logo text
Idagdag sa Library
logo
logo-text

I-download ang aklat na ito sa loob ng app

Chapter 5

"Hoy! Florence! Tulala ka d'yan? Kanina pa may sinasabi si Sir!"
Nakatanga ko siyang nilingon. Mabigat ang mga mata dahil kulang sa tulog.
"Huh? Anong sabi mo?" matamlay na tanong ko dahil hindi ko mairehistro nang malinaw sa kokote ko ang mga pinagsasabi niya.
Marahas siyang napabuntong-hininga at umiling sa akin. "Ano na naman kasi iyang pinagpuyatan mo? Wala pa naman tayong project. Imposible namang Math 'yan, e wala na tayo no'n!"
Totoo ang sinabi niya. Tapos na kasi ang Math subjects namin no'ng Grade 11 pa lang kaya wala na kaming subject na anything related sa Math ngayon. Pero hindi naman pag-aaral ang pinagpupuyatan ko ngayon . . .
'Yong masungit kasing anak ni Kuya Victorio ay hindi ako pinapatulog nang mahimbing! Simula no'ng maisama ko siya sa daydreaming ko bago matulog ay pati sa panaginip ko ay lumilitaw na rin siya! Three days straight! I mean nights! Tatlong gabi na niya akong binubulabog sa malaparaiso kong buhay kasama si Jazz sa aking panaginip!
"Hoy, Florence! Butas na 'yang sketch pad mo!"
Napaigtad ako nang sikuhin ako ni Elise at napatungo sa aking table. Hindi ko namalayan na napadiin na pala ang pagkakahawak ko sa aking lapis at naikutkot sa aking sketch pad dahilan para mabutas ang iilang pahina no'n. Napangiwi't napabuntong-hininga ako sa nagawa. Ayan! Sayang tuloy 'yong mga nasayang na pages! Kasalanan 'to no'ng anak ni Kuya Victorio, e!
"Got any problems, Miss de Mayo?"
Napa-straight ako sa pagkakaupo nang marinig ang aking last name. "W-Wala po, Sir!"
Tumango ang aming baklang adviser at naglakad-lakad sa harap habang ang mga kamay ay nasa likod.
"So as what I have said a while ago . . . Ilang araw na lang ay malapit na ang Foundation Week ni'yo. At dahil tayo ay nasa Arts Department, automatic na tayo ang nakatoka sa pagdidisenyo ng nasabing event. Pero ang mga nasa itaas na Fine Arts ang bahala sa props or whatsoever. Ang mga taga-Multimedia naman ay kasama sa mga magpeperform sa opening ceremony at tayo naman ang sa mga background or backdrops dahil gusto ng Principal na fabric ang mga ito para pwedeng i-recycle . . ."
Naging attentive ako sa ina-announce ni Sir Migs at s-in-et aside muna ang inis na nararamdaman para sa anak ni Kuya Victorio. Gustong gusto kong nagpa-participate sa mga ganitong event kasi may recognition ito after. At recognition means another achievement for me. Kapag marami akong ganap dito sa school at naipamalas ko ang talentong mayro'n ako, tiyak na makikilala ang mga gawa ko. At sa simpleng pagdidisenyo lang ng event ay malaking tulong na akin.
Ang Foundation week kasi sa amin ay ibig ding sabihin na open campus. Means, bukas ang aming eskuwelahan sa ibang campuses or outsiders. They are free to join, syempre basta huwag lang manggugulo. At dahil open campus nga kami tuwing Foundation ay paniguradong may mga bigating bisita ang aming Principal. Mga officials ng mga sikat na schools sa Caershire. At kapag nagustuhan nila ang disenyo na gagawin namin ay may chance na offer-an nila kami ng scholarship sa university nila o sister university sa ibang bansa. Either way, malaking tulong iyon sa akin kung magkataon.
Last year, ako ang officer-in-charge sa event na ito sa aming track na Fashion Design. Wala namang big deal sa nagawa ko dahil sa reception lang kami ng mga officials nag-ayos. Mga tela lang na gagamitin para sa tables and chairs ang inasikaso namin. Medyo nalungkot ako roon kasi ang nabigyan ng chance para makakuha ng scholarship ay mula sa Music dept. At hindi ko pa rin alam kung sino 'yon. May pagka-confidential kasi.
"At alam naman na natin na kailangang may mamuno rito maliban sa akin, right? So I'll give you the freedom to choose who among you fits to be officer-in-charge for the upcoming event—"
Hindi pa man natatapos magsalita si Sir ay nagtaas na kaagad ng kamay si Elise na nasa tabi ko.
"Ako, Sir! Ako! Ako!"
Tumaas ang kilay ni Sir Migs at mataray na nilingon si Elise. "Yes, Miss Johnson, are you nominating yourself?"
Tumayo si Elise at nagkamot sa patilya. "A, e, hindi po, Sir. Ako po magno-nominate. I proudly, respectfully and wonderfully nominate Florence de Mayo po!"
Lumaki ang mata ko sa narinig at hinila paupo si Elise.
"Hoy!" mahinang sita ko.
Gusto ko naman talagang maging officer-in-charge pero dapat pa-humble muna at may pahiya-hiya effect!
"Hmm . . . okay? Any other else?" Nilingon ni Sir Migs ang iba ko pang kaklase na parang walang balak maki-cooperate sa nominations kaya naman si Elise na ulit ang nagtaas ng kamay niya sa ere.
"Yes, again, Miss Johnson?"
"I second emotion, Sir!"
Nagsibungisngisan ang mga kaklase ko at kasali ako roon. Muntik nang matawa si Sir pero hindi ko alam kung bakit niya pinigilan. At dahil sa ginawa niyang muntik na pagtawa ay nasira ang poise niya kaya naman para maisalba ang natitira ay hinawi na lang niya ang kaniyang non-existent bangs at umismid.
"You're not funny, Miss Johnson. Please be serious."
"Pero, Sir . . . I'm serious po. Promise po walang halong keme."
Napabuntong-hininga na lang si Sir at umiling. "Okay, fine. You may sit down," muling binalingan ni Sir Migs ang iba ko pang kaklase. "Wala na ba kayong gustong i-nominate? Payag ba kayong lahat na si Miss de Mayo na ang maging officer-in-charge?"
Parang robot na tumango ang lahat ng mga kaklase ko. Tahimik akong umismid. Sus! If I know kaya ayaw nilang mag-volunteer o mag-nominate ng iba kasi ayaw nila ng responsibility at malamang marami na namang tatakas para tumulong!
"O sige, Miss de Mayo," bumaling ng tingin sa akin si Sir kaya muli akong umayos ng pagkakaupo. "I expect a lot better from you this time. Last year ay hindi natin masyadong naipamalas ang galing natin sa mga visitors . . . so I hope this time, magagawa nating maiangat ang Fashion Design sa pamumuno mo."
Nahihiya akong ngumiti kay Sir. Medyo kinabahan sa magiging responsibilidad na papasanin. Sana lang makiayon ang mga kaklase ko! Lalo na 'yong mga tamad!
"Don't worry, Sir! Yakang-yaka natin, 'to!" ani ko sa pekeng masiglang tono at tawalang pilit. 'Yong tawa ba na hehe ang tunog.
"That's great to hear . . . Okay, class! 'Yon lang naman ang announce ko kaya back to work na!" Pumalakpak pa ang aming guro. Dahan-dahan ko namang nilingon si Elise nang may pilit na ngiti.
"Ano 'yong pinapagawa ni Sir? Mayro'n ba? Bakit hindi ko alam?"
Umirap sa akin si Elise. "Hindi mo talaga malalaman kasi kanina ka pa tulala! Siguro si Jazz na naman 'yang iniisip mo! Jusme ka!"
Kumibot ang nguso ko sa sinabi niya. Sana nga si Jazz na lang ang umuukupa ng isipan ko ngayon para ganado ako at hindi 'yong feeling-ero at supladong anak ni Kuya Victorio, kasi pinapasakit niya ang utak kong may three percent lang na brain cells!
Natapos na ang huling klase namin para sa araw na ito. Pero bago pa tuluyang makalabas ang mga atat kong kaklase ay inunahan ko na sila para harangan ang pintuan sa harap samantalang nasa likod naman si Elise.
"Hep! Hep! Hep! Wala munang tatakas kasi magme-meeting muna tayo tungkol sa gagawin nating design sa Foundation!"
Malakas na nagsiangal ang mga kaklase ko lalo na ang mga kalalakihan.
"Bukas na lang, Florence! Pinapauwi ako ni Mama ng maaga, e!" sabi ni Aaron na napakamot pa sa ulo at nakakunot ng noo.
"Oo nga, Florence! Bukas na lang nami-miss na ako ng Mama ko," segunda naman ni Darel.
Pinaningkitan ko sila ng mata at pumameywang.
"Hoy kayong dalawa! Mag-e-LOL lang kayo, e! Sa inyo pa talaga nanggaling na kailangan ni'yong umuwi nang maaga, e lagi nga kayong nasa comshop!"
"Oo nga!" singit ni Elise mula sa likod at hinaharangan rin ang mga kaklase namin.
Kumamot naman ang dalawang lalaki sa kanilang mga batok. Umungot pa pero umupo rin sila nang padabog.
"Badtrip naman may pustahan kami ng mga taga-Fine Arts, e!"
Inirapan ko lang ang reklamo ni Aaron at tinaboy ang mga kaklase para umupo.
"Maaga tayong matatapos kung makiki-cooperate kayo! Kaya hala sige, magsiupo na kayo para makauwi kayo nang maaga!"
Sumunod naman sila nang labag sa kanilang kalooban. Lumakad ako sa gitna at tumikhim. Mabuti na lang ay may built-in platform stage roon para kahit papaano ay tumangkad ako at nagka-confidence magsalita.
"So without further ado, let's start! Any suggestions sa mga pwede nating gawing concept for designing?"
Nagtaas ng kamay ang muse naming maarte. "What if . . . ikaw na lang ang umisip ng concept tutal ikaw naman ang officer-in-charge? Para na rin makauwi kami, 'di ba?"
Muli ko na namang nilagay ang aking mga kamay sa magkabilang baywang. Umirap ako at napanganga sa inis sa babaeng iyon. Sinuportahan naman siya ng mga kaklase ko maliban kay Elise na sinasaway sila Aaron.
"What if . . . hampasin kita nitong table ni Sir Migs para hindi na makabuka iyang bibig mong puro negative energy ang lumalabas?"
Nanahimik ang mga kaklase ko pati si Jessica—iyong muse namin na ganda lang ang mayro'n. Umirap ito sa akin at padabog na naupo. Nag-make face naman ako sa kaniya. Malditang ito!
Natapos din naman 'yong meeting namin, ang kaso nagkaroon ako ng maraming kaaway sa room. Paano ba naman kasi! Ang aarte dahil seventy percent ng tao sa room ay puro babae! Wala nila ng heavy work kasi baka raw masira ang mga kuko nila at mawalan na talaga sila ng pag-asang mapansin ng Zenith! Ha! As if naman na kahit polished at kuminkintab pa 'yang mga kuko nila ay mapapansin sila?!
Pero mabuti na lang talaga ay may pinatunguhan naman kahit papaano ng pinag-meeting-an namin. Kahit kung wala, ay aba't hihingi na ako ng tulong kay Sir! Last year mga nasa sampu lang kaming nag-asikaso para sa event!
"O, hingang malalim, girl. Baka atakihin ka nyan!" biro sa akin ni Elise habang pababa kami ng building. Kami ang naiwan sa room para linisin iyon kasi as usual nagsitakas ang mga cleaners.
Kaya ganito na lang ako kahigpit at kasungit sa kanila kasi ako rin ang kanilang President. Kaya kinakilangan ko talaga silang disiplinahin kasi kung 'di ay masisira ang image ko bilang butihing mag-aaral!
"Kakabadtrip kasi sila! Lalo na iyang si Jessica! Nakatabi lang sa pila si Jazz kung makaasta akala mo napakaganda ng bruha!"
"Gurl," hinimas ni Elise ang aking likod. "Maganda naman talaga si Jessica. Pero don't you worry, cute ka naman."
Inirapan ko lang siya at pabirong tinampal ang kamay. "Wow, thanks sa pampalubag loob, ha. By the way, sa gate mo na lang pala ako hintayin, dadaan muna ako sa locker area. Lalagay ko lang itong art mats at sketch pad ko."
Tumango naman si Elise. Alam ko namang tamad din ito at ayaw na akong samahan kasi malayo-layo pa ang locker area. Hiwalay na building ang locker area namin. Well, sa totoo lang dapat nga ay locker building iyon sa isang building ang inilaan ng LSA para sa mga lockers lang ng mga estudyante.
Sama-sama lahat ng lockers doon, as in lahat! Kaya naman malaya kong naipupuslit ang love letter at sketches ko para kay Jazz, e. Kaso nga lang, marami laging tao sa tapat ng lockers ng mga myembro ng Zenith—maliban na lang sa ganitong oras.
"Sure kang ilalagay mo lang ang mga iyan? Baka naman may ibibigay ka na namang letter kay Jazz, ha?"
"Gagi! Wala, 'no! Wala akong time magsulat, puyat ako, e," kibit-balikat ko. "O sige, punta na ako. Sa may gate ka lang, ha!"
" 'Ge, basta bilisan mo."
Nagsimula na akong maglakad papuntang locker area. Nasa pagitan iyon ng Dance at Music dept. kaya medyo malayo mula sa building namin. Hindi pa naman madilim dahil kakaala-singko pa lang kaya hindi pa ako natatakot maglakad-lakad kahit na wala nang katao-tao sa school. Hanggang alas tres lang talaga ang pasok namin (lahat ng estudyante ng LSA) pero dahil nga may meeting ay umaabot kami ng quarter to five.
Biruin mo 'yon? Halos dalawang oras pala akong nakipagbungangaan sa mga kaklase ko?
Nakarating ako sa locker area at dumeretso kaagad sa locker ko. Kinilig pa nga ako nang bumungad sa pagbukas ko ang puro mukha ni Jazz. 'Yung iba halatang pinunit kasi apat sila sa poster na 'yon at si Jazz lang naman talaga ang gusto kong makita. Na kay Elise naman ang other half no'ng mga posters.
Paalis na sana ako ng maisipan kong dumaan sa locker ni Jazz. Wala lang, gusto ko lang haplusin at baka maging mapayapa na ang pagtulog ko mamaya sa basbas ng locker niya.
Tabi-tabi ang lockers ng mga members ng Zenith at mahahalata mong kanila ang mga iyon dahil maraming letters, regalo, bulaklak, stuff toys at chocolates ang makikita sa tapat no'n.
Nahirapan pa nga akong makadaan dahil sa dami ng mga nakaharang na alay para sa kanila. Nasa bandang huli kasi ang kay Jazz at mauuna kong madadaanan ang sa tatlong myembro. Aksidente ko pang nasipa 'yung box ng chocolate at natapakan 'yong ibang letters. Napapangiwi ako sa t'wing nagagawa ko iyon.
"Hala, sorry!" halos naiiyak kong sabi. Alam ko kasi 'yong pakiramdam na pinag-effort-an mo tapos mababalewala lang. Mukha kasing matagal-tagal na ang iba rito at hindi napapansin.
Humakbang ako ulit at malapit na sana sa locker ni Jazz nang muli akong may maapakan. Hindi iyon letter, box ng chocolate o kung ano pa man. Makapal iyon at parang solido. Tumungo ako para makita kung ano iyon. Isang notebook! Hindi ko alam kung bakit mabilis akong yumuko para damputin ang notebook na iyon.
Namangha ako ang disenyo ng notebook—teka, mukha atang journal ito kasi mas makapal pa ito kaysa sa notebook—simple lang naman ang pabalat no'n, matte black at mukhang customized ang journal kasi may naka-embossed na malaking letter V sa gitna at mukhang pirma naman ang nasa right slope ng V. Hinaplos ko iyon at naramdaman ko ang pagdaloy ng kuryente sa sistema ko.
Nakarinig ako ng tunog ng isang yapak na papalapit. Nabigla ako at kinabahan sa hindi malaman na dahilan. Sa taranta ay nagmamadali akong tumawid sa locker area ng Zenith hanggang sa makarating ako sa dulong aisle at pinagsiksikan ang sarili para makadaan sa kabila. May dulot din pala ang magiging maliit ko! Tahimik pero mabilis akong lumabas ng locker area.
Nasa may bandang Admin building na ako nang malingunan ko ang journal na hawak-hawak ko pa rin. Dala ng kuryusidad ay naisipan kong buklatin iyon at alamin kung kanino. Siguro bukas ko na lang ibibigay ito sa Lost and Found, sarado na kasi, e.
"Siguro sketch book 'to? Sa arts and design department kaya ito?" tanong ko sa sarili habang pinasadahan ng darili ang letter V.
Sa pagbukas ko palang ng pabalat ay kaagad na nanlaki ang mata ko. Ang ganda ng penmanship! Binasa ko iyon at nangunot ang noo. Bakit ang ganda ng sulat, e lalaki pala ang may-ari nito?!
"Isaiah Verse Gozon . . ."
Napakamot ako sa aking baba. Hmm . . . parang familiar. Saan ko nga ba narinig ang pangalang ito?

Komento sa Aklat (17)

  • avatar
    Arabella Fernandez

    good

    18/05/2022

      0
  • avatar
    MylesCharielle

    ❤️❤️❤️

    30/03/2022

      0
  • avatar
    Lieve_gnthe

    supportttt ♥️

    18/03/2022

      1
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata