logo text
Thêm vào thư viện
logo
logo-text

Tải xuống cuốn sách này trong ứng dụng

Chapter 1: Underground Fight

HABANG nagsasalita ang announcer, yumayanig naman ang loob ng parking lot sa lakas ng mga sigawan sa paligid. Nasa huling bahagi na sila ng main card. Dalawang fighter na lang ang maghaharap para sa championship match ng Deathsport MMA.
Isa itong underground fighting tournament na nakatago sa isang lugar sa Davao City. Lahat ng pinakamatatapang na street fighters at underground martial artist ay dito naghaharap para ipakita kung sino sa kanila ang pinakamalakas.
Illegal ang operasyon ng Deathsport. Mga piling tao lang din ang maaaring makapanood dito. Binubuo sila ng mga high class people, businessmen, at politikong nagtatayaan kung sino sa tingin nila ang fighter na mananalo. Kapag panalo ang manok nila, malaki rin ang premyong makukuha.
Walang rules na sinusunod dito. Wala ring mga rounds o time limit. Matatapos lang ang laro kapag hindi na kayang lumaban ng isa o tuluyan nang nalagutan ng hininga. Literal na patayan ang nagaganap dito, at lahat ng MMA Organizations gaya ng UFC at One Championship ay magmumuka lamang pambata kapag ikinumpara sa Deathsport.
Sa ibang fighting tournament, maraming mga safety protocols na sinusunod ang management para sa kaligtasan ng mga fighters. Pero sa Deathsport, walang limitasyon ang mga kalahok. Malaya silang lumaban sa lahat ng paraang gusto nila para mapatumba ang kalaban, kahit buhay pa ang maging kapalit.
Dahil dito, ang Deathsport na ngayon ang nagiging basehan at sukatan ng tunay na lakas.
Isang Chinese syndicate ang nagpapatakbo rito at patagong nag-o-operate dito sa bansa. Walang alam ang gobyerno sa existence nito. Protektado kasi ito ng malalaking mga sindikato na hindi kayang labanan ng mga awtoridad.
Sa pagsisimula ng laban, tinawag na ang dalawang fighter na magtutuos sa gabing iyon. Bago pa makahakbang si Crisanto, naramdaman na niya ang paghawak ng kanyang Coach Maverick sa balikat niya.
“Crisanto, hindi biro ang taong makakalaban mo ngayon. Pero hindi mo rin kailangang isugal ang buhay mo. Kung sakaling hindi mo na kaya, mag-tap out ka na agad. Mas mahalaga sa akin ang buhay mo kaysa sa premyong makukuha natin dito.”
Ngumiti lang siya rito at humawak sa braso nito. “Huwag kang mag-alala, coach. Ipapanalo ko `to. Hindi kita ipapahiya. Magtiwala ka lang.” Nakangiti niyang tinalikuran ito at nagsimula nang maglakad patungo sa gitnang bahagi ng parking lot kung saan naghihintay na sa kanya ang taong makakalaban niya.
Nagkainitan agad ang kanilang mga mata pagkalapit nila sa isa’t isa.
Hinubad ni Crisanto Rugon ang suot na black hoodie na kumokober sa kalahati ng mukha niya. Ngumisi naman sa kanya si Rohaan Ahmad na nanlilisik ang mga mata at puno ng burda ang katawan.
“Puwede ka pang umatras kung gusto mo. Habang may natitira pa akong awa. Dahil kapag nagsimula na ang laban, hindi ko na alam kung ano ang puwede kong magawa sa `yo. Kaya habang nasa kondisyon pa ako, pagbibigyan na kitang umatras!” banta sa kanya ni Rohaan habang pinatatalbog ang dibdib.
Tinapunan lang niya ito ng malamig na titig. “Wala sa diksyunaryo ko ang umatras, Rohaan. Nandito ako para talunin ka. Kaya huwag ka nang maging mabait sa akin. Ilabas mo lang lahat ng sungay mo. Hindi ako natatakot sa `yo,” kalmadong sagot niya rito.
“Ah, kung ganyan lang din ang usapan, magsimula ka nang magpaalam sa lahat ng kaibigan mo. Heto na ang huling gabi na masisilayan ka nila rito, Crisanto. Ikaw na ang susunod kong ipapalagay sa balat ko!” banta uli nito sabay flex sa mga tattoo sa harap ng katawan kung saan nakaukit ang mukha ng mga namatay na fighter na pinataob nito.
Hindi na siya sumagot dito. Wala na siyang ganang makipagtalo sa salita. Idadaan na lang niya sa aksyon ang lahat.
Sa lahat ng mga fighter doon, si Rohaan Ahmad ang pinakakinatatakutan at iniiwasang makalaban ng lahat. Halang ang bituka nito at walang ibang nasa utak kundi ang bumali ng mga buto. May matindi itong pagnanasa sa tunog ng mga nababasag na buto. Kakaibang saya ang nararamdaman nito kapag nababalian ng katawan ang mga nakakalaban nito.
Nilapitan na sila ng announcer at inutusang bumalik sa kanilang mga corner. Tinalikuran naman nila ang isa’t isa at naupo muna sa mga silya nila.
Kalmado lang si Crisanto sa kanyang corner habang magkapatong ang mga hita at magkadikit ang mga kamay sa harap ng dibdib. Masama naman ang titig sa kanya ni Rohaan na nasa kabilang corner at parang uhaw na uhaw nang baliin ang mga buto niya.
“Sa ating pagsisimula, hayaan n’yo akong ipakilala muli sa inyong lahat ang dalawang fighter na maglalaban ngayong gabi.” Sabay lingon nito sa red corner kung nasaan si Rohaan.
“This guy right here is the toughest, strongest, and deadliest fighter in the history of Deathsport! Siya ang pinakamabangis na predator na kinatatakutan ng lahat. Siya ang dahilan kung bakit marami sa mga Deathsport Fighters ngayon ang humihinto sa kalagitnaan ng kanilang career dahil sa takot na makalaban siya pagdating ng takdang panahon. Dahil sa makabasag-bungo niyang kamao, kayang-kaya niyang burahin sa kasaysayan ng mundo ang mukha ng sinumang tumapat sa kanya. Siya ay may tangkad na 6ft 3inch tall at may bigat na 255 pounds. Ang total asset na kanyang naipundar ay 750 million pesos. Siya lang naman nangungunang undefeated champion ng Deathsport na may 50 straight wins with no losses. He is also known as ‘The Giant Predator’, Rohaan Ahmad!”
Bilang lang sa daliri ang mga pumalakpak para kay Rohaan. Marami kasi ang may ayaw rito dahil sa nakasusulasok nitong ugali at behavior sa loob ng battlefield.
Muling nagsalita ang announcer. “Siyempre, hindi magsisimula ang laban kung wala ang isa pang fighter na kukumpleto sa gabing ito. Siya ang kaisa-isang heartthrob na kinababaliwan dito sa Deathsport. Sa unang tingin, hindi mo iisipin na may ibubuga siya. Pero huwag kang magpapalinlang sa kanyang kaguwapuhan, dahil sa kabila ng maamo at kalmado niyang mukha, nagtatago naman ang matinding kulo na kayang dumurog ng kahit na sinong nilalang sa kanyang harapan! Kung endurance at stamina lang naman ang pag-uusapan, walang puwedeng pumantay sa kanya. Siya ay may tangkad na 6ft 1inch tall at may bigat na 188 pounds. Ang total asset na kanyang naipundar ay 705 million pesos. Siya naman ang pangalawang undefeated champion ng Deathsport na may 47 straight wins with no losses. He is known as ‘The Warrior of the Sky’, Crisanto Rugon!”
Doon pa lang nagwala ang mga tao at muling isinigaw ang pangalan niya. Siya ang pinakapaborito ng lahat. Bukod kasi sa siya ang pinakabata at pinaka-good looking doon, siya rin ang pinaka-humble sa lahat ng mga fighter. Halos lahat nga ng kapwa niyang contender ay naging kaibigan niya, maliban lang kay Rohaan na walang ibang kinakaibigan kundi ang sarili.
Bagama’t walang batas na pinapairal dito, ipinagbabawal naman silang gumamit ng fighting gloves, mouthpiece, at iba pang mga karaniwang ginagamit na proteksyon sa pakikipaglaban.
Wala silang ibang dadalhin dito kundi ang sarili lang nilang mga kamao. Dito masusukat kung kaninong kamao ang mas malakas at mas nakamamatay.
Isang black and white na muay thai gladiator shorts ang suot ni Crisanto. May malaking hiwa iyon sa magkabilang gilid ng hita at mas pinaiksi ang sukat upang makagalaw siya nang mas malaya.
Ang mga powerful kick kasi niya ang pinakamalakas niyang weapon. Kaya mahilig siyang magsuot ng maiikli sa kanyang mga laban upang mapalawak pa lalo ang range ng kanyang mga galaw.
Si Rohaan naman ay suot ang venom skull compression pajamas nito na may tatak ng mismong pangalan nito sa bandang ilalim na nakasulat sa alpabetong Arabic.
Gaya ng nakasaad sa patakaran, wala silang gloves o mouthpiece sa kanilang katawan. Pareho rin silang naka-topless. Kaya siguradong mas matindi ang magiging impact ng bawat suntok na kanilang pakakawalan.
Ang laban nila ni Rohaan ang itinuturin ngayon bilang pinakamakasaysayang pagtutuos sa history ng Deathsport MMA. Dito pa lang magkakaalaman kung sino sa kanila ang magkakaroon ng isang talo sa kauna-unahang pagkakataon, at kung sino ang maaaring umuwing bangkay.
Alam din niya sa sarili na silang dalawa lang ni Rohaan ang wala pang talo kahit isa. Kaya naman ganoon na lang katindi ang tensyong binubuo ng mga audience para sa kanila. Ito kasi ang kauna-unahang pagkakataon na may dalawang undefeated na maghaharap sa Deathsport.
Isa lang sa kanila ang puwedeng makakuha sa pinakamataas na championship belt. Isa lang ang gagawaran bilang Deathsport Grand Champion na ibinibigay lamang sa mga fighter na nakasungkit ng 40 straight victories without a single loss.
Lumingon sa kanila ang announcer. “Alright, boys! Bago tayo magsimula, may gusto lang akong itanong sa inyo. Let’s start with you, Rohaan. Kung matalo at mapatay mo si Crisanto, ano ang gagawin mo sa kanya?”
Lumabas ang demonyong ngiti sa anyo ni Rohaan at tumitig sa kanya. “Sa lahat ng makakalaban ko, ikaw lang ang hindi ko babalian ng buto. Iba ang gagawin ko sa yo! Dudurugin ko ang leeg mo hanggang sa mapugot ko ang ulo mo! Saka ko ilalagay sa malaking bote na puno ng formalin para maitabi sa aking koleksyon! Habang ang katawan mo naman ay ipapalagay ko sa eskaparateng salamin upang madalaw ng mga tagahanga mong araw-araw na magluluksa sa yo!” anang lalaki habang nanginginig ang mga kamao sa labis na galit at pagkasabik.
Tinawanan lang niya iyon. Hanggang sa siya naman ang hinarap ng announcer. “Narinig mo ba iyon, Crisanto? Gusto ka raw pugutan ng makakalaban mo ngayon! How about you? Sa anong paraan mo papatayin si Rohaan kung matalo mo siya?”
“Hindi ko siya papatayin,” mabilis na sagot ni Crisanto saka tumingin sa kalaban niya. “Masyado nang mababaw ang kamatayan para sa `yo, Rohaan. Ang gusto ko lang mangyari ay talunin ka para sa susunod na mga laban ko, makita mo pa kung paano ko sungkitin ang lahat ng championship habang ikaw, nanonood lang sa tabi-tabi at patuloy na naiinggit sa akin. Hindi ba’t mas masaklap pa sa kamatayan iyon?”
Muli namang nagsigawan ang mga taong nakapalibot sa kanila. Halatang sa kanya talaga pumapanig ang mga ito. Doon pa lang, halos mamatay-matay na sa inggit si Rohaan. Hindi na nito napigilan ang paglabas ng bangis sa kaanyuan.
“Malakas ang loob mong mang-insulto, ah? Masyado ka yatang nagpapakampante dahil sa suportang nakukuha mo sa mga tao! Akala mo yata, ikaw na ang bida rito porque pangalan mo ang isinisigaw ng lahat! Ayaw n’yo sa akin?” Sabay lingon nito sa mga tao sa paligid. “Sige! Mas mabuti nga iyon! Gusto ko ring makita kung paano kayo magluksa kapag nasa kamay ko na ang ulo ng lalaking iyan!”
Pati ang announcer ay nagulat. “Narinig n’yo naman ‘yon mga kaibigan! Mukhang nagkakainitan na ang dalawang panig! Hindi nga naman kasi biro ang magaganap na laban sa gabing ito. Kahit ako ay sobrang kinakabahan na rin! Lalo na’t parehong undefeated ang maglalaban sa ating harapan.”
Muli silang pinatayo at inutusang lumapit sa isa’t isa. Inilabas na nila ang kanilang fighting stance. Itinaas ni Rohaan ang kaliwang kamay at paa nito habang ang kanan naman ay nasa bandang likuran; isang orthodox stance iyon na lagi nitong gamit sa pakikipaglaban.
Si Crisanto naman ay iniyuko ang buong katawan habang nakaangat malapit sa direksyon ng kanyang balikat ang dalawang kamay. Bahagya niyang niluwagan ang pagkakabuka sa mga paa para mas lumawak ang balanse niya. Ito naman ang grappling stance na madalas niyang gamitin.
“Sino kaya sa tingin n’yo ang magkakaroon ng pagkatalo sa kauna-unahang pagkakataon? At sino naman ang mananatiling undefeated champion? Hay nako! Huwag na nating patagalin ito! Hindi ko na ito patatagalin pa mga kaibigan! This is the most awaited battle in the history of Deathsport! Ladies and gentlemen, Crisanto versus Rohaaaaaan!”
Muling niyanig ng mga sigawan ang buong parking lot. Kasunod niyon ang pagbukas ng mapusyaw na ilaw ng mga sasakyan bilang pampadagdag sa ambience ng paligid.
Pagkatunog ng bell, si Rohaan ang unang gumawa ng hakbang sa kanya. Mabilis nitong pinatama ang mga kamao na agad nasalo ng mga palad niya. Sinubukan din nitong magpakawala ng matataas na mga sipa pero mabilis siyang nakaiwas gamit ang pag-bend at paglundag.
Habang nakaangat ang mga kamao ng lalaki, sinamantala niya ang pagkakataon at mabilis itong sinunggaban sa sikmura. Pagkabagsak nila sa lupa ay mabilis siyang pumatong sa harapan nito at hinataw ng kanyang mga kamao ang lalaki.
Bago pa ito makabawi, pinatalbog na niya ang mga paa at nag-backflip ng isang beses, saka pinagulong paatras ang katawan para makalikha ng distansya rito.
Bumalasik ang anyo ni Rohaan. Halatang hindi nito natanggap ang unang pagkatumba. Kinuha nito ang bakal na silya at mabigat ang mga hakbang na lumapit sa kanya.
Nagulat siya nang bigla siya nitong paghahampasin ng hawak nitong silya. Natamaan siya ng isang beses sa braso pero agad din siyang nakaiwas sa pamamagitan ng pag-ikot, pagbaluktot sa katawan, at paglundag sa ere.
Kinuha na rin niya ang silya sa kanyang corner at itinutok ang mga bakal na paa niyon sa lalaki. Binigyan naman siya nito ng mapanuksong ngiti na tila nagpapahiwatig na wala siyang laban dito.
Si Rohaan muli ang unang umatake. Itinaas nito ang hawak na silya at akmang ihahampas sa kanya. Agad naman niyang nasangga iyon sa hawak niyang silya hanggang sa mauwi sa madugong hampasan.
Mabilis itong lumikha ng galos sa kanilang katawan. Nagmistulang sandata ang mga bakal na silyang nagsisimula nang mayupi sa lakas ng hampasan nila.
Patuloy namang nagsisigawan ang mga tao habang nagsasagawa ng komentaryo ang announcer sa bawat nagaganap sa laban nila.
Hindi nagtagal at tuluyang nagkapira-piraso ang bawat parte ng kanilang upuan. Dito sinimulang gamitin ni Crisanto ang kanyang mga kamay.
Pagkatapos mabitiwan ni Rohaan ang huling piraso ng silya nito, agad niyang pinadapo rito ang kabila niyang kamao na nagpaalog sa ulo nito.
Limang magkakasunod na suntok ang pinakawalan niya hanggang sa magsara ang mga mata nito at napaatras. Sinamantala niya ang pagkakataon. Inangat niya ang kaliwang paa at nagpakawala ng side piercing kick patungo sa leeg nito.
Nagulat naman ang lahat nang masalo ng kamay ni Rohaan sa isang kisapmata ang paa niya bago pa iyon dumapo rito.
Ngumisi ang lalaki. “Alam kong malakas kang sumipa, Crisanto. Pero hindi ka nag-iisip! Akala mo siguro’y hindi ko pinaghandaan ang iyong mga galawan. Mukhang kailangan mo nang mag-isip ng bagong technique! Hindi na uubra sa akin ang mga nakasanayan mo!”
Bago pa siya makagawa ng aksyon, binalibag na nito nang ubod-lakas ang kanyang paa. Sumabay siya sa pagbagsak sa lupa at unang tumama ang ulo niya.
Hindi na siya nakapalag sa sunod-sunod na pagbalibag ni Rohaan sa kanya. Kung saan-saang direksyon tumama ang kanyang mukha na lalong nagpadugo sa ulo niya.
Binalibag siya nito nang paulit-ulit hanggang sa tumama na rin ang mukha niya sa mga nawasak na parte ng bakal na silya. Nagtalsikan ang kanyang dugo sa bawat bahagi ng lupa na kanyang kinabagsakan.
Sa unang dalawang minuto pa lang ng laban nila, siya na ang naliligo sa sariling dugo. Nagsimula nang mag-alala ang mga tagahanga niya. Hindi nila maiwasang mapangiwi at mapapikit habang nasasaksihan kung paano siya ihampas sa lupa na parang laruan.
Pati si Maverick ay napilitan nang umusal ng dasal kahit alam nitong katumbas na rin ng pagiging illegal ang ginagawa nilang pakikipag-participate sa programang iyon.
“Hindi ko maintindihan kung paano ka naging undefeated kung ganito ka naman kanina! Ni hindi man lang ako pinagpawisan sa `yo! Sinasayang mo lang ang oras ko!” Mas hinigpitan pa nito ang paghawak sa kanyang paa habang patuloy siyang inihahampas na parang latigo.
Nagsisimula nang magdilim ang paningin ni Crisanto pero alam niyang hindi siya puwedeng sumuko.
Sa muli niyang pagbagsak, hinila siya ng lalaki patungo sa corner nito. Saka nito binihag ang paa niyang iyon sa dalawa nitong braso. Nagbalak ang lalaki na baluktutin ang kanyang buto para hindi na siya makagamit ng mga sipa.
Ngunit sa huling sandali, nagawa niyang umangat at pinaikot sa pinakamabilis na paraan ang buo niyang katawan. Sa sobrang bilis ay sumabay sa pag-ikot si Rohaan at ito naman ang nabalibag sa sahig. Muling umugong ang matinding sigawan.
Agad niyang binawi ang kaliwang paa saka nagsagawa ng tatlong magkakasunod na backflip upang makabuo muli ng distansya rito.
Ibinalik niya ang kanyang grappling stance at ngumiti. “Huwag kang magsalita nang tapos. Nagsisimula pa lang tayo, Rohaan. Masyado pang maaga para magdiwang,” kalmadong sabi niya rito sabay punas ng dugo sa kanyang mukha gamit ang palad niya.
Mabilis ding nakatayo ang lalaki at pinagpag ang dumi sa katawan nito. “Pagsisisihan mo ang araw na kinalaban mo ako! Hindi matatapos ang gabing ito na hindi ka napaglalamayan ng lahat!” panduduro nito sa kanya habang nanginginig sa labis na emosyon ang hintuturong daliri nito.
Nagsimula silang magpaikot-ikot sa gitna habang nakataas ang kanilang mga kamao at naghihintayan sa susunod na atakeng pakakawalan ng isa’t isa.
Sa pagkakataong iyon, si Crisanto naman ang bumuga ng atake. Humakbang siya sa pinakamabilis na paraan at nagpakawala ng isang straight punch sa mukha nito.
Ngunit nasalo agad ng lalaki ang kanyang kamao bago pa iyon dumapo rito. Mabilis nitong hinila ang kanyang kamay hanggang sa magdikit ang kanilang katawan, saka siya nito binuhat paatras at buong lakas na ibinagsak sa lupa.
Nagulat ang mga tao sa sumunod na nangyari.
TO BE CONTINUED…

Bình Luận Sách (53)

  • avatar
    TattaoJomar

    great stories

    07/09/2023

      0
  • avatar
    IntiaLuvelyn

    ang pogi ko

    03/08

      0
  • avatar
    bayonaNolin

    owiwiwiwiwiwowowowowowiwowowiiwiwiwiwowowowoowowowowowowoowowowowowowowowowoowowowowowwoowwowowoowowowowowoowowowowowoowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowowoiwowowowowowowowoow

    29/07

      1
  • Xem tất cả

Các chương liên quan

Chương mới nhất