Azy’s POV Muli na naman akong nagising. Dahil sa nangyari sa akin ay dinilat ko ang aking mga mata upang makumpirma kung nasa loob pa rin ba ako ng ospital o nakatakas na. Nakahinga ako nang maluwag nang makita ko ang aking buong kwarto. Nakahiga mismo ako sa kama ko. Umapaw agad ang saya sa aking puso. Napatingin ako sa braso kong may benda. Hindi iyon panaginip, totoong nangyari ’yon dahil dito ako binaril ng kung sino. Napansin kong may nakasulat sa mismo kong benda. Binasa ko ’yon dahil kitang-kita. ‘I have a surprise for you bago ko gawin sa ’yo ang napili mong kapalaran. — Cyprus’ Namuo na naman sa akin ang pagtataka. Hindi ko alam ang surpresa niyang sinasabi. Nataranta na naman ako kaya tumayo agad ako sa kama at tumingin sa bintana. Bakuran namin ang bumungad kaya hindi ko alam ang sinasabi ng lalaking ’to. Nandito naman na ako sa bahay. Dapat na ako maging kampante dahil may magtatanggol na sa akin dito. Uminom ako ng tubig at nag-unat. Tumingin ako sa wall clock. Masyado pa palang maaga. Lumabas na ako ng kwarto. Mamaya na ako magluluto ng almusal kapag mag-aasikaso na si papa. Kinuha ko ang walis-tingting at pumunta sa bakuran upang magwalis. Maliwanag na rin naman na sa labas. Pagkatapos kong magwalis, nagdilig ako ng halaman. Kita kong gising na ang kabilang kapitbahay namin. Nangunot ang noo niya nang makita ako rito kaya naglakad siya papunta sa aking gawi. “Hoy, bata ka! Saan ka ba galing?! Anong ganap mo sa buhay at nakukuha mong magwalis diyan?” I frowned. “Bakit po, ate?” Tinigil ko ang ginagawa. “Nilibing na ang mga magulang mo at ang nakababata mong kapatid kahapon, ngayon ka lang nagpakita? Simula nang maaksidente sila ay nawala ka kaya nagtataka ako kung bakit nakukuha mo lang magwalis? E, ikaw na lang ang mag-isa riyan sa bahay niyo.” Nanigas ako sa nalaman at hindi ko napigilan ang pagbabadya ng aking mga luha. Binitawan ko ang mga hawak ko at nagmamadaling pumasok sa bahay. “Nay! Tay! Ezra!” humahangos kong tawag sa kanila. Siniyasat ko ang bawat kwarto pero wala man lang akong nakita kahit isa sa kanila. Doon na nag-umpisang bumuhos ang aking mga luha. Hinayaan kong umiyak ang sarili ko rito sa sarili. Dahil sa katahimikan ng buong bahay ay tanging hikbi ko lamang ang maririnig. Ako na lang pala ang mag-isa. Sa buong maghapon ay tanging iyak lang ang ginawa ko. Hindi ako lumabas ng bahay. Nilibot ko lang ang aking paningin at inaalala ang ala-ala ko sa aking pamilya. “Ate, nakatatlong star po ako, oh!” Pinakita ni Ezra ang kamay niya sa akin na may nakatatak na star. Kauuwi niya lang galing paaralan. “Ay, wow, ang galing naman ng baby boy ko na ’yan,” puri ko sa kaniya at pinisil pa ang dalawang pisngi. “Ang galing-galing. Pakiss nga.” Hinalikan ko siya sa pisngi. Masaya siyang umupo sa lamesa na may pagkaproud sa sarili. “E, sa akin nagmana ’yan, e. Anong magagawa natin?” pagmamayabang naman ni tatay na abala sa paghahain ng kanin. “Ang kapal mo naman, Arnold,” kontra ni mama. “Ako ang favorite at idol ng bunso nating anak. Kaya magaling sa klase dahil ako ang motivation.” “Parang nangongopya ka nga lang sa akin noong mga high school tayo, Isabel,” bawi naman ni tatay kaya napatawa kami ni Ezra. Tuloy lang sila sa asaran at ang ambag ko ay pakikisawsaw at ang pagtawa. Matapos kong maalala ang ala-alang ’yon ay sunod-sunod na naman nagsibagsakan ang aking mga luha. Walang tigil ang paghagulgol ko at tila wala itong katapusan. Kapag nililibot ko ang tingin ko sa bawat sulok ng bahay ay pamilya ko agad ang naaalala ko. Kapag naiisip na wala na sila ay bumabalik ang napakabigat na lungkot sa aking puso. Hindi ko na alam ang gagawin. Sinabi sa akin ng kapitbahay namin kung saan nakalibing ang pamilya ko kaya agad ko ’tong tinunton. Tatlong araw akong nagkulong sa bahay na walang maayos na kain at ngayon ko lang nakuhang lumabas. Nagsindi ako ng tatlong kandila at nag-iwan ng mga bulaklak. Hindi ko na nakuhang magsalita dahil sumakit agad ang lalamunan ko para sa iyak. Hindi ko alam kung paano naaksidente ang pamilya ko. Hindi ko alam kung paano nangyari at sino ang may gawa nito. Kapag umayos-ayos ang sarili ko ay ipagtatanong ko ang kaso nila. Maghapon akong nakaupo sa kanilang lapida. Napagpasiyahan ko lang umuwi nang balutin na naman ako ng lungkot. Ang alam ko ay naglalakad ako papunta sa hardware. Ramdam ko rin na tila may mga taong sumusunod sa akin pero hinayaan ko lang ’yon. Sarado ang aking isip. Bumili ako ng lubid at dumiretso ng uwi sa bahay. Binaba ko lahat ng gamit ko maliban sa binili ko. Kumuha agad ako ng upuan upang gawing tungtungan. Walang emosyon ang mukha kong tinatali ang lubid sa bakal. Nang maayos ko na, inilusot ko ang ulo ko sa lubid na nakapabilog. Lumunok ako. Ito lang ang gusto kong gawin at wala ng ibang pumapasok sa aking isipan. Dagdag ang katahimikan ng bahay para gawin ko ang bagay na ’to. Itutumba ko na sana ang upuan nang makita ko ang family picture namin. Si nanay na nakasimangot kay tatay, si Ezra na nakangiti kahit bungi at si tatay na wagas ang ngiti. Naalala ko ang bilin ni tatay. “Kapag wala na kami, Azy. Ikaw na ang bahala sa kapatid mo dahil alam kong kaya mo siyang alagaan.” “Kahit anong pagsubok sa buhay, huwag na huwag kang papatalo at susuko na lang dahil sinusubok ka lang ng Diyos. Magtiwala ka sa kaniya dahil may plano siya sa buhay mo.” “Kahit wala na kami, anak. Palagi mong tatandaan na sobrang hangang-hanga ang tatay sa ’yo. Panis ’yang magiging boyfriend mo dahil hindi niya mahihigitan ang maganda kong pagtrato sa prinsesa ko.” Paulit-ulit ang mga kataga niya sa isip ko hanggang maramdaman ko na lang muli ang aking mga luha na nagsisibagsakan. Hinayaan kong malaglag ang sarili ko sa upuan. Bumagsak ako sa sahig na umiiyak. Tumayo ako at nagwala. “Ahhhhhhhhh!” iyak ko. “Kung pagsubok ’to, tama naaaaaaaa!”
Salamat
Suportahan ang may-akda na magdala sa iyo ng mga magagandang kwento
That so nice 👍
15/02
0Tingnan Lahat