logo text
Idagdag sa Library
logo
logo-text

I-download ang aklat na ito sa loob ng app

Chapter 6

Marahan niyang iminulat ang mga mata. Bumungad sa kanya ang sariling silid at ramdam na rin niya ang init ng araw na dumadampi sa balat niya dahil nakabukas na ang bintana ng kanyang silid.
"Mariz." Agad na nabaling ang paningin niya sa taong nasa gilid ng kama niya. Bumungad ang nag-aalalang mukha ni Benedict. Muli niyang naalala ang nangyari kagabi kaya hindi niya mapigilang maiyak sa takot.
"Ben, may aswang!" bumunghalit siya ng iyak sabay yakap sa binata. Nanginginig pa rin siya sa takot dala ng muntikang pagkapahamak.
"Ssshhhh.. Ligtas ka na. Mabuti at naroon sila kuya Gabo para tulungan ka." Hinagod nito ang likod niya kaya nakaramdam siya ng ginhawa. Pakiramdam niya ay safe siya sa mga bisig nito.
"Walang hiyang Benjie 'yon. Ayaw kong makikipagkita ka pa doon sa duwag na iyon!" bakas ang galit sa tinig ng kaibigan. Naalala rin niya ang lalaki. Buong akala niya ay maaasahan ito. Muntik pa niya itong pagbigyan dahil akala niya ay responsable ang lalaki pero ni hindi man lang siya nito maipagtanggol sa aswang. Kahit man lang sana hinila siya nito bago tumakbo pero hindi! Hinayaan lang siya ng lalaki na mag-isa!
"Kung nagkataong ikaw ba ang kasama ko, hindi mo ako pababayaan?" tanong niya rito habang humihikbi at pinapahid ang mga luha. Kumalas siya rito para makita niya ang mukha nito.
"Hindi kita pababayaan. Kahit na anong mangyari ipagtatanggol kita. Pangako, hindi ka na mapapahamak." Sapat na iyon upang makadama siya ng saya. Ilang beses na rin naman siyang sinagip ni Ben noong mga bata pa sila kaya alam niyang tutuparin nito ang binitawang pangako. Sinseridad ang nababasa niya sa mga mata nito. Isa naman iyon sa katangian ni Ben na nagustuhan niya, hindi nito hinahayaang mapahamak ang mga tao. Tutulong at tutulong ito kapag may nakitang nangangailangan ng tulong.
Simula ng mangyari ang muntikang pagkapahamak sa aswang ay hindi na muling nagpakita pa kay Mariz si Benjie. Nahiya na marahil ang binata. Hindi na rin ito tumuloy na umakyat ng ligaw sa bahay nila.
"Mariztot!" Napangiti siya nang marinig ang boses ni Ben. Bago siya humarap dito ay pinapormal niya ang mukha.
"May dala akong bayabas!" sambit nito bago itinaas ang hawak na supot. Madalas nilang kainin iyon noong mga bata sila. Namimitas sila ng bunga ng bayabas sa bakuran ni Mang Ponso noon. Hindi niya napigilang mapangiti nang maalala ang kabataan nila.
"Sa wakas! Ngumiti ka rin!" natatawang sigaw nito bago siya niyakap. Ilang araw din kasi siyang tulala at hindi makausap ng maayos dahil sa trauma pero mabilis din naman siyang nakarekober. Nagkukunwari na lang siya para patuloy na dumalaw si Ben sa kanya.
Hindi siya iniwanan nito at palaging nasa tabi niya. Hindi rin nagbago ang pakikitungo nila sa isa't isa kahit na umamin siya ng pag-ibig rito. Hindi na nito inungkat pa iyon at hindi na rin naman niya ipinilit ang nadarama.
"Thank you, Bentot," bulalas niya bago ito niyakap.
"Magaling ka na nga. Nambubully ka na ng pangalan, eh," nakabusangot na wika nito bago kumalas sa pagkakayakap. "Mabuti na rin 'yon kasi babawi pa ako sa 'yo! Hindi pa tayo nakakagala!"
"Eh, ano pa himihintay mo? Tara nang gumala!" mabilis siyang tumayo para sana pumunta sa kwarto at magbihis pero natigilan siya sa sinabi nito.
"Bukas na lang tayo lumabas. May lakad kami ni Hanah ngayon, eh. Dinalhan lang kita ng bayabas at baka naglilihi ka!" nakangising sambit nito.
"Sira ka talaga! Kung ano-ano'ng pinagsasabi mo! Baka mamaya marinig ka ni Itay, kung ano pa ang isipin non!" singhal niya habang pilit tinatago ang pagkadismaya.
Lihim siyang nasasaktan tuwing sinasabi nitong magkikita sila ni Hana ngunit sinasarili na lamang niya ang lahat. Hindi naman kasalanan ng binata na umibig siya rito at lalong hindi nito kasalanan kung wala itong maitugon sa kanya. Sa ngayon ay ang kaligayahan lamang ni Benedict ang mahalaga sa kanya.
****
Marahang bumangon si Mariz, tumingin siya sa orasan na nakasabit sa dingding, alas dose na pala ng hating gabi. Kinapa niya sa sahig ang tsinelas at isinuot iyon bago nagpunta sa banyo na nasa likod ng kanilang bahay.
Sumalubong ang lamig ng gabi pagbukas niya ng pinto sa kanilang kusina. Napayakap na lamang siya sa sarili dahil tinamad na siyang bumalik sa kwarto para kumuha ng balabal. Kung bakit naman kasi ang banyo nila ay hindi nakasama sa bahay. Kailangan pa tuloy niyang lumabas sa gabi kapag naiihi.
Gamit ang flashlight ng cellphone ay mabilis naman siyang nakarating sa banyo. Matapos umihi ay nakarinig siya ng tahol ng mga aso habang ang iba ay umaalulong pa. Kaagad nagtindigan ang mga balahibo niya sa katawan nang marinig ang napakahabang alulong ng aso. Mabilis siyang lumabas ng banyo at patakbong pumasok muli sa loob ng bahay. Patuloy ang tahulan ng mga aso, natatakot man ay nagpadala siya sa kuryusidad. Binuksan niya ang bintana ngunit maliit lamang ang siwang na ginawa niya, sapat lang upang masilip ang labas ng bakuran nila. Nangilabot siya sa nakita! Sa madilim na bahaging iyon ng bakanteng lote ay naaninag niya ang pigura ng isang babae. Halos maningkit ang mga mata niya upang kilalanin ito. Nagulat siya ng tuluyang maaninag ang mukha nito sa tulong ng liwanag ng buwan. Ang babae ay walang iba kung hindi si Hana! Nakaharap ito sa bahay nila. Tila ba nagmamanman bago unti-unting nagpalit ng anyo. Naging isa itong malaking aso. Napakalaking itim na aso! Kung ganoon ay totoo pala ang kumakalat na tsismis simula pa noong bata sila. May lahing aswang sila Hana!
Kaagad siyang napaatras sa bintana dahil sa labis na takot. Dumadagundong ang kaba sa kanyang dibdib habang halos maiyak siya sa nasaksihan. Bumalik sa alaala niya ang aswang na muntik nang umatake sa kanya noong gabi ng sayawan. Ang takot sa dibdib niya ay muling nabuhay. Mabilis siyang bumalik sa kwarto at nagtalukbong ng kumot. Namaluktot siya doon habang walang patid ang pagtulo ng mga luha.
Si Hanah ang aswang at pinagtangkaan nito ang buhay niya!
"Hindi kaya may balak talaga siyang patayin ako kaya nandito siya ulit?" wala sa sariling tanong niya. Pinilit niyang kalmahin ang sarili at paulit-ulit na huminga ng malalim. Kung si Hanah ang aswang ay hindi siya makapapayag na malinlang nito ang bestfriend niya.
"Kailangan kong maging matapang para mailigtas ko si Ben sa kamay ng aswang na 'yon!" mariing sambit niya. Alang-alang kay Ben ay lalaban siya. Hindi siya padadaig sa mga aswang!

Komento sa Aklat (1039)

  • avatar
    Genelvie Sabado

    verry impresive

    14h

      0
  • avatar
    Hardy Nikko J. Fabros

    it's goods

    1d

      0
  • avatar
    CordobaMonique

    idc

    1d

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata