logo text
Thêm vào thư viện
logo
logo-text

Tải xuống cuốn sách này trong ứng dụng

Kabanata 7

Star City
Alas-syete na nang gabi. Dapat ay nakauwi na ako ngayon sa apartment. Subalit heto ako ngayon, nasa kotse niya, kasama siya at higit sa lahat nasa mismong parking lot na kami ng Star City. Kung saan ay kahit hindi pa man kami nakakapasok ay rinig na rinig namin ang sigawan at ingay nang mga taong naroon.
Ano nga ba ulit ang ginagawa namin dito? Bakit nga ba ako sumama?
Parang gusto kong umatras pero huli na nang pinatay na niya ang makina ng sasakyan saka siya bumaba at pinagbuksan ako nang pintuan.
Lihim akong napabuntong-hininga.
Bumaba na lang ako at narinig ko ang pagsarado niya ng pintuan ng kotse niya.
Walang imik kaming naglakad habang ako ay sumusunod lang sa kanya hanggang sa narating na namin ang malaking entrance.
Nakikita kong marami pa rin ang dumadayo rito. Mapabata man o matanda. May isang guard house na may dalawang security guard ang nasa entrance. Doon siguro bibili at magbibigay nang ticket.
Ang malaking pangalan naman ng Star City ay nasa gawing kanan namin. Ibat-ibang kulay ang nakikita ko.
"So...?" Panimula niya bago tumingin sa akin at ibinalik sa naturang entrance. "Should we go inside?"
Hindi ba dapat ako ang magtatanong nang ganyan?
Wala rin naman akong magagawa. Bakit ba ang lakas nang karisma nang lalaking 'to---nang Boss namin?
Hayyy...
"Ikaw bahala, Boss. Tutal sabi mo sayang naman yung coupons 'di ba?" Tama. Ganyan nga ang dapat sabihin para hindi halatang napapayag ka niya.
Mukhang ganoon rin ang naisip niya. "Okay, let's go!"
Mukhang sayang-saya pa si Boss Raff at nagpatuloy kami sa entrance. Agad na binigay ni Boss ang dalawang coupons sa nagbabantay nang entrance.
Narinig ko pa ang sinabi nila, "Enjoy your ride all-you-can, Sir and Ma'am." na may ngiti sa kanilang labi saka inuwestra ang kamay at binuksan ang munting harang upang makapasok kami.
Bumungad sa amin ang nagdadagsaang mga tao. Kasama na rin ang naglalakihang rides na hindi papatalo. Hindi aakalaing gabi sa lugar na ito dahil kahit saan mang paligid ay maliwanag at maraming tao.
Hindi ko maitago ang aking pagkamangha.
"Wow...." Nausal ko na lang.
Talagang magandang experience 'to para sa mga first timer na dumayo rito.
Narinig ko ang marahang pagtawa ni Boss kaya agad kong itinikom ang nakaawang ko na palang  bibig.
"This is fun to see, right?" Nakangisi niyang sabi.
Bumaling ako sa kanya na ngayon ay nakangiting pinagmamasdan rin ang paligid.
Hindi ko maiwasang titigan ang kanyang mukha sa ganitong anggulo. Kung saan mas nadedepina ang tangos nang ilong at nakikita ko ang kanyang munting biloy.
"Oo nga..." nasabi ko na lang.
Nataranta naman ako nang bigla siyang lumingon. Mabuti na lang ay agad kong binawi ang tingin ko.
Wala na kaming inaksayang oras dahil malapit na ring magdeadline ang coupons namin mamayang hating-gabi.
"Let's go! Bago pa masayang 'to." Anyaya niya. Tumango na lang ako bilang pagsang-ayon.
Nagsimula na kaming naglakad at humalo sa kumpol ng mga tao. Minsan ay may nababangga na lang ako o kaya naman ay medyo nahuhuli sa pagsunod sa kanya.
Hanggang sa may mga batang nagtatakbuhan at hindi namalayang nabangga
nila ako. Muntik na akong mawalan nang balanse kung hindi niya lang ako agad na hinawakan sa bewang ko. Agad niya rin iyong binawi. Marahil ay napagtanto niya ang kanyang ginawang basta na paghawak sa akin.
Ramdam ko parin ang naiwang init ng malaking palad niya.
"S-Salamat..." nauutal kong sambit.
Hindi ako makatingin ng deretso sa kanya pero alam kong nahihiya rin si Boss Raff.
"Next time, be careful ." Bilin niya.
"Okay, mag-iingat na ako sa susunod." Tanging sagot ko.
Bakit ba kasi ang payat ko? Kaunting pagtulak lang siguro sa akin, madali lang akong matumba.
Maglalakad sana ako ulit nang bigla niyang hinawakan ang kamay ko. Gulat akong napatingin sa kanya na ngayon ay nakatingin sa malayo na may malaking ngiti sa labi.
Bumaling siya sa akin na parang naeexcite. "I found a ride, come on."
Pagkasabi niya nun ay agad kaming naglakad- takbo. Hindi ko alam ang nangyari sa kanya. Basta't ang alam ko lang ay wala siyang pag-aalinlangang hinawakan ang kamay ko, habang ako ay walang kamalay-malay na sumusunod lamang sa kanya. Hindi ko maalis ang tingin ko sa magkawak naming kamay.
Iniiwasan kong sumikdo ang puso ko sa bawat biglaang pagkilos niya. Hindi magkamayaw ang aking kaba.
Na sa tuwing may gagawin siya ay baka humantong iyon sa hindi ko dapat maramdaman. Dahil tanging Boss ko lamang siya at ako ay isang empleyado niya lamang.
Kahit pa sabihing 'kung' may paghanga nga. Paano na lang kung dumating ang oras ay lalo pang lumala? Alam kong wala na akong laban dun.
Napukaw na lang ang aking isip na pakiramdam ko ay may tumitingin sa akin. Natigilan naman ako na nakitang nakatitig nga si Boss sa akin. Ang kaibahan nga lang ay bahagyang nagsalubong ang kanyang kilay. Parang may bahid nang lungkot o pagkagulo ang kanyang mga abong mata.
"You, okay?" Tanong niya.
Tumigil na pala kami sa paglakad-takbo at nasa harapan na pala namin ang isang malaking ride.
Napakurap ako at inayos ang sarili. Hindi niya pwedeng malaman na nag-aalinlangan ako. Kapagkuwan ay sinubukan kong ngumiti.
"Ayos lang ako, Boss." Mabuti naman ay napalitan nang ginhawa ang mga mata niya.
Bakit kaya ayaw kong makita ang malungkot niyang mata?
Natigil lamang ang aking pagtatanong sa sarili nang magsalita siya.
"Ano? Gusto mong sumakay?" Wika niya sabay sulyap sa isang ride na ang itsura ay malaking barko.
"Vikings?" Saad ko nang makita ang malaking pangalan ng ride.
At hindi lang 'yon, base sa mga nakikita ko mukhang nakakakaba ang sumakay dito dahil sa mga taong nagsisigawan.
Sa probinsya namin walang ganyan kaya para sa akin ay talagang unang pagkakataon ko talaga 'to. Naeexcite na kinakabahan ang nararamdaman ko.
Makalipas ang ilang minuto ay tumigil na sa pag-andar ang Vikings at nagsi-babaan na rin ang mga sumakay kanina. Nakita ko kung paano ang mga ito nagtawanan, iyakan, at natakot. Meron ding sumuka matapos bumaba.
Mabuti na nga lang ay hindi ito sumuka habang umaandar pa sila. Laking kahihiyan iyon malamang.
Sa katitingin ko sa mga taong sumakay kanina ay doon ko  namalayang papasakay na rin kami sa malaking barko at dahil hawak pa rin ni Boss ang kamay ko ay napapasunod na lang ako sa kanya. Hindi ko na narinig pa ang sinabi nang lalaking nagpapasakay sa ride dahil ukupado na ang utak ko sa kung ano ang kahihitnatnan naming dalawa dito.
Nakaupo kami sa hulihan. Kaming dalawa lang samantalang ang iba pa ay nasa harapan namin at sa gitna ng ride na sinasakyan namin.
Napantanto kong magkahawak kamay pa kami kaya ako na ang unang bumitaw. Napabaling naman siya sa akin nang tingin.
"Pasensya na, nakalimutan ko." Wika ni Boss.
May nahimigan akong lungkot sa boses niya na hindi ko alam kung bakit.
Akmang magsasalita ako nang unti-unting gumagalaw ang ride na sinasakyan namin. Animo'y dahan-dahan na duyan hanggang sa lumipas ang ilang minuto ay unti-unting bumibilis ang pagduyan ng sinasakyan namin.
At dahil kaming dalawa ay nasa hulihan, hindi ko naitago pa ang sigaw na gustong kumawala sa bibig ko.
"Waaaaaahhhh!!!!" Mariin akong pumikit upang hindi mahilo. 
Naririnig ko rin ang hindi magkahumayaw na sigaw nang mga taong nakasakay dito.
Kung ako ang unang bumitaw mula sa pagkakahawak kamay namin ay ako na rin ngayon ang kusang sumalikop dahil sa takot.
"Boss!!! Ibaba mo na ako dito!!!" Sigaw ko habang matindi ang kapit ko sa kamay niya.
Tumawa lamang siya nang malakas na para bang inaasar ako. "It's not scaryyy!!!"
Wala akong magawa kundi sumigaw. "Mama!!!!"
Mas lalo pang dumuyan nang malakas ang sinasakyan namin dahilan upang mapakapit pa ako sa braso niya.
Wala naman siyang angal sa halip ay mas hinigpitan pa niya ang paghawak sa kamay kong nanginginig na at ang naririnig ko na lang ay ang mahinang pagtawa niya.
"It's fun!!!" Sigaw niya sabay tawa.
Ang masasabi ko lang talaga sa mga oras na 'to. Hayop talaga itong lalaking 'to!
"Hahahaha!" Naririnig ko pang tawa ni Boss Raff. Habang ako'y halos hindi na makatayo dahil sa kaba at takot.
Subukan niyong sumakay sa Vikings tapos nasa pinakahulihan pa kayo!
"Isa pang tawa, Boss." Banta ko sa kanya. Sinamaan ko siya nang tingin dahil pigil-pigil pa niya ang tawa niya.
Nakatayo lamang siya at hindi halatang kakasakay pa lang niya sa Vikings na iyon.
Sinubukan kong lumakad pero nanghihina pa rin ang dalawang tuhod ko. Nang makita niya akong hindi makalakad nang maayos ay agad niya akong nilapitan at inalalayan.
Wala na ang mukhang kanina lang ay nang-aasar, nabalutan na ito nang pag-aalala at konsensya.
Subalit hindi iyon ang inaasahan kong gagawin niya. Hinapit niya ang bewang ko saka siya yumuko at sabay niya akong pinangko.
Nanlalaki ang mga mata kong tiningnan si Boss Raff. "B-Boss!"
"I'm sorry, I shouldn't laughed at you. Its my fault." Seryosong paumanhin niya. Nakakunot ang noo niya at nag-iigting ang panga.
"H-Hindi mo kailangan gawin 'to!" Saad ko. Pero parang wala siyang narinig.
Sandali akong sumulyap sa paligid namin. Pinagsakluban ako ng kahihiyan dahil pinagtitinginan na kami ng mga tao. May napapatakip nang bibig at may ibang kinikilig.
May narinig pa akong, "Hala... ang swerte ni girl..."
"Ang pogi nang boyfriend niya..."
"Sana all, binubuhat..."
Alam kong kulay kamatis na itong pagmumukha ko pero wala lang ang mga iyon sa kanya. Higit sa lahat, hindi ko siya boyfriend!
"Kumapit ka." Sambit niya.
Mas lalo lang akong namula nang mas kumapit pa ang paghapit niya sa bewang ko habang buhat-buhat niya ako.
Kumapit na lang ako nang maiigi sa kanya nang nagsimula siyang maglakad. Yumuko na lang ako at itinago ko ang mukha sa kadahilanang ganitong posisyon ang kahihinatnan ko, sa gitna nang maraming tao.
****
Nandito kami ngayon sa gilid malapit sa puno at parehong nakaupo sa bench habang kumakain nang popcorn.
Ako lang pala ang kumakain dahil tahimik lang si Boss na nakaupo rin. May ilang agwat ang pagitan namin.
Kaya ko na ring maglakad nang maayos at hindi na rin nanghihina. Nakatulong marahil ang ginawa niyang pagpangko sa'kin, pero hindi niyon maiwawaksi sa sistema ko ang ginawa niya.
Kanina pa siya tahimik. Hindi siya nagsasalita simula pa kanina.
"Ahm, Boss? Okay ka lang?" Panimula ko.
Sandali siyang sumulyap sa akin pero binawi niya rin nang huli. Huminga siya ng malalim saka na siya ibinaling ang tingin sa'kin.
"I shouldn't have brought you here." Nakokonsensya pa rin ba siya?
Aminado akong kinabahan talaga ako kanina pero gusto ko rin namang maexperienced ang ganito simula nang makita ko ang lugar na 'to kanina.
"Hindi mo naman kasalanan, Boss. Tsaka nagkataon lang siguro na hindi pa ako sanay sa ride natin kanina kasi first time ko." Litanya ko.
Totoo naman yun. Ayos lang siguro sa ibang rides pero 'wag lang iyon.
"Pinagtawanan pa kita---well, that was fun. Indeed."
Napailing-iling na lang ako. Minsan talaga maniniwala na talaga akong may saltik si Boss.
"Ikaw lang naman ang nasiyahan dun, eh..." nakanguso kong sabi.
Ngumisi siya. Iba talaga ang stamina niya. Hindi ba siya natakot o kinabahan dun? Samantalang ako---
"Hey, do you feeling well? Namumula ka." Tanong niya.
Sinong hindi ang mamumula? Humawak ako sa kamay niya at kumapit pa ako sa braso niya. Nakakahiya!
"O-Oo naman Boss! " nag-thumbs up pa ako. "Ayos na ayos!"
Mabuti na lang ay hindi na siya nagtanong pa kahit alam kong naguguluhan pa siya.
"Raphael?"
Nagulat naman ako sa isang babaeng nasa harapan namin. Nakatingin ito kay Boss at narinig ko ring tinawag nito ang totoong pangalan niya.
Maging si Boss Raff ay ngumiti at mukhang kilala niya ang babae. Tumayo siya at niyakap ang babae.
"Hey, Amelie! Kamusta?" Masaya pa niyang sabi rito.
"I'm fine.... ikaw, mas lalo kang gumuwapo." Biro pa nitong sabi na nangangalang Amelie. 
Tumawa lang naman si Boss at umiling-iling.
Bakit parang.... ay wala. Wala lang 'to.
Parang wala ako dito kung makipagkamustahan sila.
May mga sinasabi silang hindi ko alam dahil hindi ko naman talaga alam. Kailan kaya sila matatapos?
Teka? Ano bang pinagsasabi ko?
"Hey," napukaw ang isip ko sa pagtawag nito sa akin. Itinuro ko pa ang sarili ko.
"Ako?" Tumango naman ito.
"Yes, are you his Girlfriend?" Nabigla naman ako sa sinabi nito. Samantalang napasamid naman si Boss.
"H-Hindi---"
"OMG!" Bumaling ito kay Boss Raff na nanlalaki ang mga mata. "Is she your wife? Are you married?"
Napaubo naman bigla si Boss habang ako ay hindi naman makapagsalita.
"No... it's not that." Nasabi lang ni Boss. Hindi naman siya makatingin sa akin nang maayos.
"Huh? Then... who is she?" Tanong ni Amelie.
"She's----"
"Boss ko lang siya. Empleyado niya ako sa Café." Ako na ang sumagot para hindi na siya mahirapan pang magpaliwanag.
Naghugis bilog ang labi ng babae at napagtantong hindi tama ang sinabi nito kanina kaya't humihingi ito ngayon nang tawad.
"Geez... I'm sorry.. I just thought that---you know."
"Okay lang 'yon. Marami talagang nagkakamali." Saad ko.
Natawa na lang ito sa sarili raw nitong katangahan. "Well, you two looked together kasi, eh... mapagkakamalan talaga kayo."
Kiming ngumiti na lang ako dahil hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Kapagkuwan bumaling nang tingin ito kay Boss Raff.
"You're still running a Café, huh? Seems your hobby finally found its success." Komento ni Amelie.
Napakamot na lang sa batok si Boss sa tinuran nito. "I guess so?"
Inirapan naman siya nito. "Nakapagkamalan ko pa ang kasama mo. Tsk! Kailan ka kasi mag-aasawa? Look, Raphael. Malapit ka nang lumampas sa kalendaryo."
Ngumisi lang si Boss na parang nahihiya.
"Sorry ha?" Sambit niya sa akin. "Ganito talaga kami, magkabatch kami nung highschool." Kwento nito.
Napatango na lang ako. Isa pa, bakit ba sinasabi nito iyon sa'kin?
"You haven't changed, Amelie." Komento naman ni Boss Raff sabay napailing-iling.
"Ugh! Ikaw rin naman. Ikaw lang yata ang kilala kong ka-batch na wala pang asawa. Gosh, you're already 28!" Esasperadang sambit nito.
Hindi ko alam kung bakit pero natawa ako.
"Look, oh? Pinagtatawanan ka ng kasama mo."
Bigla kong itinigil ang pagtawa ko nang tumingin si Boss sa gawi ko. Ipinagpatuloy ko na lang ang pagkain nang popcorn habang nakaupo pa rin dito sa bench.
"Hon!"
Napabaling naman ang tingin namin sa tumawag na lalaki na may kalong na baby saka lumapit sa kinaroroonan namin.
"Hon, this is Raphael... yung ka-batch ko nung highschool." Pakilala ni Amelie sa lalaki. Asawa yata nito.
"Hi. I'm Ferris." Pakilala nito kay Boss saka inilahad ang kamay nito na tinanggap naman ni Boss. "Like a Ferris Wheel." Sabay biro ng asawa nito.
Lahat kami tumawa sa sinabi nito. Magkatulad lang sila ni Amelie.
"Asawa ko yan." Singit ni Amelie.
Napailing at natawa naman si Boss. Ganun rin ang asawa nito.
"Raphael. You can call me, Raff or Raffy." Wika niya.
"And you?" Anito sabay baling sa'kin.
Kumaway na lamang ako. "I'm Lyshiana Kim." Pakilala ko.
"Nice to meet you." Pormal nitong sabi.
"Likewise."
*****
Sa ngayon ay naglilibot-libot muna kami. Nagpaalam naman agad kanina ang mag-asawa dahil may importanteng pupuntahan ang mga ito. Nataon lang na nakita lang ni Amelie si Boss dito kaya naman kinamusta nito. Patuloy lang kaming nagkukwentuhan at tawanan tungkol kanina.
Kung hindi man kami makasakay sa ibang rides ay nagtingin-tingin na lang kami sa mga bargain shops para bumili nang souvenir. Katulad na lang ngayon buhat-buhat ko ang malaking teddy bear na napanalunan niya kanina. Hindi ko alam kung ano'ng pangalan basta kailangan lang barilin ang target.
Si Boss ang nagsabi na hindi na lang kami sasakay ng rides. Hanggang ngayon pa yata ay nakokonsensya siya.
Bigla akong napatingin sa relo na nasa pulsuhan ko.
"Hala! 10:46 na!" Bulalas ko.
"Gusto mo ng umuwi?" Tanong niya.
May gusto pa sana akong masubukang sakyan ang kaso baka nag-alala na si Aizen---tama! Si Aizen nga! Baka aligaga na iyon kakahanap sa akin! Hindi ko nasabi sa kanya, eh, paano? Wala naman akong cellphone.
"Oo, Boss, baka naghahanap na si Aizen!" Aligagang sabi ko.
Naku naman...
Mabuti na lang ay agad na pumayag si Boss. Kapagkuwan ay kinuha niya ang cellphone sa bulsa niya saka may dinial na numero.
"Hello?" Wala akong ideya kung sino 'yon."---yes, she's with me." Tumawa naman siya. "Don't worry---yes, yes. Okay."
Umiling-iling siyang binaba ang tawag. "It was Aizen. I already told her, so you don't have to worry."
Napaawang nalang ang aking labi sa sinabi niya. Ha?!
Ngumiti lang siya saka nagsabing, "Tara na. Kailangan na kitang i-uwi."
Pareho kaming tahimik ngayon. Nagmamaneho na siya pauwi sa apartment namin ni Aizen. Masasabi kong masaya naman. Pero andun pa rin naman ang pagkailang at kahihiyan.
Marami ngang kahihiyan ang nangyari ngayon na siguradong hindi ko basta malilimutan.
"Pasensya ka na 'dun kay Amelie..." wika niya.
Sumulyap siya sa akin Sandali at ibinalik rin ang tingin sa daan.
"Wala na iyon sa akin, Boss." Nasambit ko na lang. Dahil hindi ko na rin alam kung ano pa bang mga salita ang sasabihin ko.
Akala ko'y hindi na muli siya magsasalita. "Meron ka pang gustong subukang ride kanina, tama ba ako?" napalingon naman ako sa gawi niya. Halata ba ako? Marahan siyang tumawa. "It showed from your face."
Sabi niya na siyang sumagot sa katanungan ko.
"Naisip ko lang kung hindi ba nakakatakot yung Ferris Wheel."
"Hindi naman, depende na lang talaga sa mga sasakay."
Napatango nalang ako. Naalala ko nga pala, bukas may trabaho na kami. Baka malabong makabalik ulit ako dun. Okay naman ang Star City. Maliban lang talaga sa mga buwis-buhay na mga rides nila.
"Wanna go, next time?" Biglang sabi niya na siyang hindi ko naman inaasahan.
Hindi ako makapagsalita kaagad dahil tumigil na rin ang sasakyan sa tapat nang gate ng apartment.
"Ang mahal kaya ng bayad, dun." Isa pa nag-iipon pa ako.
"It's my treat. Kung gusto mo isama na'tin ang iba pang Staff nang Café." Pangumbinsi niya.
"Ikaw ang bahala, Boss." Sinabi ko na lang iyon para hindi na siya mangulit pa.
Malapad na muli siyang ngumiti. "Star City, it is."
"Basta 'wag lang doon sa mga buwis-buhay na rides." Dadag pang sabi ko.
Baka sa susunod hindi lang ako makalakad nang maayos, baka mahimatay pa ako sa kaba. Subalit hindi naman ganito sa inaasahan ko ang sasabihin niya na dahilan para hindi ko na maiwasan ang nararamdamang dapat ay iwasan.
"Kung mangyari man iyon. Huwag kang mahiyang kumapit sa kamay ko. Hindi kita bibitawan."

Bình Luận Sách (178)

  • avatar
    InesRhian

    thank you for your help me

    21h

      0
  • avatar
    Angelica Beo

    180.00

    12d

      0
  • avatar
    Arochajamila Farrahmae

    Maganda ang story

    19d

      0
  • Xem tất cả

Các chương liên quan

Chương mới nhất