NAPANGITI si Damon nang mabungaran ang dalagang mahimbing na natutulog sa passenger seat ng kanyang sasakyan. Bahagyang nakaawang ang makipot at mapulang labi nito. Tumatabing din ang ilang hibla ng buhok nito sa mukha. Tinanggal ni Damon ang seatbelt na yumayapos sa kanyang harapan at dinukwang ang tulog na babae. Wala sa sariling inalis ang hibla ng mga buhok sa mukha ng dalaga. Napalunok si Damon nang mapagmasdan ang maamong mukha nito. "Ano bang dahilan at kinuha kita?" pabulong na wika niya. Napalunok siyang muli nang marahang haplusin ang pisngi ng dalaga. "I'm sorry kung dinamay pa kita." Napatigil siya nang dumikit ang dulo ng hintuturo niya sa labi ng dalaga. Ang malambot na labing kanyang sinakop kani-kanina lang. Sa totoo lang, hindi niya alam kung bakit niya ito hinalikan. Para bang nawala siya sa sarili nang makita ang kabuoang itsura nito. Ni hindi niya nga inaasahan na ito pala ang nabangga niya. Nakagat niya ang sariling labi nang makitang may maliit na sugat sa ibabang labi ang dalaga. "Nasugatan pala kita," naiiling na wika niya nang maalala na kinagat niya pala ang labi nito. Parang may sariling buhay ang daliri niya nang haplusin nito ang labi ng dalaga. Parang may dagang naghahabulan sa dibdib ni Damon habang ginagawa iyon. 'Shit! Anong nangyayari sa akin?' Bago pa kung saan mapunta ang paghaplos niya sa labi nito ay agad na siyang lumayo sa dalaga. Na siya ring sabay nang pagmulat ng mata nito. Biglang napasandal sa upuan si Damon at natatarantang kinabit ang seatbelt. Para bang nahuli siya sa karumal-dumal na gawain sa ikinikilos. "Nandito kana pala." Naghihikab na wika ng dalaga. Inaantok-antok pa ito pero napakunot ang noo nang makitang parang balisa ang lalaki. "May problema ba Damon?" Napatalon si Damon sa kinauupuan nang dumampi ang malambot at mainit na palad ng dalaga sa braso niya. "O. . . Okay lang ako." Nais niya sanang suntukin ang sarili nang mautal. Ano bang nangyayari sa kanya? Kinakabahan ba siya o nahihiya? Langya! Babae lang ito. Walang espesyal para kabahan siya. "Sigurado ka?" pangungulit nito. Napangiwi si Damon. Kinalma ang sarili. "Huwag mo akong hawakan," mariing wika niya. Napapitlag naman ang babae. Nakita niya sa gilid ng mata niya na bumukas-sara ang bibig nito na parang may sasabihin. Pero wala namang salitang lumabas doon. Tahimik lang itong umayos ng upo at pinagkrus ang dalawang braso sa dibdib. *** CASSANDRA Pangalang paulit-ulit na tumatakbo sa kanyang isipan. Iyon daw ang ngalan niya ayon kay Damon Suarez na nagpakilalang asawa niya. Pagkabalik nito sa silid na kinalalagyan niya kanina sa hospital ay pinaliwanag nito ang lahat. Ayon kay Damon, nabundol daw siya ng sasakyan habang tinatahak nila ang daan patungo sa bago nilang bahay. Nang una ay hindi siya makapaniwala sa sinasabi nito. Lalo na sa parteng asawa nga niya ang lalaki. Pero naitikom nalang niya ang sariling bibig nang mapagtantong wala nga pala siyang maalala, kaya posible nga ang sinasabi ng lalaki. Idagdag pang kitang-kita namang naaksidente nga siya dahil sa mga galos sa katawan niya at iilang pasa. Tuloy, wala siyang pagpipilian kung hindi ang sumama rito. 'Asawa ko ba talaga siya?' walang sawa na tanong niya sa isipan. Mahigpit niyang hinawakan ang seatbelt na yumayakap sa kanyang harapan. Ibinuka ang labi at ibinaling ang tingin kay Damon na ngayon ay abalang-abala sa pagmamaneho. Seryoso ito sa ginagawa. Ni hindi nga ata kumukurap, lalo na kapag bumibilis ang sasakyan. Nakagat niya ang ibabang labi habang pinagmamasdan ang lalaking tahimik lang na nagmamaneho. Nakakunot ang noo ni Damon, may iilang butil din ito ng pawis sa sintido. Gusot na rin ang suot nitong t-shirt at may iilang mantsa pang nangingibabaw ang kulay. Ibinaba niya ang tingin. Ngunit ganoon nalang ang pagtataka niya nang makita kung gaano kahigpit ang hawak nito sa manibela. 'Galit siya.' Ibinalik niya ang tingin sa lalaki. Pero agad siyang napasinghap nang makasalubong ang tingin nito. Doon niya lang din napagtantong tumigil pala ang sasakyan. "Ba. . . Bakit?" nauutal na tanong niya. Umangat ang gilid ng labi ni Damon na siyang ikinalunok niya. "May sasabihin ka, mahal?" tanong ni Damon sa kanya habang sinasalubong ang tingin niya. Napalunok siya nang marinig ang endearment na tinawag nito sa kanya. Hanggang ngayon ay hindi siya makapaniwala na asawa nga niya ang lalaki. "W-Wala. Wala. . ." naiiling na wika niya. Bumuntong-hininga ang lalaki. Nagitla siya nang hagilapin nito ang kamay niya at mahigpit iyong hinawakan. "Na. . . Nasasaktan ako," daing niya at pilit tinatanggal ang kamay ng lalaki. Pero lalo lamang iyong humihigpit. Akala mo ay kuko ng agila itong dumidiin sa balat niya. "Alam ko," baliwalang wika nito. Nanunubig ang mata na tiningnan niya ito. Ano ba ang problema ng lalaking ito? Kanina lang mukha siyang maamong tupa. Pero ngayon, para naman siyang Leon na handa siyang sagpangin ano mang oras. "I'm sorry," hingi ni Damon nang paumanhin sa kanya. Binitiwan ang kamay niya at muling binuhay ang sasakyan. Hindi niya tinugon ang lalaki. Masama ang loob niya rito. Kung asawa niya nga ito ay bakit ganito siya itrato? Hindi niya maramdaman na mahal siya nito. Lalo na siya. Ni wala siyang maramdaman sa puso niyang tinatangi niya ang lalaki. Inis pa nga ang nangingibabaw. "Saan mo ako dadalahin?" nakasimangot na tanong niya at pinahid ang luha sa mata. 'Hindi ko dapat siya iyakan.' Ni hindi niya nilingon si Damon. Inabala niya ang sarili na panoorin ang ilaw sa bawat bahay na nadadaanan nila. "Sa probinsiya." Hindi na niya tinugon ang lalaki at inabala nalang ang sarili sa panonood sa bawat bahay na nadadaanan nila. *** MALAWAK na palayanan ang sumalubong kay Cassandra nang makarating na sila sa probinsya. Nag-aagaw na ang liwanag at dilim nang silipin niya ang kalangitan mula sa bintana ng sasakyan. Tinanaw niya rin ang makipot na pathway na kanilang lalakaran. Bahagyang basa iyon dahil sa panaka-nakang pag-ambon kanina. Buti na nga lang at hindi naging malakas na ulan dahil natitiyak niya na magpuputik ang lupa na siyang mas malapad pa kaysa sa batong daanan. Natatanawan niya sa malayo, ang ilang bahay na gawa sa materyales na galing sa kalikasan. Bawat bubong ay nangingintab hindi dahil sa kakinisan ng mga yerong bubong kung hindi sa kulay ng kalawang na siyang halos sakupin na ang lahat ng yero. "Bumaba kana." Napapitlag siya sa kinauupuan nang marinig ang boses ni Damon. Nauntog pa siya sa bintana na siyang ikinasimangot niya. "Bakit kasi kailangang manggulat?" bubulong-bulong na wika niya bago bumaba sa sasakyan. Sinilip niya pa sa loob ng sasakyan si Damon na nakatingin sa ginawa niyang pagbaba. Salubong ang kilay nito, na siyang ginaya niya. Hindi lang ito ang may karapatang magsungit. Mag-asawa nga sila pero hindi nito hawak ang leeg niya. "May sinasabi ka, Cassandra?" salubong parin ang kilay na tanong nito. Umismid si Cassandra at inirapan ang lalaki. Hindi niya talaga maisip na mahal niya ito. Ano bang nakain niya at pinakasalan niya ito? Ngayong nauntog na ang ulo niya at nawalan ng alaala, napagtanto niyang hindi niya ito mahal. 'Kung hindi lang ako nakatali sa lalaking ito ay nunca, hiniwalayan ko ito.' "Wala. Sabi ko, bilisan na natin at padilim na." Tinalikuran na niya ang lalaki. Sinimulan na niyang ihakbang ang paa sa makipot na daan. Ni hindi niya nga nilingon si Damon nang tawagin siya nito. Wala siyang pakialam kahit mapaos pa ito kakatawag. Bawat makita niyang ligaw na bulaklak ay pinipitas niya at inaamoy. Tuwang-tuwa siya kapag naaamoy ang kakaibang aroma nila. Kahit siguro nawalan siya ng alaala ay nakakasigurado siyang mahilig siya sa bulaklak. "Puwede kaya akong magtanim ng bulaklak sa bahay ni Damon?" nangingiting wika niya habang nilalaro ang bulaklak ng gumamela sa palad. "Sabi ko antayin mo ako." Naputol ang paglalakad niya nang hinigit siya ni Damon. Agad na umikot paharap ang katawan niya rito. Nauntog pa ang noo niya sa didbib ng lalaki dahil sa lakas ng paghila nito sa kanya. Napangiwi pa siya nang makaramdam ng pagkirot sa tagiliran dahil sa biglang pag-ikot. Parang hindi naman siya galing sa aksidente kung tratuhin ni Damon. Kahit ata malagas ang buto niya ay wala itong pakialam. Sapo-sapo ng isang kamay ang noo na iniangat niya ang tingin kay Damon. "Ano bang problema mo ha?!" asik niya at tinulak ang dibdib nito kaya nabitawan siya ng lalaki. Agad siyang lumayo dito. Bahagyang hinilot ang nasaktang tagiliran bago muling sinalubong nang matalim na tingin si Damon. "Wala ka manlang bang pakialam sa mga galos ko? Nalilimutan mo atang naaksidente ako?! MAHAL KO." singhal niya. Pinagdiinan pa niya ang endearment na tinatawag nito sa kanya. Naiinis siya. Hindi niya alam kung bakit. Pero isa lang ang alam niya, hindi niya gustong nasa paligid niya si Damon. Akala niya sisigawan siya ng lalaki. Pero hindi, lumamlam ang mata nito at inisang hakbang ang layo nila. Napanganga si Cassandra nang kunin ni Damon ang kanan niyang kamay. Mabilis na iniangat iyon ni Damon at dinampian ng halik. Napalunok siya ng maramdaman ang lambot ng labi nito sa kamay niya. Ang labi na mariin siyang hinalikan. Nakagat niya ang ibabang labi nang maramdaman ang panginginit ng pisngi. Kanina para siyang tigre kung singhalan ang lalaki. Pero bakit ngayon? Bakit parang teenager siya na kinikilig kay Damon? 'Nababaliw kana Cassandra," bulong niya sa isipan. Bago pa tuluyang umamo sa lalaki ay mabilis na niyang binawi ang kamay. Pigil-pigil ang sarili na mapatili nang lumakad siyang muli. "Bilisan mo na," wika niya. Palihim na inapa ang dibdib kung saan nakalagay ang puso niyang walang tigil sa pagkabog. Napangisi si Damon nang makita ang pamumula ng dalaga. Sisipol-sipol na sinundan niya ito. Bahagya pa niyang binibilisan ang paglalakad para maabutan ang dalaga. Pero lihim nalang siyang napapatawa nang binibilisan nito ang paglalakad. Napapangisi nalang tuloy siya. "Mauna kana nga, Damon." Salubong ang kilay na nilingon siya ni Cassandra. Nakapamaywang pa siyang inirapan nito. Nawala ang ngisi ni Damon nang titigan niya ang mata nito. Parang may sumuntok sa dibdib niya habang tinititigan ang mata nito. Lihim niyang ikinuyom ang kamao. Nagtagis pa ang bagang niya nang lumapit ito at talagang parang sinasadya na ipakita sa kanya ang mata. "Tangina!" malutong na mura niya nang hindi na mapigilan ang sarili. Naghahalong lungkot, galit at hinagpis ang nararamdaman niya. Napatalon si Cassandra sa gulat at napaurong nang makitang galit siya. "A-Ako na ang uuna." Mabilis siyang tinalikuran ng dalaga na siyang ikinahinga ni Damon nang maluwag. Hindi niya inaasahang sa tagal ng panahon ay ganoon parin ang epekto sa kanya ng matang iyon. Ang kaninang nagmamabilis na lakad ni Cassandra ay lalo pang bumilis. Hindi niya gustong maabutan siya ni Damon. Natatakot siya sa ikinikilos ng lalaki. Pabago-bago ito ng ugali na hindi niya matumbok bakit ganoon. Kani-kanina lang ay ang lambing nito na ikinakilig na nga niya. Pero ngayon, para naman itong papatay ng tao. 'Ano ba itong pinasok ko?' *** MAY kaliitang bahay ang tinigilan nila Cassandra. Gawa sa kawayan ang dingding, habang ang pinto ay sa tabla naman. Nakangiting ginang ang nagbukas ng pinto sa kanila. "Damon," nangingislap ang mata na wika nito. Sabik na sabik na niyakap si Damon. Ni hindi mapuknat ang ngiti sa labi. Pero nang makita siya ay agad nitong kinalas ang yakap kay Damon at hinawi nang mahina ang lalaki. Napangiti ng lihim si Cassandra nang makita ang pagsimangot ni Damon. 'Buti nga. Sungit mo kasi. . .' Mangha ang nababasa niya sa reaksiyon ng ginang nang tingnan siya nito mula ulo hanggang paa. "Kay rikit mo naman, ineng. Kaibigan kaba ni Damon o bagong lipat ka dito?" "Asa—" Naputol ang tangka niyang pagsagot sa tanong nito nang walang pasabing hinigit ni Damon ang ginang. Pumasok ang dalawa sa loob ng bahay at pinagsarahan siya ng pinto. Naiwan sa labas si Cassandra na nakasimangot. Ngayon niya rin napagtanto na bukod sa masungit ang lalaki ay wala rin itong modo. "Bastos. Kinakausap pa ako nung tao, eh," bubulong-bulong na wika niya. Nakapamaywang na inintay niya na muli siyang balikan ni Damon. Mukhang nalimutan ng lalaki na nasa labas pa ang asawa nito. "Asawa, tse. . ." asik niya nang pumasok sa isipan na asawa nga pala niya ang lalaking kinaiinisan niya. Inabot ata ng kalahating oras bago siya pinagbuksan ni Damon ng pintuan. Abot-abot na ang inis ni Cassandra nang wala siyang tigil sa kakakamot ng mga pinagkagatan ng lamok sa kanya. "Pumasok kana." Nilampasan niya lang si Damon nang pagbuksan na siya nito ng pinto. Napangiti siya nang makita ang ginang na abala sa paghahanda ng pagkain sa maliit na lamesa. Iniangat niya ang kamay at ikinaway iyon. "Hi po," masayang wika niya. Pero agad na nawala ang ngiti niya sa labi nang hindi manlang siya nilingon ng ginang. Bagsak ang balikat na ibinaba niya ang kamay. Malungkot niyang nilingon si Damon para sana tanungin kung bakit hindi siya pinapansin ng babae. Samantalang kanina ay masaya siya nitong sinalubong. Ngunit hindi niya natuloy ang pagtatanong nang lampasan siya ni Damon at pumanhik sa pangalawang palapag ng bahay. Bagsak ang balikat na umupo nalang siya sa isang tabi.
Cảm ơn
Ủng hộ tác giả để mang đến cho bạn những câu truyện hay
good it's great
25/11/2024
0nice story I think I will like it
22/08/2024
0it's good
15/05/2024
1Xem tất cả