logo text
Thêm vào thư viện
logo
logo-text

Tải xuống cuốn sách này trong ứng dụng

Kabanata 4

TAHIMIK na nakasandal si Damon sa puno ng mangga habang humihithit ng sigarilyo. Naglalaro ang mahinang usok nito sa samyo ng hangin.
Panaka-naka ring nabagsak ang mahinang patak ng nagbabadyang buhos ng ulan—na siyang hindi niya manlang iniinda, kahit pa sabihing halos lumusot sa suot niyang maluwang na damit ang lamig na hatid nito.
Napatingala siya nang biglang sumungaw ang sinag ng buwan sa bahagi niya. Lumusot ang liwanag nito sa mga dahong nagsusuklob sa kanya. Napangiti siya nang mapait ng makita ang kalangitang wala kahit ni isang bituin. Kagaya ng mapanglaw na gabing ito ang buhay niya. Walang espesyal dahil walang bituin na siyang nagbibigay buhay sa malungkot niyang pagkatao.
Panandalian pa siyang nagulat nang matanawan ang bulto ng isang babaeng papalapit sa puwesto niya. Nagsalubong ang kilay niya nang mapagtantong si Cassandra iyon.
"Bakit gising pa ang babaeng ito?" bulong niya.
"Anong kailangan mo?" bagot na tanong niya nang makalapit na si Cassandra sa puwesto niya. Pero nawala ang inis sa dibdib ni Damon nang tumama ang sinag ng buwan sa dalaga. Bumagay ang liwanag ng buwan sa maamo nitong mukha. Lalo lamang gumanda ang dalaga dahil sa buwan. Para siyang prinsesang naliligaw sa lugar nila. Kahit pa sabihing nakasuot si Cassandra ng isang simpleng lumang kamiseta ay hindi naging hadlang iyon para umangat ang akin nitong kagandahan.
Nawala ang paghangang nararamdaman ni Damon nang maibaling ang tingin sa mata ng dalaga. Mugto ang mga iyon, namumula ang palibot na matibay na patunay na kagagaling lang nito sa pag-iyak.
"Hi. . . Hindi ako makatulog, Damon. Na. . . Nananaginip ako nang masama," nanginginig ang labi na wika nito.
Umalis sa pagkakasandal si Damon at agad na itinapon ang sigarilyo sa basang damuhan nang makita ang pag-angat at pagbaba ng balikat ng dalaga. Isama pa ang panginginig nito. Malaki ang hakbang na ginawa niya para makalapit dito.
"Shh. . . Tahan na, nandito lang ako," bulong niya dito. May ingat na hinigit ang dalaga papalapit sa kanya para mabigyan nang mahigpit na yakap.
Aminin man niya o hindi, inaaklaban siya sa nakikitang kalagayan ng dalaga ngayon. Hindi niya nais na makitang lumuluha ang mata nito. Ngunit hindi niya rin mapigilan ang sarili na alalahanin ang siyang tunay na pakay.
"Damon. . ."
Napapikit nalang si Damon nang marinig ang pagtawag nito sa kanya. Pilit na kumakalas ang dalaga sa yakap niya pero minabuti niyang hindi ito magtatagumpay sa nais nito.
"O-Okay na ako. Sorry. . . Puwede mo na akong bitiwan," naiilang na wika ni Cassandra.
Lalo lamang pinagbuti ni Damon ang pagyakap dito. "Limang minuto. Hayaan mo akong yakapin ka ng limang minuto."
"O-Okay. . ."
Tahimik ang pumangibabaw sa dalawa habang magkayakap ang mga ito. Tanging kuliglig at ilang ibong panggabi ang nag-iingay.
Ni hindi rin inalintana ng dalawa ang pagbagsak nang malakas na buhos ng ulan. Para silang may sariling mundo habang magkayakap. Parehas nakapikit at ninanamnam ang sandali.
"I'm sorry, Sarah. . ." bulong ni Damon.
Hindi alam ni Cassandra pero natagpuan nalang niya ang sarili na lumuluha dahil sa iwinika ng lalaki.
'Sarah, iyon ba ang pangalan ng nobya niya? Pero bakit niya ako pinakasalan? Kaya ba ganito niya ako itrato? Asawa nga niya ako pero bakit parang estranghero kami sa isa't isa?' Sumasakit lang ang ulo ni Cassandra habang iniisip ang mga katanungang iyon.
Nasasaktan ba siya dahil ibang pangalan ang binanggit ni Damon o nasasaktan siya dahil mayroon siyang hindi maipaliwanag na nararamdaman para kay Damon?
"Bi. . . Bitiwan mo na ako." Napalunok si Cassandra nang gumaralgal ang boses niya. Mabilis siyang kumalas sa yakap ni Damon. Hindi naman umangal ang isa ng itulak niya ito nang mahina para mapalayo sa kanya.
Hindi niya gustong bumitaw sa yakap ng lalaki. Sa totoo lang gustong-gusto niya iyon. Pero mayroong bahagi sa isip niya na nagtutulak na gawin niya ang bagay na iyon.
Tahimik lang na nakatingin sa kanya si Damon. Bagsak na ang buhok nitong may kahabaan na at ang ilang hibla ng buhok ay tumatabing na halos sa mata ng lalaki. Ni hindi manlang kumukurap kahit pa ata sumusundot na iyon doon.
Kapuwa sila parang basang sisiw sa ilalim ng ulan.
"Cass—"
Tangka sana siyang hahawakan ni Damon pero agad na umurong papalayo si Cassandra. Hindi niya alam pero nasasaktan siya. Nasasaktan siya sa katotohanang asawa nga niya si Damon pero hindi niya makuha ang ugali nito—ang nararamdaman nito.
"Sorry ulit. Magandang gabi."
Nakayuko niyang iniwan ang lalaki. Bawat hakbang ni Cassandra ay ang siya ring pagpatak ng kanyang luha. Sumasabay pa ang bagsak ng ulan na siyang naghahatid ng malamig na pakiramdam. Parang bumabalot ito sa puso niya at doon namamahay. Nanlalamig siya at nasasaktan.
"Tama ba itong nararamdaman ko?"
Katanungang bumagabag sa kanya buong gabi.
***
MABIGAT ang pakiramdam ng gumising si Cassandra kinabukasan. Hirap na hirap niyang inalis ang kumot na bumabalot sa kanyang katawan.
"Ang sakit ng likod ko," reklamo niya habang nag-iinat-inat. Ayon kay Damon galing siya sa ampunan, pero bakit parang hindi sanay ang katawan niyang matulog sa matigas na papag.
"Gising kana pala."
Napatalon siya sa gulat nang biglang sumulpot si Damon sa kung saan.
Napangiwi siya nang masilayan ang itsura ng lalaki. Hubad-baro ito. Talagang nakabalandra pa sa kanya ang katawan nitong nangingintab sa pawis. Malapad at mukhang matigas ang dibdib ng lalaki. Nagmamayabang din ang mga muscle nito sa katawan na para bang nagsasabi sa kanya na hawakan niya ang mga iyon. Lalo pang nakadagdag ang may kahabaang buhok ng lalaki sa angkin nitong kakisigan.
Kung ganito ba naman ang masisilayan niya araw-araw ay baka kahit hindi na siya kumain. Kulang nalang ang kanin at busog na busog na siya. Kay gandang almusal.
'Kay aga, ang landi ng isip mo, Cassandra,' saway niya sa isipan. Ipinilig ang ulo para mahimasmasan ang isip at ang sarili.
"Kagigi—Achuu!" Hindi niya naituloy ang sasabihin nang mabahing siya. Natakpan pa niya ang bibig nang saktong sa mukha pa talaga ni Damon siya nabahing. Nanlalaki ang mata na pinanood niya ang magiging reaksiyon nito.
Nakangiwing pinahid ni Damon ang mukha. Nagsalubong ang kilay na pinahid ang ilang laway ng dalagang tumalsik sa kanya.
"Lumabas kana," may kasungitang utos nito.
"Bakit?" wala sa sariling tanong ni Cassandra. Para bang lumilipad ang isipan niya lalo na't nakaka-distract ang katawan ng lalaki.
Napakurap si Cassandra nang ngumisi si Damon at lumapad pa iyon lalo.
Napaurong siya nang kabahan sa ngisi ng lalaki. Para bang may gagawin itong hindi maganda.
"Ba. . . Bakit ganyan, itsura mo? Anong ngiti, 'yan ha?! Ang manyak!" tili niya habang tinuturo ng hintuturo ang lalaki.
Nakangising humakbang si Damon papalapit sa kanya. Bawat hakbang nito ay ang siya ring pag-atras ni Cassandra.
"Damon," kinakabahang banggit ni Cassandra sa pangalan nito nang wala na siyang maatrasan.
Dumikit ang likuran niya sa dingding na gawa sa tabla. Napapikit nalang siya nang mariin ng iharang ni Damon ang dalawang braso nito sa gilid niya. Na-corner siya ng damuhong ito.
Tinangka niyang umalis sa puwesto pero para siyang niloloko ni Damon, na lalo lang idinidikit ang sarili sa kanya. Wala tuloy siyang nagawa, kung hindi ang umayos ng tayo para maiwasan ang pagdikit sa lalaki.
Gahibla nalang ng sinulid ang pagitan nila. Halos magpalitan na sila ng hininga at mukha sa sobrang lapit. Isang maling galaw, tiyak na may mahahawakan siya o kaya'y mahahalikan.
'Jusmiyoo. . . Bakit po ba pabago-bago ang ugali ng lalaking ito?' piping wika niya sa isipan.
Bumuka ang labi ni Damon. Nalanghap ni Cassandra ang amoy ng hininga nitong may mint na kahalo. Buti nalang at mabango ang hininga nito. Akala niya nung una ay amoy sigarilyo iyon.
Mabilis niyang itinuon ang dalawang palad sa dibdib ng lalaki nang humakbang ito papalapit sa kanya. Nanginginig ang palad niyang nakadikit sa dibdib nitong hubad. Dumikit ang pawis ng lalaki sa palad niya. Naghalo ang nanlalamig niyang palad sa mainit-init na katawan ng lalaki.
"Lalabas kana ba ngayon, Cassandra? O gusto mo pang tulungan akong maligo at magbihis?" pabulong na wika ni Damon at halos ipagdukdukan na ang mukha sa kanya.
Mabilis na iniiwas ni Cassandra ang mukha. Itinulak si Damon at walang lingon-lingon na tinalikuran ito.
"Lalabas na ako!" singhal niya.
Naiwan naman si Damon sa silid na tatawa-tawa sa ikinilos ng dalaga.
***
"MAGANDANG umaga po," masiglang bati ni Cassandra nang maabutan ang ginang na tahimik na sumisimsim ng kape.
Inilapag nito ang iniinom at sinenyasan siya na lumapit.
Nakangiti naman na sinunod iyon ni Cassandra. Mukhang nasa mood na ang ginang ngayon. Pinapansin na siya, hindi katulad kagabi nung dumating sila.
"Magandang umaga din, ineng. Ano bang gusto mong agahan?" masiglang tanong nito. Tumayo pa ito sa kinauupuan na agad na pinigilan ni Cassandra. Hindi niya alam kung ano ang ugnayan ni Damon sa babaeng ito pero magaan ang pakiramdam niya para dito.
"Ako na po. Ipaghahanda ko na rin po si Damon," paliwanag niya.
"Hindi mo kailangang gawi—"
Pinutol niya ang sasabihin nito. "Asawa niya po ako, kaya obligasyon ko po iyon."
Lumamlam naman ang mata ng ginang at tinanguan nalang siya.
Agad na tinalikuran ni Cassandra ang babae. Pero napatigil siya nang may maalala.
Nahihiyang bumaling siya sa ginang. Napakamot sa ulo nang makaramdam ng hiya.
"Hindi po pala ako marunong magluto," nahihiyang wika niya.
Inaasahan niya na magsasalubong ang kilay nito. Ngunit hindi, may kasiyahan sa mata ng babaeng tinungo ang puwesto niya.
"Hayaan mo at tuturuan kita." Tinapik nito ang balikat niya, na sinagot lang ni Cassandra ng isang ngiti.
Ngayon niya lang napagtanto. Ano kayang nakita ni Damon sa kanya at siya ang pinakasalan? Wala siyang alam sa gawaing bahay. Nasisigurado niya iyon kahit nawalan pa siya ng alaala.
***
NAWALA ang ngiti sa labi ni Damon nang mabungaran sa huling baitang ng hagdan si Felicidad. Seryoso ang itsura ng ginang na siyang nakakapagtaka. Madalas kasi ay nakangiti ito o kaya ay nakatawa. Masyadong masiyahin ang matanda kahit pa ang edad nito ay halos dinoble na ang numerong treinta.
Palihim niyang hinanap si Cassandra. Natagpuan naman niya ang dalagang siyang-siya sa paghahalo ng kung ano mang nakalagay sa malaking magkok.
"Mag-usap tayo, Damon," wika ni Felicidad at nilampasan siya patungo sa pangalawang palapag ng bahay.
Tahimik na sumunod si Damon dito. Dinala naman siya ng ginang sa silid niya na ngayon ay si Cassandra ang umookupa.
"Bakit niyo po—"
Naitikom ni Damon ang bibig ng salubungin siya nang matalim na titig ni Felicidad.
"Hindi kaba naaawa sa kanya?" tukoy ni Felicidad kay Cassandra na abalang-abala sa pagluluto.
"Bakit naman ako maaawa sa kanya?" pabalang na wika ni Damon.
Nagtagis ang bagang ng ginang. "Lahat ng alam niya ay kasinungalingan, Damon! Nabubuhay siya sa pinagsasasabi mong wala namang totoo kahit isa!" gigil na wika nito.
Kumuyom ang palad ni Damon sa inis. "Kulang pa iyan! Sa totoo lang, pasalamat pa sila at hindi ko natuluyang patayin si Sarah. Dahil kung nagkataon, mararamdaman din nila ang hinagpis na pinagdadaanan ko."
Natulala si Felicidad sa nakitang galit sa mukha ng lalaki. Lumamlam ang mata niya at nagsimulang manubig iyon. "Pa. . . Patay na si Cassandra! Hindi siya matatahimik kung mabubuhay ka Damon na puno nang paghihiganti ang nasa puso." Naluluhang wika ni Felicidad.
Lalo lamang kumuyom ang kamao ni Damon nang marinig ang iwinika nito.
"Isa lang ang kinuha ko sa kanila, Mama. Pero sa akin, dalawa! Pinatay nila ang mag-ina ko at ang anak kong hindi pa nasisilayan ang mundo!"
Napahagulgol nalang si Felicidad nang suntukin ni Damon ang dingding. Galit na galit ang lalaki habang walang tigil sa kakasigaw ng 'Kinuha nila sa akin ang mag-ina ko!'
"Ta. . . Tama na, Damon."
Mabilis na niyakap ng ginang sa likuran si Damon para mapatigil ito. Naluluhang napalamyak sa sahig si Damon.
"Tanggapin mo na, Damon na wala na ang anak kong si Cassandra. Maawa ka naman kay Sarah at sa pamilya niya. Ibalik mo na siya, anak."
Naluluhang wika ni Felicidad habang yakap-yakap si Damon. Hindi man niya anak ang lalaki ngunit napamahal na sa kanya ito. Simula nang pumasok si Damon sa buhay nila ni Cassandra ay itinuring narin niya itong tunay na anak. Lalo pa at si Damon ang kasiyahan ni Cassandra. Iyon nga lang, maagang nawala si Cassandra at ang apo niya dito.
"Hin. . . Hindi, mama. Hindi ko ibabalik si Sarah. Inagaw nila sa akin ang buhay ko, kaya kukunin ko din ang nag-iisa nilang buhay."
Napahagulgol nalang si Felicidad sa katigasan ng puso ni Damon. Dalangin niya na sana ay dumating na ang araw na si Damon ay natuto nang magpatawad.

Bình Luận Sách (27)

  • avatar
    BurgosKean Cyrus

    good it's great

    25/11/2024

      0
  • avatar
    TumagnaJosephine

    nice story I think I will like it

    22/08/2024

      0
  • avatar
    Vanessa Realco

    it's good

    15/05/2024

      1
  • Xem tất cả

Các chương liên quan

Chương mới nhất