logo text
Idagdag sa Library
logo
logo-text

I-download ang aklat na ito sa loob ng app

Ruihnas

Ruihnas

anxiouschip


Chapter 1: Plan

RHEIN'S POINT OF VIEW
Hindi ko maiwasang makaramdam ng takot at kaba habang nakatayo sa gitna ng dilim. Dama ko rin ang panginginig ng katawan ko at panlalamig ng aking mga kamay.
Huminga ako nang malalim at tinibayan ang aking loob upang magsalita. "M-may tao ba riyan?" Ilang beses kong inulit ang tanong ko ngunit wala pa ring sumasagot. Nang dahil doon, mas dumoble ang takot ko.
Nakuha ng atensyon ko ang isang maliit na kislap ng liwanag mula sa 'di kalayuan. Palapit ito nang palapit sa akin kaya kitang-kita ko kung gaano unti-unting binalot ng liwanag ang paligid. Hindi ko alam ang nangyayari kaya wala sa sariling napapikit na lamang ako.
Pagkagising ko, nagtaka ako nang mapagtantong yakap-yakap ako ni Ate Rona. Napansin kong humihikbi siya kaya tinapik-tapik ko ang kanyang likod. "B-bakit, Ate? Why are you crying?"
"I'm just happy."
Kumunot ang noo ko, hindi lubos maintindihan. "Eh?"
Kumalas siya sa pagkakayakap sa akin at tinignan ako nang may ngiti sa kanyang mga labi. Hinayaan niya lamang na umagos ang mga luha sa mga sariling pisngi.
"Rhein, our real fate is coming."
Akala ko noon, trip niya lang ang sinabi niyang iyon pero, hindi . . . nagkamali ako. I did not really expect to find myself lost in the middle of ruins.
RONA'S POINT OF VIEW
Nagpunta kami sa isang park malapit sa bahay namin. Gaya ng nakalagian, magkakasama kami nila Papa, Mama at Rhein.
"Ate, taya!" pag-anyaya ni Rhein na makipaghabulan sa kanya.
Tinignan ko siya nang masama dahil sa naramdaman kong kirot sa pagpisil niya sa aking baywang. "Wala ako sa mood na maglaro."
"Sige na, Ate. Please. Sige ka. Kung ayaw mong makipaglaro sa akin, pangit ka," aniya. Nagawa pa niyang paikutin ang kanyang mga mata.
Binalewala ko na lang ang kanyang sinabi. Hindi niya ako masisindak sa ganoon lang. "Ayaw ko."
"Please." Nag-pout pa talaga, ha?
Napabuntong-hininga na lang ako. Baka isumbong pa ako nito, eh. "Sige na nga. Taya!" At nagsimula na akong tumakbo kaya hinabol niya ako.
"Anak, kain na! Tigilan n'yo na iyan!" Sabay kaming napahinto ni Rhein at napalingon kay Mama na naghahanda ng pagkakainan namin.
"Yes, Ma!" tugon ko. "Rhein, halika na."
"Ate, gusto ko pang maglaro. Ayaw ko pang kumain."
"Sige ka. Kapag 'di ka kumain, bubutasan ng bulate iyang tummy mo."
Sinamaan niya ako ng tingin dahil doon. "Ate, naman, eh. Kadiri ka."
Napatawa ako sa kanyang nasabi. Loko itong bata na 'to, ah. Tinawag pa 'kong kadiri. "Ang dami mong sinasabi. Halika na nga." Hinawakan ko ang kanyang kamay at hinila siya papunta sa kinaroroonan nina Mama. Hindi naman ako nahirapan dahil tahimik lang siyang sumunod.
"Maupo na kayo riyan," wika sa amin ni Papa sabay turo sa bench na katapat ng kanilang kinauupuan.
"Opo!"
Nakahanda na ang mga pagkain sa mesa. Akmang kukuha na sana ako ng ulam nang biglang paluin ni Rhein ang kamay ko. Halos mamula na ito. Masakit pa.
Sinamaan ko siya ng tingin. "Ano ba ang problema mo?"
"Mag-pray muna. Masyado ka kasing excited kumain," sabi niya sa akin nang mahinahon. Aba, bait, ah. Napakabilis namang magbago ng mood nito. Daig niya pa ang matanda.
Napahinga na lamang ako nang malalim. "Okay. Fine. Sino po ang magdarasal?"
Nagkatinginan silang tatlo at ngumisi sa isa't isa. Kumunot naman ang aking noo dahil sa pagtataka.
"Ikaw!" sabay-sabay nilang sagot na halos ikabingi ko pa. Napailing na lamang ako. Getting childish again, huh?
Huminga ako nang malalim bago nagdasal. "Lord, salamat sa mga biyayang ipinagkakaloob Mo po sa amin. Sana po ay mapatawad Ninyo kami sa aming mga nagawang kasalanan. Lord, sana po ay parati po sana kaming masaya at ganitong sama-sama. Ito lamang po ang aming samo't dalangin sa matamis na pangalan ni Hesus na aming tagapagligtas. Amen."
Kinahapunan, umuwi na kami sa bahay. Kumain ng panghapunan at naghanda na para sa pagtulog.
Tapos na akong mag-shower at makapagpalit ng pantulog. Pumasok ako sa kuwarto namin ni Rhein at nakita ko siyang nakaupo sa kama.
Dalawa lang ang kuwarto sa bahay. Magkatabi kaming natutulog ni Rhein at gano'n din sina Mama at Papa.
Umusad palapit sa akin si Rhein nang makaupo ako sa kama. "Ate, kuwentuhan mo nga ako ng bedtime story. Please."
"Ayaw ko."
"Ganiyan ka pala, ah. Napakasama mo. Bad ka," aniya at padabog na humiga.
What a brat. Mas mabilis yata akong tatanda dahil sa kapatid kong ito. Lagi ko naman siyang tinatanggihan kada magpapakuwento siya, eh. Hindi man lang nasanay.
Humiga na lang ako. Tumalikod siya sa akin at tuluyan nang natulog. Ipinikit ko na lamang ang aking mga mata at natulog na rin.
May yumuyugyog sa aking balikat kaya ako nagising. Bumungad sa aking paningin ang umiiyak na si Rhein.
"Ano ba? Ba't ka umiiyak?"
Hindi siya sumagot. Patuloy lamang siya sa pag-iyak kaya nakaramdam na ako ng matinding kaba. Pinasok na ng pagkataranta ang sistema ko noong may maamoy akong usok. Medyo makapal na iyon nang makita ko sa ere sa paligid namin.
"A-ate, ang bahay natin . . . n-nasusuno-"
Dali-dali akong bumangon. "Bilis, Rhein!" Agad ko siyang hinila at tumakbo palabas.
Nang makalabas na kami, napaupo si Rhein sa kalsada at umiyak nang umiyak. Mabuti na lamang dahil walang gaanong nasusunog na kahoy sa dinaanan namin kanina.
Nilabas ko ang sariling phone mula sa aking bulsa at tinawagan ang numero ng mga bumbero. Makalipas ang ilang minuto, dumating na rin sila at inapula ang apoy-teka, parang may nakalimutan ako.
"Pa . . . Ma . . . " Sina Papa at Mama, naiwan sila sa bahay! Hindi . . . hindi . . .
Dali-dali akong tumakbo papunta sa loob ng bahay ngunit pinigilan ako ng isa sa mga bumbero kaya wala na akong nagawa kundi umiyak na rin nang umiyak. Nilapitan ako ni Rhein at niyakap.
"Mama! P-papa!" Paano na ang buhay naming magkapatid?
Bata pa kami noong mangyari ang insidenteng iyon. Ngayon, malalaki na kami. Isa na ako ngayong secretary ng isang kumpanya. Si Rhein naman ay isa nang Grade 11 student sa Gonzales University. Nakapagpatayo na rin ako ng bahay naming magkapatid. Salamat sa isang kamag-anak naming tumulong sa amin upang makaahon.
Kakatapos ko lang maghanda para sa trabaho ko. Hanggang ngayon, hindi pa rin lumalabas si Rhein ng kuwarto niya. "Bakit hindi pa siya gising? Tanghali na, ah." Pumunta ako sa kuwarto niya at tumambad sa akin ang nakahilata niyang katawan, sarap na sarap pa lang sa pagtulog. Hinila ko ang kumot na sobrang balot na balot sa kanya. "Rhein, wake up. Tanghali na. Late ka na," maawtoridad kong sabi.
Dali-dali naman siyang bumangon at inayos ang mga gamit niya. Agad din siyang naligo. Patakbo siyang umalis palabas ng bahay at pumunta na sa school niya. Hindi man lang kumain ng pang-umagahan at nagpaalam sa akin. Mas mabilis pa yata siya kaysa kidlat.
Mabuti na lang, kami ay natulungan. Wala sana kami sa kalagayang ito kung nagkataong wala.
Napangiti ako ng ilang saglit bago kinuha ang aking bag mula sa kuwarto. Ni-lock ko rin ang pintuan at isinara ang gate bago lumabas ng bahay.
Sa kalagitnaan ng paglalakad, sumagi sa isip ko ang mga nangyari noon. Ayon sa imbestigasyon ng mga pulis, may isang babaeng nakita sa harapan ng bahay namin bago mangyari ang insidente.
Sa ngayon, ito ang pinaniniwalaan ni Rhein na buhay namin. Balang araw, malalaman niya rin ang buong katotohanan . . . at malapit na ang araw na iyon. Kaunting hintay na lang.
Parang kailan lang din, iyon lang din ang alam kong reyalidad naming magkapatid ngunit noong sumapit ang ikalabing-walong kaarawan ko, nagbago ang lahat ng pinaniniwalaan ko. Nalaman ko pati ang tunay kong pagkatao.
Naramdaman kong may dumapo sa aking kanang balikat - si Natre, ang pracien ko. Isa siyang maliit na berdeng ibon. Hindi ko alam kung anong klaseng ibon siya kasi mismo siya, hindi niya rin daw alam.
"Good morning," bati niya.
"Morning din."
Wala namang tao sa paligid kaya kahit na kausapin ko siya, hindi ako mapapagkamalang baliw.
"Have you eaten sa nilagay kong pagkain sa labas ng bintana?" tanong ko habang nakangiti.
"Yes. Gusto ko naman ng toasted bread with honey bukas!"
Napatawa ako dahil sa sobrang tinis ng sigaw niya. "Sige. Basta, pagbutihan mo ang pagbabantay kay Rhein."
"Roger that, Princess!" at tuluyan na siyang lumipad paalis upang sundan ang kapatid ko.
Ilang minuto ang nakalipas, napahinto ako sa paglalakad nang mapansin ko ang isang lalaking nakatingin sa direksyon ko. Mukha siyang kahina-hinala kaya nilapitan ko siya. Napilitan akong habulin siya nang kumaripas siya ng takbo papasok sa isang madilim na eskinita. Nag-teleport ako papunta sa kanyang harapan at kaagad na gumawa ng light sword na aking itinutok sa kanyang leeg.
"Who the hell are you?" mariin kong tanong.
Imbes na mataranta, nagawa pa niyang tumawa. "Relax, Princess." Sabay niyang tinanggal ang kanyang itim na sumbrero at face mask. "Your parents sent me here."
Napapikit ako nang ilang segundo upang pakiramdaman ang presensya niya. Pagmulat ko, nakumpirma ko na kung ano siya.
"Meithi mnarillaza, huh?" seryosong saad ko, "It's the first time na naka-encounter ako ng gaya mo. Mukhang binigyan ako nina Papa ng kakaibang kasama."
Mas lumapad ang ngisi sa kanyang mga labi. "Compliment ba iyan? Thanks!"
"Pagpasensyahan na lang po ninyo ang pracien ko, Princess. Mayabang lang po talaga siya at may pagkapilyo kaya ganiyan," paghingi ng paumanhin ng ibong nasa ibabaw ng kaliwang balikat niya. Kulay-indigo iyon, simbolong kulay ng mga meithi mnarillaza.
Napabuntong-hininga ako. Kasabay n'on ang paglaho ng espada ko. Umayos ako ng tayo at nagkibit-balikat.
"So, kailan tayo maghahanda? Malapit na pala ang birthday niya. Magpa-party ba tayo?" tanong niya. Nagawa niya pang tumawa kaya tinapunan ko siya ng masamang tingin.
"Pambihira. Ano ba'ng nakain nina Papa para ikaw ang ipadala nilang magiging kasama ko? May saltik ka yata." Mas pinanliitan ko pa siya ng tingin nang ngumisi pa siya lalo.
"Prinsesa, ako lang naman si Dylan Wilder, ang nag-iisang naiwang meithi mnarillaza sa buong mundo natin."
Nagsalubong ang mga kilay ko sa narinig. "And why is that? What happened to your clan?" As far as I could remember, they are still living peacefully in their faraway place. That was what the book said though. Hindi pa naman ako nakakapunta sa actual na lugar.
Sa isang iglap, naglaho ang kanyang ngiti. "Aside from me, only the king and queen should know. The princess is forbidden to know the reason."
"Alright." Napabuntong-hininga na lamang ako. Mukhang wala ring silbi kung pipilitin ko siya na bigyan ako ng sagot. Kung sabagay, kahit naman isa akong royalty, hindi naman lahat makukuha ko.
"Ano na'ng gagawin natin?"
Pinukulan ko siya nang masamang tingin. "Masyado ka namang nagmamadali. Hindi ko pa nga alam kung na-approve na nina Papa ang plano ko."
"Approved na raw iyon." May inilabas siyang isang puting papel na nakarolyo mula sa loob ng black leather jacket niya at ibinigay sa akin. "At iyan, liham na pinapabigay nila sa iyo."
Kaagad kong tinanggal ang puting tali n'on at tinanggal ang pagkakarolyo ng papel. Mula sa pagiging blangko, unti-unting nagpakita ang mga itim na letra rito. Ginamitan na naman nila ng mnarill.
Nakaramdam ako ng magkahalong kaba at takot nang mabasa ko ang liham.
"Isa palang babala," komento ng kasama ko dahil nasilip niya rin ang nilalaman ng papel. Kung kanina ay palabiro siya, ngayon ay seryoso na.
"Talagang may posibilidad na umatake siya sa gitna ng pagsubok."
"Paano na? May mga changes bang gagawin sa plano?"
Napailing na lang ako. "Bahala na."

Komento sa Aklat (12)

  • avatar
    Johnwil Reyes

    thanks

    30/01

      0
  • avatar
    Jie Jie

    ang ganda naman nang estorya nato s

    18/08/2023

      0
  • avatar
    San ahanRico

    nice story hehehehe lab u hahahahahhahhahha may comedy sana dito para nice at masayabasahin diva guys

    19/03/2023

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata