logo text
Thêm vào thư viện
logo
logo-text

Tải xuống cuốn sách này trong ứng dụng

Chapter 6: New Student

INILAPAG sa harap ni MG Cerino ang bangkay ng dalawang lalaki na inutusan niyang bumaril kay Agapito Lopez. Pinakawalan niya ang alagang tigre at hinayaang sakmalin ang kamay ng mga ito.
“Kung ano ang matira sa katawan nila, iyon na lang ang dalhin n’yo sa crematorium,” utos niya sa mga miyembro.
“Ibang klase ka rin minsan, MG. Pagkatapos mong pakinabangan ang kanilang serbisyo, ipaliligpit mo na lang na parang basura,” sabi sa kanya ng deputy niyang si Valiento Garcia.
“At hindi ka rin naman nag-iisip minsan, Valiento. Ngayon lang tayo kumuha ng tao na hindi natin miyembro para magsagawa ng krimen. Dapat lang na itapon natin sila pagkatapos gamitin. Baka mamaya, iyan pa ang maglaglag sa atin.”
“Bakit naman kasi kailangan mo pang kumuha ng outsider?”
“Dahil hindi na bago sa lahat na isa si Senator Basco sa mga notable politicians na member natin. Kung anuman ang mangyari kay Agapito, tayo ang unang iisipin ng lahat na gumawa n’on para pagtakpan ang mga baho ni Senator. That’s why we need an outsider to do this job. Para kahit mahuli man sila sa kung saang footage na hindi natin alam, at least makikita nilang hindi kontektado sa atin ang dalawang tao na ‘to. Hindi mo ba naisip ‘yon, Valiento?”
Inirapan lang siya ng lalaki saka hinugot sa gilid ng sinturon ang makintab nitong Katana. Pinagmasdan nito ang sariling repleksyon sa talim niyon saka muling sumagot sa kanya. “Magbubukas na naman ang pasukan sa mga unibersidad.”
“Yeah,” matipid niyang sagot sabay dukot ng vape sa kanyang bulsa. “This is the perfect opportunity to do a mass recruitment. Kailangan nating magparami muli.”
“Sana lang mas higpitan mo pa ang pagpili sa mga neophyte. Ayoko nang maulit ang sakit ng ulo natin noong nakaraang taon.”
“Huwag kang mag-alala. Mas nauna ko nang naisip ‘yan kaysa sa `yo!”
Noong nakaraang taon kasi, nalagasan sila ng maraming miyembro dahil sa naganap na frat war kung saan nakalaban nila ang Alpha Sigma Pi na pumapangalawa bilang pinakamalakaing fraternity sa buong bansa.
Bagama’t silang mga Spaterion ang nangunguna pagdating sa bilang, nagawa pa rin silang daigin ng Alpha Sigma Pi sa kauna-unahang pagkakataon. At hindi niya iyon tanggap. Kaya naman ngayon, nais niyang maparami uli ang kanyang mga miyembro para mapalitan ang mga nalagas noon at makapaghiganti sa karibal na tribo.
Pero sa pagkakataong ito, mas hihigpitan na niya ang proseso at initiation rites para makasiguradong matitibay at malalakas lang ang makapasok sa kanila.
Our Point on Earth is Domination. Iyan ang makulay na motto ng Kappa Delta Upsilon. Wala silang ibang goal sa buhay kundi ang magparami, magpalawak ng koneksyon, at maging hari sa bawat lugar na kanilang nasasakupan.
“YEAH, everything is alright, son. You have nothing to worry about,” sagot ni Don Frido habang kausap si Maverick sa cellphone. Wala itong kaalam-alam sa mga babaeng nakapalibot sa kanya habang masarap ang pagkakaupo niya sa sofa ng opisina.
“Si Crisanto pala, ‘tay, kumusta?”
“You mean, Dante?”
“Ano?”
“Ah, I mean Crisanto, yeah. And ugh, yes! Okay lang naman siya. Malaki na ang alaga mo, Maverick. Hindi mo na siya kailangang kumustahin na parang bata.”
“Ano naman ang ginagawa niya ngayon d’yan? Sinusubukan ko siyang tawagan kanina pero out of coverage ang number niya.”
“Marami lang siguro siyang pinagkakaabalahan.”
“Tulad ng ano? Nabanggit nga pala niya sa akin na may importante raw siyang aasikasuhin d’yan kaya naisipan niyang magbakasyon. Alam n’yo ho ba kung ano ‘yun?”
“Hindi pa kami gaanong nagkakausap dahil palagi siyang wala rito sa Nexus. Pero kapag naabutan ko siya, tatanungin ko na lang din siya about d’yan. Don’t worry.” Sabay senyas niya sa isang babae na hagurin ang mga binti niya.
“Saan naman po siya nakatira ngayon?”
“Siyempre dito sa loob ng Nexus. He has a private chamber here.”
“Sige, sige. Ikaw na muna ang bahala sa kanya, ‘tay. Alagaan mo siya nang mabuti. Parang anak ko na rin ‘yan.”
Hindi napigilang matawa ni Don Frido. “Kahit kailan talaga masyado kang O.A. Sinanay mo siyang maging fighter at isinabak sa mga death match tapos ipapaalaga mo lang sa akin? Alam mo, si Crisanto ‘yung tipo ng tao na hindi na kailangan ng magbabantay sa kanya. He can take care of himself. You don’t have to worry about him. He’s not a f*cking child anymore!”
Pagkatapos nilang mag-usap, ibinaba na niya ang cellphone at humiga sa sofa. Ipinagpatuloy naman ng mga babae ang pagmasahe sa buong katawan niya. “Hay! Ang sarap ng buhay!”
SA UNANG araw ng klase, dumagsa ang mga estudyante sa loob at labas ng Vanguard University. Kahit saan lumingon ay punong-puno ng mga tao. Karamihan sa kanila ay mga freshman na sobrang naninibago at nasasabik sa prestihiyosong unibersidad na kanilang pinasukan.
“Grabe! Parang ang dami yatang new enrollees ngayon, ah?” Halos sakupin nila ‘yung buong paligid, oh!” asik ni Eman habang iginagala ang paningin sa mga ito.
“Paniguradong magiging magulo na naman ang buong sem na ito! Marami na namang drama ang mabubuo,” natatawa namang sabi ni Andrei na nakaakbay kay Logan.
“Magandang balita ‘to para sa ating mga Spaterion. Marami na ulit tayong mare-recruit. Sana nga lang puro malalakas ang makuha natin dito. Para hindi na matulad sa mga quitters at mga lampa dati na isang tama lang ng bala patay na agad!” sagot naman dito ni Logan habang nakagitna sa mga barkada.
“Buti na lang nagbalik ka, pare! Ba’t mo pala naisipang mag-aral ulit? ‘Di ba ang ganda na ng work mo sa company ng father mo?” tanong naman sa kanya ni Vinston na nasa likuran niya.
“Ewan ko ba kay Dad. Gusto niyang tapusin ko ito, eh. Ano pa ba’ng magagawa ko kapag siya na ang nagsalita?” malamig ang tinig na sagot niya rito.
“Pero okay na rin na nakabalik ka rito, pare. At least may makakasama na kami sa mga championship ng NAAP, ‘di ba?” pambobola sa kanya ni Vinston, sabay tapik sa balikat niya.
“‘Yan nga lang talaga ang dahilan kaya naisipan ko pang bumalik ulit, eh. Na-miss ko ring maglaro ng basketball. Sayang 'yung MVP title ko no'n sa last two season ng NAAP. Gusto kong masundan ulit 'yun!" aniya, tinutukoy ang sports event na National Athletic Association of the Philippines kung saan kabilang ang school nila sa walong malalaking university na naglalaban-laban sa iba't ibang uri ng sports.
“‘Yun, oh! Aarangkada na ulit tayong apat na Spaterion, boom!” Sabay taas ni Eman sa kabilang kamay niya. Muli siyang pinuri ng tatlong barkada na kapwa rin niyang Spaterion.
Silang apat ang pinakasikat sa kanilang campus dahil sa iba't ibang larangan na kanilang pinaghaharian sa NAAP. Siya ang player at representative sa basketball. Si Eman ay sa Taekwondo. Si Andrei naman sa Men's Volleyball. Habang si Vinston ang player nila sa Swimming.
Sa kalagitnaan ng paglilibot nila, may ilang mga babae na lumapit sa kanila at bumati kay Logan. Lihim namang kinilig ang lalaki sa kusang paglapit ng mga girls sa kanya para lang mangumusta. Kahit matagal siyang nawala, ang lakas pa rin talaga ng charisma niya sa marami.
Sino ba naman ang hindi makakakilala sa kanya? Sa lahat ng lalaki rito sa Vanguard, siya lang ang may pinaka-attractive na looks at physiques. Matangkad siya at bulky ang built ng katawan. He has this orange wavy hair na signature hairstyle na niya since his day one in Vanguard. His square-shaped face partnered with his perfect jawline and cleft chin is what makes him stand out among the rest.
May dalawang freshman pa nga ang nakapansin sa kanya at lihim siyang pinagbulungan nang madaanan nila ang mga ito. Napasigaw pa ang dalawang babae sa kilig.
“Ang suwerte naman natin dahil magiging ka-schoolmate pa natin ‘yung guwapong member ng Kappa Delta, waaah!”
Narinig iyon ni Logan pero hindi na niya ito pinansin. Kailangan niyang limitahan ang pagpansin sa mga tao para lalo silang mauhaw sa atensyon mula sa kanya.
Ang sarap talaga sa pakiramdam kapag marami ang bumabati at lumalapit sa kanya kahit hindi niya kausapin pabalik ang mga ito. Ang lakas lang maka-celebrity status.
Marami pang mga estudyante ang lumapit sa kanya. Ang iba ay mga babae, ang iba ay mga dating estudyante na naging classmate niya sa ilang mga minor subjects, at ang iba ay mga lalaki sa ibang tribo na malaki ang respeto sa kanya pati sa ama niya.
Kahit dalawang taon siyang nawala ay marami pa rin ang nakakakilala sa kanya. Bukod kasi sa pagiging Spaterion at varsity player niya, kilala rin siya ng marami sa ilang mga title at awards niya gaya ng Top Vanguard Personality in 2018 and 2019 Magazine, Ultimate Heartthrob of 2019, at Swimwear Pageant Champion in Male category.
Sa gate naman ng campus ay pumasok ang isang lalaking naka-itim na jacket at nakasakay sa mamahaling motorsiklo. Pinukaw ng ingay ng motor nito ang atensyon ng mga estudyante sa paligid.
Pati sina Logan ay napalingon at sinundan ito ng tingin. Habang titig na titig ang mga barkada niya rito, nanlaki naman ang mga mata niya nang makita ang motor na sinasakyan nito.
Hindi siya maaaring linlangin ng paningin. Nakita na niya ito kamakailan lang. Halos isumpa pa nga niya ang motor na ito dahil sa pangyayaring iyon.
“Uy, ‘tang ina! ‘Di ba ‘yan ‘yung Ego 45 na Energica? Putang ina, p’re, ang mahal n’yan! Nasa million yata ang halaga n’yan!” bulalas ni Eman na punong-puno ng pagkamangha sa tinig.
“Teka, bagong estudyante ba ‘yan?” nagtataka namang usisa ni Andrei.
Hindi alam ni Logan kung bakit tila biglang uminit ang dugo niya, lalo na nang malipat sa lalaking iyon ang atensyon ng lahat na kanina lang ay nasa kanya.
Lalong naglaway sa pagkasabik ang mga estudyante sa paligid habang dahan-dahang hinuhubad ng lalaki ang helmet nito sa pinakamaangas na paraan.
Nang lumantad na ang mukha nito, mabilis na umugong ang ingay ng mga estudyanteng tinamaan agad sa lakas ng dating nito.
Pati si Logan ay gulat na gulat nang masilayan ang mukha nito. Hindi siya maaaring magkamali. Ito nga ang lalaking nakaaway niya noon dahil sa motor na iyon.
Sinuklay ng lalaki ang gulo-gulo nitong buhok sa kamay nito. Saka ito bumaba sa motor at pinakawalan ang matikas nitong tindig.
Pagkatapos nitong itago ang helmet sa ilalim ng seat, inayos na nito ang suot na black leather jacket na may mahabang kuwelyo na bahagyang nakaangat sa leeg nito. Agaw-pansin din ang suot nitong black leather jeans na sa sobrang fit ay kitang-kita na ang hugis ng maskulado nitong mga hita. Pinarisan pa iyon ng sinturon na may makintab na ulong hugis leon.
“Grabe! Ang angas ng porma niya, pare!” compliment dito ni Andrei habang nakaakbay pa rin kay Logan.
“Tingnan mo rin ‘yung sneakers niya, oh! ‘Di ba ‘yan ‘yung Eminem Carhartt Air Jordan 4? Alam ko nasa milyon din ‘yung halaga n’yan, eh!” singit naman ni Vinston na halos lumuwa ang mga mata habang pinagmamasdan ang pinapangarap nitong sapatos.
Hindi nagustuhan ni Logan ang lumabas sa bibig ng tatlo. Isa-isa niyang binatukan ang mga barkada hanggang sa maibalik sa kanya ang tingin ng mga ito.
“Mga gago ba kayo? Bakit n’yo pinupuri ‘yan? Sino ba ang barkada n’yo? Ha? Sino!”
“Pare, huwag ka naman ma-beast mode. Siyempre ikaw pa rin ang master namin!” Sabay akbay sa kanya ni Eman at tinapik-tapik pa ang likod niya.
“Tara na nga! Umalis na tayo!” Sa lahat ng mga estudyante roon, si Logan lang ang may masamang hininga rito.
Sa sobrang bad trip niya, tinalikuran agad niya ang mga barkada at naglakad palayo. Mabilis namang sumunod sa kanya ang tatlo.
Patuloy namang pinagmamasdan ng mga estudyante ang lalaking iyon habang naglalakad ito patungo sa main building ng campus.
NAKARAMDAM ng gutom si Dante kaya sa canteen na muna siya dumiretso. Mamayang ala-una pa ng tanghali ang simula ng klase niya.
Naiilang siyang tumingin-tingin sa paligid dahil ramdam pa rin niya ang mga matang nakatitig sa kanya. Ngayon lang yata sila nakakita ng morenong guwapo na tulad niya.
Buti na lang ay nag-vibrate ang cellphone niya sa isang upcoming call kaya nagkaroon siya ng mapaglalaanan ng atensyon. Pagtingin niya sa screen, si Coach Maverick niya ang tumatawag sa kanya.
“Hello, coach!”
“Crisanto! Kumusta ka na, anak?”
“Okay pa rin itong bata n’yo, coach. Malusog pa rin. Kayo, kumusta na kayo d’yan?”
“Gaya ng dati, training pa rin araw-araw. Siya nga pala, kanina lang nabanggit sa `kin ni itay na nag-enroll ka raw pala d’yan? Kaya ba nagbalik ka sa Maynila para mag-aral ng kolehiyo?”
“Ah, oo, coach. Sana okay lang sa `yo.”
Natawa naman ang lalaki sa kabilang linya. “Naku, ano ka ba! Ayos nga ‘yang ginawa mo, eh. Kahit milyonaryo ka na, naisipan mo pa ring mag-aral.”
“Siyempre naman, coach. High school lang kasi ang natapos ko, eh. Gusto ko ring maranasan makapagtapos sa college.”
“Mabuti nga naman ‘yan, anak. Iba pa rin talaga kapag may pinag-aralan ka. Kahit gaano ka pa kayaman, ang edukasyon pa rin ang isang yaman na puwede mong makuha na walang katumbas na halaga, hanggang sa pagtanda mo dala-dala mo ‘yan. Pero Crisanto, kumakain ka ba ng tama d'yan? Baka mamaya kung anu-ano na lang ang nilalamon mo, ah? Kailangan mo pa ring i-maintain 'yung diet mo para hindi masira ang hugis ng katawan mo. Hindi ka na magiging champion n'yan kapag tumaba ka.”
Siya naman ang natawa roon. “Nako, hindi n’yo na po kailangang sabihin ‘yan. Sobrang maalaga ako sa katawan ko. Hindi ko rin po hahayaang masira itong physique ko.”
“Mabuti naman kung ganoon. Sige, sige. Ibababa ko na ‘to dahil may sparring pa kami. Kinumusta lang naman kita, anak.”
“Sige po, coach. Tawag uli kayo mamaya pagkatapos n'yo para may makausap ako rito. Ang boring ng first day ko, eh." Pagkatapos nilang mag-usap, ibinaba na niya ang telepono at kinain na ang mga in-order niya.
NAGMAMADALING inakyat ni Dante ang Room A71 sa third floor. Late na siya ng sampung minuto dahil sa biglaang pagtawag sa kanya ng kalikasan kaya natagalan siya sa banyo.
Marahan niyang binuksan ang pinto ng silid. Bumungad sa kanya ang mga nakaupong estudyante na isa-isang lumingon sa kanya. Nakaramdam tuloy siya ng hiya kaya ibinaling agad sa professor ang kanyang tingin.
“Hi, bago ka lang ba rito? Ano ang subject mo, hijo?” nakangiting tanong ng matabang lalaking professor na nasa harapan.
“Ahh…” Binuksan agad niya ang papel na hawak niya. “Philippine History po?”
“Ah, okay. This is our class. You may take a seat now, Mister,” sabi sa kanya ng prof at masayang iginala ang palad nito sa harap ng classroom.
Nakayuko naman siyang pumasok at nagtungo sa bakanteng puwesto sa dulo. Habang naglalakad ay dinig pa niya ang bulungan ng mga babaeng tila kinikilig yata sa kanya.
Bago pa siya makaupo, nahagip ng paningin niya ang isang lalaking nasa bandang kanan at katapat ng puwesto niya.
Napatda si Crisanto. Iyon ang lalaking nakasagutan niya noon sa Motorworld Shop. Kung hindi siya nagkakamali, ito ang nagpakilalang anak ng grand founder ng Kappa Delta Upsilon!
Ang sama rin ng titig nito sa kanya. Kung wala lang sigurong tao roon, baka kanina pa siya nito sinugod at nilapa.
Binawi rin agad niya ang tingin dito at umupo na sa puwesto niya. Pinilit na lang niyang i-focus ang paningin sa prof nilang nagsasalita sa harap.
Patuloy naman siyang tinititigan ni Logan habang nagbabaga ang mga mata nito sa kanya.
Sa kalagitnaan ng klase nila, biglang may pumasok na dalawang matatangkad na estudyante. Akala niya, magiging classmate din niya ang mga ito. Ngunit ganoon na lang ang pagkabigla niya nang hablutin ng dalawa ang isang binatilyo sa tabi niya.
Pati ang prof nila ay natigilan sa ginagawa at natulala sa kaganapan.
Kinaladkad ng dalawang lalaki ang binatilyong pilit nagpupumiglas. Ilang beses itong humingi ng saklolo pero walang nagtangka na lumapit dito.
Mas lalo siyang nagulat nang simulang bugbugin ng dalawa ang binatilyo sa harap mismo ng klase. Pagkatapos itong palamunin ng suntok, pinatalikod ito sa harap ng white board at hinataw ng bakal ng sinturon.
Naguluhan si Dante sa mga nangyayari. Wala man lang kumilos sa mga kaklase niya para tulungan ang lalaki. Pati ang prof nila ay nakatayo lang din sa puwesto nito at tila walang balak gumawa ng aksyon.
Mayamaya ay humarap ang isang lalaki sa kanilang prof. “Pasensya na sa abala, Sir. Kailangan lang naming bigyan ng disciplinary action itong ka-brod namin. May ginawa na namang kabalastugan, eh!” sabi nito na parang matalik na kakilala nila ang prof na iyon.
Walang tugon ang professor dito. Nanatili lang itong nakatayo at patay-malisya.
Si Logan naman ay patagong tinatawanan ang nangyayari.
Bigla siyang may naalala tungkol sa isang kultura sa mga fraternity, na kapag nakagawa ng malaking gulo o kasalanan ang isang miyembro, papatawan ito ng disciplinary action ng mga officers at kapwa members. Ang iba ay kadalasang pinapalo ng paddle sa likod.
Pero dito, hindi niya alam kung tama ba ang ginagawang disciplinary action ng dalawang ito sa sinasabi nilang ka-brod nila. Hindi lang nila ito basta binugbog, ginawa pa nila ito sa harap ng klase at sa harap ng isang professor.
Ang mas ipinagtataka pa niya, tila balewala lang sa prof nila ang karahasang nangyayari. Nagsimulang magkabuhol-buhol ang mga ugat ni Dante sa utak.
Ano'ng nangyayari dito?
Napaisip tuloy siya kung totoo pa ba ang nangyayari sa harap niya o isang random na panaginip lamang.
TO BE CONTINUED…

Bình Luận Sách (53)

  • avatar
    TattaoJomar

    great stories

    07/09/2023

      0
  • avatar
    IntiaLuvelyn

    ang pogi ko

    03/08

      0
  • avatar
    bayonaNolin

    owiwiwiwiwiwowowowowowiwowowiiwiwiwiwowowowoowowowowowowoowowowowowowowowowoowowowowowwoowwowowoowowowowowoowowowowowoowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowoiwowowowowowowowoow

    29/07

      1
  • Xem tất cả

Các chương liên quan

Chương mới nhất