logo text
Idagdag sa Library
logo
logo-text

I-download ang aklat na ito sa loob ng app

CHAPTER 6

Nag-init ang pisngi ko at halos kumulo ang dugo ko dahil sa narinig ko mula sa bibig ng babaeng puro itim ang suot. Sana naman hindi nagkulay sili ang mukha ko.
Ang tindi pala ng dila ni ate!
Pinili ko nalang bilisan ang paghiwa sa kalabasa at agad ko itong tinimbang.
"Ito na kalabasa mo, singkuwenta lang. Barya lang. Wala kasing barya."
"Paano 'to wala akong barya?" may pagkairitang tanong niya sa akin at tinaasan pa ako ng kilay.
Maghanap ka ng barya mo.
"Pabarya ka muna. Nabiyak ko na pa naman 'tong kalabasa. May malapit na tindahan diyan sa unahan."
Bakit ko pa ba sinabi na may malapit na tindahan sa unahan samantalang alam niya naman iyon dahil dito siya nakatira? Ang engot ko sa part na iyon ah.
Naasar talaga ako sa kaniya.
"Ano ba 'yan walang barya! Babalikan ko 'tong kalabasa ah. Saglit lang. Babalik ako."
Nakabusangot siya bago niya ako tinalikuran. Halos padabog pa siya kung lumakad. May barya naman talaga ako pero dahil nainis ako sa sinabi niya, magpabarya siya ngayon. Sensitive talaga ako kapag anak ko na ang pinag-u-usapan.
"Tsk. Kung hindi lang utos ni nanay, hindi talaga ako magpapabarya!" rinig kong sabi niya nang medyo makalayo na siya sa tindahan. Inakala ko ngang ipagpipilitan niyang ako ang magpabarya. Siguro naisip niya rin na hindi ako puwedeng umalis sa tindahan basta-basta.
"Mama, magkamukha naman tayo. Don't mind her po. Play nalang po tayo."
Agad kong nilingon ang anak ko matapos niyang magsalita. Hawak niya pa rin ang mga laruan niya pero seryoso siyang nakatitig sa mga mata ko. Pinagpapawisan na siya dahil nakabuhaghag ang buhok niya. Nakalimutan kong talian dahil nag-ayos pa ako ng mga gulay.
"Siyempre naman magkamukha tayo, darling. We will play," nakangiti kong tugon sa kaniya bago ko siya nilapitan at tinalian muna ng buhok.
Saglit ko lang sinamahan maglaro si Magdalen dahil nakabalik din kaagad si ate na nagpabarya. Pagkatapos niyang magbayad at umalis ay nagsunod-sunod na rin ang mga bumili ng gulay. Napawi na rin naman ang inis ko pagbalik niya kaya nagawa ko na rin siyang ngitian.
Payapa na sana ang lahat nang biglang may isang matanda na nagtitinda ng bukayo ang napadaan sa tindahan namin...
"Ineng, bili ka na ng bukayo para sa anak mo."
Baluktot na ang likod ng ale dala na rin siguro ng sobrang katandaan. Hindi pa masiyadong kulubot ang balat niya sa katawan pero kapansin-pansin na may kaitiman ang mukha niya na maraming maliliit na nunal na buhay. Halos nakapikit na rin ang kaliwa niyang mata. Mayroon siyang kulot na mahabang buhok na abot hanggang balakang niya at nakalugay lang ito. Parang ako ang nahihirapan para sa kaniya kapag tinitignan ko ang buhok niyang makintab-kintab na parang pinahiran ng langis. Parang ang bigat ng buhok niya. Ang haba-haba.
Hindi kaya halos makuba na siya dahil pasan-pasan niya ang buhok niya?
"Magkano po ba?" agad kong tanong matapos ko siyang pagmasdan saglit. Nilingon ko rin ang anak ko para tignan kung ano ang kasalukuyan niyang ginagawa.
Mukhang abala ang anak ko sa paglalaro. Mukhang hindi niya napansin ang ale.
"Limang piso lang kada isa, ineng."
"Sige po, is---" Natigilan ako bigla dahil pagbalik ko ng tingin sa ale ang nahuli ko siyang nakangiti habang nakatitig sa anak kong tahimik na naglalaro sa bandang likuran ko. Bigla nalang akong nakaramdam ng kaba nang makita ko siyang nakangiti. Hindi naman ganun ngumiti si Aling Speranza kay Magdalen.
Baka napa-praning lang ako.
"Ale, ba't po kayo nakangiti?" hindi ko napigilang itanong sa kaniya. Mabuti nalang inilipat niya na rin sa akin ang atensiyon niya.
"Natutuwa lang ako sa anak mo. Mukhang anghel. Parang ang sarap iuwi at kai---"
"Pabili po ng sampung pisong sibuyas, ate. Nagmamadali po ako," saad ng isang batang lalaki na wala pang suot na tsinelas. Malamang kagagaling lang sa paglalaro at bigla lang inutusan ng nanay niya na bumili. Lagi naman siyang naka-tsinelas kapag bumibili siya sa tindahan namin.
"Oh, ito." Mabilis niyang kinuha ang sibuyas na hawak ko at agad niyang binigay ang hawak niyang sampung piso. Mabilis pa sa alas-kuwatro nang tumakbo siya papalayo sa amin.
"Saan na nga po ba tayo? Ano po ba ang sinasabi niyo kanina?" agad na tanong ko sa ale matapos kong pabilihin ang batang lalaki.
"Ang sabi ko ang sarap iuwi ng anak mo, ineng."
Sa pagkakataong iyon ay mas napansin ko na ang mga ngipin niya. Nangingitim na ang mga ito at may mga sira na rin. Nang unang beses kasi na ngumiti siya ay parang tinatago niya pa ang mga ngipin niya. Tipid din siya sa pagbuka ng bibig niya kapag nagsasalita kaya hindi ko talaga napansin kaagad na kulay uling na ang mga ngipin niya.
Ngayon ko lang talaga siya nakita sa baryong ito.
"Parang may sinabi pa po kayo," sambit ko bago ko siya nginitian. "Sabi niyo po parang ang sarap iuwi. May karugtong pa po talaga 'yon. May gusto pa po kayong sabihin kanina."
"Wala-wala. Wala 'yon," todo tangging sabi niya at umiling-iling pa. "Bibili ka ba, ineng? Masarap 'to gawa ng asawa ko."
Kumuha siya ng isang bukayo at inilapit sa mukha ko para ipaamoy ito sa akin. "Masarap talaga 'to, ineng. Magugustuhan ng anak mo panigurado."
Ibinalik niya rin kaagad sa dala niyang maliit na basket ang bukayo matapos niyang itong maipakita at maipaamoy sa akin. Mukhang masarap kumain ng bukayo pero nag-a-alangan akong bumili.
"May tanong lang ako, ale. Ba't po nangitim na ang mga ngipin ninyo?" Hindi ko maiwasang hindi magtanong dahil naku-curious talaga ako.
"Nasobrahan siguro sa bukayo, ineng."
"Ay opo, baka nga po." Bahagya kunwari akong napahagikgik matapos kong marinig ang sagot niya.
Parang imposible naman yata iyon. Nangitim dahil nasobrahan sa bukayo?
"Mama, gusto ko ng bukay!" sambit ni Magdalen habang marahan niyang niyuyugyog ang kanang kamay ko. Naglalambing ang anak ko.
Huwag naman ngayon, darling.
"Bukayo, anak. Hindi bukay," pagtatama ko sa maling pagbanggit niya sa bukayo.
Dahil sa ginawa ng anak ko ay nabaling ulit sa kaniya ang atensiyon ng ale. Muli niyang tinitigan ang anak ko. Ibang klase ang titig niyang iyon. Parang gusto niyang hawakan si Magdalen. Parang may gusto siyang gawin na masama sa anak ko.
"Darling, bawal sa'yo ang matamis, remember?" Pasimple kong kinindatan ang anak ko para ma-realize niya na wala akong balak na bumili. Alam kong matalino ang anak ko kaya makukuha niya ang gusto kong iparating.
"B-bawal ang matamis. Bawal ang bukayo. Play nalang po ako ulit, mama."
Agad siyang bumalik sa paglalaro at ako naman sa pakikipag-usap sa ale. Makakapagdahilan na ako na hindi ako bibili dahil nabanggit na ni Magdalen na bawal sa kaniya ang matamis.
Kumuha ako ng one hundred pesos mula sa wallet ko at iniabot sa ale. "Ito po ang sandaan. Kunin niyo na po. Hindi po kasi puwede sa anak ko kaya hindi nalang po ako bibili para maibenta niyo pa po sa iba. Pero kunin niyo na po itong pera. Kaunting tulong ko na po sa inyo. Pasensiya na po kayo at iyan lang po ang nakayanan ko," nakangiti kong sabi.
"Salamat, ineng. Pero mukhang gusto talaga ng anak mo na kumain ng bukayo. Pagbigyan mo nalang kaya. Isa lang naman. Sige na, ineng. Sige na."
Tila ipinagpipilitan niya talaga sa akin ang bukayo niya pero imbes na ma-ingganyo ako ay mas naramdaman ko pa na hindi ko dapat tanggapin ang alok niya. Hindi ko maintindihan ang pakiramdam ko. May kakaiba talaga.
"Huwag na po, ale. Bawal po talaga sa anak ko 'yan. Sige na po, maglako ka na po sa iba. Sayang po ang kita." Todo ngiti ako sa kaniya para hindi na siya makatanggi sa sinabi ko. Sa tono ng boses ko, talagang may halong pakiusap na iyon.
"Oh, siya aalis na ako. Mag-ingat kayong mag-ina sa kubo ha."
"Teka ho. Paanong alam niyo na sa ku---"
"Mauna na ako," sambit niya bago tuluyang tumalikod nang hindi man lang ako hinayaang maituloy ang dapat kong sasabihin.
Paanong alam niya na sa kubo kami nakatira? Eh, ngayon ko lang siya nakita.
Pinanood ko nalang siyang maglakad papalayo dahil ayaw ko nang magtanong pa. Baka bumalik pa siya kapag nagtanong pa ako. Mabagal lang ang bawat paghakbang niya pero hindi ko inalis ang titig ko sa kaniya hanggang sa hindi na siya maabot ng tanaw ko. May mga pupunta sana sa tindahan para bumili habang nag-u-usap kami ng ale na iyon pero hindi sila tumuloy nang makita siya. Nakapagtataka.
"Yvo, kumusta kayo ni Magdalen?" agad na tanong ni Aling Speranza na humahangos pa.
"Naku, napasugod ako kaagad dito nang mabalitaan ko mula kay Loraine na nandito raw ang matandang nakatira sa tuktok ng bundok. Napatakbo kaagad 'yong pamangkin kong 'yon sa bahay nang makita ang matanda na kinakausap ka. Ang batang 'yon nakabusangot pa ang mukha pagdating sa bahay dahil naabala raw ang pag-stream niya sa music video ng iniidolo niyang isang sikat na boy group sa Pilipinas. Tatambay-tambay lang daw siya diyan sa malapit para maghanap ng malakas na signal kanina nang nakita niyang may kausap ka. Naku, mahal na mahal talaga niya ang P-pop. Ewan ba sa batang 'yon, hindi na nga yata natutulog dahil sa kaka-stream. Pati mga kaibigan niyang sina Harvey at Jhen nagpupuyat din para sa P-pop group na sinusuportahan nila. Naku, napakuwento na tuloy ako. Mabalik nga tayo sa matanda. Ayos lang ba kayo ng anak mo?"
"Umupo po muna kayo, Aling Speranza. Ayos naman po kami ng anak ko. Sino ho ba ang aleng iyon?"
Umupo naman din siya sa upuang kahoy na mahaba sa loob ng tindahan. Nilapitan naman siya agad ng anak ko at niyakap.
Nakahanap na talaga ng lola ang anak ko.
"Magdalen, ako lang ang nag-iisang lola mo rito ah. Ako lang dapat," makahulugang sabi niya sa anak ko.
"Opo," nakangiting sagot naman ng anak ko.
"Yvo, bihira lang pumunta rito sa baryo ang matandang iyon at dapat kang mag-ingat sa kaniya," seryosong sambit ni Aling Speranza.
"Nagtitinda ho siya ng bukayo. Gawa raw po ng asawa niya."
"Huwag na huwag kang maniniwala sa mga sinabi at sasabihin niya sa'yo."
"Bakit naman ho?"
"Wala siyang asawa. Mag-i-ingat kayo dahil sabi nila aswang daw iyon. Lahat ng kinakausap niya binabalikan niya kapag gabi."
Kaya pala masama ang kutob ko sa kaniya.

Komento sa Aklat (1274)

  • avatar
    Honie Sanico Mantawil

    nice stories

    05/03/2022

      5
  • avatar
    KingMortal

    this app is good and excellent!!

    27/02/2022

      5
  • avatar
    PingkianLucille

    ML M-MOBILE L-LEGENDS

    1d

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata