Pagkatapos nilang mapagtagni-tagni ang mga pangyayari ay nagpasya si Cassey na puntahan ang hagdan kung saan siya nahulog. Baka sakaling may maalala siya kapag makita niya ang eksaktong lugar kung saan siya nahulog. "Sigurado ka ba na kaya mong pumunta sa lugar na iyon, Cassey?" nag-aalalang tanong ng kaluluwa ni Dindy nang malapit na sila sa hagdanan ng fourth floor kung saan siya nahulog. Magmula kasi nang nalaman niya na nahulog siya sa mataas na hagdan ay bigla siyang nagkaroon ng takot sa mga matataas na hagdan. Ni hindi na nga siya umaakyat sa second floor kapag nagpupunta sila ni Clea sa isang mall. Kahit ang rooftop garden ng school nila na madalas niyang puntahan kapag gusto niyang mag-relax ay hindi na rin niya pinupuntahan. Natatakot na kasi siyang umakyat sa mataas na hagdanan. Nai-imagine niya kasi ang sarili niya na gumugulong paibaba ng hagdanan habang duguan ang ulo at maraming mga pasa-pasa sa katawan. Tumango siya. "I have to do it. Kailangan kong paglabanan ang takot ko kung nais kong gumaling sa aking amnesia at ma-solve ang kaso mo." Kaya hindi niya pinanaig ang takot na unti-unting nabubuo sa kanyang dibdib habang papalapit sila ng papalapit sa may hagdan. Nang sa wakas ay naroon na siya sa taas ng hagdan ng fourth floor ay nilakasan niya ang kanyang loob at tiningnan ang mataas na hagdan pababa sa third floor. Pagtingin niya sa ibaba ng hagdan ay biglang may eksena na nag-flashback sa kanyang utak. Pumikit siya at hinayaan ang sarili na magpadala sa eksenang nakikita niya sa kanyang isip. Tumatakbo siya sa hallway habang palingon-lingon sa kanyang likuran. Sobrang takot ang kanyang nararamdaman nang mga sandaling iyon. Kahit nanginginig ang kanyang mga tuhod sa takot ay pinilit pa rin niyang makatakbo. Tumakbo siya papunta sa may elevator ngunit under maintainance pa ito kaya wala siyang choice kundi ang tumakbo patungo sa may hagdan. Pero hindi pa man siya nakakababa sa unang baitang ng hagdan ay biglang sumulpot ang isang lalaki mula sa kanyang likuran. Hinila nito ng malakas ang buhok niya para pigilan siyang makababa ng hahdan. Pagkatapos ay binigyan siya nito ng isang malakas na sampal. Pagkatapos ay walang anumang itinulak siya sa mataas na hagdan. Pabiglang naimulat ni Cassey ang kanyang mga mata. Bigla kasing naputol ang mga eksenang nag-flashback sa kanyang isip. Pagkatapos ay biglang umikot ang kanyang paningin nang pagmulat niya ng kanyang mga mata ay ang matarik na hagdanan pababa ang una niyang nakita. "Cassey!" Magkapanabay na sigaw ng isang babae at lalaki ang narinig ni Cassey na tumawag sa kanyang pangalan. Ang una ay galing kay Dindy samantalang ang huli ay mula naman kay Marcus na biglang sumulpot mula sa kung saan. Mabilis siyang nahawakan ni Marcus sa baywang at hinila palayo sa may hagdan. "Are you out of your mind? Bakit gusto mong magpatihulog sa hagdanan? Sa tingin mo ba ay manunumbalik ang memorya mo kapag nahulog ka ulit sa hagdan? " galit ang tono ng boses na sita nito sa kanya. "My God, Cassey! Akala ko talaga ay mahuhulog ka ulit sa hagdan. Mabuti na lamang at biglang dumating si Marcus. Muli ka na naman niyang iniligtas sa tiyak na kapahamakan. Tinakot mo talaga ako ng husto," wika sa kanya ng kaluluwa ni Dindy. Tiningnan lamang niya ito at hindi nagkomento. "Hindi ako magpapatihulog, okay? Medyo nahilo lang ako ng konti kaya muntik na akong matumba at mahulog ulit sa hagdan," paliwanag niya sa binata. "But thanks for saving me over and over again. At ano nga pala ang ginagawa mo rito?" Tumaas ang isang kilay nito. "The last time I checked the ownership of this building I saw that my name was still the owner of this place. So it's natural that I'm here. How about you? What are you doing here?" Biglang naisip ni Cassey ang dahilan kung bakit naroon siya ngayon sa lugar na iyon. Kumalas siya mula sa pagkakahawak nito dahil mukhang wala pa itong balak na bitiwan siya. After that, she looks at his face with a very serious expression on her face. "May gusto akong sabihin sa'yo, Marcus. Actually, noon ko pa ito dapat na sinabi ngunit wala akong chance na sabihin ito sa'yo," paninimula niya. Pagkatapos ay huminga siya ng malalim bago ipinagpatuloy ang kanyang sasabihin. " Maniniwala ka ba kung sasabihin ko sa'yo na nakikita at nakakausap ko ang fiancee mong si Dindy Arevalo?" "Ano'ng kalokohan 'yang pinagsasasabi mo, Cassey?" madilim ang mukha at tiim ang mga bagang na tanong ni Marcus. Sa halip na magulat ay pagka-dismaya ang nakalarawan sa mukha nito. "I'm telling the truth, Marcus. Nakikita at nakakausap ko talaga si Dindy. In fact, she's also here. And she's beside you right now," giit niya. "Stop it, Cassey! Hindi ko alam kung ano ang motibo mo kung bakit mo ito ginagawa. But I'm warning you, Cassey. Huwag mo nang idamay pa ang patay," mariing wika ng binata. "Maniwala ka sa akin, Marcus. Dindy is here. At kaya ko sinasabi ito sa'yo dahil pinakiusapan niya ako na kausapin ka at sabihin sa'yo ang lahat ng mga gusto niyang sabihin." "You're talking nonsense. Ang mabuti pa'y umuwi ka na sa bahay mo at magpahinga." Iyon lang at bigla na siyang tinalikuran ng lalaki at naglakad palayo sa kanya. "Hindi nagpakamatay si Dindy. At hindi matatahimik ang kanyang kaluluwa hangga't hindi nakukulong ang taong pumatay sa kanya," malakas niyang sigaw sa papalayong binata. Bigla itong napahinto nang marinig ang kanyang sinabi kaya ipinagpatuloy niya ang kanyang pagsasalita. "Tama ang narinig mo, Marcus. Hindi nagpakamatay ang fiancee mo. Instead, she was killed. At gusto niyang humingi ng tulong mula sa'yo. Gusto niyang imbetigahan mo ang totoong dahilan ng pagkamatay niya. Gusto niyang alamin mo kung sino ang taong pumatay sa kanya." Galit na naglakad pabalik sa kanya si Marcus at pabigla siyang hinila sa braso palapit dito. "Hindi mo ba talaga titigilan itong kalokohan mo, Cassey? Did you do this for money? Magkano ba ang kailangan mong pera para hindi mo na gamitin ang pangalan ni Dindy?" "Hindi ko kailangan ang pera mo, Marcus. At hindi ako ang may kailangan sa'yo kundi si Dindy. Kailangan niya ng hustisya sa pagkamatay niya," mariing sagot niya. Nasaktan siya sa sinabi nito. So, he thought that she wanted his money that's why she did this? Napakababaw naman pala ng tingin nito sa kanya. "I said stop talking nonsense or else you wouldn't like what I'm going to do," pagkasabi niyon ay pabigla siyang binitiwan at bahagyang naitulak palayo sa sarili nito. Hindi inaasahan ni Cassey ang ginawang iyon ni Marcus. Wala sa loob na napaatras siya. Nakalimutan niyang nasa likuran pala niya ang hagdanan pababa sa third floor. "Cassey!" malakas na sigaw ng binata. Pero bago pa siya tuluyang mahulog sa hagdan ay mabilis na siyang nakabig nito palapit sa sarili at pagkatapos ay niyakap ng mahigpit. Narinig pa niya ang mahinang pagmumura nito. Hindi niya alam kung para ba iyon sa kanya o para sa sarili nito. "I'm sorry, Cassey. I didn't mean to pushed you," mahinang bulong nito sa likuran ng kanyang tainga. Mahigpit na mahigpit ang pagkakayakap ni Marcus sa kanya na para bang takot na takot ito sa muntikan niyang pagkahulog sa hagdanan. Sa katunayan ay dinig na dinig niya ang malakas na tibok ng puso nito na sumasabay sa malakas na pintig naman ng kanyang puso. Masarap talaga ang pakiramdam kapag ito ang yumayakap sa kanya. Hindi pa rin nagbabago ang pakiramdam niya na ligtas siya kapag nasa loob siya ng mga bisig nito. Umiibig na ba siya sa fiance ng kaluluwang tinutulungan niya? "Okay ka lang, Cassey?" tanong naman ni Dindy na biglang lumitaw sa kanyang harapan. Bakas din sa mukha nito ang pag-aalala sa kanya. Pagkakita niya sa kaluluwa ni Dindy ay bigla siyang natauhan. Mabilis niyang itinulak palayo sa kanya ang binata. "Alam kong mahirap paniwalaan ang mga sinabi ko sa'yo, Marcus. Pero lahat 'yon ay totoo. At patutunayan ko sa'yo na nagsasabi ako ng totoo." Pagkatapos niyang sabihin ang mga salitang iyon ay mabilis na siyang naglakad palayo rito. Pagdaan niya sa may kanto ay nagulat siya nang makitang naroon si Jason at nakatayo. Mukhang kanina pa ito nakikinig sa pinag-usapan nila ng kaibigan nito. "Ayoko maka-istorbo sa inyong dalawa. Mukhang nagmo-moment kayong dalawa, eh," nakangiti at medyo nahihiyang turan nito. Hindi malaman ni Cassey kung nagsasabi ba ito ng totoo o hindi. Pero mas pinili na lamang niya na paniwalaan ang sinabi nito. Bahagyang tinanguan lamang niya ito at pagkatapos ay nilagpasan na niya. Napansin niya na hindi naman sumakit pa ang ulo niya nang makita niya ito? Siguro ay nagkataon lamang na naroroon ito kapag sumasakit ang ulo niya. Hindi nga lang niya alam kung sasakit pa rin ba ang ulo ni Dindy kapag muli nitong makita ang binata.
### Nakatutok sa television ang paningin ni Cassey nang biglang pumasok sa loob ng kuwarto niya ang kaibigan. "Ang guwapo talaga ni Jason, 'no, Cassey? Kapag ako ang naging girlfriend niya'y wala na akong mahihiling pa. At hindi na rin ako maghahanap pa ng iba. Mayaman na, guwapo at napakabait pa," malawak ang pagkakangiti na wika ni Clea. Ang pinapanuod nila ay balita tungkol sa ginawang kabutihan ni Jason. Nag-donate ito ng malaking halaga sa isang bahay-ampunan at nagpakain pa ito ng maraming mga street children sa lansangan. Maraming netizens ang pumupuri sa kabaitan ito. Kaya naisip niya na imposible na may kinalaman ito sa nangyari sa kanila ni Dindy. Tuluyan nang nabura ang pagdududa niya sa lalaki. "In love na ba ang bestfriend ko?" nakangiting tanong niya kay Clea. Ang kaibigan lamang ang tanging nagpapangiti na lamang sa kanya ngayon magmula nang nag-migrate sa ibang bansa ang kanyang lolo. "Maybe," kinikilig na sagot nito. "At kapag niligawan niya ako ay aayain ko na agad siyang magpakasal. Mahirap na at baka masulot pa siya ng iba sa akin." Napailing na lamang siya sa sinabi nito. "Pero alam mo, Clea? Mas bagay kayo ni Alex. Iyong bestfriend ni Marcus." Bigla kasing pumasok sa isip niya ang matalik na kaibigan ni Marcus. At totoo ang kanyang sinabi na mas bagay ang kaibigan niya sa matalik na kaibigan naman ng binata kumpara kay Jason. Nanlaki ang butas ng ilong ni Clea nang marinig ang kanyang sinbi. "Alex? Alex Gonzaga ng Gonzaga Modeling Agency? Matangkad, maputi, guwapo at may dimples sa magkabilang pisngi?" pagkukumpirma nito sa Alex na kaibigan ni Marcus ay sa Alex na malamang ay kilala nito. "Yes. That's right. His name is Alex Gonzaga" pagkumpirma niya sa sinabi nito. "Do you know him in person?" Nalukot ang mukha nito nang makumpirmang ang Alex na kilala nito at ang Alex na tinutukoy niya ay iisa pala. "Of course. Nagkakilala kami sa parehong party na pinuntahan namin two months ago. At maliban do'n ay kilalang babaero ang Alex na 'yan. Baka nga sino-syota niya muna ang mga magagandang babae na nag-aapply bilang modelo sa agency nila." Hindi napigilang matawa ni Cassey sa reaksiyon ng kaibigan pagdating kay Alex. Kung kay Jason ay kilig na kilig ito at halos sambahin pa ay kabaliktaran naman ang nararamdaman nito kay Alex na tila nais na nitong isumpa. "Masama 'yan, Clea. Galit na galit ka sa kanya 'tapos siya pala ang makakatuluyan mo. Hindi ba may kasabihan tayo na 'the more you hate the more you love' 'di ba?" nakangising pang-aasar niya rito. Napahagalpak talaga siya ng tawa nang bigla itong nag-sign of the cross at tila may binanggit pa na orasyon na akala mo'y isang albularya para lamang hindi magkatotoo ang kanyang mga sinabi. "Puwede bang huwag kang magsalita ng hindi maganda, Cassey? Baka magkatotoo 'yang mga sinabi mo'y tatalon talaga ako sa tulay. Kahit siya pa ang kahuli-hulihang lalaki sa mundo ay hindi ko pa rin siya papatulan. Mas gugustuhin ko pang buruhin itong "pinya" ko kaysa ibigay sa playboy na 'yon," nakasimangot pa rin ang mukha na wika ng kaibigan. "Narinig mo ang sinabi ni Clea, Dindy? Tatalon daw siya ka—" Naudlot ang kanyang sasabihin nang makita niya ang kaibigang multo. Nakatingin ito sa malayo na tila may pinapanuod na kung ano. "Dindy? Ano'ng nangyayari sa'yo?" Ilang beses pa niyang tinawag ang pangalan nito ngunit tila hindi siya nito naririnig. Para bang naglalakbay sa ibang dimensyon ang isip nito. "Bakit, Cassey? Ano ba ang nangyayari kay Dindy?" nag-aalala ang boses na tanong ni Clea. Kahit hanggang ngayon ay takot pa rin ito kay Dindy ay nag-aalala pa rin naman ito sa babae. Ilang minutong nasa ganoon kalagayan lamang si Dindy. Hindi niya malaman kung ano ang gagawin. Kahit anong lakas ng pagtawag niya sa pangalan nito ay tila hindi siya naririnig. Hindi rin naman niya ito mahawakan para alugin. Hinintay na lang niya na kusang bumalik sa normal ang pag-iisip nito. "Dindy!" napatakbo siya palapit sa tabi ng babae nang walang anu-ano ay bigla na lamang itong natumba sa sahig at tila nawalan ng malay. "Dindy, gumising ka! Diyos ko, ano ang gagawin ko?" nataranta na siya sa kung ano ang nangyayari sa kasamang kaluluwa. Kung buhay lamang ito katulad niya ay kanina pa niya ito dinala sa ospital. "Ano ba ang nangyayari sa kanya, Cassey?" muling tanong ng kaibigam na hindi na rin mapakali kahit na hindi naman nito nakikita ang nangyayari sa kaluluwa ni Dindy. "Hindi ko alam, Clea. Basta bigla na lamang siyang hinimatay," sagot niya. Ilang minuto ang nakalipas bago pinagbalikan ng malay ang babae. Dahan-dahang iminulat nito ang mga mata. "Cassey," sambit nito sa pangalan . Akala ni Cassey na mga buhay na tao lamang ang nawawalan ng malay. Hindi pala. Pati kaluluwa ay puwede palang mawalan ng malay. "Ano ba ang nangyari sa'yo? Bigla ka na lang natulala. Hindi mo naririnig kahit na ilang beses na kitang tinatawag. At pagkatapos ay bigla ka pang nawalan ng malay," usisa niya agad pagbalik ng kamalayan nito. "May eksena na muling nag-flashback sa isip ko," pagkukuwento nito. Bumangon ito sa pagkakahiga sa sahig at umupo sa mahabang sofa. "Ano ang nakita mo sa iyong isip?" hindi na makipaghintay na agad niyang tanong dito. Baka kasi sa pamamagitan ng nakita nito sa isip ay magkaroon na naman sila ng bagong clue. Nang sa gano'n ay mapatunayan niya kay Marcus na totoo ang lahat ng mga sinabi niya rito tungkol sa pagkamatay ng fiancee nito. At para maniwala na ito sa kanya't hindi na siya pag-isipan pa ng masama.
Salamat
Suportahan ang may-akda na magdala sa iyo ng mga magagandang kwento
Ang Ganda po Ng story....more powers po😍😍😍
11/06/2024
0waiting for the next updates! ♥️
05/02/2022
0i love you
05/02/2022
0Tingnan Lahat