e.”
“O, kaya nga. Huwag mong sasayangin. Puwede mo rin i-share sa kanila.”
“Opo. Sige po. Papasok na po ako. Salamat po, Ate Yaya!” Natawa naman ako sa tinawag niya sa ‘kin.
Nagsimula na siyang bumaba ng sasakyan. Kumaway pa siya sa amin ni Tatay Uryu bago siya tuluyang pumasok ng malawak na gate ng eskwelahan. Kumaway naman kami pabalik at pagkatapos ay nawala na siya.
“Uhm, ‘Tay Uryu. Kung hindi naman kalabisan e puwede po ba akong magpahatid sa ospital kung nasa’n nando’n ang naka-confine ang bayaw ko? Promise babalik po ako ng mansyon agad.”
“Oo naman, walang problema. E pero, paano ka uuwi? Kung gusto mo, pagkasundo ko kay Sonny mamaya e daanan ka namin sa hospital?”
“Naku, huwag na po! ‘Wag na po kayong mag-abala. Kaya ko na po. Magco-commute na lang po ako. Hingin ko na rin po address ng bahay at number po ninyo.”
Mabuti at mabilis naman kausap si Tatay Uryu, walang tanong-tanong ay agad niyang tinanggap ang inabot kong cellphone. Tinype niya roon ang numero niya. Gano’n din ay kinuha niya ang number ko at pinag-ring iyon.
“Iti-text ko sa ‘yo ang address. Siya nga pala, mukhang mabenta ang niluto mo ah. Nagustuhang ng mag-ama. Good job!”
Natawa naman ako kay Tatay Uryu lalo nang mag-OK sign pa siya.
“Sa mag-ama lang po ba pumatok? Bakit? Hindi niyo po ba nagustuhan?” kunwari ay sumimangot ako kahit na ang totoo ay masaya ako. Nakaramdam ako ng kapanatagan na kahit paano ay alam kong may tama pala akong ginagawa, na kahit pala may sakit ako ay may magagawa pa ako.
“Nagustuhan siyempre pero, mas mataas ang score na galing sa mag-ama kaya mas magandang sa kanila manggagaling ang score. Kaya nga huwag ka sanang mawawala. Masaya akong may kasama kami sa bahay na maalam sa mga gawaing bahay. Hindi ko maipapangako pero sisikapin kong maipagtanggol ka kay Sir Light. Minsan lang may kasungitan iyon pero mabait ang batang iyon.”
Napayuko ako ng ulo. Ano’ng ibig sabihin niya sa huwag mawawala? Pero hindi ko na lang iyon pinansin lalo nang marinig kong nabuhay na ang makina ng sasakyan. Nilibang ko na lang ang sarili sa panonood sa labas habang kami ay nasa biyahe.
Lingid sa kaalaman ni Tatay Uryu ay ibang ospital ang pinagpahatiran ko. Alam ko namang OK na si Kuya Isagani. Sa huling usapan namin ni ate ay nakalabas na ng recovery room si kuya at ino-obserbahan na lang. Alam ko ring nalalapit na silang lumabas ng ospital kaya naman ngayon ay ang sarili ko naman ang iintindihin ko.
Dumiretso ako kay Doctora Agcaoili, ang physician na tumitingin sa akin. Kasalukuyang kinakausap niya ako pero hindi ko siya halos maintindihan. Parang bumubuka ang bibig niya pero walang boses akong naririnig. Napapatulala lang ako sa kaniya.
“Hija, hija. Naririnig mo ba ako? You’re spacing out. Ms. Katakutan?”
“Ah—po! Ano po ulit ‘yon, doc?”
Kung hindi pa ako niyugyog ni doc ay baka hindi ako nakabalik sa aking sarili. Nagsisimula na naman akong atakihin ng takot, nanlalamig at namamawis ang kamay ko at malamang pati na rin ang mukha ko. Naiintindihan naman ako ni doc kaya hinimas na lang niya ang likod ko.
“Ayaw mo ba talagang sabihin sa pamilya mo? Wala kang balak na pagsabihan? Alam mo, hindi biro ang gagawin natin. Malaki ang maitutulong nila sa ‘yo kung magsasabi ka lang.”
“Pag-iisipan ko po, doc. Pero hangga’t kaya ko pa po e baka hindi na muna. Nasa’n na nga po ulit tayo?”
“We will schedule your surgery in your most convenient time. Kung kailan handa ka na. Pero mas maaga, mas mainam ha. Hindi sa minamadali kita.”
“Sige po, doc. Simulan natin next week. Same day, same time. Gusto ko pa pong gumaling. Marami pa akong gustong gawin kaya mas maaga, gusto ko malaman ko na at maagapan na.”
Hinawakan ni doc ang kamay ko, dama niya ang panginginig nito. Nagbabadya man ang mga luhang tumulo ay pinigilan ko ito. Hindi ito ang oras para manghina. Kahit mahina ang loob ko, sa labas ako ang masusunod. Kahit man lang sa panlabas maipakita ko na malakas ako.
“Let’s do it. Tutulungan kita, huwag kang mag-alala ha.”
Tumango lang ako bilang tugon at pagkatapos ay nakita ko na lang ang sarili ko na naglalakad na palabas ng hospital. Tulala na naman ako. Alam ko naman ang mga gagawin. Alam ko may trabaho akong babalikan, may Sonny na aalagaan at ate na kukumustahin pero hindi ko maiwasan talaga minsan ang mapatulala. Speaking of ate, ang tawag niya ang nagpabalik ulit sa akin sa reyalidad.
“Ate, kumusta?”
“Salamat, Love, ligtas na ang Kuya mo!” masayang anunsyo niya.
Kasabay nang pagngiti nang maliit ay ang mabilis na pagtulo ng maliit ding luha sa mata ko na bigla na lang ding nawala. Mas nangingibabaw ang saya ko ngayon kesa sa lungkot.
“Salamat sa Diyos ligtas na siya. May makukuhaan na ako ng pera, ate. Ipapadala ko bukas.”
“Ikaw? Ok ka lang ba? Saan ang trabaho mo ha? Kinakabahan ako sa ‘yo, bali-balita kasi na si Giovan ang nagbigay sa ‘yo ng trabaho. Ano ba ‘yan ha! Umamin ka nga!”
“Malinis ang trabaho ko, ate. Tagalinis at taga-alaga ng bata. Kaya huwag ka ng mag-alala ha. OK na OK ako. Isipin mo si kuya. Lumabas na kayo agad d’yan at sunduin niyo na si Hope kay ninang.”
Sandali kaming natahimik. Lalo na si ate na alam kong malaki ang galit noon pa kay Ninang Giovan.
“Sana, ate, huwag ka na magalit kay ninang. Mabait siya, masyado lang natin siyang na-judge noon. Tanggapin natin na sa oras ng pangangailangan e hindi natin kayang dalawa lang. Kung kinakailangang humingi ng tulong, humingi tayo ng tulong,” mahabang paliwanag ko at nang makakita ng bench ay naupo ako.
“Oo na, sige na. Naiintindihan ko naman at mukhang inalagaan naman niya nang mabuti si Hope. Teka, hindi ka ba magpapakita man lang sa’amin? Aba’t daig mo pang OFW?”
“Magpapakita ako soon. Magpapaalam lang ako sa boss ko.”
“O, sige. Hihintayin ka namin sa bahay ha. Mag-iingat ka. Kung may problema lalo sa boss mo e magsabi ka lang.”
“Sige, ate. Mahal kita. Ingat kayo.”
“Mahal din kita.”
Hindi pa man siya nagpapaalam ay pinatay ko na ang tawag at dito ay hindi ko na napigilang mapaiyak—na kahit ang pag-angat ng ulo para tingnan ang papadilim ng kalangitan ay hindi nito napigilan.
SA aking pag-uwi sa mansyon kung saan ay papunta na ako room ko ay hindi sinasadyang makarinig ako nang pagsigaw. Dapat ay sa susunod pa akong palapag pero sa floor na ito kung saan naroon ang room ni Sir Light ay napahinto ako. Agad kong tinungo ang kuwarto niya. Mukha kasing nangangailangan siya ng tulong at mukhang wala pa sina Tatay Uryu at Sonny.
Hindi muna ako agad pumasok sa room niya dahil hindi ko naman alam ang puwede kong maabutan do’n. Nasa bukana ako ng pintuan niya nang makita ko siyang pinipilit na tumayo. Pero nang muling bumagsak sa wheelchair n’ya ay napamura s’ya.
“Ahh! Bwisit!”
Hinihingal na napasandal s’ya.
“Paano lahat ng plano ko! Ahh!”
Para s’yang nagwawala sa sobrang pagkainis. Galit na galit na binunton iyon sa armrest at ito ang pinalo-palo nang malakas at maraming beses. Pulang-pula ang mukha niya at nagkikiskisan pa ang mga panga.
Kinabahan naman ako sa kaniya. Ang maamo niyang mukha ay napalitan ng galit. Parang natatakot akong lumapit sa kaniya. Anuman ang pinagdaraan niya ay hindi ko alam kung paano siyang dadamayan, ni hindi ko alam kung dapat ko ba siyang lapitan, pakiramdam ko kasi baka ako naman ang masaktan.
Napakapit ako sa dibdib ko na palakas nang palakas ang pagtibok.
Palipat-lipat ang mata ko sa kaniya at sa kalalabas ko lang na cell phone at ngayon ay hawak-hawak ko. Gusto ko kasing tawagan si Tatay Uryu.
At sa huling pagkakataon ay nakita kong sinikap ulit ni Sir Light na tumayo pero this time ay bumagsak siya sa sahig. Nakita ko kung paano siya nahulog, mabuti na lang at nauna ang katawan kaya hindi tumama ang ulo niya sa de-tiles na sahig at ang braso niya ang tumama rito. Sa lakas ng pagkakabagsak niya ay alam kong nasaktan s’ya.
“Sir Light!” tawag ko sa kaniya.
Mabilis na nakatakbo ako sa tabi niya para alalayan siya sa pagtayo. Sinubukan kong iangat siya gamit ang isang kamay dahil ang kabila ay may hawak ngang cell phone. Hindi sapat ang lakas ko para maiangat siya kaya naman ay hirap na hirap din ako. Bahagya ko siyang naiangat pero ako naman ang na-out balance kaya tumumba ako.
“Ahh!”
Sa kasamaang palad sa pagbagsak ng likod ko sa sahig ay sa ibabaw ko naman bumagsak si Sir Light. Gulat na gulat na napatitig ako sa kaniya lalo nang hindi sinasadya ay lumanding ang labi niya sa mga labi ko.
Parang kumawala ang puso ko sa sobrang kaba, parang naranasan ko nang mamatay. Hindi ko maramdaman ang puso ko kung tumitibok pa ba.
Kita kong nanlaki naman din ang mga mata ni Sir Light. Kung may galit pa rin ba sa mga mata niya ay hindi ko makita mabilis kasing nilayo niya na ang mukha at tumingin sa malayo. Kita ko rin na sinisikap niyang tumayo at umalis sa ibabaw ko habang tinutukod ang mga kamay sa magkabilang tagiliran ko pero hindi naman niya magawang makaalis dahil walang lakas ang mga tuhod niya.
“I’m sorry…” hinging paumanhin niya. “Pero—puwede bang tumayo ka na riyan?” Pinamumulahan siya ng mukha at malamang ay ako rin. Uminit ang tainga ko.
Sa narinig kong sinabi niya ay mabilis na nga akong kumilos para makatayo at tinago na ang phone ko sa bulsa ko saka gamit ang dalawang kamay ko ay inalalayan ko siya sa kilikili.
Hinihingal pa siya nang makuha na niya akong tingnan—nang magtama muli ang mga mata namin ay nakaramdam ako ulit nang matinding lungkot. May kung ano sa mata niya na hinuhukay ang kaloob-looban ko. Parang nagsusumbong ang mga mata niya pero walang sinasabi ang bibig niya. Para siyang hirap na hirap na hindi ko maintindihan.
Sa wakas, ang kaninang galit na mga mata ay napalitan ng kapanatagan habang kami pa rin ay magkatitig. Ang buong akala ko ay magagalit siya sa nangyari pero salamat at hindi naman. Aba! Kung may dapat magalit sa amin ay ako ‘yon. Ako first time ko mahalikan at sa paraang hindi ko inaasahan at hindi ko man lang napaghandaan, e siya, malamang ay marami na siyang labing natikman at balewala na lang ang eksenang ito sa kaniya. Puwede ko ba siyang singilin sa paghalik sa akin? Alam ko namang hindi niya sinasadya pero mahalaga sa akin ito. Parang award na igagawad lang sa taong mahal ko.
Sa pag-ikot ng kamay ko payakap sa kaniya ay tumugon naman siya. Tinulungan niya ang sarili na makaupo sa wheelchair habang nakaalalay ako sa tagiliran niya. Pawisan siya nang hustong makaupo, ang tila tubig na tumutulo pa sa tungki ng kaniyang ilong.
“Salamat,” tanging sabi niya.
“Wala pong anuman.” Hindi sinasadyang napatanga ako sa labi niya. Naisip ko naman. Talo pa ba ako. Ang ganda at perfect ng mga labi niya at ang tamis. Ngayon ay alam ko na ang pakiramdam ng mahalikan. Iisipin ko na lang na reward na ito sa akin bago man lang ako mamatay, kaya hindi na rin masama. Tiningnan ko naman siya mata.
Hindi ko alam pero kapwa kami hindi makangiti at nagkakasya lang na tumingin sa dalawang pares ng mga mata namin.
Kung ano ang iniisip niya ay hindi ko alam, basta ako nalulungkot ako, hindi ko alam kung nakikita niya. Nalulungkot ako siguro para sa aming dalawa. Siya na buhay na buhay pero hindi makaalis at ako na malayang nakagagalaw pero malapit ng mamatay.
Hindi niya puwedeng makitang umiiyak ako kaya naman ginawa ko ang lahat, na kahit na ang paghinga ay pinigilan ko huwag lang tumuloy sa paglaglag ang mga luha ko.

Bình Luận Sách (54)

  • avatar
    GabrielleJhairy

    a highly recommended story to read,☺️☺️

    23/06/2022

      0
  • avatar
    Chard Tamayo

    500

    11/07

      0
  • avatar
    يصل برنابا

    ang ganda

    24/08/2023

      0
  • Xem tất cả

Các chương liên quan

Chương mới nhất