logo text
Thêm vào thư viện
logo
logo-text

Tải xuống cuốn sách này trong ứng dụng

Chapter 5: Dangerous Encounter

TUTOK na tutok si Crisanto sa pinapanood na balita tungkol sa radio reporter na pinatay at binaril nang gabi ring iyon. Ang lugar na pinangyarihan ng krimen ay hindi rin kalayuan sa Nexus.
“Barangay Kapuspusan? ‘Di ba isang sakay lang ‘yon mula rito, abuelo?” baling agad niya kay Don Frido na nasa likuran niya.
“Oo. Kahit lakarin mo nga lang ‘yan, fifteen minutes lang makakarating ka na d’yan,” sagot naman nito habang nakatutok din sa balita.
“Kilala n’yo po ba ‘yan?”
“Sikat na radio broadcaster ‘yang si Agapito Lopez. Nakilala siya dahil sa matapang niyang pagbibigay ng puna at kritisismo sa mga issue ng gobyerno. Hindi siya natatakot na i-call out sa kanyang programa ang mga opisyales na napatunayang gumagawa ng kalokohan sa likod ng publiko.”
Pagkatapos magpaliwanag ay lumipat naman ang mata nito sa kanya. “Marami ang humahanga d’yan dahil sa taglay niyang katapangan. Nakakalungkot nga lang dahil ang katapangan pa niya ang nagdala sa kanya sa kamatayan. At hindi malabong mangyari din sa iyo ‘yan kapag pinairal mo ang iyong tapang sa lugar na ito,” anito sa tinig na parang pinaparinggan siya.
“Pero sa palagay n’yo, sinu-sinong mga politiko ba ang kinall-out niya bago mangyari ito?” pag-iiba ni Crisanto sa kanyang sagot.
“Nitong mga nakalipas na buwan, tatlong politiko pa lang ang alam kong lagi niyang tina-topic sa kanyang programa. Una ay ang presidente natin na binabatikos niya dahil sa mahinang aksyon nito sa terorismo. Pangalawa ay ang panukala ng bagong senator na si Roberto Ramos na gustong ipa-ban ang mga Korean TV shows dito sa bansa dahil nasasapawan daw ang entertainment industry natin. Pangatlo ay ang drug issue ng isa pang senator na si Calixto Basco.”
“Silang tatlo ang lagi niyang tinitira ngayon sa radyo?”
Tumango agad ang matanda. “Oo, silang tatlo ang laging laman ng programa niya nitong mga nakaraang buwan.”
Napatayo si Crisanto sa sofa at hinarap ang computer niya sa table. Hinanap niya sa internet ang pangalan ng tatlong politiko na binanggit ni Don Frido. Isa-isa niyang tiningnan sa mga lehitimong websites ang full background ng mga ito.
Hanggang sa mabasa niya ang isang impormasyon tungkol kay Calixto Basco, na isa raw ito sa mga kilalang senador na miyembro ng fraternity na Kappa Delta Upsilon.
Doon nalipat ang atensyon niya. Sinubukan niyang mag-research ng mga notable celebrities at other personalities na may mga kinabibilangang kapatiran. Base sa mga lumabas na resulta, dalawa sa kasalukuyang senador ngayon ang kilalang member ng fraternity.
Una ay si Calixto Basco na nasa Kappa Delta Upsilon, pangalawa ay si Wilson Dela Cruz na nasa Omega Sigma Phi.
Dito pinagana ni Crisanto ang talas ng kanyang isip. “Dalawa silang member ng magkaibang frat. Pero base sa sinabi ni abuelo, si Calixto Basco lang ang kabilang sa tatlong politiko na tinitira ngayon ni Agapito Lopez dahil sa mga drug issues nito.”
Muli siyang tumipa sa keyboard. Hanggang sa lumitaw sa harapan niya ang mga article na nagpapakita sa mga drug issues noon ng Kappa Delta Upsilon. Dito niya nakumpirma na ang fraternity ngang ito ang may pinakamaraming involvement sa droga, bukod sa hazing at ilang mga krimen.
Sinubukan din niyang pakinggan ang ilang video clips ng programa ni Agapito Lopez kung saan buong tapang nitong inilahad ang nalalaman tungkol sa itinatagong negosyo ni Calixto Basco na pagpupuslit ng droga sa bansa.
Dahil sa drug issue na kinahaharap ng naturang senador, pati na rin sa mga drug issues na kinasangkutan ng Spaterion, naisip niyang baka may kinalaman si Calixto Basco sa pagkamatay ng radio reporter.
“Kung hindi ako nagkakamali, maaaring nag-utos ng tao si Calixto Basco para ligpitin ang radio personality na kumakalaban sa kanya. O puwede ring pinoprotektahan siya ng kinabibilangan niyang frat at sila mismo ang gumawa nito kay Agapito para iligtas siya sa malaking eskandalo.”
Napalapit sa kanya si Don Frido. “Mukhang malalim yata ang iniisip mo tungkol sa frat na iyan, Crisanto. Nakasisiguro ka bang may kinalaman nga d’yan si Senator Basco?”
“Iyon ang hinala ko sa ngayon, abuelo. Pero kilala ko ang sarili kong kutob. Kahit kailan, hindi ako binigo ng bawat kutob na nararamdaman ko. Kailangan ko lang malaman kung gaano nga ba katindi ang kapit ni Senator Basco sa Kappa Delta Upsilon. Baka iyon ang makapagpatunay sa hinala ko.” Humarap uli siya sa computer at muling pinagmasdan ang mga impormasyong nakalap niya.
PAGKATAPOS magtapis ng puting tuwalya ni Logan, humarap sa kanya ang ama na masarap ang pagkakaupo sa swivel chair habang pine-pet sa ulo ang alagang tigre na si Sparta.
“Maliligo ka ba?”
“Yes, Dad. Ikaw?”
“Hindi na muna siguro.” Saka ito humaplos sa makapal nitong balbas at inunat ang leeg.
Bago pa siya makalabas ng pinto, muli siya nitong tinawag. “Logan, can I talk to you for a minute?”
Mabilis niya itong nilingon. “Why, Dad?”
“A new semester will open next week. Do you have a plan continuing your studies?”
“Bakit pa, Dad? Ang ganda na ng trabaho ko sa company natin. Why would I waste my time on school?”
“Iba pa rin kapag talagang nakapagtapos ka. Paano kita ipagmamalaki sa mga ka-batchmate ko kung college dropout ka? I want you to enroll in this coming semester. You need to continue your business administration course.”
“Pero, Dad, paano na ang Valerio Land?”
“Nakakuha na `ko ng kapalit mo habang wala ka pa. Gusto kong mag-aral ka muna at tapusin ang business course mo. Kailangan mo iyon para lalo pang lumawak ang iyong kaalaman sa paghawak ng negosyo. Dahil pagdating ng panahon, ikaw na ang hahawak sa lahat ng company natin. Kailangan mong ihasa pa ang sarili mo sa larangang ito.”
“But, Dad, hindi ka pa ba masaya sa mga nagawa ko sa kumpanya?”
“Bakit, ano ba ang nagawa mo? Bukod sa paninigaw sa mga empleyado?”
Tila natamaan siya sa sinabi ng ama. Alam din kasi niya sa sarili na wala pa naman talaga siyang naiaambag na malaki sa kumpanya. Wala rin siyang ibang ginagawa sa loob ng opisina kundi magpatimpla ng kape sa secretary niya at tumango sa bawat napagdedesisyunan nila sa mga meetings.
“Just do what I want. Mag-enroll ka ulit at ituloy ang pag-aaral mo. Kung ayaw mong matanggalan ng allowance!”
Napalunok siya ng laway at mabilis na sumang-ayon dito. “Yes, Dad! Bukas na bukas din aasikasuhin ko na ang enrollment ko!” Saka niya binuksan ang pinto at tuluyang lumabas. Doon siya nagkamot ng ulo at nilukot ang mukha.
ALAS-SINGKO pa lang ng madaling araw ay nagising na si Crisanto. Alam niyang dalawang oras lang ang naging tulog niya. Napahaba kasi ang usapan nila ni Don Frido kanina dahil sa tagal din nilang hindi nagkita.
Marahan siyang bumangon at pinagmasdan ang kabuuan ng kanyang private chamber. Naghubad siya ng pang-ibabaw na damit at may kinuha sa ilalim ng table sa tabi ng kama niya. Saka siya dumiretso sa banyo at pinagmasdan ang sarili sa malaking salamin.
Iginala niya ang tingin sa maskulado niyang katawan. Hanggang sa mapadpad iyon sa talukap ng kaliwang mata niya na may bakas ng matulis na peklat. Hindi iyon halata sa unang tingin. Makikita lamang iyon nang mabuti kapag pinagmasdan sa malapitan.
Iyon ang bakas ng patalim na ginamit noon ni MG Cerino sa kanya nang pagtangkaan nito ang buhay niya. Pagkatapos niyang manlaban dahil sa pagbaril nito sa kanyang ama, naglabas ito ng patalim sa bulsa at iwinasiwas sa kanya. Tumama iyon sa balat ng kaliwang mata niya at lumikha ng mahabang sugat.
Malinaw pa rin sa kanyang alaala ang eksaktong sinabi nito pagkatapos siyang sugatan. “Ngayong wala na ang tatay mo, wala na rin kayong magagawa para isalba ang frat n’yo! Hindi n’yo na kami malalamangan! Kami na ang maghahari dito at gagawin na lang namin kayong mga aso!”
Pagkatapos iyong maalala, hindi niya namalayan ang kaunting luha na nangilid sa kanyang mga mata. Agad niyang pinunasan iyon bago pa tumulo at sunod na tinitigan ang kanyang buhok na umaabot hanggang baywang.
Mula nang kupkupin siya ni Maverick, hindi na niya pinagupit ang buhok niya. Kaya naman umabot na iyon nang ganito kahaba ngayon.
Ito na rin ang signature look na nakilala ng marami sa kanya sa loob ng Deathsport community. Marami nga ang nagsasabi na parang isa raw siyang real life anime character dahil sa buhok niyang iyon.
Nakatirintas ito at laging nakapatong sa harap ng balikat niya. Ang magkabilang bahagi naman ng kanyang mukha ay natatakpan ng manipis na bangs. Pero sa pagkakataong iyon, inalis na niya ang pagkakatali nito hanggang sa manumbalik iyon sa natural na ayos.
Napamahal na rin sa kanya ang buhok na ito. Pero ngayon, kinakailangan na niya itong putulin kahit masakit sa kalooban. Hindi siya puwedeng humarap sa kanyang mga kalaban na ganito ang hitsura niya.
Kahit nandito siya ngayon sa Maynila, hindi pa rin maiiwasang may maka-recognize sa kanya sa pagiging isa sa mga top fighters ng Deathsport MMA. Lalo na’t paminsan-minsan ay may naliligaw silang mga video sa internet kahit mahigpit na ipinagbabawal ang pagdi-distribute nito sa publiko.
Upang maprotektahan ang tunay niyang pagkakakilanlan, kailangan niyang baguhin ang kanyang pangalan at hitsura. Oo, isang panibagong pagkatao ang bubuuin niya, at ito ang gagamitin niya para pabagsakin ang grupong may malaking kasalanan sa kanila ng kanyang ama.
Ilalantad lang niya ang tunay niyang pagkatao kapag nalugmok na ang mga ito sa lupa, upang makita nila na ang taong nagpabagsak sa kanila ay ang walang kamuwang-muwang na batang pinatayan nila ng ama at itinapon noon sa ilog.
Para simulan ang unang hakbang sa kanyang plano, itinaas na niya ang electric clipper at sinimulang gupitin ang kanyang buhok. Isa-isang bumagsak ang mahahabang hibla niyon sa paanan niya hanggang sa mapuno ng buhok ang makinis na sahig.
Gulat na gulat naman si Don Frido nang makita siya. “Bakit mo naman ginupit ang napakaganda mong buhok, Crisanto?”
Naupo siya sa sofa at muling pinagpag ang bagong gupit na buhok. Ibang-iba na nga ang ayos nito. May pagka-messy ito sa itaas at likuran na lalong nagbigay ng fierce look sa kanya.
Ang bangs naman niya na bagama't nabawasan na ay mayroon pa ring sapat na haba para takpan ang kabuuan ng kanyang noo. Ang patilya naman niya sa magkabilang gilid ay patulis na ang hugis na lalong bumagay sa mala-tatsulok niyang mukha.
Sa buhok na ito, nagmukha na nga siyang ibang tao. Kung makikita lang siya ng mga nakakakilala sa kanya sa dati niyang buhok, tiyak na maninibago rin ang mga ito at hindi agad siya makikilala sa buhok niya ngayon. Ito naman talaga ang goal niya, ang bumuo ng panibagong mukha na ihaharap sa mga kalaban.
Lumapit si Don Frido sa katabi niyang mesa at inilapag ang tinimpla nitong kape para sa kanya.
“Abuelo…”
Napatitig nang marahan sa kanya ang matanda. “Bakit, mahal kong nieto?”
“Mula ngayon, hindi na po Crisanto Rugon ang itatawag n’yo sa akin.”
Agad namang gumuhit ang pilyong ngiti sa mga labi nito. “Iyan ba ang dahilan kaya binago mo ang hitsura mo? Para hindi ka makilala ng grupong nais mong banggain? Hay nako!” Pumitik ito ng dila. “Parang isang telenovela na ito, ah! Pero sige. Ano na ba ang dapat naming itawag ngayon sa `yo?”
A sinister smile appeared on his face. “Ako na po ngayon si Dante. Dante Marquez.” Saka siya tumitig nang nagbabaga rito.
Lalo namang napaungol sa tuwa ang matanda. “Nakuuuu! Heto na nga ba ang sinasabi ko. Kapag ang isang tao ay nagpalit ng mukha at pangalan, tiyak na isang malaking gulo ang nais nitong simulan!”
He leaned on the sofa and crossed his legs confidently. “Kung gulo lang naman ang hilig nila, bibigyan ko sila ng gulong hindi nila magugustuhan.” Kasunod niyon ang pagguhit ng matalim na ngiti sa kanyang mga labi.
“YES, SIR! Is there anything I can help you with?” bati ng salesman kay Dante Marquez nang makita nito ang paglapit niya sa isang model ng motorsiklo.
“Uh, magkano ‘to, boss?” tanong niya rito habang nakahawak sa motor.
“This is 3.8 million, Sir.”
Napatango siya at muli itong pinagmasdan. Saka niya ito sinubukang sakyan at humawak sa hand grip nito. Pasok na pasok ang overall design nito para sa kanya. Komportable rin ang disenyo ng seat at mas lalong nakalakas ng dating ang malaking size nito.
“Ano’ng tawag sa motor na ‘to?” tanong naman niya nang wala nang maisip na sasabihin.
“Sir, this is the limited edition of Energica Ego 45. This electric superbike has carbon fiber fairings and a special shape featuring elements made with 3D printing technology and Windform materials. It is also covered with a ceramic finish by the English company Zircotec.”
Natahimik na lamang siya. Wala siyang naintindihan sa mga sinabi nito. Pero base pa lang sa tunog niyon, hindi na siya magtataka kung bakit ganoon na lang kalaki ang halaga nito. It sounds luxury in his ears.
“Alright! Sige, boss. Kukunin ko na ‘to.” Nakaramdam ng pagkasabik si Dante. Napakaangas talaga ng disenyo ng motor na ito. Hindi na siya makapaghintay na magamit ito sa labas. Bumaba na siya rito at muling nakipag-usap sa salesman.
Habang ipinaliliwanag nito ang iba pang features ng napili niyang motor, bigla naman silang natigilan sa ingay na pinakawalan ng dalawang lalaki na pumasok sa shop at ibinagsak pa ang glass door.
Hingal na hingal si Logan at tila nagmamadali. Parang aso namang nakasunod sa likuran nito ang pinsan nitong si Joseph na miyembro din ng kanilang kapatiran.
“Ano ba’ng ginagawa natin dito, insan?” tanong dito ni Joseph habang kumakamot ng ulo.
“Babalik na `ko sa school ngayong sem! Kailangan ko ng bagong motor para may maipakita ako sa mga ungas doon!” sagot naman nito sa iritadong tinig.
Isa-isang tinitigan ng dalawa ang bawat motor na naka-display sa paligid hanggang sa makarating sila sa bandang dulo kung saan nakatayo si Dante.
“Uy! Ang ganda no’n oh, boss! Tingnan mo!” Sabay turo ni Joseph sa naturang model.
Nang makita ni Logan ang Energica Ego 45 na nasa tabi niya, agad itong lumapit doon at binangga pa siya. “This looks good! I want this, I want this!” sigaw pa nito na parang nag-aamok ng away sa taas ng boses.
Nangunot ang noo niya sa inasal nito. Napilitan siyang kalbitin ito sa pinakamagalang na paraan. “E-excuse me, boss. P-pero ako na po ang nauna rito.”
Nanlilisik naman ang mga mata nitong humarap sa kanya. “What did you say?”
Napalunok siya ng laway at inulit ang sagot. “Ako na po ang nauna sa motor na ito.”
“What do you mean ‘nauna’?” Muli itong nagtaas ng boses. “Sino ka ba para mauna sa akin? Akin itong motor na ‘to! Ito ang bibilhin ko!”
Sinubukan pa rin niyang magtimpi. “Pero boss, kanina ko pa po kausap ang salesman dito. Ako ang unang nakakita at nakapili rito.”
“Nakita at napili mo pa lang. Pero hindi mo pa nababayaran! Kaya akin na ang motor na ‘to ngayon at babayaran ko na!” Saka nito nilingon ang salesman. “Hoy, magkano ‘to?”
“3.8 million, Sir,” kinakabahan namang sagot ng salesman.
“3.8 million?” Nanlaki ang mga mata ni Logan. “Walang problema! Sige! Kukunin ko na ‘to!”
Doon na siya hindi nakapagpigil. “Excuse me, Mister.” Muli niya itong kinalbit hanggang sa mapaharap ito sa kanya. “Ako ang nauna rito kanina kahit itanong mo pa sa kanya. Babayaran ko na sana pero bigla ka namang dumating dito, tapos binangga mo pa ako, at ngayon aagawin mo itong napili ko.”
“Teka, teka nga muna. Sino ka ba? Bakit ang dami mong angal? Hindi mo ba ako kilala? Ha? Hindi mo ba ako kilala!” Pinandilatan na siya nito ng mata. “Kappa Delta Upsilon ako, ha! Spaterion ako! Kaya matuto kang gumalang!”
Nagulat ang kanyang loob sa sinabi nito. Kappa Delta Upsilon? Hindi niya akalaing maiingkuwentro pa agad niya ang fraternity na main target niya.
“Mawalang galang na lang sa `yo, ginoo. Pero ano naman ang kinalaman ng pagiging Kappa Delta Upsilon mo para agawin ‘tong motor na napili ko?”
“Hindi mo ba kami kilala? Ha? Hindi mo nga kami kilala, ano! Kami lang naman ang hari sa buong lugar na ‘to! Bago ka lang ba rito? Bakit hindi mo pa yata ako kilala? Itong mukhang ito, tandaan mo ito, ha! Ito lang naman ang anak ng grand founder ng Kappa Delta Upsilon! Kaya walang karapatan ang sinuman na makipagsagutan nang ganyan sa akin!” sabi nito habang dinuduro ang sariling mukha.
Hindi siya makapaniwala sa narinig niya. Kaharap pa talaga niya ngayon ang anak ng taong pumatay sa kanyang ama.
“Sorry naman. Wala kasi akong alam sa mga frat kaya hindi ko alam ang tungkol d’yan. Pero sana naman, matuto kang rumespeto sa kapwa mo, ginoo. Marami pa namang ibang motor d’yan, oh? Bakit itong sa `kin ang kinukuha mo? Ipapaalala ko lang, ah. Kanina pa ako nakatayo rito. Kausap ko na rin ang salesman. Tapos bigla ka na lang dumating at dumire-diretso rito, saka mo ako binangga at inaagaw ang pinili ko. Hindi na sana ako magrereklamo kung ikaw ang nauna rito. Pero, Mister, kahit saang CCTV tayo manood, ako ang lalabas na nauna rito!”
“‘Tang ina mo ang dami mo pang sinasabi, ah!” Padabog itong bumaling sa salesman. “Hoy, ikaw! Kilala mo naman ako ‘di ba? Spaterion ako! Kaya sa akin mo dapat ibigay ang motor na ‘to!”
Muli siyang sumingit nang mapansin ang panginginig ng salesman sa pananalita nito. “Teka lang, teka lang, ginoo. Bakit parang tinatakot mo na yata ‘yung tao? Tamang gawain ba ‘yan? Kahit wala akong frat, alam ko may mga code of conduct kayong sinusunod. Ganyan ba ang tinuturo sa inyo ng frat n’yo kung paano makipag-usap sa tao?”
“Hindi ka pa ba aalis?” sigaw muli sa kanya ni Logan. “Kanina ka pa dada nang dada, ah! Gusto mo yatang ma-sample-an, eh! Kahit ikaw pa ang nauna rito, isa naman akong Spaterion kaya mas may karapatan akong bilhin ito! Ikaw na lang ang tumingin ng ibang motor! Huwag ito! Masyadong mahal ito! Doon ka sa mas mura, ‘yung mas nababagay sa `yo!”
“Mukha ba akong mumurahin?”
“Bakit, may angal ka?” Lumapit na ito sa kanya at ibinangga ang dibdib nito. Nagsimula nang mapalingon sa kanila ang mga tao sa loob ng shop.
Napansin niya na nananahimik lang ang kasama nito sa tabi. Tila wala itong balak na awatin o disiplinahin ang pinsan nitong nagwawala.
Ibinaling niya ang paningin sa salesman. “Boss, huwag ka sanang matakot sa kanila. Pero ako naman talaga ang nauna rito ‘di ba? Nagkasundo na nga tayo. Kaya sana, sa akin mo na ibigay ang motor na ‘to.”
“No!” sigaw naman ni Logan at humarap din dito. “Spaterion ako! Anak ako ni MG Cerino! Sa akin mo ibigay ang motor na ‘to kung ayaw mo ng gulo!”
“Boss, kahit wala akong frat, kaya kitang ipagtanggol. Ako’ng bahala sa `yo. Basta sa akin mo lang ibigay ‘to. Huwag kayong magpapadala sa ganitong mga klase ng kostumer.”
Muli namang nalipat sa kanya ang masamang titig ng lalaki. “Ano’ng sinabi mo? Kahit wala kang frat, kaya mo siyang ipagtanggol?” Napahagalpak ito ng tawa. “Teka, teka, teka nga! Sinasabi mo ba na kung sakaling pagtangkaan namin ang buhay niya, kaya mo siyang ipagtanggol laban sa amin? Kakalabanin mo kami? Ganoon ba?”
“Bakit naman kailangan mo pang pagtangkaan ang buhay niya? Sino ka ba para manakit ng tao? Ganyan ba ang tinuturo sa inyo ng frat mo? Tapos anak ka pa pala ng founder n’yo. Hindi ba dapat ikaw pa ang unang nagpapakita ng magandang halimbawa? Alam mo ba’ng sinisira mo lang ang imahe ng kapatiran n’yo dahil sa ginagawa mo? Paano kayo rerespetuhin ng tao kung ganyan ang ugaling pinapakita n’yo?”
Sa mga sandaling iyon ay sa kanya na nakatitig ang nanginginig na salesman. Mukhang namangha ito sa mga sinabi niya. Bahagya pa nga itong lumapit sa kanya na lalo namang ikinalukot ng mukha ni Logan.
“Ano ‘yan? Bakit lumapit ka sa kanya? Huwag mo sabihing pipiliin mo pa ang taong ito kaysa sa Spaterion na katulad ko! Naniniwala ka bang kaya kang ipagtanggol n’yan laban sa amin?”
“Tama na ‘yan!” Hindi na rin siya nakapagpigil na magtaas ng boses. Lalo pang napalingon sa kanila ang mga tao sa paligid. “Hindi na tama ‘yang ginagawa mo. Huwag na huwag mong gagamitin ang frat mo para magbanta sa buhay ng tao! Mayaman ka rin naman ‘di ba? Bakit hindi ka tumingin sa ibang shop? Siguradong marami kang makikita na mas mahal pa rito!”
“Hinde! Ito lang ang gusto ko! Sige, sige. Hindi na kita tatakutin!” Sabay baling nito sa salesman. “Bibilhin ko ito ng 4 million! Sa akin mo na ibigay ito!”
Hindi naman nagpadaig si Dante. “4.5 million. Sa akin mo ibigay ‘to, boss. Ako ang bahala sa `yo.”
“5 million!” muling banat ni Logan. “Sa akin mo lang ibibigay ito dahil Spaterion ako!”
Napangiti siya at muling humarap sa salesman. “10 million.” Pati sina Logan at Joseph ay nagulat. “I am willing to pay 10 million for this. Sa akin mo lang ito ibigay, boss.”
Nais pa sanang makipagyabangan ni Logan, pero hindi na nito kayang maglabas ng mas malaking halaga dahil hindi rin papayag ang ama nito na gumastos siya nang ganoon kalaki sa mga luho.
Sa huli, napayuko na lang ito habang nanginginig sa galit ang mga kamao. Napansin din ni Dante ang pag-aalburoto ng emosyon nito.
“Wala ka na bang mas mataas na offer? Kung wala na, ako na ang bibili sa motor na ‘to. At huwag na huwag mong pagtatangkaan ang buhay ng salesman na ‘to. Maraming nakakita sa atin dito. Oras na may mangyari sa kanya, alam na ng lahat kung sino ang pagbibintangan nila. Lalo lang mababahiran ng dumi ang pangalan ng frat n’yo kapag gumawa ka pa ng hindi maganda.”
Muling tumitig sa kanya ang nagbabaga nitong mga mata. Marahan itong lumapit at pinisil pa ang kaliwang braso niya. “Hindi mo kilala kung sino ang binabangga mo. Huwag mo lang ipanalangin na magkita uli tayo dahil may kalalagyan ka talaga! Tandaan mo ‘yan!” pagkasabi niyon ay umalis na ito at padabog na lumabas ng shop. Mabilis namang sumunod dito ang kasama nito.
Doon lang nakahinga nang maluwag ang salesman na kanina pa pinagpapawisan sa nangyari. Pati siya ay nakaramdam na rin ng hiya rito.
“Pagpasensyahan mo na ang nangyari kanina, boss. Ako na ang humihingi ng pasensya sa yo dahil napagbantaan ka pa tuloy nila dahil sa kin. Kung alam ko lang, ako na lang sana ang nagpakumbaba at namili ng ibang model. Pasensya ka na talaga.”
“W-wala ‘yon, Sir. Naiintindihan ko po. Ang totoo n’yan, lahat po kami rito ay galit na galit din sa taong iyon. Mayabang po kasi talaga ‘yon porket anak siya ng founder ng frat nila. Ilang beses na po namin nakita ang panggugulo n’yan. Kayo po dapat ang mag-ingat, Sir, dahil siguradong mamatahan na niya kayo sa ginawa n’yo kanina.”
“Okay lang ako. Huwag mo akong alalahanin, boss. Heto nga pala ang calling card ko. Kung kailangan mo ng tulong, huwag kang mahihiyang tumawag. Willing akong protektahan ka at ang pamilya mo kung sakaling balikan ka rin nila.”
Napangiti sa kanya ang salesman at tinanggap ang calling card niya. “Sir, maraming salamat po talaga. Alam n’yo, ngayon lang ako nakakita ng tao na nanlaban nang ganoon kay Logan Cerino. Mukhang hindi rin po kayo basta-bastang tao. Ano po ang frat n’yo, Sir?”
Natawa naman siya. “Ha? W-wala akong frat, ah. Wala talaga, promise. Hindi ko naman kailangan ‘yon para maging matapang. Ayoko lang talaga sa mga taong ginagamit ang impluwensya nila para manakit ng kapwa.”
“Salamat po talaga, Sir! Thank you very much! Sige po, ipe-prepare ko na po itong documents ng motor n’yo. Para ma-process na po natin!”
Magiliw siyang tumango rito. “Okay, boss. Salamat din!” Saka niya ito pinagmasdan habang nagmamadali itong maglakad patungo sa loob ng opisina.
TO BE CONTINUED…

Bình Luận Sách (53)

  • avatar
    TattaoJomar

    great stories

    07/09/2023

      0
  • avatar
    IntiaLuvelyn

    ang pogi ko

    03/08

      0
  • avatar
    bayonaNolin

    owiwiwiwiwiwowowowowowiwowowiiwiwiwiwowowowoowowowowowowoowowowowowowowowowoowowowowowwoowwowowoowowowowowoowowowowowoowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowoiwowowowowowowowoow

    29/07

      1
  • Xem tất cả

Các chương liên quan

Chương mới nhất