logo text
Thêm vào thư viện
logo
logo-text

Tải xuống cuốn sách này trong ứng dụng

⸙⸙⸙ PABALIK I: Panimula sa Galimgim ng Kahapon ⸙⸙⸙

LUMISAN na siya... marahang lumiwanag ang kapaligiran ng ang malapad na ulap sa kulay ng abo ay tinangay ng ‘di ko alam kung saang galing na hangin. Noon, sa tulong ng alas singkong araw ay may aliwalas—ang tubig sa mga puno’t dahon ay nagsikinang na sa paningin ko'y isang hiwaga. Pumikit muna ako saglit at dinama ang isang sandali. Sa pagpapatuloy ko sa paglalakad, ‘di naiwasang malubog sa mabasang lupa ang sapatos kong gawa sa katad. Napahinto ako no’n... tahimik at hinahon ang iniwan ng ulan. May ibong kumanta na talaga namang nakaka-antok, umawit na rin ang mga kuliglig na nag-iwan ng ngiti sa ‘king labi. Malayo na nga ako sa Maynila.
Sa pagitan ng proseso ng pagpasok ng dilim, ang baryo na aking kinalakihan ay aking narating; nakumpirmang nasa probinsiya na nga ako ng ang bagong putol na puno ng santol ay nagpahalimuyak ng galimgim—nakakapangulila. Siguro’y patuloy pa rin sa pagto-troso si mang Bebot. Naalala ko ang unica hija niyang si Trisha, kababata at kalaro ko sa tumbang-preso, tagu-taguan, at patintero. Iilan lamang sa mga larong bumuo't nagpatibay ng aming pagkakaibigan. Natupad kaya ang pangrap niyang maging isang magaling na guro? Trese anyos ako noong lumuwas kami ni nanay tungong Maynila at siyang pagkawala ng aking komunikas’yon sa kaniya, sa kanila. Iniwan namin ang lahat-lahat sa Iloilo upang magpahilom mula sa pagpanaw ng kuya at sa kasalanan ng tatay na kailanma’y ‘di na mapapatawad—lalong-lalo na sa akin. Naging masaya ang buhay ko (hindi namin) sa progresibong Maynila na magsisimula sa umaga hanggang sa pagsapit ng gabi. Kaya naman sa muling pagtapak sa bayan ay inasahan ko nang maninibago ang aking sistema. Kung tutuusin, wala na akong babalikan, pumanaw na si tatay, nabalitaan ko apat na araw ang makalipas magmula noong makalabas ako sa presinto. Wala na rin akong kamag-anak ngunit kung hindi pa umalis ang pinalit ni tatay kay nanay, at kung may anak man silang dalawa, ‘yon lamang. Napahinto ako sa paglalakad nang hindi ko na makabisa ang daan patungong bahay; marami na rin kasing lumitaw na mga tahanan. Kay tulin ng takbo ng oras; walang tao sa malubak na daan. Naghahanda malamang sa hapunan at ang mga anak na okupado sa hawak nilang mga gadyets. Dati, noong mga araw, ang kalsada'y puno ng mga kabataang masayang naglalaro na kung hindi pa susunduin ng sari-saring pamalo ay ‘di talaga uuwi. Naalala ko ang isang kababata, kay taas niyang tumalon habang hinahabol ng sinturon. Naging atleta kaya siya? Sa ‘king pagbabalik, ang kalsada’y kalsada na lang, wala nang tumatambay hanggang gabi. Nag-iba na nga ang mundo, binago ng panahon kasama ng teknolohiya.
Ang pagbabalik-tanaw ko’y naantala ng isang pagpitik sa hangin, isang pitik rin sa aking puso; isang pamilyar na ngiti. “Trisha.” Para siyang namangha ng ang tono ko'y hindi mababakasan ng pag-aalinlangan. Ako nga rin mismo’y naguluhan subalit nabigkas ko na lamang ang kaniyang pangalan.
“Ikaw na ba ‘yan, Granger? Hala ka, kilala mo pa rin ako? Ikaw ha, hanggang ngayon ba e crush mo pa rin ako? Ano ba? Alam mo namang kuya mo talaga ang crush—ay sorry...” Ang paraan ng kaniyang pananalita'y gano’n pa rin. Ang masigla niyang mukha, hindi nagbago, at ang presensya niya—binabalik ako sa kinse anyos na Granger.
“Ayos lang sa ‘kin, matagal na ‘yon. I have moved on... Ganda ng bungad mo, kumusta?” Nawala ang pekeng ngiti sa kaniyang mukha at madaliang napalitan ng isang tunay hanggang sa humalakhak na siya. ”Ikaw nga ‘yan, Trish, walang duda.”
“Ako nga talaga ‘to, pak!” gumawa siya ng isang pose, isang Sailor Moon pose.
“Naalala ko tuloy ‘yong ginawa mo noon sa prom natin”—pinag-ekis niya ang kaniyang mga kamay habang tumatawa nang bahagya—“Sailor Moon cosplay 'yong attire mo.”
“Hoy! Past is past! Hindi pa nga ako no’n papapasukin ni manong guard at naalala ko rin na sinayaw mo pa rin ako kahit na out of place ako that night. Ayiee, gentleman talaga ewan kung gentleman ka pa rin hanggang ngayon?” Natagpuan ko na lang ang sarili ko na ngumingiti sa mga alikik niya—nakakahawa. Sa aking pagbibinata sa Maynila, marami akong nakilalang babae; magaganda, iba-iba, ngunit iba pa rin ang alindog niya. “Uy saan ka matutulog mamaya?”
“Balak ko sana sa dati naming bahay... ‘di ko na nga lang matandaan ang daan.”
“Aysus, ‘yon lang pala. Sa bahay ng nanay mo o sa bahay ng ano ng tatay mo?” Hinintay niya ang pagsagot ko pero 'di ako kaagad nakakibo. “Sorry ulit. Daldal ko talaga. Samahan kita mamaya, uwi muna ako sa bahay, si papa kasi, aasikasuhin ko pa si papa.” Napakunot noo ako, masigla pa naman si mang Bebot at parang wala naman itong karamdaman noong huli naming pagkikita. “A, ito kasi ‘yon. Si papa kasi nasagasaan last month at nagpapagaling pa.” Marahil halata ang tanong sa aking mukha anupa’t napatango na lang ako. “Sumama ka na lang kaya muna sa ‘kin? Para naman makita ka rin nina mama’t papa at pati na ‘yong kapit-bahay kong si Manilyn, iyong may crush sa ‘yo dati? Pero no’ng umalis ka, nakahanap din naman kaagad ng bago at boom! They now have four children, ang sipag nila, ano? Pero oki oks lang, seaman naman si Boyet—asawa niya.”
Bahagya akong natawa. “Wala pa ring kupas ‘yang bibig mo, Trish.”
“Let's go muna sa bahay namin?”
Sa sobrang aliw ko sa mga k’wento ni Trisha, k’wentong may halong aks’yon, sumobra ako sa paglalakad namin. Akala ko lang na aayusin niya ang lumubog na takong sanhi ng paglagpas ko sa kanilang kalawanging tarangkahan. Katulad pa rin ang kulay at kalumaan ng kanilang bahay. “What a nostalgia, right?” Tumango ako sa komento niya. nakakapangulila sa akin ang senaryo na dinagdagan pa ng pampatulog na huni ng mga kuliglig at malamlam na sinag ng palubog na araw. Dahil umulan no’ng alas tres hanggang alas k’watro, bahagyang mahamog at napakaganda nitong pagmasdan sa malambot na kulay kahel na lumulusot sa mga sanga at dahon ng madabong na kakahuyan. Masaya na malungkot sa dibdib ang aking naramdaman gayong ginunita yaong mga ala-ala sampung taon pabalik—2007... Sa bungalow, naroon si mang Bebot naka-upo sa paborito niyang tumba-upuan nakikinig sa de-bateryang radyo. Alam na alam ko ang radyo dramang pinapakinggan niya, ‘Toyang Irmitanya’ at papalitan niya ang istasyon para naman mapakinggan ang ‘Orasyon’ at kasunod nito’y ‘Mundo Mystico’. Sino ba naman sa aming henerasyon ang makakalimut sa mga nakakatakot na kuwento ng mga radyo drama noong mga araw? Bawat bahay ay may radyo o kaset sa kadahilanang mahina ang sagap ng telebisyon sa aming baranggay. May isa o dalawang pamilya ang mayroong malalaking telebisyon maliban sa amin, at ang mga kaibigan ko'y kailangan pang maki-usap para payagang makapasok sa kanilang bahay para lang mapanood ang paboritong anime. Minsan, sa labas pa nanonood dahil masungit ang may-ari. Sa nakabukas nilang durungawan, si tita Jasmin doo’y malinaw at abala sa pagluluto ng adobo. Nalaman kong adobo sapagka’t tumatak na talaga sa ‘king memorya ang aroma ng nag-aagawang toyo at suka sa karne. Gusto ko tuloy balikan ang mga panahong nakikikain ako sa kanilang hapag-kainan. Napapadalas pa nga no’n dahil hindi marunong si nanay magluto, nagpresinta si tita Jasmin na turuan siya para sa akin. “Pasok ka sir sa mansion namin,” pabirong wika ni Trisha.
“Ngayon ko lang naaninag uniporme mo. You became a teacher?”
“Oo, MAPEH teacher ako sa high school natin, may bagong curriculum tawag ay Special Program in the Arts. Doon, guro ako do’n sa isa nilang major which is the dance. You know, magaling tayo sa kembot-kembot, sayawan kita mamaya?”
Natawa ako. “Sige lang.” Nang makapasok na kami, si mang Bebot, parang may kung anong milagro sa kaniyang ekspresyon.
“Himala! Abi nakon manug madre na ang bata ko! Jasmin! Guwa da bala anay! Dasiga bala!”
“Pa! Tagalog ‘ni, indi ni ka intsindi Hiligaynon a,” paliwanag ni Trisha sa ama na sa akin nama’y nang-uusig.
“Tagalog ka pala? Siya sige, translate natin... Himala! Akala ko e magma-madre na ang anak ko! Jasmin! Lumabas ka muna d'yan! Bilis!” Nang makalabas ang kan'yang asawa pinaalahanan niya ito tungkol sa ‘kin. “Nobyo ni Trisha, Min. Tagalog ‘yan ha.”
“Tagalog? Ahem-ahem! Aba’y kay gandang binata naman nito, anak!” Parang nasamid si Trisha sa lakas ng paghampas ni tita.
“Ang likod ko, ma! Aragay man ah, susakit layshi. Kalma tayo guys! Hindi ko siya nobyo!” Naging malungkot ang mukha ng dalawa sa mga huling sinabi ng anak. “Hindi ko siya nobyo kasi... hays ano ba ‘yan naluluha na ako like hu-hu this is supposed to be a secret muna e! Ma, pa... asawa ko po siya.”
Nagkatinginan ang mag-asawa. “ANO?!”
“Charot lang po! ‘Di nga kinasal e. Si Granger ‘to! Hindi niyo na ba maalala si Granger? Ang batang palaging English spokening dollar na palaging umiiyak at sumusumbong kay tita Mercedez dahil palaging talo sa teks at pogs?” Parang marathon ang pagkasabi ni Trisha. Napangiti na lang ako sa dalawang matatanda at nagmano.
“Magandang gabi po mang Bebot, tita Jasmin. Ako nga po ito, si Granger, kakarating ko lang po galing Maynila... at marunong na po akong magsalita ng Tagalog.”
“E, Hiligaynon?” singit ni Trisha.
“Ay hala ka! Ang gwapo mo ng bata ka! Ke tangkad at ke ganda pa ng tikas! Pasok sa bahay! Na-miss ko ang kakulitan mo! Tamang-tama e matatapos ko na ang niluluto kong adobo. Akala ko e nobyo ka na ni Trisha. Jusmiyo!”
Para akong harina na minamasa-masa ni tita. “Na-miss ko rin po kayo ni mang Bebot, tita Min.”
Tatawa-tawa si Trisha habang nilalandas ang daan patungo sa kaniyang silid. Maagap namang binuhay ng kaniyang ina ang bombilyang florescent at pina-upo ako sa tila antigong stipa bago niya binalikan ang asawa sa labas.
“Sandali lang, hijo.” May sinasabi si mang Bebot pero hindi ko marinig nang maayos.
“O, nagagandahan ka naman diyan sa ‘kin?”
“Ambilis mong magbihis a?” Lumapit sa ‘kin si Trisha habang tinatali ang maalong buhok. Napansin kong sobrang ikli ng short niyang puti at niyayakap na ng kamisong manipis ang balingkinitang katawan. Nakakahalina’t nakakalibog. Pa'no kaya siya umiyak sa kama?—tangina! Bigla akong tinigasan sa ideyang pumasok sa ‘king utak.
“Easy to undress kasi uniform namin. Wait, uy, naiinitan ka ba? Pasensya ka naman wala kaming aircon pero grabe ka naman! Naiinitan ka pa rin sa ganitong oras?” Nilapit niya pa ang kaniyang mukha at traidor ang mga mata ko nang siya’y yumuko. Masisiglang biyas. “Hala ka Granger, may allergy ka ba? Grabe ang pula mo! Parang kagaya ng dati, remember sa uma?”
“Wala akong allergy.” Ang bango niya. Napatayo na ako dahil ‘di ko na kaya ang sensayong namumuo sa aking sistema. “May CR kayo?”
“Oo naman siyempre! Sa Maynila lang meron ganern? ‘Lika”
“Ako na!” Nagulat siya sa pagtaas ng boses ko. “I mean, ako na lang. Saan?”
“Dito... dito sa puso ko,” tumawa siya, “char-char! Punta ka sa kusina then obvious naman ang pintuan ng CR namin.”
“Salamat.” Naglakad akong ‘di tuwid nang sa gano’y ‘di niya mapansin ang nabubuhay kong pagkalalaki. Pagkapasok ko’y hinanap kaagad ang lababo saka naghilamos. Dama kong mainit pa rin ang aking katawan; kinapa ko ang bulsa ng aking maong at natagpuang may pakete pa ng sigarilyo at lighter. Medyo nalukot pero ayos na rin, pampakalma lamang. Natulala ako sa bote ng shampoo at body wash, sing bango ni Trisha, parang bulaklak. Nang maubos ang tabako, naghilamos ulit bago lumabas at nadatnan silang pamilya na naka-upo na sa hapag-kainan. Masaya sila, noon pa naman sila masaya na sobrang salungat sa ‘king pamilya. Kung hindi pa ako pumeke ng ubo, hindi nila mapapansin ang presensya ko. Nakakailang.
“Samahan mo na kami, Granger, hijo. Dito ka sa tabi ni Trisha,” ani mang Bebot sa makahulugang ngiti.
“Pa, kahit masagasaan ka pa ulit ng kotse, sinasabi ko sa inyo ni mama na hindi ko nobyo si Granger.”
“Ay ‘wag ka naman ganyan sa papa mo anak!" Pagalit na nilapag ni tita Jasmin ang mga plato na gumawa ng nakakadistorbong ingay. “P’wedeng truck na lang ang bubundol sa papa mo?” Napuno muli ng tawanan ang kusina. Nakaligtaan kong si tita ang pinagmanahan ni Trisha. “Siya sige, magdasal na tayo para matikman mo na ulit 'tong special adobo ng aming angkan.”
Naging masaya ang daloy ng oras kasama sila; hapunang masigla sa ilalim ng dilaw na ilaw. At doon ko muli nalasahan ang timpla ng kanin at ulam, nag-iiba kapag may kasalo, muntik ko nang makalimutan.
“Salamat po.”

Bình Luận Sách (47)

  • avatar
    SapalNhora

    ❤️❤️❤️❤️❤️

    25d

      0
  • avatar
    Jemel Ariola

    maganda ang story

    18/07

      0
  • avatar
    BuendiaJolly

    rival in love

    17/07

      0
  • Xem tất cả

Các chương liên quan

Chương mới nhất