logo text
Idagdag sa Library
logo
logo-text

I-download ang aklat na ito sa loob ng app

Chapter 1

Taong 2003
“Rosette, mahal? Handa na ang ating mga gamit at ang isasama nating mga tauhan. Aalis na tayo,” saad ng hari na nagpabalik sa huwisyo ng reyna kaya napatingin ito sa karga-karga niyang anak.
Muli na namang lumukob ang emosiyon na ayaw na sana niyang maramdaman pa pero kahit anong gawing pag-iwas niya ay hindi niya maiiwasan pa. Pinadaanan niya ng kaniyang daliri ang napakagandang mukha ng kaniyang anak.
Halo-halo ang mga emosiyon na nakapaloob sa kaniyang dibdib sa mga oras na ito ngunit ang awa ang siyang tanging nag-uumapaw. Awa para sa sariling anak, awa para sa sarili.
Ayaw niyang maramdaman iyon, ayaw niyang makaramdam pa ng awa pero paano niya ba iyon maiiwasan? Paano niya maiiwasan kung sa bawat hakbang niya ay kaakibat na yata ng buhay niya ang salitang awa.
Dalawang taon na ang nakararaan mula nang isilang niya ang nag-iisang prinsesa sa kaharian ng España. Natatandaan pa ni Rosette ang nararamdaman niyang iyon dahil hindi mabura-bura sa kaniyang balintataw ang kaniyang napagdaanan.
Iyon na yata ang pinakamasayang araw sa buhay niya. Araw na nais niyang balik-balikan.
Tandang-tanda pa niya ang mga ngiti nang marinig niya ang unang pag-iyak ng kaniyang anak nang isilang niya iyon. Tila nakikita pa niya hanggang ngayon ang ngiti na kumakatok sa kaniyang labi at ang luha ng kagalakan na hindi nahiyang magpakita.
Milyon-milyong saya dahil sa wakas ay nagbunga na rin ang kanilang pagpapanata na magkaroon ng anak upang may sumunod sa kanilang trono, ang maghari sa kanilang kaharian. Hindi madali ang pagpapanata na ginawa nila. Doon niya naranasan ang pait upang matupad lamang ang kaniyang hiling. Palagi niyang naibubulong na hindi pala madali.
Pero nang magsilang siya, labis ang tuwa, masarap na ngiti at malambing na pasasalamat. Hindi lang sila ang nagdiwang kun’di ang buong nasasakupan nila. Ilang taon din ang kanilang hinintay.
Ngunit ang kaniyang isinilang ay wala ni isang buhok hanggang sa nagdiwang ito ng unang kaarawan. Labis ang kaniyang pagtataka pero wala naman siyang mapagtanungan. Paulit-ulit na itinatanong ng reyna na posible kaya na matubuan pa ng buhok ang kaniyang anak? Subalit, lumipas pa ang isang karagdagang taon ay wala pa rin, dismayado siyang napaluha.
Hindi na alam ng reyna kung ano ang kaniyang dapat na gawin at kung sino ang dapat niyang lapitan upang mahingan ng tulong. Minsan ay nasasabi na lang niya na baka ito ang parusa niya. Na baka pinapahirapan talaga siya.
“Mahal?”
Huminga nang malalim si Rosette bago tumingin sa asawa. Batid ng Reyna Rosette na mahahalata na sa kaniyang mga mata ang namumuong mga luha na handa na sa pagtulo. Luha na ayaw na niya sanang masilayan pa pero kapag naaalala ang mga pangyayari na iyon ay hindi niya kayang pigilan ang pagtulo. Kapag ganito talaga ang tumatakbo sa isipan niya ay nahihirapan siyang kontrolin ang sarili.
“Krist, tama kaya itong gagawin natin?” hindi niya napigilang itanong sa asawa kahit alam niyang hindi rin nito alam ang sagot sa katanungan niya. “Paano kung hindi pa rin niya matutulungan si Ariyah? Anong gagawin natin?”
“Magtiwala lang tayo. Baka nga sa susunod na taon ay matubuan na ng buhok ang anak natin.” Hinalikan nito ang noo ng bata na karga-karga niya. “Diba, Ariyah?” tanong nito sa bata na sinagot naman ni Ariyah ng pagtawa.
“Sa pagkakatanda ko, Krist, iyan din ang sinabi mo noʼng nakaraang taon pero wala namang nangyari. Hanggang kailan ba tayo maghihintay? Hanggang kailan pa tayo aasa? Hanggang—”
Hinalikan ng hari ang kaniyang noo at bumulong sa kaniya. “Huwag kang mawalan ng pag-asa. Hindi pa naman huli ang lahat.”
Hindi pa huli ang lahat.
Kailan ba niya malalaman kapag huli na ang lahat? Paano ba niya malalaman kapag ito na ang tamang panahon?
Dumako ang tingin niya sa kalangitan na binabalot ng itim na ulap, mukhang hindi pa makikisabay sa kanila ang panahon. Sana nga hindi pa huli ang lahat. Sana nga.
Saan ba siya nagkulang? Nagkulang ba siya bilang reyna? Nagkulang ba siya bilang asawa? Nagkulang ba siya bilang ina? Nagkasala ba siya? Bakit ang anak niya ang pinaparusahan? Pero paano nga ba niya malalaman kung nagkulang nga siya?
Kung kanino na sila sumangguni at humingi ng tulong upang mabiyayaan ng anak. Kung sino-sinong tao na ang kanilang nilapitan hanggang sa may nagturo sa kanila sa isang diwata na ayon sa nagturo ay ito rin daw ang kanilang nilapitan.
Wala silang sinayang na panahon, agad nilang pinuntahan ang diwata na nagngangalang Diwata Phia.
Marami itong ginawang seremonya at iba’t ibang ritwal na sa madaling salita ay makatutulong sa kanilang problema. Wala itong hiniling na kapalit at hindi ito nanghingi ng bayad.
“Halika na, Rosette. Aalis na tayo.”
Pumikit si Rosette at nanalangin na sana ay gabayan sila sa kanilang paglalakbay at maging matagumpay ang kanilang gagawin. Ito na lamang ang huli nilang pag-asa. Kung sakali mang walang mangyari, hindi na yata niya alam kung anong gagawin niya. Wala na siyang alam na paraan.
Pagdilat niya, lumiwanag ang paligid at nawala ang maitim na mga ulap na kanina lang ay yumayakap sa kalangitan. Lihim siyang napangiti, mukhang maganda ang senyales na ito.
“Teodoro, magpaiwan ka—”
Napalingon siya nang marinig niya ang pangalan na iyon na binanggit ng kaniyang asawa.
“Pero, Mahal na Hari, kailangan niyo po ako,” pagputol ni Teodoro sa sasabihin sana ng hari at mababakas sa mukha nito ang pagkabigla.
Kahit siya ay hindi niya inaasahan na sasabihin ng asawa niya ang mga salitang iyon. Napakaimposible naman yata.
“Kung aalis tayong lahat baka wala na tayong balikan, Teodoro. Marami rin namang kawal ang sasama sa amin patungo sa kaharian ni Diwata Phia kaya sa ngayon ay magpaiwan ka muna.”
Walang nagawa si Teodoro kunʼdi sundin ang utos ng asawa niya. Simula nang ang asawa na niya ang namahala sa kaharian ay si Teodoro Malazarte na ang naging sandalan at kanang kamay nito.
Bago may gawing pagpapasiya ang kaniyang asawa ay isinasangguni muna nito sa lalaki kaya nakakapagtaka kung bakit hindi isasama ng asawa niya si Teodoro.
Yumuko si Teodoro bilang paggalang at nagwika, “Kung iyan ang nais mo, Mahal na Hari. Masusunod po.”
“Maaasahan talaga kita, Teodoro.”
Pinagmasdan ni Rosette ang lalaki habang nakayuko pa rin. Halata na may edad na ito kung ang buhok nito ang pagbabasehan, humahalo na sa itim na buhok nito ang kulay puti. Palagay niyaʼy nasa kuwarenta na ang edad ng lalaki.
Humakbang siya papalapit sa lalaki. Hindi niya alam kung bakit nakaramdam siya ng ibayong kaba nang nasa harapan na siya ng lalaki. May nais siyang sabihin ngunit hindi niya alam kung paano bigkasin. Ganito siya palagi, tuwing nakikita niya ang lalaki ay bigla na lang nagbabago ang pagtibok ng puso niya pero pilit niya iyong isinawalang-bahala.
Tumingala ang lalaki at tiningnan siya. Ngumiti ito na para bang may binabalak na masama. Humakbang si Rosette paatras kasabay ng pag-iyak ni Ariyah. Mas hinigpitan niya ang paghawak sa anak.
“Rosette, halika na,” tawag sa kaniya ni Krist na nasa sasakyan na at hinihintay siya.
“May pinag-usapan lang po kami, Mahal na Hari,” sagot naman ni Teodoro na nagpatindig ng kaniyang balahibo.
Wala naman silang pinag-usapan ng lalaking ‘to.
“Sinabi ko lamang po na mag-ingat kayong dalawa,” dagdag pa nito.
Mabilis ang mga hakbang niya upang makarating siya agad sa sasakyan. Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon kung umasta ang lalaki kanina at bakit nito sinabi na may pinag-usapan sila kahit wala naman.
Nang nakaupo na siya at nagsimula nang umandar ang sasakyan ay si Ariyah naman ang pinagtutuunan niya ng pansin, ayaw pa rin tumigil sa pag-iyak ang bata. Marahil ay naramdaman din ng anak niya ang tensiyon na bumalot sa kaniya kanina.
“Tahan na, anak. Papunta na tayo kay Diwata, matutulungan niya tayo,” bulong niya sa bata.
Lumingon siya sa asawa niya, salubong ang mga kilay nito at madilim ang mga mata. Nakakunot din ang noo ng asawa niya. Mas lalo tuloy lumakas ang pagkabog ng kaniyang dibdib.
“Bakit?” kinakabahan niyang tanong dito.
Gusto niyang palakpakan ang sarili dahil nagawa pa niyang tanungin ang asawa at salubungin ang nakakatakot nitong titig. Wala namang mangyayari kung magpapadala siya sa kaba.
Pakiramdam niya ay alam na niya kung bakit ganito ang aura ng asawa niya. Mayroon siyang duda pero ayaw niyang iyon ang maging dahilan. Ngayon pa lang ay binabalot na siya ng kaba. Ayaw niyang maulit na naman ang nangyari.
Isipin pa lamang iyon ay natatakot na si Rosette, paano na lang kung magkatotoo? Ano ang gagawin niya? Paano ang anak niya? Paano ang pamilya niya? Paano siya?
“Anong pinag-usapan niyo ng dati mong kasintahan?”

Komento sa Aklat (44)

  • avatar
    Nguyễn TuấnVũ

    nhsjfcehhdcf

    21d

      0
  • avatar
    martinezMatt andrie

    ayus sya maganda gamitin

    23/07

      0
  • avatar
    Lucas Mallari Satparam

    good

    20/07

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata