logo text
Thêm vào thư viện
logo
logo-text

Tải xuống cuốn sách này trong ứng dụng

Chương 6 SITYO BAYAWAK

SITIO BAYAWAK
Araw ng Lunes, papunta ako sa paaralan namin nang makasalubong ko ang mga kaibigan ko na sina Chino at Chito. Sinabihan nila ako na huwag ng pumasok dahil may pupuntahan daw kami.
S'yempre, minsanan lang din akong makagala kaya hindi na ako pumasok at sumama na lang ako sa kanila. Tinanong ko si Chito kung saan kami patungo at sinabi niya sa akin na pupunta raw kami sa Sitio Bayawak.
No'ng una ay napahagalpak pa ako ng tawa dahil sa pangalan ng lugar. Biniro ko pa sila na manghuhuli ako ng mga bayawak para katayin at ulamin. Minsan kasi ay nangangaso rin kami ni papa sa bundok kaya nakasanayan ko ng kumain ng mga exotic food.
Galing sa paaralan ay sumakay kami ng traysikel patungo sa sinasabi nilang Sitio Bayawak. Sabi ni Chino sa amin, na Fiesta raw sa lugar ng kaibigan niya. Habang nasa biyahe kami ay biglang nagsalita ang drayber na ikinagulat namin.
"Mga bata, sigurado ba kayo sa pupuntahan ninyo? Alam ba ninyo na delikado ang lugar na iyon? Walang nagtatangkang pumasok sa lugar nila dahil ang lugar na sinasabi ninyo ay pinamumugaran ng mga aswang."
Nang marinig ko ang sinabi ng drayber ay bigla akong kinabahan. Sinabi ko kina Chino at Chito na hindi na lang ako sasama sa kanila pero sabi nila sa akin, isusumbong daw nila ako sa mama at papa ko na hindi ako pumasok ng klase kapag hindi ako sumama sa kanila.
Wala na akong magagawa kaya sumama na lang ako sa kanila. Medyo malayo-layo rin pala ang Sitio Bayawak galing sa paaralan namin dahil inabot kami ng isang oras sa pagbiyahe.
Huminto ang traysikel sa isang iskinitang maliit, tanging tao lang ang pwedeng magkasya. Lumabas ako ng traysikel at inilibot ang aking paningin sa buong paligid.
"Mga bata, bago kayo pumasok sa Sitio Bayawak, kumuha kayo ng bunga ng kalamansi at kapag kakain na kayo, pasikreto ninyong pigaan ang pagkain na nasa inyong harapan. Huwag kayong magpapahalata at huwag din kayong kabahan kapag natuklasan ninyo ang lihim nila dahil malakas ang kanilang pakiramdam at pandinig," biglang sabi ng drayber sa amin sabay turo sa kalamansi sa may unahan.
Sa pangalawang pagkakataon ay sinabihan ko ulit sina Chino at Chito na huwag na kaming tumuloy ngunit nagmatigas pa rin nila. Kahit labag sa kalooban ko ay sumama pa rin ako sa kanila.
Umalis na ang traysikel at kaming tatlo na lang ang naiwan sa gitna ng masukal at matalahib na daan. Napansin kong sobrang tahimik ng paligid, wala ni anumang ingay na maririnig.
Tumayo ang balahibo ko sa batok ng umihip ang malamig na hangin. Napapalibutan ng naglalakihan at nagtataasang mga puno ang paligid kung nasaan kami ngayon na siyang nagbigay ng takot at kilabot sa amin.
Wala akong bahay na nakikita kahit isa. Natigil lang ako sa pagmamasid nang lapitan ako ni Chito at ibinigay sa akin ang tatlong piraso ng kalamansi.
Nagsimula na kaming maglakbay sa maliit na daan patungo sa Sitio Bayawak. Si Chino ang nanguna sa amin dahil siya ang nakakaalam ng daan. Habang naglalakbay kami ay sinabi niya sa amin na wala naman daw aswang sa Sitio Bayawak dahil nakapunta na raw siya sa lugar na iyon no'ng nakaraang taon.
Patuloy lang si Chino sa pagsasalita. Samantalang ako ay nanatili lang tahimik habang sinasaulo ang daan na dinadaanan namin. Binali ko ang mga maliliit na puno sa gilid ng daan.
Dahil sa nagtataasang mga talahib ay hindi namin matanaw kung may mga bahay ba sa unahan o wala.
Sampung minuto ang nakalipas, malapit na kami sa bahay ng kaibigan ni Chino na si Tonio. Napapansin kong, pinagtitinginan kami ng mga tao roon. Bigla akong kinilabutan nang lapitan kami ng isang matandang lalaki at mataman kaming tiningnan.
Hindi ko ipinahalata na natatakot na ako dahil naaalala ko ang sinabi ng drayber na huwag daw kaming magpapahalata. Kahit hindi ako sigurado kung mga aswang ba ang naninirahan sa lugar na ito ay nag-iingat pa rin ako.
Nakahinga lang ako ng maluwag nang umalis na ang matanda palayo sa amin. Marami rin akong nakitang mga taong masayang nagkukuwentuhan habang nag-iinuman. Ang iba naman ay abala sa pagluluto.
Lumabas si Tonio sa kanilang bahay at nilapitan kami. Hindi ko akalaing may marami pa lang bahay sa gitna ng kakahuyan. Napatanong ako sa sarili ko kung bakit dito sila naninirahan sa gitna ng kakahuyan.
Pumasok kami sa loob ng kanilang bahay at napansin kong may mga nakasabit na mga buto, pero hindi ko alam kung ano o kanino galing ang mga buto. Sobrang lakas ng kabog ng dibdib ko. Nagdarasal na lang ako na sana'y makauwi pa kami ng buhay.
Nakita ko ang mga magulang ni Tonio na abala ito sa paghahanda ng mga pagkain sa lamesa. Nakaramdam ako ng gutom nang maamoy ko ang mabangong mga putahe na nakahain.
Maya-maya pa ay inaya na nila kaming kumain. Kinalabit ko si Chito at pinandilatan ko siya ng mata. Mabuti na lang at nakuha niya ang ibig kong sabihin. Umupo na kami at hindi namin ipinahalata na kinakabahan na kami.
Kumuha ako ng pansit at adobong atay ng baboy, ganoon din sina Chito at Chino. Pinatid ko ang binti ni Chito at Chino sa ilalim ng lamesa tanda na kunin na ang kalamansi. Inihanda ko na rin ang aking kalamansi.
Nang malingat ang mga magulang ni Tonio at habang abala si Tonio sa pagkuha ng iba pang putahe ay mabilis naming pinatakan ang mga pagkain na aming kinuha.
Habang ginagawa ko iyon ay pinagpapawisan ako nant malamig. Ilang minuto lang, tumambad sa aking harapan ang putol na mga daliri at atay ng tao. Nagkatinginan kaming tatlo at nangangatog na rin ang aming tuhod. Gusto na naming masuka ngunit pinipigilan lang namin. Biglang sumagi sa isipan ko ang sinabi ng drayber na baka hindi na kami makalabas ng buhay.
Grabi ang takot na nararamdaman ko nang lapitan kami ng mga magulang ni Tonio at tinanong kung bakit hindi pa raw kami kumakain.
Nagdadahilan ako na naiihi na ako. Pati si Chino at Chito ay ganoon na rin ang dahilan. Sabay kaming tumayo at sinabi na magbabanyo muna kami. Sinamahan kami ni Tonio sa likod ng kanilang bahay at itinuro sa amin ang kanilang banyo. Pagkatapos niyang ituro ay umalis na siya at sinabing papasok na siya sa loob dahil may marami pa siyang gagawin.
Pasimple lang kaming naglakad, hindi namin ipinahalata ang natuklasan namin. Nang makarating na kami sa banyo ay nagmamadali kaming lumiko patungo sa likod ng banyo. Sumilip kami kung may nagmamasid sa amin o wala.
Nang makita naming walang nakapansin sa amin ay nag-uunahan kami sa pagtakbo papasok sa loob ng kakahuyan. Lakad takbo ang aming ginawa. Hindi ko inalintana kung magkasugat-sugat na ako.
Nasa gitna na kami ng kakahuyan ng may marinig kaming may paparating. Mas binilisan pa namin ang pagtakbo. Umiiyak na kaming tatlo dahil sa kaba at takot.
Patuloy lang kami sa pagtakbo kahit hindi namin alam kung makakalabas pa ba kami sa kakahuyan na iyon hanggang sa may marinig kaming ingay ng traysikel sa may unahan.
Binilisan namin ang aming pagtakbo. Rinig na rinig na namin ang traysikel. Nanlumo kami nang may mga batong nakaharang sa aming harapan. Wala na kaming ibang madadaanan pa kaya pahirapan kami sa pag-akyat at pagbaba. Nakita na namin ang traysikel na paalis na sa lugar na iyon.
Sumigaw kami nang sumigaw habang tumatakbo. Hinahabol namin ang traysikel. Mabuti na lang at narinig kami ng drayber. Pagkalapit namin, agad kaming sumakay at sinabi na bilisan ang pagmamaneho dahil may mga aswang na humahabol sa amin.
Kahit nasa loob na kami ng traysikel ay patuloy pa rin kami sa pag-iyak. Sobrang lakas pa rin ng kaba sa aking dibdib.
"Mabuti na lang at naabutan n'yo pa ako mga bata. Bumalik ako kasi nahulog ang pitaka ko kanina at mabuti na lang nakita ko kung saan ko kayo ibinaba kanina." rinig kong sabi ng drayber.
Doon lang namin napagtanto na siya pala iyong sinakyan namin kanina. Nagpahatid na lang kami sa paaralan at nagpapasalamat sa kaniya.
Hindi ko akalaing muntikan ng mapahamak ang aming mga buhay dahil sa kagustuhan naming gumala. Nagsilbi na rin itong aral sa akin at sa mga kabataan na mahilig magliwaliw at maglakwatsa.
Wakas.

Bình Luận Sách (375)

  • avatar
    Heidee_

    Ang ganda ng book na ito! Ang dami ko nalaman tungkol sa mga aswang tsaka favorite ko yung chapter na may Dinuguan😍💙

    26/08/2022

      0
  • avatar
    Nicachan

    Di ako nag sising basahin tong story na to. Nakakatindig balahibo sa bawat chapter. Keep up the good work author (^∇^)ノ♪

    24/08/2022

      0
  • avatar
    rhee027

    Speechless ako sa galing sa narration ni Author! Unang kwento pa lang, ramdam mo na hindi lang yung kilabot kung hindi pati yung linaw ng pagkakalarawan sa komunidad kung saan nagaganap ang mga hiwaga.

    09/08/2022

      0
  • Xem tất cả

Các chương liên quan

Chương mới nhất