logo text
Thêm vào thư viện
logo
logo-text

Tải xuống cuốn sách này trong ứng dụng

Kabanata 2

'NASAAN AKO?'
Katanungang paulit-ulit na tumatakbo sa kanyang isipan. Para bang wala siya sa katinuan habang iniikot ang paningin sa kisame ng silid na kinalalagyan. Wala siyang ibang natatanawan na kulay kung hindi ang puti. Kay linis, ngunit nakakasawa.
Nang halos masaulo na niya ang kisame ay sa ibang bahagi naman siya bumaling ng tingin. Tumagilid siya at natanawan ang iba't ibang aparato. Maingay na tumutunog ang hugis maliit na telebisyon, na bawat minuto ata ay natunog, sa bahaging kanan ng kanyang hinihigaan. May guhit doon na kulay pula. May pagkakataon na para itong bumubuo ng korteng patulis na bundok. Hindi niya rin maintindihan ang bilang na patuloy na lumalabas doon.
Hirap na hirap na sinubukan niyang ibangon ang katawan. Ngunit agad din siyang napahiga nang makaramdam ng matinding sakit sa iba't ibang bahagi ng katawan. Parang binibiyak ang kanyang ulo, na sinabayan pa nang pagkirot ng likuran. Nanginginig din ang kanyang mga hita sa tuwing sinusubukan niyang iangat ang mga ito.
"K-Kaya ko ito. . ." nahihirapang wika niya. Kinalma ang sarili.
Nagbilang muna siya bago napagpasyahang subukang muli. Habang pilit niyang inaalis ang lapat ng kanyang katawan sa higaan ay pakiramdam niya nilalagutan din siya ng hininga.
'Sobrang sakit ng katawan ko. Ano bang nangyari sa akin? Bakit parang sumabak ako sa giyera kung kumirot ang bawat bahagi ng katawan ko,' nalilitong tanong niya sa isipan.
Wala sa sariling napangiti nang sa wakas ay nakaupo rin siya. Pero nawala din ang ngiting iyon nang tuluyan niyang matitigan ang kabuoan ng silid.
Wala manlang kahit anong dekorasyon o palamuti.
"Bakit parang ang lungkot naman ng silid na ito?" naiwika niya nang mapagtantong nag-iisa lang pala siya sa tahimik na silid na ito.
Sumasakit ang ulo niya sa nakikita. Idagdag pa ang kanyang kasuotan na naghahatid ng init sa kanyang katawan.
'Nasaan ba ako? Wala bang labasan dito?'
Iniangat niya ang kanang kamay para sana hilutin ang sintido. Pero naudlot iyon nang matigilan siya. May pagtataka na tinitigan niya ang parang maliit na plastic hose na yumayapos sa hintuturo niya.
"Ano 'to?" Inuga-uga niya ang kanyang kamay pero napatigil siya nang biglang bumukas ang pinto.
Bahagyang napaawang ang kanyang labi nang mapagtantong may pintuan pala roon. Palibhasa puti rin ito ay hindi niya agad nakita na doon pala ito nakalagay. Akala niya ay nasa kawalan lamang siya.
"Gising kana pala."
Lalo lamang siyang napatulala nang makasalubong niya ang kulay kayumangging mata. Napakurap siya ng pakiramdam niya ay hinihigop siya nito.
'Ang ganda naman ng mga mata niya,' natutuwang wika niya sa isipan.
Kung kilala niya lang ito ay baka isinatinig niya ang papuring iyon.
"Naririnig mo ba ako?" nag-aalalang tanong nito sa kanya.
Mabilis itong nakalapit sa kanya, walang pasabi na hinawakan ang braso niya na kanyang ikinaurong.
'Hindi ko alam kung bakit. Pero parang napapaso ako sa hawak niya. Pakiramdam ko ay hindi ako ligtas sa kanya. Pero bakit? Kilala ko ba siya?' sunod-sunod niyang naiwika sa isipan habang tinatantiya kung magtatangka bang muli ang lalaki na hawakan siya.
"H-Huwag. . . Huwag mo akong hahawakan," pigil niya rito. Tinabig ang kamay nito nang muli siyang hawakan.
Nais niya sanang tampalin ang sarili nang mapagtantong hindi tama ang ikinikilos niya. Wala naman itong ginagawa sa kanya.
Nag-aalalang tiningnan niya ito. "Nabigla lang ako. So. . . Sorry." Nakayukong wika niya. Pero agad na hinawakan ng lalaki ang baba niya na siyang dahilan kung bakit nakatitigan niyang muli ito.
Ngumiti ito. Pero hindi naman iyon umabot sa kanyang mata.
"May masakit ba sayo?" tanong nito.
Hindi niya sinagot iyon at mas pinagkatitigan lang ang mukha nito. Makapal ang kanyang kilay na pinarisan ng matang sa tingin niya na kung titingnan siya nang matalim ay baka manlambot nalang siya bigla. Matangos ang kanyang ilong, habang ang labi ay namumula ngunit may bahid ng dugo sa gilid.
Kilala ba niya ito? Pilit niyang pinipiga ang isipan para sana malaman kung anong pangalan ng lalaki. Pero nangunot lang ang kanyang noo nang pilitin niyang isipin iyon. Kahit ata titigan niya ito nang buong araw ay hindi niya mahahanap ang sagot sa sariling katanungan.
"M-May sugat ka. . ." tukoy niya sa labi nito nang sumuko na siya sa kakaisip.
Umangat ang gilid ng labi nito. Iniangat ang palad at walang pasabing pinahid ang labi habang titig na titig sa kanyang mata.
Napayuko nalang siya nang makaramdam ng kakaiba.
'Puwede ko bang bawiin ang sinabi ko tungkol sa mata niya kanina? Maganda nga ito. Pero binabawi kona. Para akong nilulusaw ng titig niya.'
Nang maramdaman niyang tapos na ang lalaki sa pagpahid ng labi ay agad niyang iniangat ang ulo. Sa muling pagkakataon, nakatitigan niyang muli ang kayumangging mata nitong parang humahalukay sa pagkatao niya kung tumitig.
"Nasaan ako?" tanong niya.
"Sa ospital," maikling sagot nito.
'Ospital? Anong ginagawa ko rito?'
"M-May sakit ba ako?" kinakabahan niyang tanong.
"Naaksidente ka," tipid muli nitong sagot. Hinila ang monoblock na upuan at prenteng umupo roon. Malaki ang pagitan sa dalawa nitong hita.
Hindi niya maiwasang mapangiwi habang tinitingnan ang kabuoang itsura ng lalaki. Nangingitim ang kanan nitong braso na parang sinuntok o hinampas ng kung anong matigas na bagay. Gulo ang may kahabaan niyang buhok para sa isang lalake. Ni hindi ata nasasarayan ng suklay manlang o kahit daliri niya.
'Maganda naman siyang lalake. Pero bakit ganito ang itsura niya? Napaaway ba siya? Kung ganoon, dapat siyang magamot.'
Nakagat niya ang ibabang labi sa inis. Bakit ba inaalala niya ang lalaking ito? Ni hindi niya nga ito kilala.
"Naaksidente?" takang tanong niya nang maalala ang sagot nito.
Salubong ang kilay na tiningnan siya nito. "Wala ka bang naaalala? Tanda mo pa ba ang pangalan mo?"
Pagbanggit nito ng salitang pangalan ay para siyang sinabuyan nang malamig na tubig. Nagsitayuan ang kanyang balahibo nang walang matandaan na pangalan.
"A. . . Anong pangalan ko?" tarantang wika niya. Nasabunot niya rin ang sariling buhok sa inis nang walang maalala.
"Bakit wala akong maalala? Sino ako?!" Halos kapusin siya sa paghinga nang sumigaw siya.
Lalo pa siyang nakaramdam ng galit sa dibdib nang makita ang itsura ng lalaki. Parang nangingislap ang mga mata nito habang pinapanood siya kung paano magwala. May ngisi pa sa labi.
'Bakit parang natutuwa pa siya sa nangyayari sa akin?'
Baliw ba ang lalaking ito? Kailan pa nakakatuwa ang makita ang isang tao na ang simpleng pangalan niya ay hindi maalala.
"Natutuwa kang hindi ko alam ang pangalan ko?!"
Napabalikwas naman sa tayo ang lalaki at agad siyang pinakalma. Pilit nitong hinahagod ang kanyang likuran na mabilis naman niyang iniiwasan.
"La. . . Layuan mo ako."
Tinulak niya ang lalaki na siyang ikinaurong nito sa kinatatayuan.
Nang umangat ang isang kamay nito ay agad na nanlaki ang mata niya.
"Sasaktan mo ako?" nanlalaki ang mata na tanong niya. Habang pumapasok sa kanyang isipan na baka sampalin siya nito o baka suntukin pa nga.
Wala naman siyang magagawa kung sakaling puwersahin nga siya. Lalake ito, habang siya naman ay isang babae na mukhang may bali pa ang mga buto.
Napapikit nalang siya nang tuluyan na nga nitong idampi ang palad sa kanyang mukha. Ngunit hindi iyon masakit. Humahaplos iyon sa kanyang pisngi. Banayad at walang bahid nang inis o galit. May kagaspangan man ang palad ng lalaki ngunit hindi naman iyon nabigo para pakalmahin siya.
"Hindi ako nagsisisi sa nagawa ko," may bahid nang katapangan na wika nito.
Sinalubong nito ang kanyang mata. Pinagkatitigan ang buo niyang mukha na para bang tinatatak niya sa kanyang isipan ang kanyang itsura.
"Aalis lang ako sandali. Pagbalik ko, sasagutin ko ang lahat ng katanungan mo."
Napapikit nalang siya ng dampian nito nang may kadiinang halik ang kanyang labi. Kinagat pa nito ang ibaba niyang labi na siyang dahilan kung bakit nagmulat siya at nakasalubong ang mata nito.
Halos maduling siya sa sobrang lapit ng mukha nila. Pero hindi iyon naging hadlang para mabasa niya ang nais ipahiwatig nang titig ng lalaki.
'Natutuwa siya.'
Tulalang napahawak siya sa labi nang putulin na ng lalaki ang halik. Walang salitang tinalikuran siya nito.
Pinagmasdan nalang niya ang likuran ng lalaking ngayon ay palabas na ng silid.
"Tama ba na nagpahalik ako sa kanya?"
Hindi niya alam pero naiinis siya sa sarili sa hindi niya malamang dahilan. Naiinis siya dahil hinayaan niyang halikan siya nito at idagdag pa roon na mukhang nagustuhan niya ang halik nito.
Nagpahalik siya sa isang taong hindi niya alam kung ano ang pagkatao.
***
MABILIS na tinapon ni Damon ang hinihithit na sigarilyo sa sahig at inapak-apakan nang matanawan ang isang bulto ng matandang babaeng papalapit sa puwesto niya.
'Hindi nga ako nagkakamali. Pupunta siya.'
Seryoso niya itong tiningnan nang tumigil ito sa puwesto niya. Antabay niya ring isinandal ang likuran sa tapat ng pintuan ng silid na kinalalagyan ng dalaga.
'Magkakamatayan muna tayo, bago mo siya makuha,' mga salitang paulit-ulit niyang iwiniwika sa isipan habang pinagmamasdan ang hilatsa ng mukha ng matanda.
"Nasaan ang apo ko?" walang kangiti-ngiting tanong nito. Bahagya pang nanlilisik ang mata habang walang tigil ang mata na pinagaaralan ang itsura niya.
"Wala siya rito," tipid niyang sagot. Pasimpleng iginala ang paningin para makita kung may kasama bang iba ang matandang babae.
"Huwag mo akong lokohin, Damon. Kung namatay ang apo ko, asahan mong sa kulungan kana mabubulok."
Umangat ang gilid ng labi ni Damon. May pagmamalaki na tiningnan ang matanda. "Tanda. .  ." Halos magbunyi siya sa loob-loob nang makita ang inis sa mukha ng kausap nang tawagin niya ito sa ganoong paraan. "Hindi ko hahayaan na mamatay ang apo mo. Gusto mo alagaan ko pa siya para sa iyo," pabirong wika niya.
Lalo lamang sumama ang mukha ng matanda. Nagbabanta ang titig nito kay Damon. Ngunit kalaunan rin ay lumamlam. Sunod-sunod na napabuntong-hininga.
"Ikaw na ang bahala kay Sarah—sa apo ko."
Napakurap si Damon sa narinig. Bahagya pa niyang tinapik ang sariling pisngi para malaman kung nananaginip lang ba siya.
"G-Gusto mong alagaan ko siya?" Bakas man ang kalituhan sa katanungan niya ay mas nananaig parin ang katuwaan niya.
"Oo, pakiusap."
Tama ba siya nang narinig? Ang isang Donya—babaeng tinitingala ng mga tao ay nakikiusap sa kanya.
Sa sobrang katuwaan ay halos napasuntok pa siya sa hangin pero napatigil lang siya nang masalubong ang tingin ng matanda. Napahiyang ibinaba niya ang kamao at sumeryoso ulit.
"Hindi mo man sabihin ay aalagaan ko parin siya. Magkasundo tayo, tanda. . . Akin na si Sarah, kapalit ng pinag-uutos mong alagaan ko siya. Alam ko naman na may ibang dahilan kung bakit mo ipapaubaya sa akin ang mahal mong apo, tama hindi ba?" May ngisi sa labi na wika niya. "Para hindi mabahiran ng dungis ang pangalan mo ay ipamimigay mo ang apo mo. Sa taong kinamumuhian mo." Humalakhak pa si Damon.
Kumuyom ang kamao ng Donya sa inis. Kung hindi niya lang kailangan ang lalaki ay baka pinadampot na niya ito sa mga pulis.
"Hindi ko ipinamimigay si Sarah!" asik ng Donya rito.
Lalo lamang lumaki ang ngisi ni Damon. "Ako pa lokohin mo, Donya Victoria. Tangna! Nagkamali ka nang hiningian ng tulong. Buhay kapalit ng buhay."
Napaurong ang matanda nang makaramdam ng takot sa iwinika ng lalaki. Ano ba ang pumasok sa isipan niya at humingi siya ng tulong dito?
Nanginginig ang labi ng matanda nang muli siyang magsalita. Nakailang lunok muna ng sariling laway para maalis ang takot at kaba sa dibdib.
"LUMAYAS KA! WALA KANG MODO!" nanggagalaiti niyang sigaw. Napahawak sa dibdib ang matanda nang kumirot iyon. Napasandal sa dingding habang naghahabol ng hininga. Nahulog pa ang mamahaling bag nito sa sahig na siyang lagi nitong labit-labit.
Wala manlang kaemo-emosyong tiningnan ni Damon ang matanda. Para bang kasiyahan pa sa kanya ang makitang nahihirapan ito sa harapan niya.
"Natutuwa ka rin ba habang pinapanood mo siyang mag-agaw buhay sa harapan mo noon, Donya Victoria?!" gigil na tanong ni Damon. Inisang hakbang lang ang pagitan nila ng matanda. Mabilis na sinakop ng isang kamay nito ang leeg ng matanda.
"M-Maawa ka. . ."
"Maawa?! Putangina! Alam mo pala iyon! Pero bakit sa kanya, hindi mo ginawa?!"
Pilit na pumapaslag ang ginang sa hawak ng lalaki. Pero bigo siyang makaalpas sa pagkakasakal nito sa kanya. Masyado itong malakas.
"Huwag kang mag-alala, hindi pa ito ang katapusan mo, Victoria."
Pabalyang binitiwan ni Damon ang leeg nito.
Napasalampak naman sa sahig ang matanda. Takot na takot na iginala ang paningin para humingi nang saklolo. Ngunit lahat ata ng tao sa ospital ng oras na iyon ay mga nawala. Para bang pinaglalaruan siya nang kung sino.
"Maiwan na kita, Tanda. Huwag kang magkakamali na hanapin pa ako. Kung ayaw mong maaga kang mailubog sa lupa."
Tarantang tumayo ang matanda nang umalis na ang lalaki. Agad niyang tinungo ang silid na kinalalagyan ng apo. Ngunit ganoon nalang ang panlalambot niya nang wala siyang makita sa hospital bed.
"IBALIK MO SA AKIN ANG APO KO!"
Malawak ang ngisi sa labi ni Damon nang marinig ang isinigaw ng matandang babae.
"Kailangan mo nang singilin, Victoria. Ang apo mo ang magiging kabayaran."

Bình Luận Sách (27)

  • avatar
    BurgosKean Cyrus

    good it's great

    25/11/2024

      0
  • avatar
    TumagnaJosephine

    nice story I think I will like it

    22/08/2024

      0
  • avatar
    Vanessa Realco

    it's good

    15/05/2024

      1
  • Xem tất cả

Các chương liên quan

Chương mới nhất