logo text
Thêm vào thư viện
logo
logo-text

Tải xuống cuốn sách này trong ứng dụng

Epitome of Kindness

Epitome of Kindness

Ryytine


Chapter 1

Chapter 1
"It's my birthday today," masaya kong wika at nakangiting isinuot ang isang mamahaling kuwintas habang nakaharap sa isang malaki at engrandeng salamin. Mas lumawak ang aking pagkakangiti nang pinagmasdan ko ang sarili.
Bagay na bagay sa akin ang suot kong kulay lilang kasuotan. Lubha itong magarbo dahil napapalamutian ito ng mga naggagandahang diyamante.
Bagay na mga mayayaman lang ang nagsusuot.
"Alba." Nilingon ko ang ginang na nakatayo sa aking likuran. Nakayuko siya at hindi ko mabasa ang kan'yang ipinapakitang ekspresyon.
Hindi ba siya masaya?
Pinilig ko ang aking ulo upang alisin ang ideyang iyon. Muli akong ngumiti at nilapitan ang aking tagapagsilbi.
"Ayos ka lang?" taka kong tanong at hinawakan siya sa kan'yang balikat. At parehas na nanlaki ang aming mga mata nang bigla niyang tinabig ang aking kamay at natatakot na umatras.
Natitigilan akong napatitig sa kan'ya. Isang nakakabinging katahimikan ang pumainlang sa pagitan naming dalawa.
"Alba..." Mabagal akong huminga nang malalim habang siya ay gulat din akong tiningnan. Halatang hindi niya inaasahan na kikilos siya nang ganoon.
May nagawa ba akong mali?
"Bakit?" Napakagat-labi ako at muling huminga nang malalim habang pilit na kinakalma ang aking sarili. Malakas akong bumuntong-hininga at pilit na ngumiti. Inangat ko ang aking kamay na tinabig ng aking tagapagsilbi.
"P-Patawad, Mahal na Prinsesa." Nanginginig na lumapit sa akin si Alba at naiiyak na lumuhod sa aking harapan. Nanatili pa rin akong nakatitig sa aking palad habang ang babae ay inilapit ang kan'yang mukha sa aking paanan.
"H-Hindi ko p-po sinasadya, Princess Emery." Mas lumawak ang aking pagkakangiti nang hinalikan ng tagapagsilbi ang aking paa. Kahit hindi ako tumingin sa kan'ya ay paniguradong mukha na siyang kaawa-awa.
Bumuntong-hininga ako at nakangiting bumaling sa babae. Binaba ko ang aking kamay at saglit na tiningnan siya bago nagpasyang tulungan siyang tumayo.
"Hayaan mo na," usal ko at bahagyang yumuko upang hawakan siya sa kan'yang dalawang braso. Marahan ko siyang hinatak upang siya ay makatayo. At nang magkapantay kami ay roon ko mas napagtanto na mas natatakot siya. Hindi makontrol ang panginginig ng kan'yang katawan na tila ay si Kamatayan ang nasa kan'yang harapan.
"Pinapatawad na kita." Marahan akong ngumiti habang pinagmamasdan ang kaawa-awa niyang hitsura. Napakagat-labi ako upang pigilin ang sarili na mas mapangiti.
"H-Hin... H-Hindi ko na po..." Humikbi ang babae habang nakayuko sa aking harapan. Sa hindi malamang rason ay hindi niya ako magawang tingnan. "Uulitin iyon..."
Bagay na ipinagtataka ko dahil ang lahat ng mga tagapagsilbi ay ganoon din ang reaksyon kapag kaharap ako.
Pangit ba ang hitsura ko? May nakakatakot ba sa aking mukha?
Wala sa sariling napahawak ako sa aking mukha.
"Maganda naman ako..." wala sa sariling usal ko. Bumuntong-hininga na lamang ako at nagpasyang balingan muli si Alba.
"Huwag mo nang alalahanin iyon." Pinawi ko ang kan'yang mga luha at banayad ang mga mata na hinawakan siya sa magkabilang balikat. Ngunit dahil sa ginawa kong iyon ay mas nasindak lamang siya.
Marahil ay pangit nga talaga ako.
"Kalimutan na natin na may nangyari ngayon. Huwag kang mag-alala, hindi ko sasabihin sa hari ang tungkol sa ginawa mo. At saka..." Tinalikuran ko siya at muling pinagmasdan ang aking kabuoan sa salamin. "Kaarawan ko ngayon. Hindi ko nais na masira ang pinakaimportanteng panahon na matagal ko nang hinintay."
"G-Ganoon na nga po, Prinsesa Emery."
Ngumiti ako. "Kung gayon, oras na para makita ang mga taong dumalo sa aking kaarawan ngayon."
Hindi na tumugon si Alba, bagkus ay nagtungo siya sa pintuan upang pagbuksan ako ng pinto. Kahit nanginginig pa rin ang kan'yang buong katawan ay itinaas niya ang kan'yang kamay upang ilahad ang pintuan. "T-Tayo na po, Mahal na Prinsesa."
Sa huling pagkakataon ay pinagmasdan ko ang aking sarili sa salamin. Kung hindi ko lamang batid na sarili ko ang aking nakikita ay paniguradong iibig ako sa aking repleksyon.
Lubha akong maganda...
That thought made me smile.
"Tara na." Tinalikuran ko ang salamin at naglakad patungo sa pintuan. Lumabas kami sa aking engrandeng kuwarto at tahimik na tinahak ang isang mahabang pasilyo.
"Marahil ay masaya ang lahat ng mga tao ngayon dahil kaarawan ko na. Tulad ko ay paniguradong hinintay rin nila ang panahong ito," wika ko kay Alba na tahimik na nakasunod sa aking likuran. Hindi siya tumugon sa aking sinabi kaya patuloy akong nagsalita sa pag-aakalang interesado rin siya sa aking mga sinasabi.
"Sino kaya ang unang babati sa akin ng maligayang kaarawan?" Napanguso ako at saglit na napahawak sa aking baba na tila napapaisip. "Ang hari kaya na siyang aking ama?"
Hindi pa rin sumagot ang tagapagsilbi kaya napakibit-balikat na lamang ako. Marahil ay hindi pa rin siya makahuma sa nangyari kanina.
"Marahil ay si Ama nga," ako na ang sumagot sa sariling tanong. Hindi ko na inaasahang kakausapin ako ni Alba dahil alam kong natatakot pa rin siya ngayon.
Naiintindihan ko naman iyon.
Iniisip niya bang sasaktan ko siya?
Hindi ko gagawin iyon. Hindi sa mga taong tulad niya.
Dahil kaarawan ko ngayon----dapat lahat ay masaya.
"Oh!" Napangiti ako nang mapansing malapit na kami sa banquet hall ng palasyo. May nakikita na rin akong mga tagapagsilbi na nakaantabay sa maaaring iutos ng mga bisita.
"Alba." Nilingon ko ang tagapagsilbi habang patuloy na naglalakad. Napaangat siya ng tingin at nang nagsalubong ang aming paningin ay mabilis siyang napayuko.
"Ilan ang mga bisita na dumalo at dadalo ngayon?"
"Isang daan at sampo po, Mahal na Prinsesa."
"Ganoon ba?" Saglit akong natahimik.
Akala ko ay aabot sa kalahating libo ang mga bisita ko ngayon.
H-Hindi pala.
"Haist.” Buntong-hininga ko. "Masaya na ako sa bilang ng mga bisita natin. Marahil ay abala lamang ang karamihan kaya hindi sila nakadalo ngayon.”
"Isang daan at sampo lamang ang inimbita ng Mahal na Hari, Prinsesa Emery."
"T-Talaga?" Napakurap ako at saglit na napatulala.
P-Pero ang sabi ni Ama ay mag-iimbita siya ng marami...
May nangyari bang problema?
Bumuntong-hininga muli ako at pilit na ngumiti. Hindi ko dapat hayaan na masira ang araw ko ngayon.
Ano naman kung nasa isang daan lamang ang bilang ng mga dumalo? Ang mahalaga ay masaya kaming lahat ngayon.
"Nandito na tayo," anunsyo ko at huminto sa paglalakad. Nakangiti pa ako nang tinanaw ang mga bisita mula sa pangalawang palapag ng palasyo sa pag-aakalang nagkakasiyahan na silang lahat.
"Alba..." Nakangiti ko pa ring pinagmasdan ang mga bisita, umaasang mali ang aking nakikita. Ngunit nang isang minuto na ang lumipas at wala pa ring nagbabago sa kanila ay tuluyan nang napawi ang aking ngiti.
"B-Bakit..." Napahugot ako ng malalim na paghinga habang hindi ko magawang alisin ang aking paningin sa mga bisita. Napakagat-labi ako habang pinipigilang maluha.
"B-Bakit ang t-tahimik nilang lahat?" Napayuko ako at mariing napahawak sa aking kasuotan. Pumikit ako nang mariin at sunod-sunod na huminga nang malalim.
M-Marahil ay balak nilang sorpresahin ako...
Napadilat ako. T-Tama...
Imposibleng mukha silang mga kabado sa mismong kaarawan ko!
W-Wala namang demonyo rito sa palasyo upang mabahala sila nang ganito!
"Bumaba na tayo, Alba." Bumigat ang aking paghinga at mas napahawak sa aking kasuotan.
Kailangan ko silang makita na masaya!
D-Dahil masaya ako... k-kaya dapat masaya rin sila.
Ika-labinwalong kaarawan ko ngayon.
Kaya dapat na magsaya ang lahat.
Kung m-malungkot sila----nandito ako para pangitiin sila...
Napatiim-bagang ako habang maingat na bumababa sa hagdanan. Bahagyang nanlabo ang aking paningin dahil sa nagbabadyang pagluha kaya saglit akong napatigil.
W-Wala bang magtatanong kung ayos lamang ako?
Lumamlam ang aking mga mata at patuloy na bumaba sa hagdanan.
H-Hindi ako maaaring maging malungkot...
Dahil kaarawan ko ngayon.
Ako na lamang ang magpapangiti sa mga bisita.
Nang tuluyan akong makababa ay sumalubong sa akin ang tingin ng mga bisita. Sinsero akong napangiti nang makitang nasa akin ang atensyon nilang lahat.
T-Tama... Hindi ko hahayaan na maging malungkot ang aking kaarawan.
Sino kaya ang unang babati sa akin?
Mas napangiti ako at naglakad papalapit sa kanila. Elegante akong yumuko upang ipakita ang aking kasiyahan sa kanilang pagdalo sa kaarawan ko. Nag-angat ako ng tingin upang kausapin sila. "Maraming salamat sa pagdalo sa aking---"
Kaarawan...
Tuluyan nang napawi ang aking ngiti nang sabay-sabay na nag-iwas ng tingin ang mga bisita. Natitigilan akong napatingin sa kanilang lahat. Tila ay saglit na dumilim ang aking mundo at bumagal ang mga gumagalaw sa aking paligid.
Bigla ay nakaramdam ako ng matinding pag-iisa. Kahit maraming tao ang kasama ko ngayon ay tila bigla silang naglaho sa aking paningin.
Umawang ang aking labi upang makahinga nang maayos. Mas bumibigat ang dibdib ko habang mas napapagtanto ko na...
Hindi nais ng mga bisita na pumunta sa kaarawan ko.
Napalunok ako at pilit na pinatatag ang aking sarili. Pilit kong ipinakita na hindi ako naaapektuhan sa nakikita ko.
Kahit ang totoo ay nahihirapan na ako.
Mabagal akong naglakad patungo sa kanila. Ramdam kong bahagyang nanginginig ang aking mga kamay kaya sinarado at kinuyom ko ang mga ito habang tahimik na pinapakinggan ang komento ng mga tao.
"Siya ang prodigal child ng Mahal na Hari, 'di ba?"
"G-Gusto ko nang umalis. Natatakot ako sa prinsesa."
"Kilala siya bilang isang masamang tao---tama ba ang desisyon natin na dumalo rito?"
"Nandito lang naman ako dahil sa hari."
"At nandito ako para kay Princess Glamour."
T-Tama na...
Ako ang nandito... B-Bakit ang ate ko ang pinag-uusapan n'yo?
At... naririnig ko kayong lahat!
"She's cruel, mas masama pa siya kaysa sa hari."
“Shhh! Baka may makarinig sa’yo! Gusto mo bang maparusahan?”
N-No...
I'm not cruel!
Akmang sisigawan ko ang taong nagsabi niyon nang biglang dumating si Ate. Ang lahat ay napuno ng pagkamangha ang mga mukha nang pinagmasdan nila ang bagong dating na prinsesa.
Napatiim-bagang ako nang nakangiting lumapit siya sa akin. Nang mga oras na iyon ay tila siya ang may kaarawan dahil nasa kan'ya ang atensyon ng mga bisita.
K-Kahit nandito ako...
"The visitors don't seem to like you, Princess Emery." Napuno ng pagkaaliw ang kan'yang mga mata na pilit niyang itinatago.
Pero halatang-halata na natutuwa siya sa nangyayari ngayon.
"Shut up." Umigting ang panga ko at mariin siyang tiningan.
"Oh." Napahawak siya sa kan'yang dibdib na tila nabigla nang makita ang aking reaksyon. Mahina siyang natawa. "Sasaktan mo rin ba ako tulad ng ginagawa mo sa mga tagapagsilbi?"
"Tumahimik ka." Napakuyom ako ng kamao habang si Princess Glamour ay saglit na nilingon si Alba na nasa aking likuran.
"Don't be mad." Humalukipkip siya at seryoso akong tiningnan. "Nilapitan lang kita dahil mukha kang nag-iisa."
"Hindi ako nag-iisa," wika ko kahit parehas naming batid na isa iyong kasinungalingan. Mariin kaming nagkatitigan at naputol lamang ito nang inanusyo ng isang duke ang pagdating ng hari.
"Nandito na ang Mahal na Hari!" Sabay kaming nag-iwas ng tingin ni Ate at bumaling sa hallway ng palasyo. At doon ay lumabas ang aking ama na nakangiti sa lahat ng mga bisita.
"Lubha kong ikinagagalak ang inyong pagdalo, mga binibini, mga ginang at ginoo. Hinding-hindi ko makakalimutan ang inyong pakikilahok sa selebrasyon ng aking anak, si Princess Emery."
Bigla ay umingay ang paligid dahil sa nagkakasiyahang mga bisita. Na parang kanina ay hindi sila mga seryoso.
Na tila hindi nila ako binaliwala.
Pero kahit ganoon ay napangiti pa rin ako. Dahil sa wakas, nakikita ko na ring masaya ang mga bisita sa kaarawan ko.
Gusto ko lamang na maging masaya ang lahat, bawal ba iyon?
"Ama," nakangiti kong saad nang lumapit siya sa amin. Akmang yayakapin ko siya nang bigla siyang bumaling kay Princess Glamour.
"Kumusta na ang pakiramdam mo, Anak? Hindi ka na ba nahihilo?"
"Ayos na po ako, Kamahalan," nakangiting saad ni Ate. "Sinabi ng doktor na kailangan ko lamang magpahinga dahil ilang linggo na akong pagod."
"Tama ang sinabi ng doktor, Anak. Kahit lubhang mahirap ang inaasikaso natin ngayon, mahalaga pa ring magpahinga ka."
Mahinang natawa si Ate "Ama, alam mo naman na gusto kong gawing emperyo ang ating kaharian. Ang Leior Kingdom ay paniguradong abala rin. Kaya... mas pipiliin kong unahin ang kaharian kaysa sa aking sarili."
Napangiti ang hari at saglit na niyakap si Princess Glamour. "Ikaw talaga ay isang anak ko. Lubha mo akong napahanga."
"Hinahanda ko lamang po ang aking sarili bilang isang susunod na pinuno ng ating kaharian."
"Lubha ka talagang mapagkumbaba..."
Ama... Nandito pa ako.
Siya lang ba ang anak mo?
Hindi ba ay babatiin mo pa ako sa aking kaarawan?
K-Kaya bakit siya ang kausap mo?
Na parang wala ako sa iyong harapan?
Napalunok ako at nag-iwas ng tingin. Malakas akong bumuntong-hininga dahilan para mapansin ako ni Ama.
"Emery, anak---"
"May nakalimutan po ako sa aking kwarto, Ama." Pilit akong ngumiti at hindi na hinintay ang kan'yang tugon. Mabilis akong naglakad palayo habang si Alba ay kinakabahang sumunod agad sa akin. Hindi ko siya pinansin at nagpasyang pumunta sa hardin ng palasyo.
"Nandito ako..." Mabigat ang aking paghinga na tumigil sa paglalakad. Natutulalang pinagmasdan ko ang mga bulaklak na nasisinagan ng maliwanag na buwan. "B-Bakit hindi n’yo ako makita?"
"P-Princess Emery----"
"Alba!" Bigla akong napalingon sa kan'ya. Halos mapatalon siya sa gulat dahil sa ginawa ko. Matagal ko siyang tinitigan at maya-maya ay mahina akong natawa, dahilan upang bumalatay muli ang takot sa kan'yang mukha.
"Sabihin mo sa akin," nakangiti kong utos. "May kulang pa ba sa isang taong tulad ko? M-May dapat pa ba akong gawin para mapansin ng Mahal na Hari?"
"Princess..." Napapalunok na yumuko ang tagapagsilbi. "Ang iyong pagkatao ay sapat na. W-Walang tao ang may kakayahang pumantay sa iyo."
"T-Talaga?" Napapangiti akong lumapit sa kan'ya. Napasinghap siya nang bigla ko siyang hinawakan sa kan'yang magkabilang braso. Napaangat siya ng tingin at doon ko mas nakita ang nasisindak niyang mukha.
"Kung gano'n ay sabihin mo sa'kin, Alba..." Nakangiti pa ako habang mas dumidiin ang pagkakahawak ko sa kan'yang mga braso. Napangiwi siya sa sakit ngunit hindi ko iyon pinansin.
"Sabihin mo sa akin!" Bigla akong napasigaw at galit na galit na niyugyog ang kan'yang mga braso. Nagtangis ang aking mga ngipin. "Bakit lagi akong binabaliwala ng mga tao?! Bakit ako lagi ang may mali?! Kailan pa?! Kailan pa nila ako tatanggapin na tulad ng pagtanggap nila kay Ate?! Kapag namatay na ako?!" Galit na galit kong niyugyog ang katawan ng tagapagsilbi habang siya ay tahimik na umiiyak sa takot. Nanginginig ang aking katawan at hindi ko makontrol ang mabigat kong paghinga. Taas-baba ang aking dibdib dahil sa nag-uumapaw na galit sa akin.
"LUMAYAS KA!" Galit kong itinulak palayo ang tagapagsilbi at kahit nanginginig ay pilit siyang tumayo. Tumakbo siya palayo habang umiiyak. At naiwan akong punong-puno ng galit.
"AGHH!" Nanggigigil kong sinabunutan ang aking sarili. Hindi ko na napansin na namamatay na ang mga halaman at bulaklak sa hardin. Lubha akong nagagalit para mapansin pa iyon.
"B-Bakit?!" Napahagulhol ako at nanghihinang napaluhod sa maduming lupa ng hardin. Sinapo ko ang aking mukha at malakas na umiyak. "G-Gusto ko lang naman na pansinin n’yo ako. G-Gusto ko lang naman na batiin n’yo ako... G-Gusto ko lamang na maging masaya... P-Pero bakit..." Lumakas ang aking pag-iyak. "Bakit parang imposible na mangyari iyon?!"
Pilit kong pinawi ang aking mga luha na walang tigil sa pagtulo. Patuloy pa rin akong umiiyak habang pilit na inaalis ang aking mga luha nang bigla kong napansin ang isang pares ng sapatos.
Mabagal akong nag-angat ng tingin at doon ay sumalubong sa akin ang seryosong titig ng isang lalaki. Nakasuot siya ng isang uniporme na mga kawal lamang ang nagsusuot.
"Sino ka?" Mabagal akong tumayo at madilim ang mukha na hinarap siya. Wala siyang reaksyon kahit nang ipakita ko ang aking pagkadisgusto.
"Umalis ka na." Lumamlam ang aking mga mata at nag-iwas ng tingin. "Bago pa kita mapatay."
"Hindi ka maayos, Mahal na Prinsesa," seryosong wikap niya habang diretsong nakatitig sa akin. Muli ko siyang binalingan at bahagya akong napaatras nang mapansin ang intensidad ng kan'yang titig.
"Kung gayon ay gusto mo ngang mamatay."
"Kung ikaw po ang papatay sa akin ay malugod kong tatanggapin ang aking kamatayan." Yumuko ang lalaki at nanatili na lamang na nakatuon ang kan'yang paningin sa lupa.
"Talaga?" Napangiti ako. "Ikaw lamang ang unang tao na malugod na mamamatay sa mga kamay ko." Napuno ng pagkasabik ang aking mga mata at lumapit sa kan'ya. Marahan kong hinawakan ang kan'yang baba upang magkapantay kami ng tingin.
"Sa paanong paraan mo gustong lumisan?" Diretso kong tinitigan ang kan'yang mga mata habang magkalapit ang aming mukha. "Malugod kong tutuparin ang iyong nais."
"Anumang paraan ay aking tatanggapin, Mahal na Prinsesa. Ang mahalaga ay ikaw ang tatapos sa akin."
Matagal akong napatitig sa lalaki. Tumaas ang sulok ng aking mga labi bago natatawang lumayo.
"Nakakaaliw ka, ginoo." Humalukipkip ako at naaaliw na tiningnan siya. "Dahil diyan ay pagbibigyan kita na makaalis nang buhay."
"Kung iyan po ang nais n'yo." Tinitigan ako ng lalaki dahilan upang matagal kaming magkatitigan.
"Kilala mo ako," usal ko at madilim na ngumiti. "I am Princess Emery of the royal family. Kilala ako ng lahat bilang isang marahas na prinsesa."
"Patawad, ngunit---" Yumuko ang kawal. "Ang pagkakakilala ko lamang sa iyo ay isang prinsesa. At hindi isang..."
"Shut up." Tinalikuran ko siya. "Hindi ako basta-bastang nahuhulog sa mga mabulaklak na sinasabi ng mga tao."
"Patawad muli, Mahal na Prinsesa, ngunit katotohanan lamang ang aking sinasabi."
Pinilig ko ang aking ulo upang lingunin siya. Pinagmasdan ko siya mula ulo hanggang paa. Kung iisipin ay hindi siya basta-bastang kawal.
Masyadong mariin ang kan'yang mga titig sa akin para matawag na isa siyang kawal.
Tipid akong napangiti at akmang magsasalita nang unahan niya ako. Umawang ang aking labi at tuluyang napaharap sa kan'ya.
"Maligayang kaarawan, Mahal na Prinsesa." Yumuko ang lalaki at mabagal na naglakad palayo. Naiwan akong nakatulala sa dati niyang kinatatayuan.
T-Tama ba ang narinig ko?
B-Binati niya ako?
Unti-unti akong napangiti at nagpasyang maglakad pabalik sa loob ng palasyo.
Binati niya ako!
May bumati sa akin!
Sa wakas...

Bình Luận Sách (31)

  • avatar
    RecarroJonna Mae

    super beautiful a fiction story

    15/07

      0
  • avatar
    CelisJuliet

    i really love this book,💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖💖

    08/07

      0
  • avatar
    DhenJoe Nacita

    namangha ako ng sa mga sinasabi nila kasi parang totoo

    10/06

      0
  • Xem tất cả

Các chương liên quan

Chương mới nhất