logo text
Idagdag sa Library
logo
logo-text

I-download ang aklat na ito sa loob ng app

Chapter Four

"Nabilang mo na ba kung ilang manok 'yan Kiko? Ilock mo na kaagad 'yan baka may makalabas pang manok. Ayokong manghuli nakapapagod," utos ni Mang Boy sa kasama niyang binatilyo.
Tumango ang lalaki. "Opo Mang Boy.  Singkuwentang manok po ito lahat," magalang na sagot ni Kiko sa kaniya.
Bumaling na sa akin si Mang Boy. "O ito na ang bayad hijo. Ikaw na pala ang bagong nakatira diyan. Sana naman ikaw na ang magtagal diyan dahil papalit-palit ang mga tumitira diyan. Isang buwan lang yata ang pinakamatagal na tumitira diyan. Madalas linggo lang ang iba. Maayos naman ang bahay pero bakit kaya sila umaalis? Maayos din naman yata ang suweldo pero umaalis pa rin sila kaya iba't-ibang mukha na ang nakasasalamuha ko," saad nito sabay kamot sa batok.
"Opo, ako na nga ang bagong nakatira sa bahay na iyan. Pag-iigihan ko po kasi pinangako ko po kay tita na aalagaan ko nang mabuti ang mga manok niya pati ang mga pinsan ko."
Tumaas ang kilay niya. "Kamag-anak mo pala si ma'am Alma?"
Tumango ako. "Opo. Kapatid siya ng mama ko."
"Ganoon ba? Sige alis na kami. Salamat sa iyo," sabi niya at saka kaagad na pinaandar ang motor. Sinundan ko na lang sila nang tingin.
Nagtitinda sila ng pritong manok di lang kalayuan mula rito. Malakas ang kanilang negosyo kaya naman maramihang manok na ang kaniyang kinukuha kahit may manok pa siyang natitira sa kanila. Siguro para na rin hindi magkaubusan. Binilang ko ang halagang hawak ko ngayon at saka nilagay ito sa sobre. Kailangang maibigay ko na ito kaagad kay Lea para magawa ko na rin ang iba ko pang gagawin. Mabilis ang bawat hakbang ko para maabutan ko pa silang naroon.
Pagkaabot ko ng pera kinuha ko ang mga pagkain ng manok upang pakain sila. Pagkatapos ay nilinis ko ang kanilang kulungan dahil marami na silang duming nagkalat. Inaayos ko ang pagkakalinis nito.
"Hays," saad ko sabay buntong-hininga. Naupo ako sa tabing puno ng mangga.
Napatingin ako sa puno ng mangga, mukhang maniba na ang mga bunga nito. Tumayo ako at saka naglakad patungo sa bahay upang kunin ang panungkit. Kumuha ako ng iilang piraso. Bigla kasi akong natakam nang makita ko ang mga mangga.
"Puwede na siguro ito meryenda ko mamaya," sabi ko sa aking sarili ng may ngiti sa labi.
Tanghalian na naman kaya nagluto na ako ng ulam ko dahil may tira pa naman akong kanin. Nilapag ko ang cellphone ko sa sofa at pagkatapos ay nagsimula na akong magluto. Matapos kong magluto ay kumain na ako.
"Thank you Lord sa pagkain." Kinuha ko ang pinagkainan ko at saka hinugasan ito.
Kinapa ko ang bulsa ko nang maalala ko ang cellphone ko. Wala ito sa bulsa ko.
"Nasaan ang cellphone ko? San ko ba yun nilagay?" mahinang sambit ko. Inikot ko ang aking paningin upang makita ko ang cellphone ko.
"Ayun!" bulaslas ko nang makita ko ito sa may gilid ng dingding. Nagtaka ako bigla, bakit nandito ito? Dito ko ba nalapag?
Kinuha ko ito at saka pinagpagan. Napansin ko na may nakasuksok sa may gilid ng dingding. Hindi ganun ito pansinin dahil nakasuksok ito pero dahil sa malapit ako dito ay hinugot ko ito.
Fiona... 'Yon ang nakasulat sa likod ng larawan.
Binaliktad ko ito at nakita ko ang isang larawan ng babae. Maamo ang mukha nito at masasabi kong napakaganda nito. Kanino kaya ito? Hindi kaya sa dating nakatira rito? Sa tingin ko nasa bente pataas ang kaniyang edad. Nagkibit-balikat na lang ako at saka siniksik sa pagitan ng kahoy sa dingding ang larawan.
"Sa wakas," saad ng isang tinig. Nanindig ang balahibo ko. Rinig na rinig ko ito na tila malapit lang sa akin.
"Putek naman," sabi ko sabay pasok sa kuwarto. Bigla kasi akong nakaramdam nang takot dahil alam kung nandiyan na naman ang multong naririto.
Gabi na nang ako'y magising. Bumangon agad ako. Kinuha ko ang cellphone ko upang makita kung nagmessage ba ang dalawa kong pinsan sa kabila. Nagmessage nga si Leo. Ayos lang daw sila doon at hindi ko na sila kailangang puntahan pa.
"Mark..." Napalingon ako bigla nang may tumawag sa akin ngunit wala naman akong nakita sa aking likuran.
"Mark... tulungan mo ako," muling tawag nito sa akin sa malungkot na tinig.
"Puwede ba kung sino ka man huwag mo akong gambalin. Gusto ko lang mamuhay dito nang payapa. Hindi naman kita papaalisin dito basta huwag mo lang akong guluhin," sabi ko habang naghuhugas ng kaldero.
"Hindi kita guguluhin basta't tulungan mo ako."
Napapikit ako nang mariin. "Alam kong isa kang kaluluwa. Pasensiya na pero hindi ako tumutulong sa mga kagaya mo"
"Kahit ngayon lang...gusto ko lang makamit ang hustisya."
Natahimik ako bigla. Napakalungkot ng tinig niya na parang gusto niyang umiyak. Hindi. Pero hindi. Ayoko makisali sa mga ganito. Ayokong magkaroon nang ugnayan sa kanila. Ayokong makasalamuha sila. Ayoko talaga.
"Hindi ako makatutulong sa iyo. At isa pa, ayokong magkaroon nang ugnayan sa inyo," sabi ko habang pinagpapatuloy ang ginagawa ko. Sinalang ko na ang kaldero.
Nabuksan ko na ang refrigerator nang bigla itong magsara. Napaatras ako.
"Maawa ka sakin. Alam kong may mabuti kang puso," sabi nito na halos maiiyak na ang tinig.
Pinagpawisan ako ng bigla. Iba ang presensya niya. Tila matagal na siyang naririto at nakikipag ugnayan sa mga tao. Nakaramdam ako nang kaba pero binuksan ko pa rin ang refrigerator at saka kinuha ang karne ng manok na lulutuin ko.
"Pakiusap. Alam kong nakikita mo rin ako ngunit hangga't maari ayokong magpakita sa iyo upang hindi ka matakot."
"Hindi naman ako matatakot sa iyo kahit magpakita ka pa. Sanay na ako sa mga katulad niyo."
"Kung ganoon salamat. Alam kong ikaw na ang pag-asa ko para matahimik na ako. Gusto ko lang makamit ang hustiya ng pagkamatay ko."
Luto na rin sa wakas ang kanin. Nakakainis! Siya ang multong matagal kong nakausap. Mabuti ako lang ang naririto sa bahay kun'di baka pag-isipan nilang nahihibang na ako.
"Kung matutulungan mo ako pangako, may magandang kapalit ang pagtulong mo sa akin."
Pinrito ko na ang manok. Patuloy lang ako sa ginagawa ko. Kunwari wala akong naririnig. Napabuntong-hininga na lang ako. Nakakainis talaga bakit ba lagi nalang ganito?! Hindi ba talaga sila mawawala? Bakit ba lagi nanlang akong kinukulit ng mga multong ito? Baka akala nila saklolo nila ako na anytime puwedeng lapitan. Ano ghost helper?
"Pakiusap Mark...pakinggan mo ako. Tulungan mo ako."
Pinatulo ko ang mantika at saka kumuha ng plato tapos iniligay ko ang manok. Tama na siguro ito, golden brown na.
"Mark pakiusap..." pangungulit niya pa.
Nagsandok na ako ng kanin. Kinuha ko ang electric fan at saka itinapat ito sa akin. Medyo tumutulo na kasi ang pawis ko. Hindi ko alam kung dahil ba sa init o dahil may kaluluwang kumakausap sa akin ngayon.
"Mark..." tawag niya pa sa akin. Hindi ko siya iniintindi.
"Thank you Lord sa pagkain."
Akma na sana akong uupo nang biglang may humatak sa akin mula sa likuran.
"Mark..."
Nanlaki ang mata ko bigla.
Duguan ang ang kaniyang mukha. Sira-sira ang suot niyang bestida na puno rin ng dugo. Napaatras ako.
Hindi ako puwedeng magkamali.
"Pakiusap Mark. Nagmamakaawa ako sayo..."
Paatras lang ako ng paatras hanggang sa madama ko na ang pader sa aking likuran. Nanatili ang mga mata ko sa kaniya.
Hindi ako puwedeng magkamali dahil siya 'yon!
Siya 'yong babae nasa larawan na nakita ko kanina!

Komento sa Aklat (81)

  • avatar
    Wilfredo Saonoy

    Excited Ako matapos Ang story

    11d

      0
  • avatar
    De leonJohn edmarl

    nice

    16d

      0
  • avatar
    CastilloJohn Joseph

    this is beautiful story

    19d

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata