logo text
Thêm vào thư viện
logo
logo-text

Tải xuống cuốn sách này trong ứng dụng

Chapter 6

Nakatayo si Ashley sa gilid ng daan sa labas ng parke. Pinunasan niya ang kaniyang mga luha gamit ang kaniyang mga palad at inayos ang sarili. Huminga siya ng malalim at marahas itong pinakawalan. Agad niyang itinaas ang kaniyang kamay upang parahin ang paparating na taxi. Tumigil ito sa kaniyang tabi at agad siyang sumakay. Isasara na sana niya ang pinto ng may pumigil dito.
"John."
Agad na pumasok ang binata dahilan para mapaurong si Ashley. Seryoso siyang tinitigan ng binata.
"Hatinggabi na, hatid na kita. Baka mapaano ka pa. Hindi bilang John na boyfriend mo, kun'di bilang John na kaibigan mo para hindi nakakailang. Siguradong nag-aalala na sina 'nay Irme at 'tay Kanor sa iyo." sambit ni John na may bahid ng kalungkutan.
Kumirot ang puso ni Ashley ng marinig ang katagang kaibigan. Doon na tuluyang nag-sink in sa kaniyang na magkaibigan na lamang sila.
Mapait siyang ngumiti.
"Para namang may magagawa pa ako."
Itinuon ni John ang mga mata sa labas ng bintana. Nanigas siya sa kaniyang kinauupuan ng biglang hawakan ni Ashley nang puno ng pag-iingat ang kaniyang baba at muli siyang pinaharap sa kaniya.
"A-Anong nangyari diyan? A-Ayos ka lang? B-Bilang kaibigan may karapatan naman akong magtanong ng ganoon 'di ba?"
"A-Ayos lang ako. You don't have to worry."
"Uhm," nahihiyang inalis ni Ashley ang mga daliri niyang nasa baba ni John at umayos ng upo.
Sabay silang humalukipkip at itinuon ang mga mata sa labas ng bintana na malapit sa kanilang pwesto. Sa gitna ng katahimikan, paulit-ulit na naririnig ni Ashley ang mga katagang sinambit ni John kanina.
"May posibilidad na magkapatid tayo."
"May posibilidad na magkapatid tayo."
"May posibilidad na magkapatid tayo."
Mariin niyang ipinikit ang mga mata at marahas na umiling. Biglang sumagi sa isip niya si Lenon dahilan para mapaawang ang kaniyang mga labi. Taranta niyang kinapkapan ang sarili para hanapin ang kaniyang cellphone. Agad niya itong dinukot sa bulsa ng jacket at tinawagan ang kaibigan. Ganoon na lamang ang pagkunot ng kaniyang noo ng hindi pamilyar na boses ang kaniyang narinig mula sa kabilang linya.
"Hello? Who's this? Bakit na sa'yo ang phone ng kaibigan ko?"
"Huh? Ash, isht's me, Lhenon, iyong kaibigan moh na hanggang kaibigan lang."
"Lasing ka ba?"
"Huh? Hindi 'no! Hindi ako lashing. Hoy, parhe, lashing ba ako? Hindi 'di ba? Hindi ako lashing, Ash."
Napabuntong-hininga si Ashley.
"Nasaan ka?"
"Parhe, nashaan ba ako? Shaang lugar ba ito? Moonlit Bar? Nasha Moonlit Bar ako, Ash. Shusunduin mo ba ako? Ayiee! Shusunduin ako ng pinakamagandang babae sa balat ng lupa. Ang shwerte ko naman."
"Papunta na ako diyan. Hintayin mo ako."
"Okay," malambing nitong wika na nagpangiwi kay Ashley. "Sanay naman akong maghintay sa'yo," dagdag pa nito. Hindi naka-imik si Ashley hanggang sa narinig na lamang niya ang pagkaputol ng tawag.
"Moonlit Bar ho kami manong," Wala sa sariling sambit ni Ashley. Napatingin siya sa gawi ni John nang mag-ring ang cellphone nito ngunit tila walang balak ang binata na sagutin ito. Nanatili lamang siyang nakatingin sa labas ng bintana hanggang sa tumigil ito sa kakatunog. Ipinagsawalang-bahala ito ni Ashley at tatawagan sana si Irme dahil paniguradong nag-aalala na ang mag-asawa sa kaniya, nang muling umalingawngaw sa buong taxi ang ringtone ni John.
Kanina kasi matapos niyang matanggap ang mensahe mula sa misteryosong sender na nagsasabing buntis si Maia at si John ang ama, in-airplane mode niya ang kaniyang cellphone sa takot na muling mag-text ang taong iyon ng panibagong impormasyon na babaliktad sa mundo niya. Quotang-quota na siya. Malaki ang pasasalamat niya na hindi pa siguradong magkapatid sila ni John, dahil kung oo, baka tuluyan na siyang nawala sa tamang pag-iisip. Siguradong kanina pa siya tinatawagan ng mag-asawa at dahil hindi nila siya makontak, sigurado siyang aligaga na ang mga iyon ngayon.
Muli, ipinagsawalang-bahala ito ni John, sa ikatlong pagkakataon, hindi na matiis ni Ashley ang ingay ng ringtone ng binata.
"Sa tingin ko kailangan mo ng sagutin iyan. Baka importante. Isa pa ang ingay."
Binalingan siya ni John at tumango na sinagot din naman ni Ashley ng tango. Dinukot ng binata ang kaniyang cellphone sa bulsa ng kaniyang pantalon. Hindi sinasadyang nabasa ni Ashley ang mga katagang 'Peter' dito dahilan para mapait siyang mapangiti. Subalit, sa halip na sagutin ang tawag, pinatay ng binata ang kaniyang cellphone.
Nagkibit-balikat si Ashley at pinindot ang call button sa tabi ng numero ni Irme. Hindi pa natatapos ang unang ring, agad ng sinagot ng kasambahay ang tawag.
"Diyos ko kang bata ka talaga, oo! Buti naman at naisipan mong tumawag, oo! Kanina pa kita tinatawagan hindi makapasok tawag ang ko, oo! Kanina pa kami nag-aalala sayo, oo! Kanina pa mabilis ang tibok ng puso ko, oo, daig ko pa ang tumakbo mula Batanes hanggang Julu, oo! Alam mo namang matatanda na kami at masama na ang kaba sa puso namin, oo! Muntik na kaming tumawag ng pulis, oo! Kung hindi ka tumawag ngayon, tatawagan na namin ang Papa mo tapos sunod pulis na, oo! Sana man lang, iha, nagpa-maneho ka kay Kanor, oo, para hindi ako kinakabahan ng sobra, oo."
Gumuhit ang isang malawak na ngiti sa labi ni Ashley. Sumandal siya sa upuan at masayang pinakinggan ang nag-aalalang tinig ni Irme. Bata pa lamang ng maulila siya sa ina, subalit 'ni isang segundo hindi niya maramdamang na kulang siya sa pagmamahal at pag-aaruga ng isang ilaw ng tahanan. Si Irme at Kanor ang nagsisilbi niyang pangalawang magulang.
"Tinawagan ko si Maia kanina pero binabaan lang ako at hindi na sinagot, nalowbat 'ata, oo, si Lenon din, sabi niya 'di daw alam kung nasaan ka pero nagkasama daw kayo, oo! Si John din, pero ayaw akong sagutin tapos nang tawagan ko ulit, hindi na makontak, oo! Ano bang nangyayari sa inyong magkakaibigan kayo? Dati naman kahit sino sa inyo ang tawagan namin, alam kung saang lupalop kayo nagsususuot, oo! Nasaan ka ba? Hindi ka pa ba uuwi? Ipapasundo kita, oo! Naku! Naku! Kapag nalaman talaga 'to ng papa, lagot ka talagang bata ka, oo! Hello! Ashley, sumagot ka ngang bata ka pinapakaba mo ako lalo, oo. Ashley! Hoy!"
Bumunghalit ng tawa si Ashley na ikinahinga nang maluwag ni Irme. Matagal na din simula ng marinig ni Ashley ang walang kamatayang oo sa mga pangungusap ni Irme. Isa iyong mabuting bagay sapagkat nagiging ganoon lamang ang kasambay kapag labis na kinakabahan.
"Ikaw bata ka, oo! Ba't hindi ka nagsasalita? Ayos ka lang ba?"
"Paano po ako makapagsalita? Ang bilis-bilis niyo, sigurado po akong matatalo niyo si Gloc 9 sa pabilisan magsalita. Opo. Hindi po ako makasingit. Bilib na po ako sa baga niyo, 'nay. Huminga po ba kayo sa pagitan no'n. Hindi ko napansin."
"Naku! Naku! Naku! Huwag mo akong daanin sa mga pagbibiro mo nang ganiyan! Nasaan ka na, iha? Umuwi ka na. Ngayon din, ura mismo."
"Opo. Pasensiya na po kayo, 'nay kung pinag-alala ko kayo. Magpapaliwanag po ako mamaya. Sa ngayon, pwede ho bang paki-ayos ang guestroom sa tapat ng kwarto ko?"
"Bakit? May bisita ka, iha?"
"Uhm? Parang ganoon? Basta po. Isa pa po, pwede ho bang huwag niyo nang banggitin kay papa ang tungkol-"
"Sa pag-uwi mo nang 'dis oras ng gabi?"
"Opo."
"Depende sa paliwanag mo."
Alanganing tumawa si Ashley.
"Sigurado ka bang hindi ka na magpapasundo, iha?"
"Hindi na po. Ayaw ko na pong abalahin si 'tay Kanor."
"Ikaw bahala, iha. Huwag na sanang maulit ito, ano? Ngayon na lamang ulit ako kinabahan ng ganito, oo."
"Sige po, 'nay."
"Sige."
"Nandito na po tayo," wika ng driver eksaktong pagkaalis na pagkaalis ni Ashley ng cellphone sa kaniyang tainga.
Bago pa man madukot ni Ashley ang kaniyang pitaka, nakapag-abot na ng bayad si John at wala na siyang nagawa kun'di ang bumaba. Mabilis siyang naglakad papasok sa entrada ng bar subalit hinuli ni John ang kaniyang palapulsuhan dahilan para mapatigil siya.
"Ako na lang ang papasok. Hintayin mo na lang kami dito."
Napatingin si Ashley sa bar at narinig ang mabilis na musikang nagmumula sa loob.
"Mabuti pa nga."
Naglakad siya pabalik sa taxing binabaan nila at kumatok sa bintana kung saan banda naka-upo ang driver. Dahan-dahang bumaba ang windshield.
"Manong, pwedeng pahintay saglit. Susunduin lang namin ang kaibigan namin na nasa loob. Okay lang po ba?"
Tumango naman ang driver at magpasalamat si Ashley. Ilang saglit lang, nakita niya ang dalawang pamilyar na pigura na palabas ng bar. Patakbo siyang lumapit sa mga ito at tinulungan si John sa pag-akay kay Lenon. Magkatulong nilang ipinasok si Lenon sa passengers seat. Matapos magawa iyon ng matagumpay, sabay silang napabuga ng hangin habang nakapameywang na nakatayo. Napatingin sila sa isa't isa at agad ding nag-iwas.
"Anong problema niya?"
Agad na nabalot ng lungkot ang mukha ni Ashley ng maalala ang ikinwento ni John sa kaniya kanina. Ang tanging rason na naiisip niya kung bakit sa unang pagkakataon kusang lumapit sa alak ang binata.
Hindi lingid sa kaalaman ng lahat ng taong kilala si Lenon kung gaano niya iwasan ang alak na para bang isang malaking kasalanan ang mapalapit dito. May mga pagkakataon na kahit anong iwas ang gawin niya wala siyang magawa kun'di hayaang maglakbay sa sistema niya ang bagay na inaayawan niya at sa lahat ng pagkakataong iyon, napilitan siya. Alam ni John na may mali sa kaibigan.
"Ikekwento ko na lang sa biyahe."
Yumuko si Ashley para sana makapasok sa passenger seat ng hilahin siya pabalik ni John sa pamamagitan ng paghila ng kuwelyo ng kaniyang suot na jacket.
"Ano?" inis na wika ni Ashley.
"Doon ka na sa front seat. Ako na ang bahala kay Lenon."
Napabuntong-hininga si Ashley at sinunod ang binata.
"Now tell me, bakit nagpakalasing 'to?"
Pinitik ni John ang noo ni Lenon dahilan para mapadaing ang binata, na nakasandal sa upuan at tulog na tulog.
Huminga nang malalim si Ashley at nagsimulang magkwento. Kita niya mula sa rearview mirror ang mariin na pagkakuyom ng mga kamao ni John at ang malalalim niyang paghinga.
"Matapos ang nangyari, sa tingin mo ba babalik pa siya sa impyernong iyon? Naisin man niya, siguradong hindi na siya papabalikin ni satanas. It's a good thing. This time, sa tingin ko papayag na siyang magpa-ampon papa."
Nang pumanaw si Arnold, kinausap ni Franklin si Lenon tungkol dito subalit tumanggi siya. Kaya walang ibang nagawa ang papa ni Ashley kun'di hayaan si Lenon sa nais niya.
...
Pinasan ni John si Lenon sa kaniyang likod at pumasok ng bahay. Sinalubong sila ng mag-asawang Irme at Kanor. Pagkatapak na pagkatapak ni John sa loob ng bahay, sumuka si Lenon sa kaniyang balikat. Damang-dama niya ang init nito na dahan-dahang tumutulo pababa sa kaniyang dibdib dahilan para tumayo ang lahat ng kaniyang mga balahibo. Ilang ulit siyang naduwal sa nakakadiring amoy na pilit na nagsusumiksik sa kaniyang ilong.
Nabalot ng iba't ibang ekspresyon ang mukha nina Irme, Kanor at Ashley, awa, pandidiri, gulat at tila natatawa.
"Haist!"
Alam na alam na niya ang bahay nina Ashley kung kaya't padabog siyang umakyat ng hagdan at tinungo ang silid na nasa harap ng kwarto ni Ashley. Agad na sumunod ang dalaga at binuksan ang pinto. Pabagsak na binitawan ni John si Lenon at nandidiring tiningnan ang parte kung saan siya sinukahan ng kaibigan. Maingat niyang hinubad ang kaniyang suit jacket at balak na sanang tanggalin ang pagkakabutones ng kaniyang puting long sleeves nang hawakan ni Ashley ang kaniyang mga kamay na nasa may leeg upang pigilan siya. Nagkatinginan silang dalawa ngunit agad na umiwas ng tingin si Ashley.
"A-Anong ginagawa mo? I mean, bakit dito ka naghuhubad?" Itinuro niya ang banyo. "Anong silbi ng c.r 'di ba?"
"Okay."
Agad na naglakad si John papunta sa banyo ng kwarto. Nanlaki ang mga mata ni Ashley ng maalala ang isang bagay na nandoon sa banyo na hindi dapat makita ng binata. Mabilis niyang nilagpasan si John at hinirang ang sariling katawan sa pinto. Inunat niya ang kaniyang mga braso.
"A-Anong ginagawa mo?" nawiwirduhang wika ni John.
"Ah-ano-ano, ano kasi-ano-ah! Hindi pa nalilinis itong c.r na 'to kaya madumi, tama! Off limits pa 'to! Iyong c.r sa baba na lang ang gamitin mo," alanganing tumawa si Ashley.
"Nakakatamad bumaba. Pwedeng iyong c.r na lang sa kwarto mo?"
"Oo!" Nang mapagtanto niya ang sinabi ni John, nakalabas na ng silid ang binata. Sinulyapan niya ang banyo at kumaripas nang takbo upang sundan siya. "Haist!" Bago pa niya mapigil ang binata, naisara na nito ang pinto. Napabuntong-hininga na lamang siya at pasalampak na umupo sa gilid ng kama.
Napatingin sa direksyon ng banyo si Ashley nang marinig niya ang pagbukas pinto nito. Pakiramdam niya biglang bumagal ang lahat, dahan-dahang tumambad ang walang pantaas na si John habang pinunasan ang mamasa niyang buhok gamit ang isang puting tuwalya. Naglakbay ang mga mata ni Ashley pababa sa maputing dibdib ng binata, sinusundan ang isang patak ng tubig na naglalakbay pababa sa abs ni John. Naramdaman niya ang pag-init ng kaniyang mga pisngi ng maalala ang isang gabi na hindi dapat nangyari.
Isang malalim at pilit na pilit tikhim ang nagpabalik sa kaniyang naglalakbay na diwa. Nagtama ang mga mata nila ni John na mas lalo pang nagpa-init sa kaniyang nagliliyab ng pisngi at kumalat na sa kaniyang buong katawan. Wala sa sariling pinaypayan niya ang kaniyang mukha gamit ang kaniyang dalawang palad. Dumiretso siya sa kaniyang closet at kinuha ang isang itim na t-shirt na may mukha ni Captain America. Initsa niya iyon sa binata. Matagumpay itong nasambot ni John. Pinunasan niya ang kaniyang dibdib bago isinuot ang t-shirt.
Madalas silang mag-sleep over at palagi iyon sa bahay nina Ashley. Kaya naman, may mga damit ang tatlo sa bahay ng dalaga na sinadya nilang iwan.
"You should go," malamig na turan ni Ashley.
"Ipinagtatabuyan mo na ba ako?"
"Sigurado akong hinihintay ka ni Maia at masama sa buntis ang pagpupuyat."
Inis na iwinaklit ni John ang tuwalya at naglakad palabas ng silid. Hindi makapaniwalang napabuga ng hangin si Ashley at pumasok sa loob ng banyo. Kinuha niya ang puting long sleeves ni John at dumitso sa kaniyang closet. Kumuha siya ng isang paper bag at isinilid dito ang long sleeves. Pumasok siya sa silid Kung nasaan si Lenon at diring-diring dinampot ang suit jacket na hinubad ni John at ipinasok din ito sa paper bag. Paglabas nakasalubong niya si Irme na may bitbit na palanggana na may lamang tubig at puting bimpo.
"Hatid ko lang po sa labas si John."
"Sige."
Nginitian siya ni Irme bago nilagpasan at pumasok sa silid upang asikasuhin si Lenon.
"Uuwi ka na, John?"
Rinig niyang tanong ni Kanor habang pababa siya ng hagdan.
"Opo, 'tay."
"Hatid kita?"
"Hindi na po, 'tay. Gabi na din po kasi masama po sa matatanda ang nagpupuyat," pabiro niyang wika na tinawanan lamang ni Kanor.
"Ikaw talagang bata ka. Hala, sige. Mag-iingat ka na lang."
"Opo. Mauna po ako."
Mabilis na naglakad palabas ng bahay si John habang nakapamulsa. Patakbong lumakad si Ashley mahabol lamang ang binata.
"John," tawag niya ng dire-diretsong maglakad palabas ang binata sa kanilang gate. Tumigil si John at humarap sa kaniya. Inabot ni Ashley ang paper bag sa binata. Napabuntong-hininga si John at tinanggap ito.
"Paalam."
"Kung makapagsalita ka parang hindi na tayo magkikita."
"I'm saying goodbye sa John na ex-boyfriend ko."
Mapait na ngumiti ang binata.
"Sinasabi mo bang magkaibigan pa din tayo?"
"Malamang! Let's just act as if nothing happened. Keeping our relationship a secret is a good thing, right?"
"Matapos ang nangyari ngayong gabi, sa tingin mo ba mananatili pa ding sikreto ang sa atin?"
Tipid na ngumiti si Ashley.
"Nakalimutan mo 'ata kung sino ang tatay mo at kung sino ang mga magulang ng fiancee mo? Hindi ka ba nag-aalala sa maaring maging bunga ng ginawa mo?"
"Hmm? Hindi? Siguradong sesermunan ako ni Dad na araw-araw naman kaya sanay na ako. Sesermunan ako ng mga magulang ni Maia at sisigawan ako ni Maia. Other than that, gaya ng sabi mo, naayos na iyon ng Dad ko at ng parents ni Maia. Kaya ano pang dapat kong ipag-alala?"
Napatango-tango si Ashley.
"Sige na, umalis ka na. Shoo!"
Napangiti si John.
"Goodbye, Ashley."
"Uhm. Bye! Ingat ka," wika niya habang kumakaway.
Sabay silang tumalikod at binura ang mga pekeng ngiti sa kanilang mga labi. Ito ay napalitan ng mga luhang kanina pa nila kapwa pinipigil. Bawat hakbang nila'y tila pabigat nang pabigat ang kanilang hakbang sapagkat alam nilang ang bawat hakbang na iyon ay patungo sa isang katotohanang hindi pa nila matanggap sa kasalukuyan. Mga hakbang patungo sa daan na puno ng pagsisisi. Mga hakbang na patungo sa isang daan kung saan hindi na nila kasama ang isa't isa. Hinaharap na taliwas sa pinangarap nila. Buhay na puno ng pagdurusa at sakit. Sakit na dulot ng laro na ibinato sa kanila ng kapalaran.
Tumigil sa paglalakad si Ashley at tumingala. Huminga siya ng malalim at humagulhol. Narinig ito ng mag-asawa kaya dali-dali silang lumabas. Nakita nila si Ashley na nakasalampak sa lupa at umiiyak. Humihikbi na tila mawawalan na siya ng ulirat. Inalalayan nila ang alaga patungo sa kaniyang silid. Naisin man nilang mag-usisa, sa kasalukuyang estado ni Ashley, wala silang makukuhang matinong sagot at malabong mag-kwento din ito. Nag-aalala man, ang tanging magagawa lamang nila ay hayaan ang dalaga na umiyak nang umiyak hanggang sa kusa siyang mag-sabi ng kaniyang problema. Tahimik nilang nilisan ang silid at isinara ang mga tainga sa mga malalim na hikbi ni Ashley.
Hinablot ni Ashley ang bolster pillow na may mukha ni John at mahigpit itong yinakap. Ibinigay ito ng binata sa kaniya noong unang linggo na naging sila, para daw hindi mangulila sa kaniya ang dalaga ng sobra. Itinaas niya ito at nakipagtitigan. Ilang sandali pa'y pinagsasapak niya ito. Nang mapagod, muli niya itong yinakap.
Hindi siya makapaniwalang sa loob lamang ng isang araw, nadurog ang puso niya ng paulit-ulit. Hindi niya alam kung paano haharapin ang dalawa. Ang tanging sigurado siya, para sa kanilang pagkakaibigan, magpanggap siyang ayos lang siya, na para bang walang nangyari, na para bang hindi naging sila ni John, na para bang hindi siya pinagmukhang tanga ng dalawa, na para bang hindi siya nasasaktan ng sobra.
Buong magdamag siyang umiyak. Ilang ulit niyang pinilit ang sarili na makatulog, subalit tila maski ang antok iniiwasan ang katawan niyang pagod sa pisikal at emosyonal na aspeto. Bumangon siya sa kama at akmang tatayo ng bigla siyang nakaramdam ng pagkahilo dahilan para mapahawak siya sa kaniyang noo at mapapikit nang mariin. Sandali niyang hinilot ang sentido, nang makaramdam ng ginhawa nagtungo siya ng banyo.
Natawa siya sa kaniyang sariling repleksiyon. Magulo ang buhok, namamaga ang mga mata at namumutla. Napa-ubo siya ng ilang ulit at lumabas nang marinig ang pagri-ring ng kaniyang cellphone. Kinuha niya ito mula sa kaniyang bedside table at saglit na tiningnan ang oras sa itaas saka sinagot ang tawag na mula sa isa sa kaniyang mga prof. Alas-otso na. Naglakad siya palapit sa bintana ng kaniyang silid at hinawi ang kulay lupang kurtina. Napapikit siya ng masilaw sa liwanag ng araw.
"Hello po, ma'am."
"Ash, stop by my office later before you go to the graduation rehearsal. I need to talk to you about something."
"Yes, ma'am."
"Ah, by the way, good morning."
Napatawa si Ashley.
"Good morning din po."
"Sige na. See you later."
"Sige po. Bye po."
"Bye."
...
Pagkatapos nilang mag-usap ni Prof. Abuendido, agad na tumayo si Ashley upang umalis. Dinukot niya ang kaniyang cellphone mula sa bulsa ng pantalon na suot niya at binuksan ang data. Napaigtad siya ng sunod-sunod itong mag-vibrate dahil sa sandumakal na notifications mula sa Facebook. Tinap niya ang isa sa mga ito at agad siyang napunta sa comment section ng isang article na naka-post sa sister page ng kanilang school newspaper na dedicated para  sa mga tsismis sa loob ng kanilang university at 'ni sa hinagap hindi naisip ni Ashley na magagawi sa page na ito ang pangalan niya.
Agad na sinagot ni Ashley ang tawag mula kay Irene, isa sa mga kaklase niya at tuluyang lumabas ng faculty room.
"Ash, nasaan ka? Huwag na huwag ka munang pupunta ng school—"
"Huli ka na. Nandito na ako."
"Huh? Ah? Kung ganoon, huwag mong babasahin ang bagong article na naka-post sa—"
"Huli ka na. Nabasa ko na."
"Huh! Kahit na anong mangyayari huwag mong hahayaan na magtagpo ang mga landas niyo ni Mai—"
"Ashley!" puno ng galit na sigaw ni Maia habang naglalakad palapit sa kinatatayuan ni Ashley. Sinalubong ni Ashley ang nagliliyab na mga mata ni Maia.
"Huli na ako."
...
To be continued...
Memory Box: Gabi: Ilang oras bago mangyari ang bagay na sisira kina Ashley at John
Nakasandal sa headboard ng kama si Ashley, yakap ang isang bolster pillow na may mukha ni John phabang nilalantakan ang isang bowl ng popcorn na nakapatong sa bedside table niya. Nasa kama niya ang kaniyang laptop,nakaharap sa kaniya. Kasalukuyan silang nagvi-videocall ni John.
"Hindi ka ba talaga pupunta?" tanong ni John habang isinusuot ang isang puting  t-shirt.
Tinakpan ni Ashley ang mga mata subalit nag-iwan ng espasyo sa pagitan ng mga daliri sapat para makita ang makisig na katawan ng kasintahan.
"Hindi nga. Huwag ka na lang din kayang pumunta, nood na lang tayo ng kdrama."
Kinuha ni John ang kaniyang laptop na nakapatong sa kaniyang study table matapos maisuot ang damit at umupo sa gilid ng kama.
"Hindi pwede eh. Nangako ako kina coach na pupunta ako. Makapag-aya ka parang alam na ni Tito na may relasyon tayong dalawa. At may pantaas na po ako, pwede mo ng alisin iyang kamay mo."
"Alam ko," bulong ni Ashley na tila dismayado at tinanggal ang kaniyang kamay sa kaniyang mata. Hindi iyon nakatakas sa tainga ni John dahilan para mapangiti siya ng nakaloloko. "Mr. John, alam mo po bang may screen share? Nginingiti-ngiti mo?"
Hindi niya sinagot ang tanong ni Ashley, bagkus ay hinubad ang kaniyang damit. Muli, tumambad ang maputi at matipunong katawan ni John dahilan para muling takpan ni Ashley ang mga mata.
"Anong ginagawa mo?" gulat at natatawang tanong ni Ashley.
"Bakit?" natatawang turan ni John. "Dapat sanayin mo na ang sarili mo, dahil kapag ikinasal na tayo, ito ang palagi mong makikita," nang-aakit niyang saad at iflenex ang kaniyang mga braso. Paulit-ulit niyang hinalikan  ang naka-umbok na muscle sa kaliwa niyang braso dahilan para humagalpak ng tawa si Ashley.
"Gayahin mo nga iyong pose ng mga bodybuilder. Dali!"
Ginawa naman ito ng binata na mas lalong nagpahagalpak sa tawa ng kasintahan.
Pinunasan ni Ashley ang namuong luha sa gilid ng kaniyang mata gamit ang kaniyang hintuturo.
"Tama na nga. Ang sakit na ng tiyan ko. Magdamit ka na. Ang lamig-lamig baka sipunin ka."
"Sigurado ka?" nang-aasar na wika ng binata. "Sigurado ka na talaga? Isusuot ko na 'to."
Biglang natigilan si John at napatingin sa direksyon ng kaniyang pinto. Ang kaninang mapagbiro niyang ekspresyon ay naglaho at naging seryoso.
"May problema ba, John?" puno ng pag-aalalang tanong ni Ashley.
Dali-daling isinuot ng binata ang kaniyang t-shirt.
"Sorry, Ash. Tawagan na lang kita mamaya."

Bình Luận Sách (1)

  • avatar
    Johara Eve Villaverde

    nice

    21/01

      0
  • Xem tất cả

Các chương liên quan

Chương mới nhất