logo text
Idagdag sa Library
logo
logo-text

I-download ang aklat na ito sa loob ng app

Chapter 7: Her Mnarill

RHEIN’S POINT OF VIEW
Napigil ko ang aking paghinga nang maalala ang sinabi niya kanina. “T-teka, nakakapagsalita ka?!” gulat kong tanong.
“Siyempre, pero ikaw lang na pracien ko ang nakakaintindi sa akin kasi connected tayo sa isa’t isa,” paliwanag niya sa matinis na boses. Lumipad siya patungo sa ibabaw ng kanang balikat ko at lumingon sa akin. “Ah! Naiintindihan din pala ako ng mga ofris at resce mnarillazas.”
Pinanliitan ko siya ng tingin. “So, nakakaintindi rin ako ng ibang hayop?”
Tumango siya ngunit biglang nanlaki ang kanyang maliliit na mga mata nang tila may naalala. “T-teka nga, ofris mnarillaza ka?”
Kumunot ang noo ko. “Hindi mo alam? Galing ka sa dugo ko, ‘di ba? ‘Di ba dapat ay alam mo?”
“Oo nga. Alam ko kung anong klaseng mnarillaza ka pero, ba’t ikaw, sarili mong mnarillaza type, hindi mo alam?”
“Alam ko. Kakasabi ko lang na ofris mnarillaza ako, ‘di ba?!”
“Hindi iyan ang mnarillaza type mo!”
“Eh, ano?!”
“Hindi ka isang ofris mnarillaza!”
“Eh, ano nga?!”
“Eh, ba’t ka sumisigaw?!”
“Ikaw din naman!”
“Huminahon nga kayong dalawa!” Sabay kaming napalingon kay Lolo Lembo nang sumigaw siya. Galit siyang nakatingin sa amin dahil sa pagkarindi. Nagkatitigan kami ni Forelody at natawa na lamang. Unang pagkikita pa lang namin, nagsisigawan na kami.
“Paniguradong hindi ka na rin makakatulog, Hija. Tara na sa dining hall para kumain ng pang-umagahan. Nakahain na ako kanina bago pumunta rito sa silid.”
“Ano ba ang alam mong mnarillaza type ko?” tanong ko kay Forelody ngunit ngayon, mahinahon na. Hindi siya agad sumagot kaya nilingon ko siya. Nakatingin siya sa harap namin at tila nakatulala. “Forelody?”
“Ah, sorry!” Tumawa siya. “Tinitingnan ko lang kung gaano kaganda itong bahay. Ano ulit ‘yung tanong mo?”
“Ang sabi ko, ano ba ang alam mong mnarillaza type ko?”
“Base sa mga mata mo, ofris mnarillaza ka.”
“Kasasabi mo lang kaninang hindi iyon ang alam mo.”
Ipinatong niya ang kanyang kanang pakpak sa ibabaw ng ulo niya at natawa ulit. “Munting pagsubok ko lang iyon sa iyo. Test lang kung talagang alam mo kung anong uri kang mnarillaza,” sagot niya at ibinalik na ang kanyang tingin sa harapan.
Nagsalubong ang aking mga kilay. Bakit parang iba ang sinasabi ng pakiramdam ko? Napailing-iling ako para alisin iyon mula sa aking isipan. I think too much.
Huminto ako sa paglalakad nang may pumasok sa isip ko. Nagpaalam muna ako kay Lolo Lembo na may babalikan lang ako sa kuwarto. Nakalimutan ko kasing maghilamos.
Pagkarating ko sa loob ng comfort room, kaagad akong naghilamos at napatitig sa salamin. Hindi ko alam kung gaano ako katagal na nakatingin doon. Saka lang ako bumalik sa wisyo nang magtanong si Forelody.
“Rhein, nagtataka ka ba kung bakit bumalik na sa dati ang mga mata mo?”
Nakatitig pa rin ako sa repleksyon ko sa salamin. Hindi pa rin ako makapaniwalang kitang-kita ko kung paano bumalik sa pagiging brown ang aking mga mata.
“Huwag mong ikagulat iyan. Natural lang na babalik ang mga kulay niyan sa dati kapag sumapit na ang umaga ngunit pagkagat ng dilim, magiging berde ulit iyan.”
Nilingon ko siya nang may maisip ako. “Forelody, kakalabas mo lang kanina sa dugo ko, paano nangyaring nakakapagsalita ka na tapos napakadami mo pang alam tungkol sa mga mnarillazas?”
“Kaming mga praciens ng mga mnarillazas, responsibilidad naming maging gabay at tulong para sa inyo. Kaya kung may gusto ka pang malaman sa tunay na mundo kung saan tayo nararapat, just ask me.”
Sumimangot ako. “Eh, paano ka naman naging marunong magsalita ng English?”
“Marunong kang mag-English. Dahil sa galing ako sa iyo, marunong din ako.”
“Eh?!” Pinanlakihan ko siya ng mga mata. “Ibig mong sabihin, pati ang mga alaala ko ay alam mo?!”
“Yup!” Pinorma niya pa ang kanyang mga pakpak na tila thumbs-up.
Napabuntong-hininga na lamang ako. Nakakabaliw talaga ang situwasyon ko ngayon.
“Tara na nga.”
“Woooooooooo! Yeah! Yeah!”
Halos umabot na sa sahig ang pagnganga namin ni Forelody nang buksan namin ang pintuan ng dining hall. Paano ba naman kasi, nag-ala-bar ang buong lugar, mula kisame, sa mga decorations, sa mga mesa’t upuan, sa mga pailaw, at mga speakers. Ang mga handang pagkain lang yata ang disenteng nakita ko. Naabutan pa namin si Lolo Lembo na parang baliw na sumasayaw sa gitna. Ang mas malala pa, nakasuot pa siya ng Hawaiian costume. Iba na talaga ang ka-weirdo-han ng matandang ito.
“O, Hija, narito na pala kayo. Tara na’t kumain,” pag-aya niya. “Happy birthday!”
Natawa at napangiti ako. “Salamat po!”
Sa maikling kasiyahan na iyon, kahit papaano, nakalimutan ko nang panandalian ang mga weird na nangyayari sa buhay ko ngayon.
Matapos kumain at mag-party-party nang kaunti, lumabas na ako para magpahangin. Tutulong sana ako sa pagligpit ng mga nagkainan at mga kalat ngunit, pinigilan ako ni Lolo Lembo. Sinabi niyang anumang oras sa araw na ito, lalabas na ang mga kakaibang kakayahan ko kaya kailangan kong ihanda ang aking sarili.
Tumungo ako sa malaking hardin na nasa likod ng mansyon. Punong-puno ang paligid ng mga iba’t ibang uri ng bulaklak at mga puno kaya sobrang presko.
“Wow! Napakaganda naman dito, Rhein!” pagpuri ng pracien ko. Lumipad siya sa ere at nilapitan ang ilang bulaklak.
“I know, kaya nga rito ako naglalagi kada pumupunta ako rito para sa mga special lessons ko.”
“Ah, hayung martial arts, tama?”
“Yup!” sagot ko sabay kindat.
Mabilis akong tumakbo at tumalon papunta sa pinakamalaking punong nasa kalagitnaan ng hardin. Umupo ako sa isang sanga sa pinakamataas na parte nito kung saan kita ko ang kabuoan ng lugar.
“Cool!”
“Napakagaling ko, ‘no?” pagmamayabang ko habang may todong-ngiti sa aking mukha. Sinamaan ako ng tingin ni Forelody kaya tinawanan ko siya. “Biro lang. Hindi ko pa nga alam ang kapangyarihan ko, eh.”
“Malalaman mo rin.” Dumapo siya sa tabi ko.
“Sana nga.”
Mariin akong napapikit at dinama ang ihip ng hangin. Isa-isang bumalik sa isipan ko ang mga kakaibang nangyari sa akin. Sa pananakit ng ulo ko, sa pagkakita ko sa deore mnarillaza, at sa mga nalaman ko kahapon hanggang sa pangyayari ngayon . . . nakakabaliw! Naisip ko tuloy si Ate Rona. Ganito rin kaya ang naramdaman niya noon?
“Rhein.”
Iminulat ko ang aking mga mata at tinignan si Forelody. “Bakit?”
“Tignan mo ito.” Itinuro niya ang orchid na nasa tabi niya gamit ang kanyang dilaw na tuka. Sobrang lanta na iyon.
“Why? Tatanggalin ko?”
Sumimangot siya. “Hindi! Gamitin mo iyang kapangyarihan mo. Buhayin mo ulit.”
Napakurap-kurap ako. “P-paano?”
“Kung ano ang naiisip mo, gawin mo na. Susundin ng mnarill mo ang lahat ng gusto mong ipagawa sa kanila.”
Tinitigan ko nang maigi ang orchid. Dahan-dahan ko itong hinawakan. Sa oras na inilapat ko ang aking mga palad rito, unti-unti itong nabuhay at naging malusog. Medyo kumikinang pa nga ito nang bitawan ko.
“What the . . . p-paanong—”
“Huwag mo nang itanong kung paano. Simple lang ang sagot – gawa iyan ng kapangyarihan mo,” sabi ni Forelody. “Ano ang pakiramdam mo ngayong sa wakas, nakita mo na ang iyong sariling mahika? Simula pa lang iyan pero, parang nakakita ka ng multo sa hitsura mo.”
Imbes na magsalita, ngumiti ako. Hindi ko rin naman alam ang aking sasabihin.
Tumalon ako paibaba ng puno. Pumitas ako ng isang puting rosas at pinagmasdan iyon. Nang haplusin ko ang tangkay nito, kaagad napalitan ng mga dahon ang mga tinik.
Napangisi ako nang maalala muli ang sinabi ng partner ko. “Kung ano ang naiisip mo, gawin mo na. Susundin ng mnarill mo ang lahat ng gusto mong ipagawa sa kanila.” Mukhang hindi naman pala ganoon kahirap kontrolin ang mnarill ko.
‘Hindi ka dapat maging kampante, Hija. Tandaan mo, simula pa lang iyan,’ rinig kong sabi ng pamilyar na boses sa aking isipan.
Lumingon ako sa likuran. Nakita ko si Lolo Lembo na naglalakad papunta sa aming direksyon. Nakangiti siya sa amin ni Forelody.
“Opo—” Sa isang iglap, napaluhod ako sa damuhan nang bigla akong makadama ng sakit sa puso ko. Napahawak ako sa aking dibdib nang maramdaman ko ulit ang matinding kirot.
“Hija!”
“Rhein!”
Dali-dali nila akong dinaluhan. Tinulungan ako ni Lolo Lembo na tumayo. “Kailangan mo nang umalis dito.”
“B-bakit po?”
“Ang lugar na ito ay nagtataglay ng mnarill. Kung hindi mo pa lubusang alam na kontrolin ang kapangyarihan mo, ang lugar na ito ang mismong hihigop sa iyong mnarill at lakas hanggang sa ikamatay mo na.”
Pagkaapak ko sa loob ng bahay, higit na namilipit ang puso ko. Ilang minuto lamang ang nakalipas, nakarating na kami sa harap ng isang silid. Ewan ko kung dulot ba ng pagiging mnarillaza ko ito ngunit damang-dama ko ang malakas na mahika sa loob ng puting dobleng pinto.
“Ito ang postah o portal na kumokonekta sa mundo ng mga tao patungo sa tunay nating mundo. Mas makakabuti sa iyong magtungo muna roon. Mag-aral ka at magsanay sa Mnarill tes Aleid.” Maingat niyang isinuot sa akin ang backpack na dala-dala ko kagabi. “Nilagay ko na riyan lahat ng mga kakailanganin mo papunta roon.”
Pinilit kong magsalita. Hindi pa ako puwedeng umalis dahil marami pa akong gustong malaman mula sa kanya. “L-lolo . . . ”
“Hija, narinig ko ang iyong nasa isipan. Huwag kang mag-alala. Ang mga katanungan mo ay masasagot. Ibibigay ko sa iyo ang aking mga nalalaman.” Pagkasabi niya n’on, itinapat niya ang kanyang kanang palad sa aking noo. May lumabas na violet na bolang liwanag mula roon at paunti-unting pumasok sa ulo ko. Tila may malamig na bumalot sa aking utak matapos iyon.
Pinihit niya ang mga gintong doorknob at binuksan. Nakakasilaw na liwanag ang sumalubong sa amin.
Nginitian niya ako. “Huwag ka nang mag-alala sa kapatid mo. Ako na ang bahala sa kanya. Sarili mo ang iyong intindihin. Mag-iingat ka, Hija.”
Napangiti na lang ako. “Maraming salamat po.”
Humarap ako sa loob ng pintuan at nagsimulang maglakad. Sa bawat paghakbang ko, unti-unting nawala ang pananakit sa puso ko.
Heto na. Papunta na nga talaga ako sa tunay na mundo kung saan ako nabibilang.

Komento sa Aklat (12)

  • avatar
    Johnwil Reyes

    thanks

    30/01

      0
  • avatar
    Jie Jie

    ang ganda naman nang estorya nato s

    18/08/2023

      0
  • avatar
    San ahanRico

    nice story hehehehe lab u hahahahahhahhahha may comedy sana dito para nice at masayabasahin diva guys

    19/03/2023

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata