logo text
Thêm vào thư viện
logo
logo-text

Tải xuống cuốn sách này trong ứng dụng

CHAPTER 7

“TAO PO! Tao po! Yuhoo!”
Naalimpungatan si Laila nang makarinig nang tatlo at sunud-sunod na katok sa pinto.
Iminulat ni Laila ang mga mata at inilibot ang tingin sa buong paligid kasabay nang pagkunot ng noo nang mapansing wala siya sa loob ng silid niya sa mansyon.
“Aray,” daing niya nang maramdaman ang pananakit ng kanyang mga balikat at agad agad na sinapo iyon. Noon lang napansin ni Laila na nakatulog pala siya nang nakaupo.
Pinakatitigan pa niya ang mahabang upuan na naroon kung saan siya nakatulog at muling iniikot ang tingin sa paligid. Lumipas pa ang ilang minuto bago niya naintindihan ang nangyayari at kung nasaan siya.
“You are helpless, Laila,” aniya sa sarili saka inihilamos ang dalawang kamay sa mukha at muling sumandal sa upuan.
“Tao po! Neighbor!”
Agad na napatayo si Laila sa kinauupuan at naging alerto nang marinig ang boses na iyon ng isang babae kasabay ng tatlong sunud-sunod na katok sa pintuan niya.
Kakalipat ko lang, nahanap nila ako agad? Nag-aalalang tanong niya sa sarili saka dahan-dahang lumapit sa bintana na nasa itaas lang ng upuan at bahagyang hinawi ang kurtina doon para silipin ang tao sa labas.
Agad na napataas ang kilay niya nang makita ang isang babaeng nakasuot ng simpleng V-neck T-shirt na kulay dilaw at itim na short shorts at may dala ring kung ano na natatakpan ng plato.
Hindi na nag-abala pa si Laila na sumilip sa salamin para tingnan ang sarili na lumapit siya sa pinto at bahagya lang na binuksan iyon para makita siya ng bisita niya.
“H-Hi,” mababa ang boses na tipid na bati niya sa babaeng nasa labas. Maliit lang ang babae kumpara sa kanya at bahagyang bilugan ang katawan. Maiksi rin ang kulay brown nitong buhok na sa hula ni Laila ay pinakulayan at hindi natural.
“Hi neighbor!” masiglang bati sa kanya ng babae. “May dala ako para sa’yo, o,” anito na iniaabot sa kanya ang dala.
Hindi alam ni Laila kung ano ang dapat isagot sa babae sapagkat bago sa kanya ang mga ganoong bagay kung kaya naman hindi siya nagsalita, sa halip ay tinitigan niya ito at ang dala nito.
“Ay, nahihiya ka?” Bakas sa mukha ng babae na naiintindihan siya nito saka tiningnan ang dala at muling bumaling sa kanya na may kiming ngiti sa mga labi. “Puwedeng pumasok?”
Wala sa loob na tumango si Laila at kumilos para lakihan ang pagkabukas ng pinto. Agad namang pumasok ang babae at dere-deretsong pumasok sa loob hanggang sa kusina habang siya ay nakamasid lang sa kilos niyon.
Bigla niyang naalala si Annie. Ganito rin kumilos ang kaibigan niya, walang arte sa katawan at masyadong jolly.
“Kagigising mo lang?” tanong ng babae.
“Ha? Ah, eh─”
“Okay lang. Intiendes ko kaya ngayon ka lang nagising. O baka nga katutulog mo pa lang tapos inistorbo pa kita. Sorry ha?” tuluy-tuloy na sabi nito.
Napamaang naman siya sa kausap. “Ha?”
“Ang ganda na nitong bahay mo. Naayos mo na. Ibig sabihin, magdamag kang naglinis, tama ba ako?”
Nahihiya man ay tumango na lang si Laila bilang sagot.
“Tamang-tama, puwede mo nang pananghalian iyong dala kong pansit at spaghetti. Meron din iyong ilang lumpiang shanghai,” nakangiting imporma sa kanya ng babae. “Ay, oo nga pala. Nakapasok na ako dito sa bahay mo pero hindi pa ako nakakapagpakilala. Hindi ko pa rin alam ang pangalan mo. Mae nga pala,” pakilala nito na inilahad ang kamay sa kanya.
Napangiti si Laila sa nakikitang karakter ng babae. “Laila,” aniya na inabot ang kamay nito para makipagkamay.
“Dalaga ka pa?” bigla ay tanong ni Mae sa kanya nang bitiwan na ang kamay niya.
“Ha?” gulat na tanong niya.
“Kung dalaga ka pa? Kasi nakita namin na mag-isa ka lang na dumating kahapon, eh.”
“Ah,” napangiwi siya na agad rin niyang pinalis sa mga labi at nahihiyang ngumiti sa babae. Single ako. Pero biglang nagkaroon ng fiancé, nais sana niyang sabihin subalit iba ang sinabi niya. “Oo, dalaga pa ako.”
“Ako din dalaga pa. Ewan ko ba kung bakit parang hindi ako napapansin ng mga boys, samantalagang maganda naman ako at sexy, di ‘ba?” anito na iminuwestra ang mukha na pinamungayan pa siya ng mga mata at saka umikot sa harap niya saka nameywang na parang modelo.
Hindi niya napigilan ang pagkawala ng munting tawa mula sa mga labi niya.
“Oh my gosh! Tumawa ka?” nanlalaki ang mga matang tanong nito sa kanya.
Bigla naman niyang itinikom ang bibig at humihingi ng dispensang tumingin dito. “Sorry. I don’t mean to offend you. Maganda ka naman. Ano lang kasi, natawa ako kasi ang cute mo,” nahihiyang sabi niya.
Umiling naman si Mae.
“Sorry talaga,” sising-sising sabi niya. Kung bakit ba naman kasi siya tumawa-tawa pa. Nagulat na lang siya nang si Mae naman ang bumungisngis. “B-Bakit?” nagtatakang tanong niya.
“Ano ka ba? Wala ka namang dapat ikahingi ng sorry, no. Ang cute ng reaksyon mo. Halatang hindi ka sanay sa ganitong conversation, pero kinakausap mo pa rin ako,” sabi ni Mae na may malawak na ngiti sa mga labi habang nakatingin sa kanya. “Oo nga pala, d’yan kami nakatira sa harap ng bahay mo. Apartment din ‘yon pero iba ang may-ari. Kasama ko d’yan ang nanay at tatay ko,” sabi nito.
Tumango si Laila. Natutuwa siya na mayroon na siyang bagong kakilala sa lugar na iyon. “Gusto mong maupo?” mayamaya ay tanong niya.
“Naku hindi na. Hinatid ko lang talaga iyang pagkain. Birthday kasi ni Tatay, eh. Tapos di ka pa lumalabas mula kaninang umaga kaya pinuntahan kita, saka gusto kitang makilala kaya ako na ang nagdala.”
“Salamat,” aniya. “Sandali pala, iyong pinggan─”
“Mamaya na. Kukunin ko na lang mamaya para may dahilan ako para bumalik,” anitong humagikhik. “Gusto mo kumanta? Nagrenta kasi si Tatay ng videoke eh.”
Umiling si Laila. “Hindi na. Salamat uli saka happy birthday sa Tatay mo.”
“Sige, salamat din,” ani Mae na lumabas na ng bahay niya at naglakad saka dere-deretsong pumasok sa bahay na nasa tapat nga ng apartment niya.
At dahil sinusundan niya ito ng tingin habang nakatayo siya sa likod ng pinto ay nakita rin niya ang mga dumarating na mga bisita ng mga ito. Napangiti na lang si Laila kapagkuwan.
Sana maging kaibigan ko ang mga tao rito, piping hiling niya saka isinara ang pinto ng bago niyang tirahan.
Sunod ay agad siyang nagtungo sa kusina at lumapit sa mesa kung saan inilapag ni Mae ang dala nito, para tingnan. Agad na nakaramdam si Laila nang pagkalam ng sikmura nang makita at maamoy niya ang spaghetti.
“Mainit pa,” mahinang komento niya saka muli iyong tinakpan at mabilis na nagtungo sa kuwarto niya para kumuha ng tuwalya at pamalit na damit. Maliligo siya dahil nanlalagkit na siya.
“There is always a first time in forever, Laila,” pagkausap niya sa sarili. “There is always be. Gaya na lang nang,” sandali siyang sumulyap sa wall clock na isinabit niya sa salas nang nagdaang gabi matapos maglinis. Pasado alas dose na nang tanghali ang oras doon, “tanghali ka nang gumising. And you’ll have you’re your brunch as well as your afternoon snack at the same time.”
TUMUTULO ang mga luhang tumingala si Lara sa kalangitan. Bakas sa mga mata niya ang magkahalong kalungkutan at galit na nararamdaman dahil sa mga nararanasan sa buhay. Ni hindi niya mapigilang tanungin ang sarili kung mayroon nga bang Diyos na nagpapahalaga sa mga tulad niya dahil kung mayroon gusto niyang malaman kung bakit nito hinayaang makaranas siya ng hirap. Bakit nito hinayaang mawalan na naman siya? Bakit?
Napatigili sa pagtipa si Laila sa laptop niya nang marinig ang malakas, makabasag-tainga at masakit sa ulong pagkanta ng isang lasing na lalaki mula sa labas ng apartment niya.
Napabuntong-hininga na lang siya saka napipilitang tumayo sa kinauupuan at lumapit sa cabinet na naroon sa kusina para kumuha ng cup noodles doon. Nang makakuha ay agad rin siyang lumapit sa mesa at binuksan iyon kasunod ay ang maingat niyang paglalagay roon ng mainit na tubig mula sa termos.
Alas nuwebe na nang gabi ngunit maingay pa rin sa labas at hindi siya makapag-concentrate sa pagsusulat.
Tinakpan muna ni Laila nang platito ang cup noodles saka muling binalikan ang laptop niya para i-save ang isinulat saka niya iyon i-shinut down at dinala sa kuwarto para itabi. Palagay niya ay hindi siya makapagsusulat sa gabing iyon.
Imposible, sa sobrang ingay. Baka bukas na. Matutulog na muna ako ngayon pagkakain para makabawi sa pagod kahapon, sabi niya sa sarili.
Makalipas ang ilang sandali ay bumalik siya sa kusina para kainin ang laman ng cup noodles niya. Napangiti si Laila nang makitang puwede na iyong kainin, agad siyang kumuha ng kutsara at tinidor at bumalik sa pagkakaupo.
Naglaan siya ng ilang minuto sa pagdarasal at pasasalamat sa kanyang kaunting hapunan at nang akmang hihigop na siya ng mainit na sabaw niyon nang maramdaman ang pag-vibrate ng cellphone niya. Kinuha niya iyon mula sa bulsa ng suot na maong short shorts at agad na sinagot iyon.
“Hello, Annie?” aniyang sinagot ang tawag. Hindi na siya nag-abalang tingnan pa kung sino iyon dahil wala namang nakaaalam ng bago niyang numero bukod sa kaibigan.
“Hello, Laila. Kumusta ka d’yan?” tanong ni Annie mula sa kabilang linya.
“Ayos lang. Naipasa mo na ang resignation letter ko?”
“Oo, naipasa ko na. Naku, ikaw talagang babae ka,” tila nanggigigil na sabi nito. Sa hinuha ni Laila, kung kaharap niya ang kaibigan ay titirisin siya nito. “Di ko alam kung paano ang paliwanag na sasabihin sa Prinsipal.”
Natahimik si Laila. Hindi siya nagsalita sa halip ay ipinagpatuloy niya ang paghigop ng mainit na sabaw.
“Laila, nandyan ka pa?” may pag-aalalang tanong ni Annie sa kabilang linya.
Ilang segundo rin ang pinalipas niya bago sumagot habang sunud-sunod ang naging paghigop sa masarap na sabaw ng kanyang instant noodles.
“Oo, nandito pa ako. Pasensya na Annie. Hindi lang talaga ako puwedeng bumalik d’yan.”
“Naiinitindihan ko naman. Gusto ko rin sanang sabihin iyon kay Mrs. Asuncion pero itinikom ko na lang ang bibig ko para hindi na humaba pa ang usapan, alam mo na,” anito na ang tinutukoy na Mrs. Asuncion ay ang principal ng pampublikong paaralang pinagtututuruan niya.
“Alam ko naman. Nagalit ba?” tanong niya na bahagyang napangiwi dahil napaso siya nang isubo niya ang noodles. Ouch, ang init!
“Naglitanya ng mahaba-haba si Mrs. Asuncion pero naiintindihan naman niya. Iyon nga lang mga inggiterang mga kasama natin dito, sila ang galit at mas maraming sinasabi, kesyo incompetent ka daw. Pero ‘wag mo na pansinin ang mga iyon. Hindi sila ikatatahimik ng buhay mo, hayaan mo silang bangungutin dahil sa mga ugali nila,” mas lalong gigil na kuwento sa kanya ni Annie. “By the way, nagpadala ka ba ng e-mail kay Mrs. Asuncion?”
“Oo, kaninang hapon lang,” aniya habang ipinagpatuloy ang pagkain.
“Mabuti naman kung ganoon. Kumain ka na?”
Tumango-tango si Laila na para bang kaharap niya ang kausap at nakikita siya nito. Nginunguya kasi niya ang noodles na isinubo.
“Laila?” tawag sa pangalan niya ni Annie, tila naiinip.
“Oo, pasensya na. Kumakain ako kaya di ako makasagot sa’yo agad.”
“Ngayon pa lang? Late na ah?” tanong pa nito na tila iritado na. Marahil ay nag-aalala sa kanya ang kaibigan. “Ano’ng kinakain mo? Saka bakit ang ingay ng background mo? Parang may palakang pinipilipit na kumakanta?”
Sukat sa huling tanong ni Annie ay hindi napigilan ni Laila ang malakas na pagtawa. Muntik pa siyang mabilaukan ng isang pirasong noodles na sinimot niya sa kinakainan na bigla niyang nalunok. Mabuti na lang at abot-kamay lang niya ang pitsel at may nakahanda ng baso sa mesa niya para makainom.
“’Yang bibig mo talaga, Annie!” aniya kapagkuwan.
“Bakit? Totoo naman ang sinabi ko, ah. Nasaan ka ba?” Iyon ang nami-miss niya sa babae. Prangka ito. Masayahin at madaling pakibagayan. Mabait din ito sa kanya. Iyon nga lang, may palagay siyang matagal din silang hindi magkikita dahil sa sitwasyon niya at bahagi ng pag-iingat niya.
“Nandito ako sa apartment ko. Sa kusina. Kumakain ako ng cup noodles, ang sarap pala nito,” nakangiting kuwento niya sa kausap sa kabilang linya. “At iyong naririnig mong kumakanta, sa labas iyon. May birthday party kasi sila dito, may videoke raw na nirenta. Mga lasing na rin yata ang mga bisita.”
“Cup noodles? Para sa hapunan, Laila? Seryoso?” Nailayo ni Laila ang cellphone sa tainga nang biglang lumakas ang boses ni Annie na parang sinisigawan siya.
Naiintindihan naman niya ito kung tutuusin subalit, masyado siyang abala at hindi siya puwedeng basta-basta na lang magbasa ng kamay. Mapapasma siya. Hinigop muna ni Laila ang natitirang sabaw na bahagyang lumamig na dahil sa tagal niyang kumain bago sumagot sa kaibigan. “Actually, busog na ako dito.”
“Bakit ‘yan kasi ang kinakain mo? Saka safe ka ba d’yan?” may bahid pa rin ng pag-aalala ang boses nito. “Sabi mo nga lasing na ‘yong nasa party ng kapitbahay mo, baka mamaya pasukin ka d’yan.”
Para namang kinilabutan si Laila sa mga sinabi ng kaibigan na agad siyang tumayo at tinungo ang pintuan ng apartment niya at agad na ini-lock iyon. Itinulak din niya ang mahabang upuan na naroon para humarang sa pinto.
“Annie, huwag ka ngang manakot!” aniya dito nang matapos sa ginagawa. Kumabog nang mabilis ang puso niya na wala nang dalawang salitang umaksyon kaagad siya. “Hindi naman siguro dahil feeling ko mababait naman sila. Dinalhan nga nila ako ng handa nila kaninang bandang tanghaling-tapat. ‘Yon nga lang…”
“Yon nga lang?” naghihintay na tanong ng kaibigan niya nang tumigil siya sa pagsasalita.
“Yon nga lang para sigurado, nagdouble check na ako ng lock sa pinto. Hinarangan ko na rin,” aniya na muling bumalik sa kusina at naupo doon. Mukhang ang kusina niya ang magiging favorite spot niya sa bahay niya.
Mayamaya pa ay narinig niya ang pagbuntong-hininga ni Annie sa kabilang linya. “Laila?”
“Hmm?”
“Are you really going to be fine, there?” seryosong tanong nito. “Are you enjoying your new life now?”
Natigilan si Laila. Napatapik-tapik din ang mga daliri siya sa ibabaw ng mesa kasabay nang paglibot niya nang tingin sa kabuuan ng apartment na siyang magsisilbing bagong tahanan niya.
Hindi alam ni Laila ang dahilan pero kung magiging totoo lang siya sa sarili, alam niyang masaya siya. Maluwag ang pakiramdam niya. Kontento siya sa kung ano ang ginagawa niya.
“Laila?” Sa hindi mabilang na beses ay tawag sa pangalan niya nang kaibigan. “Ano? Nagsisisi ka na ba na nag-alsa balutan ka?”
“No, of course not.” Mababa ang boses na agad niyang sagot. “Hindi ako nagsisising umalis ako sa mansyon, Annie. Totoo. Siguro naninibago ako sa maraming bagay kasi sa mansyon wala naman akong gawaing-bahay na dapat pang isipin araw-araw o kaya labhang mga damit linggo-linggo pero kaya ko. I can cook, I can clean this house, I can wash clothes and dishes. I can do all those stuffs, Annie. Kung kaya ng mga tao dito, kung kaya mo─ ikaw na kaibigan ko, ibig sabihin kakayanin ko din. Andw with all of those, believe it or not, I am happy.”
“How happy, Laila?” may paninigurado sa boses ng kaibigan. “Sabi mo nga, hindi mo ‘to nakasanayan. Mayaman ka Laila pero bigla, mamumuhay ka na parang hindi ka ipinanganak na may gintong kutsara sa bibig. Di kaya bukas makalawa, kapag nahirapan ka na, hindi natin alam eh, sumuko ka? Hindi natin alam kung paano mo i-su-survive ang mga araw, linggo at buwan. Hindi rin natin alam kung sasapat ba ‘yang ipon mo? Kahit ang kinikita mo sa pagsusulat. Hanggang kailan ka tatagal?”
Parang biglang naupos si Laila sa pinag-uusapan nila ng kaibigan na isinandal niya ang likod sa silyang kinauupuan at mariing ipinikit ang mga mata saka kinapa ang kaliwang dibdib na bahagyang kumirot nang maalala ang Daddy niya at ang dahilan ng lahat ng iyon.
“I can survive, Annie. I will survive no matter what,” aniya. “Gaano ako kasaya? Masayang-masaya. Pakiramdam ko kasi nakawala ako sa hawla. Malaya na ako mula sa mga rules and regulations sa loob mismo ng mansyon. Malaya na ako sa mga paulit-ulit na pangungutya ng Daddy ko at ng ibang tao sa larangang pinili ko. Malaya na ako sa pagmamando nila sa akin. Malaya na akong gawin ang anumang gustuhin ko, Annie. At masaya ako. Malaya na rin ako na magpanggap na okay lang ang lahat sa harap ng maraming tao,” dagdag niya pa na gumagaralgal na ang boses sa hindi niya mapigilang emosyong naipon na yata sa loob ng dibdib niya sa loob nang napakahabang panahon. Hindi niya na rin namalayan pa ang pag-alpas ng masaganang luha mula sa kanyang mga mata.
Yes. Laila felt relieved with the fact that she was finally free. And even this escape is just temporary knowing her father, she still happy. She knew that she can survive. She has to. She is happy that much that she can’t suppress her tears of joy.
“M-My sweet Laila,” pumipiyok na sabi ni Annie. “Nakakainis ka,”anito saka biglang humagulhol ng iyak sa kabilang linya.
Nagulat si Laila. “O, bakit ka umiiyak?” tanong niyang pinupunasan ang sariling luha na ayaw tumigil sa pagpatak.
“U-Umiiyak ka kasi,” anitong tila naiinis na nahihiya sa sarili.
“Tears of joy ‘yon” aniya. “Ikaw, okay ka lang? Bakit ka umiyak?” nag-aalalang tanong niya.
“Ewan ko sa’yo! Napaka-slow nito,” naiinis na sabi ni Annie sa kanya na ikinangiwi na lang talaga ni Laila. “Basta, kapag may kailangan ka, magsabi ka kaagad. Basta kaya ko tutulong ako. Kahit hindi ko kaya, gagawa ako nang paraan para makatulong sa’yo,” sabi nito na suminghot pa.
Napangiti si Laila sa narinig.
She was still blessed that she has Annie on her side, one of those precious gems that she has.
“Thank you, Annie. Thank you for being a friend of a weirdo, like me,” madamdaming sabi niya.
“Che! Ang drama mo!” pagalit na sabi nito na ikinatawa niya na mayamaya pa’y pinagtawanan na rin nilang dalawa.
It’s really good to have atleast one true friend than thousand fakes of them, nakangiting sabi niya sa sarili.

Bình Luận Sách (7)

  • avatar
    YuGabriel

    hi I love to read this coming Thursday ok lang

    18d

      0
  • avatar
    Rhydian Chan

    very noice

    06/11

      0
  • avatar
    EligarcoSetty

    very good

    05/07/2023

      0
  • Xem tất cả

Các chương liên quan

Chương mới nhất