logo text
Thêm vào thư viện
logo
logo-text

Tải xuống cuốn sách này trong ứng dụng

KABANATA 6

“Draken isang galon nga ng tubig."
"Ay hijo, kailan pala ulit kayo magkakaroon ng paso na may disenyong rosas? Nais ko sana bumili ng sampu para sa aking bagong teresa."
"Ako rin anak, bibili sana ako ng isang galon ng tubig."
Ilang buwan pa lamang nagbebenta ang magkakaibigan na sina Draken, Isabela at Isaac ng galon galon na tubig at mga paso sa barrio ng Asana ay hindi nila inaasahang marami ang bibili. Halos araw-araw ay mayroon silang tanggap na mga order, at wala na rin silang panahon upang maglaro dahil okupado na ang buong atensiyon nila sa trabaho na kanilang sinimulan. Nakakapagod ngunit masaya sila sapagkat kada hapon ay kumikita sila ng pitong daan hanggang tatlong daan na pera, sapat na iyon upang madagdagan ang mga kagamitan nila sa paaralan.
"Sige po!" sambit ni Draken. Pagkatapos niyang isulat sa maliit na notebook ang mga order ng tao ay isiningit na niya sa likod ng tenga niya ang lapis at inipit sa maong na short ang notebook.
Kasalukuyang nagawa ng mga paso ang kambal at siya naman ang nagpasya na kumuha ng mga order sa barrio. Alas otcho pa lamang ng umaga, karaniwang nasa labas na ang mga tao at may kan'ya-kan'yang ginagawa.
"Draken Kai!"
Napahinto sa paglalakad si Draken at tumingin sa kan'yang likuran kung saan nanggagaling ang boses ng tumatawag sa buong pangalan niya.
Natumbok ng paningin niya si Nico, ang basurero ng barrio Asana at kan'yang naging kaibigan sa pagdaan ng mga linggo.
"Nico, ikaw pala!" bati niya rito.
Wala nang isang binti si Nico at tanging saklay lang nito ang naagapay sa kan'ya. Ngunit kahit ganoon ang kapansanan nito ay masigasig pa rin itong binatilyo at mag-isang tinataguyod ang kan'yang pamilya sa abot ng kan'yang makakaya. Walang ina at ama, naiwan lamang sa kanya ang dalawang maliliit na kapatid. Tumigil na rin ito sa pag-aaral dahil sa madalas makutya at dahil na rin sa kawalan ng pera.
"May paso ako rito, alam kong magagamit niyo ito." Hinihingal na naghalungkat sa tinutulak na kariton ang binatilyo.
Madungis ito at amoy goma pa ang singaw. Madalas itong nakasuot ng bonet na kulay itim at halos mabutas na sa nipis.
Lumapit si Draken dito at itinukod ang kamay sa kariton. Nasilayan niya ang nasa itim na garbage bag na mga paso.
"Heto oh, inyo na lang." Iniabot sa kan'ya ni Nico ang supot.
May ngiti sa labi niya iyong tinaggap. Binuksan pa niya iyon at napagtanto niyang marami rin iyon laman at halos maaayos pa.
"Malaking tulong ito sa amin, Nico. Hayaan mong suklian kita."
Mula sa bulsa ng maong na short ay kinuha niya ang isang daan na pera. Pambili niya sana niya iyon ng alambre ngunit mas mabuting ibigay na lamang niya iyon kay Nico na mas higit na nangangailangan.
"Ayos lang, Kai! Sabi ko naman na libre lang. Sige na."
Naiiling na inayos ni Nico ang saklay niya at nagsimulang itulak paikot ang kariton.
Alam ni Draken na hindi iyon tatanggapin ng kaibigan. Imbis na kulitin ito ay pasimple na lamang niyang isiningit sa bulsa ng kaibigan ang pera nang sa ganoon ay hindi na ito makatanggi pagdating sa bahay.
"Salamat, Nico! Mag-iingat ka sa iyong paroroonan kaibigan!" pahabol niyang sigaw sa papalayong kaibigan.

Nagpatuloy na sa paglalakad ang batang si Draken habang bitbit ang supot na itim. Para mapabilis ay mas minabuti niyang dumaan aa short cut upang makarating kaagad sa barrio ng Caballero. Doon siya dumaan sa may bukal kung saan siya naigib ng tubig na inumin.
May kataasan ang mga damo at naglalakihan din ang mga punong kahoy sa paligid. Iyon siguro ang dahilan kung bakit walang napasok sa masukal na parte na iyon.
Bago siya makarating sa bukal ay mayroong dadaanan na kawayang tulay na hindi naman ganoon kalayo. Sa ilalim no'n ay masukal na damuhan na tiyak na lampas tao ang taas.
Mahigpit siyang humawak sa kawayan at nagsimulang lumakad. Sa bawat hakbang niya ay naglilikha ng tunog ang kawayang tulay, inuugoy rin siya nito na tila sanggol.
Nasa kalagitnaan na siya ng tulay nang bigla siyang natigilan. Sumulyap siya sa ibaba ng tulay. Nangunot ang noo niya nang hindi mapagtanto kung tama ba ang kan'yang narinig. Mayroong naawit ngunit hindi niya mapagtanto kung saan galing ang boses na iyon. Muli sana siyang hahakbang ngunit naulilinigan na naman niya ang masuyong pag-awit ng babae.
Tila musika sa umaga ang boses nito. Mahinhin at mayroong tamis.
Dahil sa kan'yang kuryosidad ay pinili niyang ihakbang ang paa pabalik upang hagilapin ang pinagmulan ng boses. Habang tumatagal ay papalapit nang papalapit ang boses sa kanyang kinaroroonan.
Natigilan ang batang si Draken dahil mula sa kinatatayuan niya ay naaninag niya sa pagitan ng mga damo ang isang tila kubo.
Gamas at malinis. Ganoon ang kan'yang nadatnan. Kamangha-mangha sapagkat tila isang paraiso ang kubo sa gitna ng masukal na gubat. Parte pa rin ito ng Asana nakatitiyak siya.
Narating niya ang likod ng kubo kung saan naroroon ang boses ng kumakanta.
Isang babae ang kan'yang nasilayan. Nakaupo ito sa bangkito at kasalukuyang nagtatanim ng binhi sa mga paso. Tila naramdaman nito ang presensya niya dahil kusa itong tumigil sa pag-awit upang harapin siya.
"May panauhin pala ako," ngumiti nang matamis ang babae bago ibinalik ang paningin sa paso.
"Magandang umaga po, patawad po sa aking panghihimasok sa inyong lugar ngunit nadala lamang po ako ng aking mga paa sa maganda niyong awitin."
Hindi kumibo ang babae at matamang diniligan ang binhi na itinanim.
"Bakit niyo po inaawitan ang tinatanim niyo?" hindi maiwasang mapatanong muli si Draken.
Tumayo ang babae at binuhat ang paso na katamtaman lang ang laki patungo sa kanto ng kubo.
"Sapagkat ang mga binhi ay mayroon ding buhay. Ang pag-awit ay nakakatulong upang mabilis itong lumaki, parang sanggol lang din. Kailangan mong awitan at kausapin," mahinahong sambit ng babae.
Sa tingin niya ay nasa trenta na ito mahigit, morena ang kulay at mayroong magandang ngiti sa labi. May kung ano sa mata nito na tila nakakaantok pagmasdan, hindi matangos ang ilong nito ngunit bumagay naman sa hugis ng mukha niya.
"Totoo po ba??" gulat niyang tanong.
Binalingan siya ng babae bago ngumiti.
"Oo naman, nakakapagtaka dahil lahat ng tao sa barrio Asana ay alam ang kasabihan na iyon ngunit ikaw ay hindi. Sino ba ang mga magulang mo?"
Natigilan si Draken sa tanong ng babae.
"A-Ah, ang aking tatay po ay magsasaka." Iyon lamang ang lumabas sa bibig niya. Lubos siyang nabighani sa ngiti ng ginang, tipid ngunit tiyak na tunay ang ngiting iyon.
Napasulyap ang babae sa gawi niya, marahil ay hindi nito inaasahan ang sagot niya.
"At ang iyong ina?"
"Eh, hindi ko na po naabutan ang aking ina." Napakamot sa batok si Draken.
Bahagyang kinakitaan ng awa ang muka ng babae. Hindi niya inaasahan na sa murang edad ng bata ay wala na itong ina na tumataguyod dito.
"Ano ba ang iyong pangalan?" mahinang tanong ng babae bago nagpatuloy sa pag-ayos ng mga paso sa tamang hanay.
"Kai po ang aking pangalan. Kayo po ba?"
"Marina." Ngumiti ito sa kan'ya, pagkuwa'y nagpunas ng pawis sa noo bago dumako ito sa botelya na may lamang tubig at nagsalin sa plastik na baso upang inuman. Tinaggal nito suot na sumbrelo o 'straw hat' na ginagamit kung ikaw ay nabibilad sa araw.
"Ang ganda ng iyong pangalan," sambit ni Marina.
Bahagyang namula ang pisnge ni Draken dahil sa hindi inaasahang papuri.
"Salamat po! Kayo rin po."
Inilapag ng babae ang baso na pinag-inuman bago tumingin sa ulap. Hindi masyadong mainit ang sikat ng araw dahil maaga pa naman, asul na asul din ang kalangitan at malamig ang simoy ng hangin na nagmumula sa mga punong kahoy.
"Alam mo ba na ang ibig sabihin ng iyong pangalan ay karagatan?" Hindi inalis ng babae ang paningin sa mga ulap.
"Karagatan? Ngayon ko lang po iyan narinig. Hindi po sinabi sa akin ng aking ama." Bahagya pang napanguso si Draken.
Mahinang tumawa si Marina bago siya binalingan. "Hindi lahat alam ang ibig sabihin niyon. Dati iyong ipinangalan sa dumaan na bagyo rito sa barrio noong kabataan ko, malakas iyon manalanta at walang iniwang buo at nakakatayong bahay. Katunayan ay hindi naman dapat ganito ang itsura ng barrio Asana dahil minsan na ito naging mayamang parte rito sa Mindoro," pahayag nito.
"Kung gano'n po ay nasalanta lang po kayo ng bagyong Kai kaya naghirap muli ang barrio?" gulat at may panghihinayang na tanong niya.
Tumango naman si Marina bago ay naupo sa hagdan ng kubo. "Ang bagyong iyon ay isa sa mga sinumpa rito, lahat ay mamomroblema at walang taong hindi gumapang sa paghihirap at dalamhati. May namatayan at may naguhuan ng lupa. Isa iyong sumpa no'n na pinaniwalaan ng mga matatanda." Umiling nitong sambit.
Napaisip tuloy ang batang si Draken.
"Hindi naman po ako masama ngunit bakit kaya Kai ang ikalawang pangalan na ibinigay sa akin ni ama?" Napanguso siya at tumingala sa kalangitan.
Humalakhak ang kausap niya."Marahil ay hindi dahil sa kasamaan kaya ka ipinangalan ng iyong magulang sa bagyong iyon. Hindi mo ba napapansin, malakas at mayroong hagupit ang bagyong iyon. Maaaring gusto ka niyang ipangalan sa bagyo dahil may angkin kang lakas at kakaibang hagupit ng kaalaman."
Napangiti si Draken sa sinabi nito. Ibinaba niya ang bitbit na itim na supot at naupo na rin sa lupa.
"Baka nga po. Hindi ko po nais biguin ang aking ama, gusto ko pong paglaki ko ay paunlarin ko muli ang aming barrio. Gusto ko na pong tuldukan ang paghihirap namin, sana ay magawa ko po iyon balang araw."
Nagulat pa si Marina sa sinambit niya ngunit saglit lamang iyon, nahalinhan iyon ng kakaibang paghanga.
"Ano ba ang iyong nais na maging trabaho paglaki mo?" tanong nito.
Saglit na umahon ang kaba sa sistema ni Draken. Hindi pa siya sigurado sa kukunin niyang kurso pagdating ng panahon dahil alam niyang malapit iyon sa imposibleng mangyari.
"Katunayan ay gusto ko pong kuhanin ang kursong law." Isang buntong hininga ang pinakawalan niya.
"Law ba kamo?" napangiti ang babae.
"Opo, alam ko pong mahihirapan akong makatapos sa kursong iyon pero hindi po ako mawawalan ng pag-asa. Nais ko pong aralin ang lahat ng batas, nang sa ganoon ay wala na pong lamangan na maganap sa barrio at magkaroon ng hustisya ang bawat tao."
Napatango-tango ang babae.
"Alam mo, hinahangaan kitang lubos hijo. Ang kursong iyan ay mahirap kuhanin dahil kailangan mo talaga ng mahabang tiyaga at pagpapasensiya. Marami na rin ang gustong kumuha niyan dito sa barrio Asana natin.
Sa dami nila ay wala akong natatandaan na nakatapos ng kursong law. Bukod sa kapos sa pera ay matindihang oras ang kailangan mong ilaan, idagdag pa ang mga taon na kailangan mong hintayin para matapos iyan. Marami ang gustong umalwan ang pamumuhay sa panahon ngayon, ang iba ay hindi na kayang maghintay pa ng maraming taon.
Sinasabi ko ito sayo hindi upang baguhin ang pananaw mo sa buhay, ngunit para malaman mo ang mga taong sumubok ngunit hindi nagtagumpay. Gusto kong isa sa mga araw na ito ay mababalitaan ko na lamang na mayroong isang tao sa barrio Asana ay nakatapos ng kursong law at natupad na ang pangarap. At gusto kong ikaw iyon, hijo. "
Dumaan ang kakaibang saya sa sistema ni Draken. Hindi pa niya nasasabi kay David ang kanyang gustong kuhanin na kurso dahil tiyak na uubanin ito kaagad sa gastusin, ngunit ang mailabas nito ang saloobin ay nakakagaan sa loob niya. Kahit pa hindi niya kilala ang babae.
"Maraming salamat po sa pagtitiwala ninyo. Wala pa man po ako sa puntong iyon ay ramdam ko na agad ang aking tagumpay."
Isang tipid na ngiti ang isinukli ni Marina. "Kung mabubuhay ang iyong ina ay tiyak na ipagmamalaki ka niya."
Nang tanghali na iyon ay masayang naglakbay si Draken pauwi sa barrio ng Caballero dala-dala ang supot ng paso at mayroong malawak na ngiti sa labi, mas lalo niyang ginusto na magtapos ng kursong law. At wala siyang pangako na ipapako dahil titiyakin niyang lahat ng sinambit niya ay matutupad. Magpupursige siya at mag-aaral ng mabuti, iyon ang pangunahin niyang kailangan gawin.
Nasa bungad pa lamang siya ay naaninag na niya sina Isabela at Isaac na naghihintay sa kanya. Parehong naka-upo sa may kalakihang bato at mistulang kanina pa naroroon at nangingimi na ang pwet sa tagal nang pagkaka-upo.
"Kuya Draken!" salubong ni Isabela. Si Isaac ay tumayo rin at diretsong kinuha ang bitbit niya upang busisiin iyon.
"Natagalan ka ata kuya Draken?" tanong ni Isaac habang inaalis ang buhol ng supot na itim.
Napakamot sa batok si Draken. "Ah, oo nga e. Hindi ko agad namalayan ang oras."
Kumapit sa braso niya si Isabela bago ay tumingala sa kan'ya. "Marami ka bang napa-order kuya Draken?" nagagalak nitong tanong.
"Teka, saan galing ang mga paso na ito?" malakas ang boses na tanong ni Isaac, dahilan upang mapabaling sila pareho ni Isabela rito.
"Ah, kay Nico ang mga iyan. Ibinigay sa atin."
"Tunay na mabuti talaga si kuya Nico," sambit ni Isabella. Napangiti si Draken doon at tumango bilang pagsang-ayon.
"Eh, kung ganoon nasaan na ang mga alambre?" Hinalungkat ni Isaac ang supot na itim na tila ba mayroon pang hinahanap.
Sinulyapan din ng batang si Isabela ang supot at tahimik na binilang iyon.
"Hindi ako nakabili e, pasensya na. Hayaan niyo lilibutin ko ang barrio natin mamaya para makahanap ng alambre."
Humagikhik si Isabela. "Huwag na kuya Draken, may natira pa naman sa bahay kaya sa susunod na lang tayo bumili. Teka, nasaan pala ang lista ng mga napa-order mo kuya Draken?" Inosenteng tanong ni Isabella.
"Ah, saglit." Kinapa niya ang maong na short upang kuhanin ang maliit na notebook niya na pinagsulatan ng mga lista.
"Anong problema kuya Draken?" tanong nito habang nakamasid sa kanya.
Nangunot ang noo ni Draken at wala sa oras na inangat ang damit upang hanapin sa garter ng short ang lista. Ngunit ganoon na lamang ang pagbuntong hininga niya nang walang makapa.
Napapikit siya at marahang natapik ang noo.
"Palagay ko ay naiwala ko ang listahan."
"Ha? E, paano na 'yan?" namomroblemang tanong ni Isaac.
"Saan mo naman naiwan kuya Draken? Mahalaga iyon at hindi mo dapat nilalapag kung saan-saan," ani Isabela.
Napailing si Draken. "Hindi ko alam, kung saan-saan na ako nagpunta. Baka nahulog iyon sa kawayang tulay kanina."
Napasinghap ang kambal na sina Isabela at Isaac. Binalingan sila ni Draken bago ngumiti.
"Pero huwag kayong mag-alala. Tanda ko naman ang mga sinulat ko. Ano tara na?" yakag niya bago kinuha ang bitbit ni Isaac.

Bình Luận Sách (47)

  • avatar
    Geraldine Asonalleba

    nice and so fun ..

    11h

      0
  • avatar
    Hussien Mangondaya

    wonder full story and best story ever I read

    13d

      0
  • avatar
    John Y. Tinggal

    Wow

    23d

      0
  • Xem tất cả

Các chương liên quan

Chương mới nhất