logo text
Idagdag sa Library
logo
logo-text

I-download ang aklat na ito sa loob ng app

3 : Ligaw Tingin

Title : Ligaw Tingin
Author : Miss Chen
 “What’s your plan?” tanong ko kay Banjo na hindi ko na inaasahan pang bibigyan niya ng magandang kasagutan. Mataas ang kanyang pangarap. Gusto niyang makilala at marinig na tinatawag siyang Sir Banjo Dominguez.
Mula nang maging boyfriend ko siya, wala na siyang bukambibig kung hindi ang makipagsapalaran sa siyudad.
“Katulad ng unang plano.” Ginagap niya ang aking mga kamay saka marahang pinisil-pisil bilang assurance na huwag akong mag-alala.
“Trust me. Para sa future natin ito.”
Binawi ko ang aking mga kamay. Hindi ko mapigilang magtampo sa sinabi niya dahil alam kong ang unang mawawala sa amin ay tiwala. Puno ng tukso ang siyudad at kung dumating ang araw na makahanap siya ng iba, hindi ko na iyon ipagtataka.
“Maaga pa para masabi mo iyan. Maraming puwedeng mangyari at ano man iyon ay nakahanda ako. Wala kang maririnig mula sa akin.”
Dumistansiya ako sa kanya, tumalikod at malalim na buntonghininga ang aking pinakawalan.
“Jasmine . . .”
Naramdaman ko ang kanyang paglapit. Niyakap niya ako mula sa aking likuran.
“Araw-araw kitang tatawagan para hindi natin ma-miss ang isa’t isa.”
Tumango-tango na lamang ako. Sa paraan ng kanyang pagsagot, hindi na niya kailangan ang saloobin ko. Buo na ang kanyang desisyon. Ayaw ko man, pero selfish naman ako kung pipigilan ko siya.
Mahigpit na yakap ang tanging pabaon ko sa kanya.
“I’ll keep in touch. Araw-araw, walang patid kitang tatawagan,” pangako niya sa akin.
Hindi ko napigilang lumuha habang inihahatid ng tanaw si Banjo. Malungkot akong umuwi ng bahay. Maghapong tumambay sa aking silid at binalikan ang mga larawan naming dalawa.
HINDI rin nagtagal ay umalis din ako sa aming lugar. Gaya ni Banjo, sa ibang siyudad naman ako napadpad. Tutol man ang binata sa aking pasya, wala na siyang nagawa. Nakahanap din ako ng trabaho pero malayo sa kursong natapos ko.
“Sigurado ka bang okay lang sa iyo ang bakante naming posisyon?” paniniyak ng aking kaharap.
Sunod-sunod na tango ang aking sinagot. Puwede na rin ito kahit papaano. Libre naman ang tirahan at pagkain. Maiipon ko pa nang buo ang aking sahod na maari kong gamitin kung sa malaking kompanya ako maghanap ng trabaho. Marami raw oportunidad sa Maynila pero magastos daw roon kaya kinakailangang sapat ang hawak nap era.
Ayaw kong maniwala noon na ang LDR ay isa sa pinakamahirap kalaban. Itinatak ko sa aking isip na hindi ako dapat magpatukso. Gaya ng pangako ni Banjo sa akin.
Pangakong napako dahil ilang linggo pa lamang kaming nagkakalayo ay hiningi na ni Banjo ang kanyang kalayaan.
“Patawarin mo ako, Jasmine. Puno ng pag-aalala ang isipan ko. Hindi ako makapag-concentrate sa trabaho kakaisip sa iyo. Paano ako makakasigurong walang umaaligid sa iyo riyan? Hindi ako mapakali, baka mawalan ako ng trabaho sa ikinikilos ko ngayon.”
“Huh?” Napasinghap ako sa aking narinig. Sa halip na ikatuwa ko ang aking nalaman na laman ako ng kanyang isip ay lalo akong nakaramdam ng pagdududa sa kanyang pag-ibig.
“Diretsahin mo ako, Banjo.” Masakit man ay pinilit kong kumalma. Hindi pa man niya ako sinasagot, batid ko na ang gusto niyang iparating.
“Le-Let’s cool off,” utal niyang sabi.
Nanginginig ang aking mga kamay. Napahigpit ang hawak ko sa telepono at pigil na pigil na huwag pumiyok dahil konti na lamang ay aalpas na ang luha sa aking mga mata.
“Ba-Bakit cool off pa? Ku-kung puwede mo namang hingin ang kalayaan mo para wala ka ng iniisip pang koneksyon sa akin,” matatag kong pahayag.
Rinig ko ang pagbuga ni Banjo ng hangin sa kabilang linya. Tila nabunutan siya ng tinik sa narinig. Habang ako’y nasasaktan na tila hinihiwa ang aking puso.
“Talaga?” Napalitan ng excitement ang boses niya.
Wala na. Wala na talaga akong aasahan pa sa kanya. Ganoon lang pala kadali ang lahat. Taon ang ginugol niya sa panliligaw sa akin. Taon din ang itinakbo ng aming relasyon. Pero linggo lang nawala ang tiwala.
Malalim na buntonghininga ang aking pinakawalan. Mariin akong napapapikit saka muling sumagot, “Tama ang narinig mo, Banjo. Pinapalaya na kita. Hiling ko na sana’y mahanap mo ang katahimikang sinasabi mo. Salamat sa lahat ng panahong pinagsamahan natin. Paalam.”
“Jasmine Rubio?” tawag sa aking pangalan na nagpabalik ng aking diwa.
Napalunok muna akong ng ilang beses bago hinarap ang tumawag.
“Daydreaming?” Nakakalokong ngiti ang isinalubong sa akin ng pinanggalingan ng tinig.
Sa counter ako nakapuwesto kaya malamang na naagaw ko ang atensyon ng mga nandoon.
Taas kilay kong sinipat ang papalapit na lalaki. Saang lupalop kaya ito nanggaling? Tila ermitanyo sa suot, at ang buhok . . . Oh my goodness! Pulido sa pagka Jose Rizal. Animo’y dinaanan ng plantsa na hindi man lang mapagalaw ng hangin sa tigas ng mga hibla. Pero infairness, maputi ang mga ngipin niya kaya carry ko pa rin siyang kausap.
“Nice name. I’m Kevin. Pansamantalang technician pero puwedeng ding forever. Sabihin mo lang.” Kinilabutan ako sa sinabi niya. Feeling niya, isa siyang bayani na hahangaan ko.
Tinalikuran ko siya at hinayaang maghintay sa aking sagot. Wala akong pakialam kahit marami siyang dala. May isip naman siya kung uupo o mananatiling nakatayo.
Wala rin naman akong ideya na may darating na technician kaya hindi ko siya inasikaso. Inabala ko na lamang ang aking sarili sa ibang bagay.
Pasimple ko siyang nilingon. Gayon na lamang ang aking gulat nang makita siyang pawisan habang nananatiling nakatayo sa harap ng counter.
“Ba-Bakit nakatayo ka pa rin diyan?” Nakaramdam ako ng guilt sa paraan ng pagtitig niya sa akin. Tila kinokonsensya niya ako na hindi ko maintindihan.
“Hinihintay ko pa ang sagot mo kung puwedeng makiupo. Mukhang hindi mo ako narinig.” Ngumiti pa ito nang nakaloloko bago tumalikod papunta sa upuan.
“Hawak ko ba ang upuan para hintayin mo akong sumagot? Bwiset!” Nakasimangot kong tugon.
Bahagya kong nahilot ang aking sentido habang pinagmamasdan ang lalaki sa harapan. Unti-unti niyang hinubad ang mala-ermitanyong kasuotan.
“Akala ko ermitanyo, pa suspense pa ang sir**lo,” bulong ko sa aking sarili.
Matuwa na sana ako at malinis na siyang tingnan ngunit, Oh, my gulay! Kanina lang akala mo’y galing disyerto, ngayon naman tila nasa panahon ako ng Kastila. Maging ang suot niya’y tugma sa kanyang buhok.
Saan bang lupalop ito nanggagaling at hindi uso ang style ng modernong buhok at pananamit?
Napaawang ang aking labi sa nasasaksihan. Tila nanadya naman ang lalaking kinagat pa ang ibabang labi. Daig pa niyang psycho nerd na may split personality.
Ayaw ko na sa Earth kung siya na lang ang natitirang nilalang.
Padabog akong umalis sa aking puwesto papuntang bathroom. Kita ko ang pagsunod niya ng tingin sa akin na ipinagkibit-balikat ko na lamang.
Napabuga ako ng hangin nang makapasok sa banyo. Bahagya pa akong napangiti habang papalapit sa salamin. Kahit paano’y nagawa ng Kevin na iyon na baguhin ang laman ng isip ko.
Hindi pa rin ako maka-move on kay Banjo. Lagi pa ring pumapasok sa isipan ko ang katotohanan. Nakabuntis si Banjo at ako pa ang ginawa niyang dahilan. Gusto ko siyang puntahan at ipamukha sa kanya ang kanyang kasinungalingan. Pero, para saan pa? Mapapagod lamang ako. Hindi ko na rin naman siya babawiin pa.
Nakakawalang tiwalang umibig muli.
Nakakatakot pala masaktan. Tingin ko tuloy, lahat ng lalaki’y pare-pareho. Mapanakit, mapaasa at hindi marunong sumalo.
At kanina lang, nagawa ni Kevin alisin ang ilang parte ng hinanakit ko kay Banjo. May parte ng utak ko na nagsasabing, “Give your smile to everyone but give your heart to only one.”
So I smiled. And I smiled again in front of the mirror. Nakahinga akong muli nang maluwag.
“Isa ka na lamang alaala, Banjo. Alaalang lilingunin ko pero hindi na babalikan pa. Alaalang magiging guide ko upang mahanap ang totoong magmamahal sa akin nang buong-buo. May tiwala at walang pag-aalinlangan.”
Pagbalik ko sa aking puwesto, wala na roon ang lalaki. Ayaw ko man aminin pero nadismaya ako sa halip na matuwa.
"Haiisst! Bakit ko ba pinag-aaksayan ng oras ang jologs na iyon?" singhal ko sa aking sarili. Hindi ko rin ba talaga mahal si Banjo dahil nagawa ng isang Kevin na maagaw ang atensiyon ko? Parang inamin ko na rin na hindi nalalayo ang hinala ni Banjo sa akin, na ako’y marupok din.
MAAGA na akong pumapasok sa shop. Mas excited kumpara sa nagdaang araw. Magaan ang pakiramdam kong magtrabaho matapos kong palayain ang sarili sa alaala ni Banjo.
Wala na ring Kevin na nagpupunta sa shop kaya mas tahimik ang mundo ko. Akala ko lang pala pero hindi. Para siyang kabute na bigla na lamang sumisilip sa loob ng shop. Dumaraan pero hindi naman pumapasok. Pasulyap-sulyap, patingin-tingin.
Guwapo siya. May dating pero hindi ko talaga type ang pagka-jologs niya. Imagine his hair with outfit na pang 80’s, tapos nakaw-tingin. Daig ko pa ang cake na naka-display na binabalik-balikan. Wala ako sa posisyon para manita dahil technician siya ng kapatid ng boss ko. Temporary namin kinukuha ang service niya minsan.
AFTER six months nag-leave ako, indefinite. Hindi na rin kami nagkita ni Mr. Jologs. Bumalik ako after one year pero sa ibang branch ako na-assign.
Sa ikalawang pagkakataon, nagkita kaming muli. I was stunned and speechless. He’s extremely different. Not Mr. Jologs that I used to know. Masasabi kong napalaglag niya ang aking panga. With a top knot hair style, pak na pak na abs and his masculine scents na nakakaadik sa ilong.
Napangiti ako nang magtama ang aming mga mata. I was about to approach him but in dismay, niyakap siya ng babae at hinalikan sa pisngi.
“Ouch! It hurts!” daing ng malandi kong puso. Inaamin kong he got me now. Nagka-crush ako sa kanya but it’s too late.
Upang hindi mapahiya, nilampasan ko siya na tila hindi ko nakita.
Bago sa akin ang pakiramdam na ito. Marahil natagpuan muli ng puso ko ang taong nais nitong makapasok. Gustuhin ko mang subukan ay hindi na maaari dahil hindi na siya malaya.
Buong maghapon na tila lutang ako. Wala sa sarili at malalim ang aking iniisip. Sa tuwing nagtatagpo ang aming mga mata, bumabalik ang tingin niya gaya ng dati. Tila may ipinapahiwatig na hindi ko maintindihan.
Pinili kong umiwas at hindi pansinin ang presensiya niya. Hanggang may lumapit sa akin at manligaw, si Peter. Hindi ko maintindihan kung bakit ko nagawang sagutin agad si Peter gayong ilang linggo pa lamang siyang nanunuyo.
Sa tuwing magkasama kami ni Peter, si Kevin ang laman ng isip ko. Alam kong unfair ito sa part ni Peter, pero hindi ko kayang dayain ang sarili kong damdamin.
Hindi ko na rin nakikitang magkasama si Kevin at ang girlfriend niyang si Rica.
“Nag-break na sila ni Rica.”
“Ha? Ang bilis naman. Kahapon lang parang mga tukong hindi magpaghiwalay.”
Mga usapang hindi nakalampas sa aking pandinig. Lalo akong nainis sa aking sarili at napabulong, “Kung kailan malaya ka na, ako naman ang hindi.”
MAKALIPAS ang ilang linggo, nalaman kong may ibang babae si Peter. Kung gaano ko siya kabilis sinagot, ganoon din kabilis akong nakipaghiwalay sa kanya. Hindi ko iyon pinagsisihan marahil dahil wala talaga akong nararamdaman para sa kanya.
Nagpatuloy ako at pasimpleng nagtanong-tanong tungkol sa pagtatrabaho sa ibang bansa. Hindi ko na rin napapansin ang presensya ni Kevin sa paligid. Pero after three days, nakatanggap ako ng mensahe.
“Bakit ngayon ka lang?” tampo ng aking isip nang mabasa kong galing kay Kevin ang mensahe. Inaamin kong umasa ako noon na may patutunguhan ang ligaw tingin niya sa akin.
“Puwede ba akong manligaw?” tanong niya. Nangingiti ako habang nag-iisip ng isasagot.
Finally sinabi na rin niya ang magic word. Hindi ko na inalam pa kung paano niya nalaman ang number ko. Ang mahalaga’y binuhay niyang muli ang mga paru-paro sa aking katawan.
Umabot ng tatlong buwan bago ko siya sinagot. Tinapos ko na rin ang nakaw-tinging ligaw niya sa akin. Ang sarap sa pakiramdam na kapuwa namin gusto ang isa’t isa. Hinog ang mga damdamin. Hindi mapait dahil hindi pilit.
“Kailangan mo pa bang umalis?” Ramdam ko ang pagtutol niya sa aking desisyong magtungo sa Dubai.
Hinaplos ko ang pisngi niyang magaan na nakapatong sa aking balikat. At tinapik-tapik ang braso niyang nakayakap sa aking baywang buhat sa likuran.
“Alam kong malawak ang iyong pang-unawa. Lumalaki ang gastusin namin sa bahay at hindi sapat ang sinusweldo ko rito.”
“Nandito naman ako. Handa kitang tulungan,” pagsusumamo niya. Bakas ang lungkot sa kanyang boses. Napapahigpit ang yakap niya sa akin na tila ayaw niya akong malayo sa kanya kahit saglit.
Lalo akong nahulog sa kanya. Hindi niya alam kung gaano ko kagusto na niyayakap ako nang mahigpit. I feel security na ako lang at wala ng iba pa.
“Alam ko, pero iba pa rin na ako mismo ang sumusuporta sa aking pamilya. Kailangan ka rin ng family mo. Kapwa may personal pa tayong obligasyon sa kanila. Hindi ako selfish na kunin ka ng ganoon lang.”
Inikot niya ako paharap at sinapo ang magkabila kong pisngi. Kumikinang ang mga mata nito habang nakangiti.
“Nakahanda na akong magpakuha sa iyo." Natawa akong bigla sa sinabi niya.
“Ano ka? Kendi lang na anytime puwedeng kunin.”
Ginawaran niya akong ng halik sa aking labi na ikinaalis ng aking kaluluwa.
“Ako ang kendi na magbibigay lagi ng tamis sa buhay mo.” May pagkamata niyang sambit.
Napakagat ako sa aking labi. Hindi ko maitago ang kilig. Hindi lang pala ang buhok ni Rizal ang na adapt niya, maging ang pagkamata nito.
“Sa aking pagbabalik,” putol ko sa hinaing niya.
Tumango-tango lamang siya kahit hindi siya pabor sa desisyon ko.
Pero tila ipinagdasal niyang hindi ako matuloy. Tourist visa ang gamit ko papuntang Dubai. Hindi ako nakalusot sa immigration dahil sa kakulangan ng supporting documents.
Sinalubong niya ako ng yakap at ngiting tagumpay.
“Daig mo pang tumama sa lotto kung makangiti ka, mister.”
“Mas higit pa sa lotto ang iuuwi ko ngayon, misis,” diretso niyang sabi habang pinapaulanan niya ako ng halik sa aking mukha.
Hindi ko na rin naintindihan ang kanyang sinasabi. Naging sunod-sunuran ako sa mga pinuntahan namin. Ilang sandali pa’y nasa harapan na kami ng aking mga magulang.
“Iingatan mo ang aking anak. Huwag mo siyang sasaktan. Magkaganoon man, ibalik mo na lang siya sa amin.” Nanlalaki ang aking mga mata. Tinapik-tapik ko ang aking pisngi.
“Am I dreaming?” tanong ko.
Umiling si Kevin at itinaas niya ang aking kamay sabay suot ng singsing. Lutang na lutang ako. Hiningi na pala niya ang aking kamay sa aking mga magulang bago pa niya ako inalok ng kasal. Akala ko wala sa kanyang isip ang pagiging agresibo. Nagkamali ako at mas malala pa pala. Bagay na hindi ko rin naman kinontra dahil gusto ko ang nangyayari. Gustong-gusto ko.
KINABUKASAN, pumunta agad kami sa huwes upang magpakasal. Tila nakahanda na ang lahat bago pa siya nagparamdam sa akin.
“Shotgun wedding ba ito, mister?”
“Oo! Hindi ko na mahintay pa na pikutin mo ako. Kaya ako na mismo ang pipikot sa iyo. Mahal na mahal kasi kita. Sobra na ang pagsisisi ko na hindi ako agad nagtapat sa iyo. Halos mabaliw ako kahahanap kung saan ka nagpunta. Nanatili ako sa shop, nagbabakasakaling bumalik ka. Humingi rin ako ng sign sa Kanya, na sa oras na ngitian mo ako, pakakasalan na kita. Kaya wala akong inaksayang oras at kinuha ko ang number mo sa iyong boss,” maluha-luha niyang pag-amin.
Pinutol ko ng halik ang rebelasyon niya.
“Salamat sa paghihintay. I’m all yours now. Mahal na mahal din kita,” saad ko na ikinaluha niyang lalo.
Mahigpit niyang hinawakan ang aking kamay at iniangat iyon patungo sa kanyang dibdib.
“Yes! You’re my property now. Mine.”
And the rest was history. Isa siya sa magandang nangyari sa buhay ko. Ang taong hanggang ngayon na nagpapabuhay ng paru-paro sa aking dibdib, ang aking si Kevin.

Komento sa Aklat (11)

  • avatar
    Talisic Janlee

    200

    14d

      0
  • avatar
    Min Sugar

    cool nice good beautiful wow cute

    12/05

      0
  • avatar
    Charles Batakmagml

    ...............………............

    05/04

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata