logo text
Thêm vào thư viện
logo
logo-text

Tải xuống cuốn sách này trong ứng dụng

KABANATA 4

Monday 7: 42 am
Umaga na nang muling magising si Draken sa pagkakatulog. Marahan siyang umupo sa higaan na papag at kinusot ang pares ng mata.
Ang sinag ng pang umagang sikat ng araw ay tumatagos sa dingding na sawali patungo sa higaan niya, ang preskong hangin na pumapasok mula sa bintana niya ay malamig at mayroong kakaibang tunog.
Muli ay naalala niya ang kagabi.
Hindi niya alam na nakatulog pala siya sa paghihintay sa kan'yang ama kagabi. Bakit hindi siya nito ginising? At bakit hindi siya nagising sa pagdating nito?
Napatayo siya sa pagkakahiga at matamang niligpit ang hinigaan. Hindi niya gustong mangamba ngunit natatakot siya para kay David. Hindi niya alam kung para saan ang kabang iyon na kan'yang nararamdaman ngunit kusa na lamang iyon sumibol sa kalooban niya.
Nang matapos siya sa ligpitin ay sinuot na niya ang sapin sa paa at diretsong lumabas sa kwarto. Ang kan'yang mata ay mabilis na umusisa at nakiramdam. Hinanap niya ang kan'yang ama. Dumako siya sa sala, ngunit bakante ang mga upuan at malinis ang sahig. Binuksan niya ang pinto patungo sa kusina, ngunit gaya sa sala ay wala ring tao sa kusina.
Mataman siyang pumunta sa lababo at doon naghilamos ng muka. Bumaling ang paningin niya sa lamesa nila na mayroon nang lutong adobong palaka at sinangag, sa gilid no'n ay mayroong isang pack ng milo at nakataob na baso sa tabi ng thermos.
Naupo siya sa lamesa at tahimik na nag-almusal. Nang matapos ay lumabas siya sa pinto sa likod ng kusina. Diretso siyang lumakad papunta sa damuhan paliko sa malaking puno ng santol. Hindi siya nakapagpalit ng damit, nakapantalon siyang natulog at polo shirt. Ang pares niyang itim na mata ay hinagilap ang kan'yang ama sa malawak at ekta-ektaryang pananiman. Napangiti siya ng masilayan niya si David na nagdidilig ng binhi sa may bandang gitna. Nakapatong ang kawayan na mayroong tag-isang galon sa magkabilang dulo sa kan'yang balikat.
Nakasuot ng abo na may mahabang manggas si David at maong na pang-ibaba. Ang paa niya ay nakasuot ng itim na bota. Samantalang ang iba roon ay mga nakayuko at nagtatanim sa lupa. Halos lahat sila ay halata ang pagod sa muka at pawis.
"Ama!" pagtawag ni Draken. Tumakbo siya sa direksyon ni David upang lapitan ito.
Marahang nagpunas ng pawis si David bago ibinaba ang pandilig, binalingan niya ang anak na ngayon ay nasa harapan na niya. Nakangiti ito ng malawak, iyung tipong kitang-kita ang dalawa nitong malaki at maputing ngipin sa unahan.
"Draken, ano't naparito ka?" tanong niya sa anak mataman niya itong tiningnan bago lumakad patungo sa maliit at kawayang kubo.
Sumunod sa kan'ya si Draken.
"Nais ko po kayong makita, ama," mabilis na sambit ni Draken bago sumunod at naupo sa kawayan sa loob ng kubo.
Inabot ni David ang pitchel at disposable na baso at doon nagsalin ng tubig.
"Kumain kana ba?" tanong nitong muli pagkatapos uminom ng tubig.
Tumango si Draken. "Opo," pagkuwa'y binalingan niya ng tingin ang kan'yang ama.
"Ama, tungkol po kagabi sino po iyung nakausap ninyo?" tanong niya, ang muka ay kakikitaan ng pananabik.
Binalingan lamang siya ni David at mabilis ding nag-iwas ng paningin.
"Isang kustomer mula sa bayan ng jolo," sagot nito, ang mata ay tumalim.
Napatango naman si Draken, ang kuryoso niya ay lalong umusbong.
"Ngunit ama, bakit po sila mayroong baril? Lahat po ba ng mangangalakal na pumupunta sa atin ay mayroong baril?" Inosente niyang tanong.
"Hindi," iling ni David.
"Hindi po ba karahasan ang isinisimbulo ng baril?" tanong pang muli ni Draken.
Hinarap siya ni David at matiyaga siyang pinagmasdan. Ang dalawang kamay ay kumapit sa magkabilang kanto ng lamesa. "Tama ka, sumisimbulo ang baril sa karuwagan at karahasan. Ngunit mas delikado ang tama ng baril kaysa sa mga mababangis na hayop dito sa ating barrio," pahayag ni David, hindi inaalis ang paningin sa anak.
"Ganoon po ba? Nakakatakot po pala ang baril, ama," nakangusong sambit ni Draken.
Napatango si David. "Kaya gusto kong umiwas ka sa sino mang tao na mayroong baril, nakukuha mo ba?"
"Gaya po nung kalbong lalaki kagabi?"
Naging isang linya ang labi ni David, muli ay naalala niya ang lalaking iyon. Sinipat niya si Draken.
"Ganoon na nga, at gusto ko ring sabihin sa iyo na isipin mo munang mabuti ang mga sasabihin mo bago mo ipahayag. Mas masakit ang salita kaysa sa bala ng baril. At hindi ko gustong hindi mo sineseryoso ang mga pagkakataon kagaya ng kagabi."
Napayuko ng ulo si Draken. "Hindi po ako nagbibiro kagabi ama, pasensya na po talaga hindi ako nag-iingat," paghingi niya ng tawad. Ngunit bigla rin siyang nag-angat ng tingin. "Pero ama, sinabihan po niya tayo ng masasakit na salita. Na tayo raw ay hampaslupang magsasaka." Bumalatay ang kirot at kainosentehan sa muka ng batang si Draken.
"Patawad ama, ngunit sasusunod ay hindi lamang bato ang ibabato ko sa mga katulad niyang minamaliit lang ang ating trabaho," naniniguro niyang sambit.
Nangunot ang noo ni David dahil sa sinabi ng kan'yang anak. "Naiintindihan kita, ngunit nais kong kalimutan mo ang sinabi niya dahil wala iyong katotohanan," mahinahong sambit ni David.
Naipit sa isang linya ang labi ni Draken, at kahit dinadamdam pa rin niya ang sinabi ng kalbong lalaki ay wala siyang nagawa kung hindi ang tumango at sundin ang sinabi ng kan'yang ama.
Isang buntong hininga ang pinakawalan ni David bago ginulo ang buhok ng kan'yang anak.
"Mabuti."
"Kapitan!" Mula sa hindi kalayuan ay nanakbong lumapit si Marcus patungo sa kubo.
Sabay na bumaling ang mag-ama sa tauhan na nakasumbrelo. Iyung sumbrelo na madalas na sinusuot ng magsasaka upang huwag masyadong mainitan ang muka.
"Bakit, Marcus?" kunot ang noo na tanong ni David.
"Kapitan, ubos na po ang mga binhi sa sisidlan."
"Lahat?"
"Opo, kapitan."
Mataman lang na nakikinig si Draken sa usapan ng dalawa.
"Kung gano'n, mamimili na tayo," mabilis na sambit ni David.
Napukaw no'n ang atensyon ni Draken. "Ama, sa barrio po ba kayo ng Asana magtutungo?" nananabik na tanong ni Draken.
“Oo, anak.”
"Nais ko pong sumama, ama! Nais ko pong sumama mamili ng mga binhi!" Magiliw na sambit ni Draken.
Nawala saglit ang ngiti sa labi ni David at napalitan ng lungkot. Ilang beses itong lumunok bago napailing.
"Hindi anak, dumito kana muna. Hindi ganoon kadami ang bibilihin namin."
"Ngunit, ama!" Pagmamaktol niya.
"Dito ka lang, huwag nang makulit," marahang pinisil ni David ang pisnge niya bago lumakad papalabas ng kubo kasama ang tauhan nitong si Marcus.
Naiwan siya ro'ng nakasimangot at nagtatampo.
Walang nagawa ang batang si Draken kung 'di ang bagtasin ang daan patungo sa kanilang bahay. Dumaan siya sa tamang daan at hindi sa talahiban. Ang kan'yang mata ay inobserbahan ang mga tao at mga munting bahay sa paligid na kan'yang nakikita. Kakaunti lamang ang bata roon at halos lahat ay mapapayat at lumang-luma na ang mga damit. Pawang naglalaro ng bahay-bahayan ang mga ito.
Kung tutuusin ay tila sobrang sasaya ng mga bata, ngunit alam niya sa loob-loob ng mga ito ay ang iniindang pagkalam ng nagugutom na sikmura. Masaya ang barrio nila iyon ang katunayan, ngunit ang panlabas nitong anyo ay hindi maikakaila ang paghihirap nila.
Isang mahabang buntong hininga ang pinakawalan niya bago lumiko sa makipot na daan. Ang yabag ng kan'yang paa ay kusang bumagal ng mula sa 'di kalayuan ay natanaw niya ang isang batang babae. Nakaupo ito sa kahoy na bangko sa labas ng kanilang munting tahanan at nagtatanim ng binhi sa paso.
Hindi na sana niya iyon pagtutuunan ng pansin, ngunit ang paso nito ang nakaagaw ng pansin niya.
"Isabela?" mahina niyang bulong sa hangin. Ang paa niya ay humakbang at mabilis na narating ang kinauupuan ni Isabela.
Hindi siguro siya namalayan ni Isabela na lumapit, okupado pa rin ang isipan nito sa pagtatanim sa paso habang mahinang umaawit ng kantang leron leron sinta. Ang kulay tsokolate nitong balat ay lalong nagpatingkad ng kan'yang ganda. Ang buhok nito at nakatirintas ng pagapang, sa noo nito ay kapansin pansin ang mga kulot na baby hair.
"Pagdating sa dulo nabali ang sanga kapus kapalaran humana—kuya Draken?" Natigilan ang batang si Isabela sa pagtatanim ng mapansin niya ang pares ng mata ni Draken na nakatingin sa kan'ya.
Lumapit si Draken sa kan'ya, iyung hindi inaalis ang tingin sa paso. Napasinghap siya. "Marunong kang magdisenyo?" Bulalas nito.
Napatango si Isabela na tila ba sobrang bilis lamang gawin iyon.
"Opo, kuya Draken."
Lumuhod si Draken sa harapan niya at hinawakan ang may disenyo nitong paso. Kulay asul ang itaas niyon na pawang kulay ng dagat mayroon itong disenyo na bula na kung paano nagawa ni Isabela ay hindi niya alam.
"Mahusay ka, Isabela."
Napangiti ng malawak ang batang si Isabela. "Maraming salamat, kuya Draken." Ang paningin ni Draken ay hindi hinihiwalay sa paso.
Natatawang naupo sa tabi niya si Isabela. "Hayun, marami pa akong ginawa, tingnan mo kuya Draken." Itinuro niya ang mga basa pang paso sa gilid ng bahay nila.
Manghang mangha si Draken sa husay nito sa pagdidisenyo. Iba-iba ang mga nandoon, mayroong disenyo na bulaklak, mayroong disenyo ng ulap, paglubog ng araw, pagsibol ng araw at mga binhi.
"Saan mo nakuha ang mga paso na iyan?" tanong ni Draken, ang paningin ay lumipat sa kaharap.
Napayuko si Isabela. "Mga sirang paso po iyan, Kuya Draken. Inayos ko lang po at dinisenyohan hindi ko rin po alam kung sino ang may-ari dahil nakita ko lang po 'yang nakakalat sa daan," sambit nito.
Nakangiti siyang tinapik ni Draken sa balikat. Isang magandang ideya ang pumasok sa isipan niya.
"Isabela," pagtawag niya rito.
Napatingala sa kan'ya ang batang babae, "Kuya Draken?"
"Nais mong mag-aral hindi ba?"
Napakurap ng sunod-sunod si Isabela bago mabilis na tumango. "Opo, bakit po? Tutulungan po ba kami ni Kapitan?" Nananabik na tanong nito, ang kamay ay magkasiklop at nakangiti ng malawak. 
Dahil doon ay napawi ang ngiti sa labi ni Draken. Napakamot siya sa ulo bago nag-iwas ng tingin.
"Kuya Draken?" Hinuli ng bata ang paningin niya.
Napilitang ngumiti si Draken. "A-Ano kasi, hindi...pumayag si ama," marahan at kabado niyang sambit.
Ang magkasiklop na kamay ni Isabela ay nahulog sa magkabilang gilid nito. Ang pag-asa na kanina lamang na nakaimprenta sa mata nito ay tuluyang nawala at napalitan ng pagkabigo. Umawang ang labi nito at napabuntong hininga.
"A-Ano, hindi sa ayaw ni ama, n-ngunit—" sinubukan pa niyang magpaliwanag ngunit tumalikod na si Isabela at muli'y naupo sa pwesto at dinampot nang muli ang paso at itinuloy ang ginagawa. Tila ganito rin ang scenario ng madatnan niya ito, ang pinagkaiba lang ay nakangiti ito kanina at umaawit samantalang ngayon ay tikom na ang labi nito at malamlam ang mata.
Napayuko si Draken at muli'y kumamot sa sintido. "Isabela, hindi sa ayaw ni ama. Wala lang talaga siyang pera at nahihirapan siya, ngunit kung kaya naman niya ay tutulungan niya kayo," mahina at nag-aalalang sambit ni Draken. Ngunit hindi sumagot si Isabela at patuloy lang sa ginagawa.
Lumapit siya dito at naupo sa harapan ni Isabela. Napanguso ng mahaba si Draken, hindi man lang siya pinansin ni Isabela na tila siya ay hangin lamang.
"Isabela? Nagtatampo ka ba? Pasensya kana, ginawa ko naman ang makakaya ko upang kumbinsihin siya, sinubukan ko, Isabela," malungkot at tila kinakabahan sambit ni Draken.
Isang singhot mula kay Isabela ang nakapagpabaling sa kan'ya rito ng husto. Nanginginig ang kamay nito at pulang-pula na ang mata.
Lalong nakonsesiya si Draken. "Nako, huwag kang umiyak!" bulalas ni Draken.
Tila lalong nanlumo si Isabela. Ibinaba nito ang ginagawa at nagpunas ng luha, bago ay muling tumingin sa ibaba. "P-Pasensya kana, kuya Draken."
Napatingin lamang sa kan'ya si Draken at matamang naghintay ng mga sasabihin pa nito.
"Ako ang umasa, pasensya na. Alam kong nahihirapan ang kapitan. Naiintindihan ko 'yon, pasensya na," malungkot na sambit ni Isabela.
"Isabela, sabi ko naman sa'yo may naisip akong paraan." Ngunit hindi iyon narinig ni Isabela dahil malakas na itong umiiyak na parang sanggol.
"Nako, Isabela, huwag kang umiyak," kinakabahan siya dahil baka lumabas pa si Aling Julia at isipin pa nito na pinaiiyak niya ang anak nitong babae.
"K-Kasi naman gusto kong mag-aral, e." Lalong nakonsesiya si Draken.
Kasalanan ata niya kung bakit umasa si Isabela. "Halika—" lalapitan sana niya si Isabela ng isang galit na sigaw ang narinig niya sa kan'yang tagiliran.
"Huwag mong lapitan ang kapatid ko!" sigaw ng maliit na batang si Isaac, ang mata nito at matalim na nakatingin sa kan'ya pagkatapos ay lumipat sa kapatid niya.
Napatayo si Draken ng wala sa oras bago ay napakamot sa kilay.
"Isabel, inaway ka ba ng anak ni Kapitan?" mahinang tanong ni Isaac sa kapatid. Pinanood ni Draken na yakapin ni Isaac ang kambal.
At sa unang pagkakataon sa buhay niya... Ngayon lamang siya nakaramdam ng kakaibang inggit sa sistema. Bakit kaya wala siyang kapatid?
"H-Hindi kuya, kinagat lang ako ng langgam—”
Marahas na bumaling si Draken sa magkapatid na nakaupo.
"Ako ang may kasalanan. Pinaniwala ko siyang mapag-aaral siya ni ama, ngunit nabigo ako."
Galit siyang binalingan ni Isaac. Kahit maliit ay tila handang-handa itong manakit. "Eh bakit mo pa siya kinakausap? Umalis kana!" Sigaw nito.
Natigilan siya saglit, ganoon din si Isabela. Parehong nagkatinginan ang dalawa.
"Kuya, hindi naman—”
“Isabel, huwag kang pasaway. Hindi na tayo mag-aaral!”
“Saglit, pakinggan niyo muna ako!” pigil ni Draken sa magkapatid. Lumapit siya sa mga ito at nag-alis ng bara sa lalamunan.
"Hindi kayo matutulungan ni ama, totoo iyon," panimula niya. "Ngunit kaya ko, kung magtutulungan tayong tatlo." Ang paningin niya ay naglipat-lipat sa dalawang bata.
"Anong ibig mong sabihin?" Naguguluhang tanong ni Isaac.
"Sa paanong paraan, kuya Draken?" mahinang tanong naman ni Isabela, ang kakarampot na pag-asa ay muling sumibol sa bilugan nitong mata.
"Heto," itinuro niya ang mga paso sa kanilang harapan.
"Huh?" Sabay na baling sa kan'ya ng dalawang bata.
Napakamot siya saglit sa balikat bago inabot ang paso.
"Ang ibig kong sabihin ay magtatrabaho tayo," aniya.
Parehong nagkatinginan ang dalawang bata. Si Isaac ang unang bumaling sa kan'ya.
"Wala ka na ba sa tamang pag-iisip? Bata pa tayo at hindi papayagan ni kapitan," masungit na sambit ni Isaac.
Napatango si Isabela bilang sang-ayon.
"Hindi tayo magtatanim, kung 'di magbebenta ng paso." Inabot niya ang paso at muling pinagmamasdan.
"Kilala niyo si Kapitan Olivo?" Baling niya sa dalawa. Sabay muli itong tumango.
"Siguro ay alam ni’yo rin na naghihirap ang barrio nila dahil sa kawalan ng supply ng tubig?"
"Gano'n na nga."
Napatango siya. Kinuha niya ang stick na nasa lupa at itinuro sa paso.
"Mahilig din siyang mangolekta at bumili ng paso," sambit niya.
Natigilan do'n si Isabela. "T-Talaga?"
Tumango siya at itinuro si Isabela. "Ikaw Isabela ang magdidisenyo ng mga paso, kami ni Isaac ang hahanap ng sirang paso at magbubuo."
Mabilis na tumutol ang batang si Isaac. "Hindi kami papayag, dahil mapapagalitan kami ni Inay!" Reklamo nito.
Napasapo si Draken sa noo bago muling tumango.
"Ngunit pag-aaral ninyo ang nakalaan dito, hindi ba kayo tutulong upang makagawa ng paraan?" Marahan niyang tanong.
Kumawala sa yakap si Isabela at muli'y sinapo ang paso niyang ginawa. "P-Pero, magkano naman natin ito maipagbibili?" mahina nitong tanong.
"Hindi sapat ang pagbebenta ng paso, malapit na ang pasukan at bago pa tayo makabenta ng sampu niyan ay tapos na ang enrollan," masungit na sambit ni Isaac.
Napatango naman si Draken dahil may punto ang bata.
"Mayroon akong alam na lagusan patungo sa barrio ng Asana, at ang naghihiwalay lamang sa ating barrio ay ang maliit na bukal." Ibinaling niya ang paningin sa nagtataasang talahiban.
"Hindi iyon alam ng mga tao sa barrio ng Asana, kaya naman doon ako kikita, magseserbisyo ako ng tubig sa kanila at ibebenta sa tamang presyo, hindi na tayo lugi roon at nakatitiyak ako na bago magpasukan ay mayroon na kayong kagamitan sa eskwela." Ngumiti siya nang malawak.
Nabuhayan ng lubos si Isabela.
"Kung ganon, handa akong tumulong!" Masigla nitong sagot.
"Ikaw, Isaac?" Baling niya sa batang lalaki. Nakamasid ito sa kan'ya.
"Huwag kang mag-alala, hindi niyo kailangan umalis sa barrio natin. Ako lang ang aalis tuwing iigib at magseserbisyo sa barrio ng Asana. Si Isabela ay maaaring magpinta saang pwesto man niya naisin, ikaw at ako ay dito lamang hahanap ng sirang paso sa barrio natin."
"Paano kung wala tayong mahanap na pasong sira?" tanong ni Isaac.
Napangiti nang malawak si Draken bago muling itinuon sa dalawa ang paningin. "Kung ganon, gagawa ako. Marunong ako gumawa ng paso gamit ang mga plastic bottle. Hindi iyon problema, Isaac."
"Pero, pinayagan ka ba ni Kapitan kuya Draken?"
"Oo naman, hindi tutol si ama. Handa akong tumulong sa inyo at sa aking sarili. Para sa ating tatlo ito, para sa ating pag-aaral. Ngayon, nais niyo ba ang aking plano?" Nakangiti niyang tanong.
"Paano kung hindi bumili si Kapitan Olivo ng paso? O 'di kaya'y tubig?"
Napabaling si Draken kay Isaac.
"Bukod sa hindi ko iyan nakikita bilang posibleng mangyari ay hindi lang naman siya ang nag-iisang tao sa barrio ng Asana."
Binalingan ni Isabella ang kapatid na lalaki . "Kuya, pumayag kana! Para makapag-aral tayo, sige na naman, oh," pagsusumamo nito.
Napangiti roon si Draken. "Oo nga, pumayag kana Isaac," pangungumbinsi rin niya.
Napilitang ngumiti ang batang si Isaac bago pinagmasdan ang dalawang kaharap.
"Ano pa nga ba? Nais ni Isabela na gawin ito, at hindi ko siya hahayaang sumama sayo kung wala ako, kaya naman sasama ako."
Dahil doon ay napatayo si Draken ng tuwid. "Kung gano'n, mabuti! Sisimulan natin bukas ang pagtatrabaho!"
Ang dalawang bata ay parehong napatayo, ang isa ay sabik na sa maaaring kahantungan ng bukas at ang isa naman ay mayroong pangamba sa gagawin nila bukas. Ngunit para kay Draken, ang bukas ay ang bagong pahina ng kanilang buhay.

Bình Luận Sách (47)

  • avatar
    Geraldine Asonalleba

    nice and so fun ..

    11h

      0
  • avatar
    Hussien Mangondaya

    wonder full story and best story ever I read

    13d

      0
  • avatar
    John Y. Tinggal

    Wow

    23d

      0
  • Xem tất cả

Các chương liên quan

Chương mới nhất