MAY ngiti sa labi na sinalubong ni Sarah ang nobyong si Raphael. Hindi pa man tuluyang naiilapat ng lalaki ang suwelas ng kanyang sapatos sa mismong loob ng mansyon ay agad na siyang dinambahan nang yakap ng dalaga. Muntikan pang mawalan ng balanse ang lalaki. Bahagyang napaurong at napadiin ang apak sa marmol na sahig sa mismong harapang bahagi ng mansyon. Antabay namang nakaalalay at handa ang bawat kasambahay kung sakaling matutumba ang dalaga. Bawat kilos ng dalaga ay naroroon sila para alalayan ito at nang maiwasang magalusan o masaktan ito. Tiyak na malilintikan sila kay Donya Victoria kung magagalusan ang porselanang balat ng nag-iisang apo nito. Hindi na nakakapagtakang ingat na ingat ang mag-asawang Mondragon kay Sarah. Bukod sa nag-iisa nilang apo ay ito nalang din ang alaala nang yumao nilang anak na babae. Ang unica hija nila. Dahil may edad na nung naging mag-asawa ang dalawang matanda ay nahirapan silang bumuo ng anak. Himala nga at biniyayaan sila ng isang prinsesa, iyon nga lang maaga itong kinuha sa kanila. "Na miss kita nang sobra," malambing na wika ni Sarah sa kaliwang tainga ng nobyo. Nanguyabit ito sa leeg ng binata. Parang isang batang sabik na sabik na tinanggap ang natatanging regalo na kanyang natanggap. Natatawa namang hinapit ni Raphael si Sarah. Pumulupot ang dalawang naglalakihang braso sa maliit na baywang ng dalaga. Mabilis na iniyuko ang ulo para dumampi ang labi sa noo ng dalaga. Mariin niya itong binigyan ng halik sa noo. "I miss you too," wika ni Raphael matapos na pakawalan ang noo ng dalaga. Nanatili namang nakakawit ang dalawang braso ng dalaga sa leeg ng lalaki. Ngumuso matapos na maalala ang hindi pagtawag ng nobyo habang ito'y nasa bansang Pransiya. "Bakit pala hindi mo manlang ako tinatawagan, ha? Huwag mong sabihing nabura mo ulit ang numero ko sa cellphone mo," mahabang litanya ni Sarah nang pumasok sa isipan ang madalas na dahilan ng lalaki. Kesyo nabura ang numero niya o kaya ay nasira ulit ang sim nito. Kung hindi lang tapat si Raphael sa kanya ay baka pinaghinalaan niya nang niloloko siya nito o may iba ang lalaki at hindi trabaho ang inaatupag kung hindi babae. Bahagyang nag-iwas nang tingin si Raphael. Nang makahagap nang isasagot ay malaki ang ngiti na tiningnan niya ang nobya. "Masyado akong busy nitong nagdaan, hon. Alam mo naman kailangan kong tapusin ang lahat ng trabaho ko bago natin asikasuhin ang kasal natin." Halos manginig sa tuwa si Sarah nang marinig ang paghahandang ginagawa ni Raphael para sa kasal nila. Marinig palang ang salitang kasal sa mismong labi ni Raphael ay nabubura agad ang kasalanan nito sa isipan niya. Mahal na mahal niya talaga ito. Napanguso si Sarah nang magawi ang tingin sa daliring hanggang ngayon ay walang nakasuot na kahit anong klase ng singsing. "Hindi mo pa ako inaalok ng kasal, Raphael." Nagawa pa niyang ipadyak ang paa sa sahig nang marinig ang hagikgik ng ilang kasambahay sa iwinika niya. Parang batang nagmamakaawa siya kay Raphael habang paulit-ulit na iwiniwika ang Nasaan ang singsing ko? Ngayon kana magpropose. . . Natatawang pinisil ni Raphael ang ilong niya. "Kaya nga ako umuwi, honey. Pormal kong hihingiin ang basbas ng lolo at lola mo." "Talaga?" Hindi makapaniwalang tanong ni Sarah. Halos magkandabuhol-buhol ang dila niya kakaisip nang susunod na sasabihin. Masyado siyang nagagalak sa sinabi ni Raphael. Pakiramdam niya lalabas ang puso niya sa dibdib at sasayaw iyon sa sahig dahil sa lakas ng kabog nito. 'Mahal na mahal ko talaga ang lalaking ito,' turan niya sa isipan habang masayang nakatitig sa mukha ni Raphael. Mabilis na dinampian ni Sarah ng mumunting halik ang mukha ng lalaki. Nakatingkayad pa siya para mahalikan ang ibang bahagi ng mukha nito. Pero napatigil siya nang ang isusunod na niyang hahalikan ay ang labi nito. "Go on, honey. It's all yours." Napakagat sa labi si Sarah nang titigan ang labi ng nobyo. "G-Gusto mo halikan kita? Sa harapan ng mga kasambahay?" Naghahalo ang kaba at saya sa dibdib niya. Sa loob ng limang taon bilang magkasintahan ay hindi pa niya nagagawang halikan ang lalaki sa mismong labi nito. Maging si Raphael din. Masyado siyang ginagalang ng lalaki at ang lolo at lola niya kaya kahit minsan ay hindi ito nagtangka manlang na halikan siya. Nasapat na sila sa paghalik sa noo o kaya sa pisngi. Kahit pa sabihing harap-harapang ihayag ng Donya Victoria na ayaw nito kay Raphael para sa apo. Nakangiting tumango ito at lalo siyang hinapit papalapit. "Ikakasal na tayo, hon. Matagal ko narin naman gusto na halikan ka. Natitiyak kong matamis at sobrang lambot ng labi ng babaeng minamahal ko." Nanginit ang pakiramdam ni Sarah nang marinig iyon. Kagat ang labi na pinipigil ang sarili na tumili sa sobrang kakiligan. "Pumikit ka," pabulong na wika niya bago sinenyasan ang limang kasambahay na tumalikod sa kanila. Agad naman nilang sinunod ang utos niya. Agad naman itong sinunod ni Raphael. Nakapikit ang dalawang mata na iniintay ang susunod na gagawin ng dalaga. "Mahal kita," bulong ni Sarah at handa na sanang halikan ang nobyo pero naudlot iyon nang makarinig siya nang pagtikhim. Naiwan sa ere ang labi niyang nanunulis na handa na sanang tukain ang mamula-mulang labi ni Raphael. Nakanguso na binalingan niya nang tingin ang taong tumikhim pero napatayo siya nang tuwid ng makasalubong ang magkasalubong nitong kilay at ang nagbabantang tingin. Namumula ang pisngi na nagyuko siya ng ulo. 'Omoo. I'm going to dead.' "Mag-usap tayo Sarah," matigas na utos nito na siyang ikinaangat ng ulo ni Sarah. Nagalit ba ito sa tangka niyang paghalik kay Raphael? Pero hindi na sila bata. Ikakasal na sila. Isa lamang iyong simpleng halik na naudlot pero masyado naman atang malalim ang pinaghuhugutan ng inis ng lola niya. Bahagya niyang tinapik si Raphael para magmulat ito. "Bakit?" kunot ang noo na tanong nito. Nagawa namang inguso ni Sarah ang taong nasa likuran ni Raphael na ngayon ay magkasalubong ang maninipis na kilay ngunit kasing itim ng uling. "Si lola. . ." pabulong na wika niya. Mabilis naiikot ni Raphael ang katawan paharap sa tinuturong direksiyon ng dalaga. Nang matanawan nga ang Donya Victoria, agad nagyuko ng ulo ang lalaki na kalaunan ay iniangat din para salubungin ang tingin ng matanda. "Magandang araw po," magalang na pagbati niya rito. Tinanguan lang naman siya ni Donya Victoria. Hindi na bago sa kanya ang pagbating iyon ng matanda. Madalas nga ay kunot-noo ang natatanggap niya rito. "Umuwi kana, Raphael." Matapos nun ay parang hangin lang na dinaanan ni Donya Victoria si Raphael na hindi magawang tumutol sa pinag-uutos ng matanda. "Pero lola. . . Hindi pa po puwedeng umuwi si Raphael. May sa―" Agad namang pinigilan ni Raphael si Sarah. Nakangiti niya itong hinarap. "Bukas nalang Sarah. Mag-iingat ka." Bahagya pa niyang pinisil ang kanang kamay nito bago niya ilakad ang paa patungo sa kinalalagyan ng kanyang sasakyan. 'Magiging akin din si Sarah,' nagtagis ang bagang na wika ni Raphael sa isipan bago tuluyang pumasok sa sasakyan at paharurutin iyon nang may kabilisan. "Pumasok kana, Sarah." Bagsak ang balikat na sumunod si Sarah sa lola niyang naunang pumasok sa loob ng mansyon. Nang makarating sa sala at maupo sa malambot na upuan ay halos lumubog pa siya roon dahil halos hindi niya makontrol ang bigat ng katawan. Baliwala din niyang hinubad ang sapin sa paa at hinayaang sumuot ang lamig ng sahig sa balat ng paa niya. "Anong pag-uugali iyan Sarah?" Nakasimangot na sinalubong ni Sarah nang tingin ang lola niya. "Wala po," pagsagot niya at isinuot ulit ang sapin sa paa. Umupo nang tuwid. Bahagya pang nagawi ang tingin sa nakahilerang mga paso sa isang tabi na ngayon ay umaangat ang ganda dahil sa tingkad ng kulay ng iba't ibang klase ng bulaklak. Naghalo-halo ang kulay ng bulaklak at halatang wala sa ayos na siyang madalas niyang pinupuna. Kung nasa mood lang siya ngayon ay baka nasa harapan na siya ngayon ng mga nasabing paso at inaayos ng naaayon sa nais niyang hilera ang mga laman nitong bulaklak. Umangat ang kilay ng matanda na agad din namang bumaba nang pagkatitigan ang apo. Seryoso itong nakatitig sa nakasimangot na si Sarah. Kumurap nang isang beses at napabuga ng hangin. "Hiwalayan mo si Raphael," walang kagatol-gatol na wika ni Donya Victoria. Nanlalaki ang mata na napatayo sa pagkakaupo si Sarah. "H-Hiwalayan po lola? Na. . . Nagbibiro po ba kayo?" Hindi natinag sa nakikitang lungkot sa mata ng apo si Donya Victoria. Matigas ang tingin na sinalubong ang ngayon ay nanunubig ng mata ni Sarah. "Hiwalayan mo siya. Alam mo namang hindi ko siya gusto para sayo." Nanlalambot na napaluhod si Sarah. Naluluhang nagsumamo sa lola niya. "Bakit po? D-Dahil po ba tinangka kong halikan si Raphael lola? Pero, hinayaan niyo naman po kami ng limang taon, lola, ah. Maba. . . Mabait naman po si Raphael." "Tumayo ka diyan. Huwag mong pilitin na ikulong kita sa silid mo para parusahan ka, Sarah." Imbes na sundin ang utos nito at matakot sa banta ni Donya Victoria ay nanatiling nakaluhod si Sarah. Bagsak ang balikat na iniintindi ang nangyayari. Nang makabawi, hindi maiwasang salubungin nang matalim na titig ang lolahin. Na siyang labis na ikinagulat ni Donya Victoria. Hindi niya inaasahan na ang malambing at masunurin niyang apo ay magagawa siyang tingnan nang masama. Hindi talaga maganda ang dulot ng pag-ibig na iyon. Hindi niya hahayaan na maging ang apo niya ay mawala sa kanila dahil lang sa lintik na pag-ibig na iyon. "Lagi nalang akong sunod-sunuran sa inyo lola. Ano pa po bang kulang ha?! Naging mabait akong apo. Lahat ng gusto at utos niyo sinusunod ko. Kahit pa labag iyon sa loob ko. . ." Habang naririnig ang hinaing ng apo ay hindi maiwasan na malungkot si Donya Victoria. Nakikita niya ang nag-iisang anak na yumao kay Sarah. Ganitong-ganito ang itsura ni Marah habang nagmamakaawa sa kanya na tanggapin ang lalaking iniibig nito. Na siyang kahit kailan ay hindi niya pinakinggan. "Kahit maglupasay kapa riyan ay hindi na mababago ang pasya ko Sarah. Para rin ito sa kapakanan mo." Pagak na natawa si Sarah. "Kapakanan ko?! Si Raphael ang buhay ko, lola. Kaya please. . . Please po, huwag niyo kaming paghiwalayin." Agad na sinenyasan ni Donya Victoria ang limang kasambahay na tahimik lang na nakatingin. Agad naman nilang nakuha ang nais ipahiwatig ng matanda. "Tumayo na po kayo señorita." Mabilis na pumaslag si Sarah sa hawak ng isang kasambahay. Nanginginig ang labi na tiningnang muli ang lola. "Hindi niyo kami mapaghihiwalay ni Raphael." Huling wika nito bago mabilis na tinakbo ang hagdanan na nagdudugtong sa pangalawang palapag ng mansyon. Nag-aalalang tiningnan ng siyang mayordoma ang hagdanan na dinaanan ng dalaga. Naaawa siya sa kalagayan nito. Parang babasaging bagay ang dalaga. Kaunting saling lang at kapag nahulog ay agad na mapipingasan. Ganoon si Sarah ngayon. Agad itong nasaktan sa salitang binitiwan ng lola niya. "Bantayan niyo siya nang maigi. Huwag papalabasin ng kanyang silid," utos ni Donya Victoria bago tinahak ang daan papalabas ng mansyon. Kailangan niyang tunguhin ang opisina ng asawa sa kanilang kompanya nang mabanggit ang kanyang pasyang ginawa. 'Pasasalamatan mo rin ako balang araw, apo.'
Cảm ơn
Ủng hộ tác giả để mang đến cho bạn những câu truyện hay
good it's great
25/11/2024
0nice story I think I will like it
22/08/2024
0it's good
15/05/2024
1Xem tất cả