logo text
Thêm vào thư viện
logo
logo-text

Tải xuống cuốn sách này trong ứng dụng

Chapter 3: Hidden Agenda

“SIGURADO ka bang ayaw mong magpadala sa ospital? Ang dami mong tama, oh!” usisa sa kanya ni Maverick sabay hawak sa mga sugat niya sa mukha.
Dito sila sa Enigma Night Bar dumiretso pagkatapos ng madugong laban niya. “Coach, mas lalo akong manghihina kapag sa ospital mo `ko dinala. Alak ang kailangan ko ngayon para maka-recover ako agad. Trust me,” pilyong sagot niya sa lalaki, pagkatapos ay sabay pa silang natawa.
“Siraulo ka talaga. Mas pinili mo pang magpakalunod sa alak kaysa ipagamot ang sarili mo. Tingnan mo naman ‘yung mukha mo, oh! Para kang kinaladkad ng sampung truck sa hitsura mong ‘yan. Makakatulog ka ba habang sumasakit ‘yan?”
“Coach, ngayon pa nga lang hindi ko na ‘to masyadong nararamdaman, eh. Mas ramdam ko ngayon ang init ng alak na nagpapagaling sa mga sugat ko. Maniwala ka, bukas lang kaya ko nang magbuhat ng 100 kilograms sa gitna ng mga bubog,” biro pa niya rito sabay inom sa kanyang bote.
“Augh!” biglang daing niya pagkatapos dumampi ng alak sa mga sugat niya sa gilid ng labi. Halos malukot ang mukha niya sa sobrang sakit. Napilitan na lang siyang itungga ang bote nang hindi pinapasayad sa bibig.
Napapitik na lang ng dila ang lalaki at umiling sa kanya. “Ang kulit mo na talaga ngayon. Hindi ka na marunong sumunod sa akin!” anito at ginulo pa ang buhok niya.
“Ano na ba’ng oras, coach? Baka naman puwede mo na akong pagbigyan. Gusto ko lang naman mag-celebrate, eh. Ang boring ‘pag ganito,” muli niyang pangungulit sa lalaki.
Kanina pa kasi niya gustong isama ang mga kaibigan na kapwa fighter pero ayaw siyang payagan ng coach niya.
“Hindi nga puwede, Crisanto! ‘Pag sinama mo na naman ang mga ‘yan dito, paniguradong kinabukasan na kayo makakauwi. Hindi ka puwedeng magpakalasing sa lagay mong ‘yan. Kailangan mong magpahinga at magpagaling. Pinagbigyan na nga kitang uminom dito pero tayong dalawa lang at hindi rin tayo magpapaabot ng hatinggabi. Maliwanag? Saka ano’ng sinasabi mong boring? Boring na ba akong kasama?”
Napakamot na lang ng ulo si Crisanto at dismayadong yumuko. “Hindi naman po sa ganoon. Gusto ko lang naman ng maraming kasama sa pag-celebrate. Hindi biro ‘yung panalo ko ‘no?”
“Ano pa ba ‘yung tawag mo sa ginawa n’yo kanina? Nakasama mo na nga sila ‘di ba? Binuhat ka pa nga namin lahat habang suot mo ‘yung belt mo. Sapat na ‘yon! Sa ibang araw na lang kayo mag-celebrate uli kung gusto n’yo, kapag medyo magaling na ang mga sugat mo.”
“Hindi puwede, coach. Hindi na puwede sa ibang araw.” Sabay tungga niya sa bote nang hindi sumasayad sa mga labi.
“Bakit naman hindi puwede?”
“Basta…”
“Manahimik ka, Crisanto. Bilang coach mo, sundin mo ang gusto ko! Magpahinga ka muna bago ka gumimik uli.”
Napahagod na lang siya ng ulo habang dismayado pa ring nakayuko. Mayamaya ay nagpaalam siya rito na gagamit lang ng banyo.
Dali-dali siyang pumasok at nagkulong sa CR saka inilabas ang cellphone niya. Hinanap niya sa contacts ang pangalang Don Frido at pinindot ang call button.
Sumagot agad ang nasa kabilang linya. “Hello, Crisanto?”
“Yes, Sir! Hello!”
“Hey, buti at napatawag ka? Hindi ba’t ngayon ang championship match mo?”
“Opo. Nasa akin na rin po ang championship belt ngayon,” may pagmamalaking sagot niya.
“Oh really? Wow! Congratulations, man! I knew from the very start that you’re gonna win! Kaya nga nagbabalak akong padalhan ka ng pasalubong d’yan, eh.”
“Hindi na po kailangan, Sir. Ang totoo n’yan, balak ko pong lumuwas sa susunod na araw d’yan sa Maynila.”
“Woah! Really! No, Crisanto, you’re joking, right!”
Natawa siya. “Seryoso po ako. Magpapaalam na rin ako bukas kay coach dahil d’yan ko muna balak tumira.”
“Huh? Talaga ba?” Halatang nagulat sa tuwa ang matanda. “Hanggang kailan ka naman titira dito?”
“Hindi ko pa po masasabi. Alam n’yo naman siguro kung gaano kalaki ang ‘misyon’ na kailangan kong puntahan d’yan. Kaya paniguradong medyo matatagalan po ako.”
“Oh, okay, okay. I understand. Pero, Crisanto, are you sure about this? Titira ka talaga rito para lang doon?”
“Matagal na po nating pinagplanuhan ‘to ‘di ba? Naka-set na nga lahat ng patibong. Ngayon pa ba tayo aatras?”
“Alright. Hindi na kita kokontrahin d’yan. Basta mag-ingat ka na lang. Dahil hindi basta-basta ang gusto mong mangyari.”
“Huwag po kayong mag-alala, Sir. Matagal ko nang pinag-isipan ‘to. Hindi ko ito itutuloy kung alam kong ako ang madedehado. Basta, sa makalawa, luluwas na `ko d’yan at pag-uusapan natin ‘yon.”
“You have my back, hijo. Don’t worry!”
Napangiti siya. “Thank you, Sir Frido!”
Ibinaba na niya ang telepono at tinitigan ang sarili sa salamin. Unti-unting tumalim ang kanyang mga mata habang gumuguhit sa mga labi ang isang makahulugang ngiti.
“GAANO ka naman katagal titira doon?” tanong sa kanya ni Maverick habang nag-aayos ng mga gamit sa sarili nitong aparador.
“Baka matagalan po ako. Pero babalik din naman po ako rito, at itutuloy ko pa rin ang mga laban ko.”
“Aabutin ka ba ng buwan doon? O taon?”
Saglit siyang nahinto sa pagtutupi ng mga damit. “Siguro po,” matipid niyang sagot at muling nagpatuloy sa ginagawa.
“Anong siguro? Gaano ka nga katagal doon? Bakit hindi mo diretsuhin? May malaking title ka nang pinanghahawakan at kailangan mo iyong depensahan taun-taon. Kaya kailangan kong malaman kung gaano ka katagal mawawala para maipaalam ko agad sa management ng Deathsport.”
“Huwag n’yo na pong alalahanin ‘yon. Hindi naman ako tatagal ng isang taon sa Maynila. Bago sumapit ang unang depensa ko, sigurado akong nandito na `ko.”
“Sigurado ka d’yan, ah? Kailangan anim na buwan bago ang susunod mong laban, dapat nandito ka na para makapag-ensayo kang muli. Mas matinding training ang kailangan mong gawin dahil siguradong mas malalakas na kalaban pa ang makakaharap mo at susubukang agawin ang championship sa `yo.”
“Hindi n’yo na po kailangang problemahin ‘yon. Walang makakaagaw ng title ko, promise ko ‘yan.”
Napailing na lang ulit ang coach niya.
Pagkatapos niyang mag-empake ng mga gamit, pinuntahan naman niya ang Urban Fist Studio (UFS) na isang fighting gym na pag-aari ni Maverick. Dito siya sinanay ng kanyang coach mula noong bata pa siya.
Ulila na siya sa magulang at napulot lang siya nito sa Maynila. Dahil nga sa wala nang pamilya, nagpasya itong dalhin na siya rito sa Davao at ipinasok sa mundo ng mixed martial arts, kung saan isa na nga siya sa kinikilala bilang pinakamalakas na underground fighter ng Deathsport MMA at ngayon ay grand champion na.
“Daya mo naman, pare! Hindi pa nga tayo nakakapag-celebrate, iiwan mo na kami?” sabi sa kanya ni Enrique Gonzales na isa sa mga kaibigan niyang fighter sa UFS. Ito ang pinakabago nilang miyembro na may Deathsport record na 12 wins at 4 losses.
“Gaano ka ba katagal sa Maynila, bro? Bakit hindi mo kami isama?” sagot naman sa kanya ng isa pang kaibigan na si Joshua Ramirez na may Deathsport record na 18 wins at 7 losses.
Isa-isa naman niyang tinapik sa balikat ang mga barkada. “Pasensya na talaga mga p’re. Hindi naman kasi ako pupunta roon para magbakasyon, eh. May trabaho lang ako na kailangang gawin. Saka wala naman akong sinabi na iiwanan ko kayo. Babalik pa rin naman ako rito.”
“Sore wa totemo kanashīdesu! Hanggang kailan naman? Sana hindi abutin ng limang araw ‘yan, ah? Anata wa komarudeshou!” sarkastikong sagot sa kanya ni Ryosuke Kimura, ang Japanese-Filipino fighter na may Deathsport record na 28 wins at 5 losses.
Natawa na lang siya at hindi na alam ang sasabihin. “Basta, babalik ako. Promise ‘yan! Kapag hindi ko tinupad ang promise, magpapabugbog ako sa inyong lahat at hindi ako lalaban,” pabirong tugon naman niya na pinagtawanan lang ng mga kaibigan.
“Ulol mo! Kahit bugbugin ka namin, wala pa rin kaming laban sa `yo!” sagot naman sa kanya ni Enrique. Katunayan, ganoon din lagi ang isinasagot ng iba pa niyang mga kasamahan tuwing nagbibiro siya nang ganoon.
“Mamaya magpapainom ako sa Enigma. Pero huwag n’yo nang sasabihin kay coach, ah? Atin-atin lang ‘to. ‘Pag may nagsalita kukutusan ko.”
“‘Yun, oh!” sigaw ng isa, pagkatapos ay sabay-sabay nang sumigaw sa tuwa ang mga lalaki.
Pagkatapos ni Crisanto sa kanilang gym, nagpunta naman siya sa iba pang mga kaibigang fighter na nagmula naman sa iba’t ibang mga fighting gym para magpaalam din sa mga ito.
Pagsapit nga ng gabi, isinama niya ang lahat ng mga ito sa kanyang despedida na ginanap sa Enigma Night Bar. Sa sobrang dami ng mga nahatak niyang kaibigan at kakilala, halos okupahin nila ang lahat ng lamesa sa loob.
Lingid sa kanilang kaalaman, may dalawang lalaking nakaitim ang nagmamasid sa kanila sa di kalayuan. May maliit pang device na nakasabit sa kaliwang tainga nila!
TUMAGILID ang dalawang mata ni Rohaan nang marinig ang pagbukas ng pinto. "Asan siya ngayon?" tanong niya agad sa tauhang papalapit pa lang sa kanya.
"Wala na siya rito sa Davao, Boss. Nagpa-despedida siya kagabi sa Enigma. Narinig namin mismo sa kanya na luluwas na raw siya ngayong araw sa Maynila at doon titira."
"Nasa Maynila na siya? Gaano katagal daw siyang titira doon?"
"Hindi niya sinabi nang malinaw, Boss. Ang lagi lang niyang sagot, matatagalan daw siya roon."
Pinulot niya ang isang litrato ni Crisanto sa mesa at sinimulang lukutin iyon. "Magpadala kayo ng tao sa Maynila ngayon din. Gusto kong malaman kung ano ang ginagawa niya roon."
"Copy, Boss. Ano ang gusto mong gawin namin sa kanya kapag nakita namin siya?"
"Wala kayong gagawin. Magmasid lang kayo. Alamin n'yo kung saan siya sa Maynila. Ako mismo ang pupunta roon at pagbabayaran siya sa ginawa niyang pagpapahiya sa akin!"
Tumango agad ang tauhan. "Masusunod, Boss Rohaan." Pagkatapos ay lumabas na ito ng silid.
Inunat ni Rohaan ang leeg at mga braso niya. Saka niya pinunit ang litrato ni Crisanto sa kamay niya. Desidido pa rin talaga siyang pagbayarin ang lalaki sa ginawa nitong pagpapahiya sa kanya.
Hindi nga siya nito pinatay sa death match nila, labis-labis na kahihiyan naman ang idinulot sa kanya ng pagkatalo niya. Wala na siyang maiharap na mukha sa labas, lalo na sa Deathsport community. Lahat ay pinagtatawanan na siya.
Pati ang ibang mga fighters na umiiwas sa kanya ay kinukutya na lang siya ngayon. Nawala na ang takot ng mga ito sa kanya mula nang makatikim siya ng matinding pagkatalo sa kauna-unahang pagkakataon.
Hindi niya tanggap iyon. Alam niyang sinadya nito na hindi siya patayin para maramdaman niya ang matinding pagbagsak at kahihiyan na idinulot ng kanyang pagkabigo sa championship match.
"Maghintay ka lang, Crisanto. Hindi ako titigil hangga't hindi ko naipapatikim sa `yo ang pinakamasakit na kamatayang kahit sa kabilang buhay ay mararamdaman mo!
PASADONG alas-otso ng gabi nang makarating sa terminal ang bus na sinasakyan ni Crisanto. Iginala agad niya ang paningin sa buong paligid nang makababa siya. Mas dumami pa ang nakita niyang mga gusali na bago sa kanyang paningin.
Ang iba’t ibang mga pailaw sa billboard at kalsada, pati na rin ang malalakas na tugtugin at maiingay na sasakyan sa paligid, ang nagbigay sa kanya ng kakaibang enerhiya na ngayon lang uli niya naramdaman. Sa isang iglap ay parang ganadong-ganado siyang muli na gumawa ng kahit anong bagay at aktibidad.
Ito talaga ang sobrang na-miss niya sa Maynila. Ang maingay at masiglang paligid na bihira makita sa lugar nila sa Mindanao.
Nakakarinig lang siya ng malalakas na ingay at tugtugan doon kapag nasa loob na sila ng mga fighting arena, pati na rin tuwing pumapasyal sa Enigma. Pero dito, kahit saan siya lumingon, puro ingay at kasiyahan ang nakikita niya. Ang sarap lang talaga sa pakiramdam.
Pumasok siya sa isang fast food restaurant para magpalamig. Inilapag niya sa tabi ang tatlong malalaking bag na dala-dala niya. Saka niya dinukot ang cellphone sa kaliwang bulsa at muling tinawagan si Don Frido.
“Oh, Crisanto! Asan ka na?” sagot agad ng matanda.
“Andito na ko sa Manila, Sir. Kararating ko lang. Mayamaya, pupunta na ko d’yan.”
“Alright, alright, oh yes! I can’t wait to see you, hijo. Ingat sa biyahe!”
He smiled. “Thank you, Sir!” Pagkababa niya sa tawag, awtomatiko siyang napalingon sa mga taong nakapila sa menu.
SAGLIT na ipinarada ni Agapito Lopez sa tabi ang kanyang sasakyan nang matanaw na sa di kalayuan ang sign board ng Barangay Kapuspusan.
Dinukot niya ang cellphone sa bulsa at tinawagan ang leave-in partner na si Wilma. Binalot ng matamis na ngiti ang kanyang anyo nang marinig ang boses nito pati ang masayang ingay na nagmumula sa loob ng bahay nila.
“Mahal, kumusta na kayo d’yan?”
“Ah? Teka, hindi kita marinig! Lalabas ako!”
Ilang saglit lang, muli itong nagsalita. Sa pagkakataong iyon ay mahina na ang ingay na naririnig niya sa background. “Asan ka na ba, mahal?” tanong nito sa kanya.
“Pauwi na ako. Nagtira ba kayo ng pagkain d’yan?”
“Diyos ko! Ang dami pa nga, eh! Tapos sina Tess naman, nagsabing hahabol pa raw mamayang alas-dyes. Nasa biyahe pa rin daw sila. May mga darating pa tayong bisita rito, mahal!”
Natawa naman siya. “Owkey, sige! Mukhang aabot talaga ng madaling araw ang birthday party mo, ah? Ang dami kasing nagmamahal sa `yo. Isa na ako roon.”
“Naku! Bilisan mo na nga rito at kanina ka pa hinahanap ng mga bisita natin. Gusto na raw nilang marinig ang boses mo sa videoke!” masaya namang sigaw nito dahil lubha pa ring maingay sa bahay nila ngayon.
“Don’t worry, malapit na malapit na ako d’yan. I love you, mahal!”
“Okay, okay. Ingat, mahal! Love you too!”
Masaya niyang ibinaba ang cellphone, saka niya nilingon ang pagkarami-raming mga tsokolate at bulaklak na nasa likuran niya.
Hindi lang iyon ang surpresang inihanda niya para sa babae. Dinampot din niya ang pulang kahon na nasa tabi niya at binuksan.
Isang diamond engagement ring ang bumungad sa kanya. Kumislap pa iyon sa repleksyon ng mga mata niya. Hindi maipaliwanag na ligaya ang bumalot sa kanyang anyo habang pinagmamasdan iyon. Ngayon pa lang, pina-practice na niya ang kanyang linya na sasabihin sa harap ng babae.
Hindi siya makapaniwala na ilang minuto na lang ang itatagal bago maganap ang pinakamatinding surpresa at regalo sa 31th birthday ni Wilma. Iyon ay ang marriage proposal niya.
Mahigit dalawang taon na rin silang nagsasama ng babae sa iisang bubong. Sa loob lang ng mga panahong iyon, marami na silang pinagdaanan na sumubok sa kanilang katatagan sa isa’t isa.
Naalala niya, mga alas-dyes din ng gabi nang magkakilala sila ni Wilma sa Luneta Park. Lahat din ng mga unforgettable moments nila ay naganap tuwing gabi. Kaya naman tamang-tama lang din ang gabing ito para isagawa ang matinding surpresa niya para sa babaeng pinakamamahal.
Itinabi na muna niya ang pulang kahon at ipinagpatuloy ang pagmamaneho. Bago pa siya tuluyang makarating sa Barangay Kapuspusan, isang itim na motorsiklo ang nakita niyang sumabay sa tabi niya. Dalawang lalaki ang lulan niyon at parehong naka-helmet at itim na jacket.
Nagtaas ng kamay ang isa. Napamulagat siya sa gulat nang makita ang hawak nitong baril. Bago pa siya makagawa ng aksyon, umalingawngaw na sa paligid ang dalawang putok ng baril.
Nang mabasag ang bintana sa harapan niya, muli pang nagpakawala ng tatlong magkakasunod na putok ang lalaki. Pagkuwa’y mabilis na pinaharurot ng mga ito ang kanilang motorsiklo at nilisan ang lugar na iyon na parang walang nangyari.
Naiwan siya sa loob na nakasandal sa kinauupuan at naliligo sa sariling dugo!
TO BE CONTINUED…

Bình Luận Sách (53)

  • avatar
    TattaoJomar

    great stories

    07/09/2023

      0
  • avatar
    IntiaLuvelyn

    ang pogi ko

    03/08

      0
  • avatar
    bayonaNolin

    owiwiwiwiwiwowowowowowiwowowiiwiwiwiwowowowoowowowowowowoowowowowowowowowowoowowowowowwoowwowowoowowowowowoowowowowowoowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowoiwowowowowowowowoow

    29/07

      1
  • Xem tất cả

Các chương liên quan

Chương mới nhất