logo text
Thêm vào thư viện
logo
logo-text

Tải xuống cuốn sách này trong ứng dụng

KABANATA ( 03 ): BUNGAD NG KAMATAYAN?

MAKAHIYA
     "Macky! Makahiya! ....MACKY!"
Nanlaki ang aking mga mata nang marinig ang boses ni Halaya na tinatawag ako mula sa labas.
'Wag... umalis ka na ...' paulit-ulit kong sigaw sa aking isip, ngunit maging ang mga bibig ko'y hindi ko rin magawang maibuka upang balaan siya. Sa huli, nilamon lang din ako ng takot.
Hindi ako makakilos at tanging panginginig lamang ang kaya kong gawin ngayon.
     "Uy! Macky, kanina pa—" lumangitngit ang kahoy na pintuan ng aming munting bahay. "A-anong...Sino k-ka?"
            Lilingunin ko na sana ang aking matalik na kaibigan at ipagtatanggol sa kahit anong kapahamakang maaaring mangyari sa kanya, ngunit huli na ang lahat nang maramdaman ko ang isang matigas na bagay na tumama sa aking ulo.
     "MACKY!"
            Narinig ko ang iyak at pagsusumamo ni Halaya, ngunit nag-aagaw na ang aking kamalayan at pagkawala ng ulirat sa aking sistema kaya unti-unti nang lumabo ang kanyang larawan sa aking harapan.
***
            "Aking salita'y damhin. Tinig ko nga'y kilalanin, mula sa Imperyong Nivadavia, Makatang babaylan. Pahintulutang siya'y gamutin." Nakarinig ako ng boses ng isang babae, ngunit 'di ko magawang mai-kilos ang aking katawan.
     "B-binibining Helot, patawad, n-ngunit hindi pa ninyo lubos na kilala ang inyong pagkamakata. Imbis na siya'y m-malunasan, maaaring ang b-buhay niya'y inyo pang...m-mai-pahamak." Garil na pagsasalita ng isa pang babaeng tinig.
Naisin ko mang idilat ang aking mga mata, ay tila kay bigat na ng mga talukap nito't hindi na mai-kilos pa.
Nakarinig ako ng malakas na tunog na animo'y hinampas ang isang solidong bagay.
     "Kini-kuwestyon at minamaliit mo ba ang aking kakayahan, Babaylan Himashill?" May tono ng pagtataray at pagbabanta sa bawat pagbigkas ng kausap niyang babae, na kung hindi ako nagkamali ng dinig ay si Binibining Helot.
Ano self? Hanggang audio experience ka na lang ba? Gumalaw ka naman!
            Ang problema, sobang sakit ng katawan ko, parang pinuputol sa sakit ang mga binti at bisig ko, samantalang tila dinudurog ang ulo ko, pakiramdam ko ay nagdurugo na ito sa loob.
     "H-hindi po sa g-ganoon, Binibining Helot. N-nag-aalala lamang—"
     "Ano pa't tangan ko ang apelyido ng Nivadavia kung ako'y magiging isang mahina. Walang puwang ang kahinaan sa aming lahi." Puno ng pagmamalaki ang tinig na iyon ni Helot.
T-teka? Nasaan na nga ba ako? Bakit may naririnig akong dalawang babaeng nagkakasagutan na? 
Ang huling alaala ko ay nasa bahay lamang ako ni Lola...
'L-lola.'
            Mabilis nanubig ang mga mata ko kahit ako'y nananatiling nakapikit. Ang aking mga alaala ay unti-unting nagbalik sa aking isipan, tila kay bilis ng lahat ng pangyayari at hindi ko na alam pa ang aking siyang uunahing aalalahanin.
            Ang Binibining Buwan ng Wika 2020. Ang batang babae. Braso. Mata. Si Lola. Putol-putol na bahagi ng katawan ni Lola. Mga malagkit at masangsang na dugo. Ang pugot na ulo. Ang sibat.
T-teka, si Ube Halaya!
     "Gumagalaw siya! Tila nagbabalik na ang kanyang kamalayan!" Rinig ko ang saya sa tinig niya.
     "Hindi ba't sinabi ko naman kaseng huwag mong mamaliitin ang aking kakayahan, Babaylan Himashill."
            Kaalinsabay ng aking unti-unting pagdilat ay ang pag-apaw ng mga luhang walang habas na kumawala mula sa aking mga mata. Subalit hindi ko magawang humagulhol o humikbi, tila tag-tuyot sa aking lalamunan kaya't walang makalabas na kahit anong tunog o salita.
     "Kumusta ang iyong pakiramdam, Binibini? Sana'y natulungan ng aking tinig at salita ang iyong mga sugat at pasa sa iyong katawan." Pilit kong nilingon ang nagsalita, ngunit malabong imahe lamang niya ang aking naaninag.
            Kinurap-kurap ko ang aking mga mata upang tuluyang mabawasan ang luha mula rito. Nang aking pagmasdan ang paligid ay nakita kong nasa isa akong kwarto —hindi, tila isang malaking bulwagan na napapaligiran ng mga kulay lilang kristal na liwanag na lumulutang sa hangin. Ang matatayog nitong pader ay gawa sa bloke ng kristal na kulay lila rin na sa tuwing ika'y mapapatingin ay maaari ka na ring manalamin.
Ang mga kama, lamesita, bulaklak, haligi, kurtina at kung ano-ano pang bagay na makikita sa loob ay kulay lila rin. 
Hindi naman halatang sobrang obsess sila sa purple.
     "Ano? Sumagot ka, Binibini—"
     "T-tub-big...t-tubig." Namamaos kong sabi na tila tunog nanggaling sa kailaliman ng balon.
Agad naman nilang naunawaan ang aking ibig sabihin kung kaya't mabilis silang naghanap ng maiinom kong tubig.
            Iniabot nila sa akin ang isang kulay lilang bote at mabilis ko itong binuksan upang malunod ang katuyuan sa aking lalamunan. Hinarap ko sila nang ako'y nakaramdam na ng ginhawa.
     "Y-yung kaibigan ko? S-si Ube Halaya? Nasa'n ako?" Natataranta kong tanong, agad naman akong hinawakan nung nagtanong na babae sa'kin sa balikat.
     "Ikaw ay nasa Makata Academy. Niligtas ka ng mga kabalyerong makata mula sa mga tulisang nais kumuha sayo pati na rin sa kaibigan mo. Wag mo rin siyang alalahanin, siya'y nagpapahinga kagaya mo." Tugon niya kung kaya't napanatag ang loob ko.
Ang mga tulisang iyon ba ang pumatay sa Lola ko?
            Hindi ko man alam kung saan 'tong Makata Academy, subalit sino naman ang tulisang gustong kumuha sa'min? Ano ang kailangan nila sa'min ng kaibigan ko? Marami akong tanong pero wala akong masabi, dala siguro ng pagod kaya nagpasalamat na lang ako.
     "T-thank you." Nahihiya kong sabi dahil nga shy type ako.
             Nagulat na lamang ako nang bigla niyang daklutin ang aking bibig at lumingon-lingon sa bawat direksyon na tila tinitingnan kung may iba pa bang tao bukod sa aming tatlo.
     "Mmmbbmm...hmmbp...nnmmb" nakailang mura na ako sa aking isip kahit hindi naman talaga ako nagmumura, ngunit mahigpit ang pagkakahawak niya sa aking bibig.
Nilagay niya ang kanyang hintuturo sa tapat ng kanyang labi. Indikasyong pinatatahimik niya ako.
     "Shhuussh! Ssshhh! Nilabag mo ang pangunahin at pinakamataas na Batas Makata!" Gigil na gigil at tila natataranta niyang sabi, nang tingnan ko ang kasama niya sa kanyang likod ay nakahawak lang ito sa bibig at tila gulat na gulat.
            Batas Makata? Nasa 1987 Constitution ba yan? Pinag-aralan ko pa namang mabuti yan. May pamemo-memorise pa'ko ng preamble tapos 'di man lang ako aware na dinagdagan na pala ng batas 'yan.
Hay. Dagdag lesson na naman.
     "Mmmmnnnb....bnmmnnbn" pinipilit kong alisin ang kamay niya sa bibig ko pero malakas siya.
     "Alam mo bang maaari kang mahatulan sa 'Tore Purgatoryo'?" May inis niyang sabi na di pa rin natitigil sa pagmamasid sa paligid.
'Tore Purgatoryo? Ito na ba ang bungad sa'kin ng kamatayan?'

Bình Luận Sách (6)

  • avatar
    LotivioNarcisa

    Nice story…

    18/08

      0
  • avatar
    Maryjoy Erodias

    Very nice

    26/01

      0
  • avatar
    Celeste Aki

    so nice,

    29/07/2023

      0
  • Xem tất cả

Các chương liên quan

Chương mới nhất