logo text
Idagdag sa Library
logo
logo-text

I-download ang aklat na ito sa loob ng app

VI: Pumili

Ischyros - Kaharian kung saan naninirahan ang mga dragon at iba't ibang uri ng halimaw. Matatagpuan ito sa timog na bahagi ng Magia.
━━━━━・ 。゚★: *.☪.* :★ ゚。・━━━━━━
Arsenal: Lugar sa palasyo kung saan nakalagay ang mga iba't ibang klase ng armas. Nandito si Arayan at tumutulong sa paghahasa ng mga espada, sobrang laki ng lugar na ito at sobrang dami ng mga armas pangdigmaan. Hindi lang mga espada ang nandito, mayroon din iba't ibang klase ng baril na galing sa kaharian ng Exypnos.
"Nais kong malaman kung nasaan si Arayan," sabi ni Maia sa nakasalubong niyang kawal.
"Nasa Arsenal siya ngayon."
Tumango si Maia at nagtungo doon. Napahinto siya nang makita si Arayan na walang pang-itaas na damit. Kumikinang ang pawis sa katawan nito nang matapatan ng araw, ngunit nawala din 'yon nang punasan ito ni Arayan.
Hindi niya napansin na nakatingin na sa kaniya si Arayan, kung hindi pa siya kawayan nito ay baka natunaw na ito sa kinatatayuan dahil sa pagtitig niya. Ngumiti siya at naglakad papunta dito.
"Kanina mo pa ba ako pinagmamasdan?" nakangiting tanong ni Arayan sa kaniya habang papalabas sila ng Arsenal. Wala pa din itong pang-itaas na damit kaya hindi niya ito matignan ng maayos.
"Hindi dahil gusto kita, pagmamasdan kita ng matagal." Umirap si Maia.
"H'wag mo na lokohin ang sarili mo, kitang-kita ko sa mata mo kung saan ito nakatingin," sabi ni Arayan sabay turo sa sariling katawan.
"Huwag kang magbiro ng ganyan, nakakakilabot," natatawang sagot ni Maia. Patuloy niyang itinatanggi ang aligasyon nito, ngunit halata naman sa kaniyang mukha na totoo ang sinasabi ni Arayan dahil namumula ito ngayon.
"Maia…" Huminto sa paglalakad si Arayan at hinarap siya.
"Bakit?" tanong ni Maia. Nagawa na niya itong tignan dahil mukhang seryoso ang sasabihin nito.
"May gusto akong ipagtapat sa'yo, ngunit sana ay hindi magbago ang pagkakaibigan natin," seryoso nitong sinabi.
Pinagmasdan ni Maia si Arayan para hulaan ang nais nitong sabihin. "Tungkol ba ito sa Prinsesa?" tanong niya.
"Alam mong kaibigan lang ang turing ko sa'yo at ang mahal ko ay si Luna—" Hindi natapos si Arayan nang magsalita si Maia.
"Alam ko 'yon, Arayan. Hindi mo na kailangan pang ulit-ulitin sa akin. Mahal mo siya, kaibigan mo lang ako." Nagkibit-balikat si Maia.
"Maia..."
"Arayan, kung nag-aalala ka na baka hindi na kita ituring na kaibigan nagkakamali ka." Inabot ni Maia ang isa sa mga daliri ni Arayan hanggang sa mahawakan na niya ang kamay nito. "Matagal ko nang tinanggap na wala kang pagtingin sa akin. Alam ko kung gaano mo kamahal ang Prinsesa, hindi ko mababago 'yon. Isa lang naman ang hiling ko, sana tayo pa rin ang magkaibigan hanggang huli."
Umiling si Arayan at hinawakan siya sa magkabilang balikat. "Maia makinig ka, hindi na lang ako ang nagmamahal dito."
"A-Anong ibig mong sabihin?" nauutal na tanong ni Maia.
"Tama ang sabi mo, mahal din ako ng prinsesa." Ngumiti si Arayan, pero napawi din 'yon nang makita ang naging reaksyon ni Maia. Nanlaki ang mata nito at makikita mula doon na nalungkot ito dahil sa nalaman.
Nag-iwas ng tingin si Maia pero pinilit niya pa din na ngumiti. "Masayang balita."
"Iba ang pinapakita ng iyong reaksyon, masaya ka ba talaga?" tanong ni Arayan.
"Anong gusto mong mangyari?" seryosong tanong ni Maia. Binitawan ni Arayan ang balikat niya dahil doon.
Nang makita niyang mukhang nagsisi si Arayan na sinabi nito ang tungkol sa kanila ng Prinsesa ay pinilit ni Maia na tumawa.
"Siyempre masaya ako para sa inyo," natatawa siyang sinabi sabay hawak sa kamay ni Arayan.
"Hindi dahilan na may mahal kang iba para malungkot ako, Arayan. Basta masaya ka, masaya na rin ako. Malulungkot ako kapag nawala ka sa akin bilang kaibigan. Kahit bilang kaibigan lang, Arayan," sagot ni Maia.
Tumango si Arayan at niyakap si Maia.
Natapos ang pag-uusap nila at naghiwalay na sila ng landas. Naiwan si Maia na nakatayo malapit sa kakahuyan.
"Maia..."
Napalingon si Maia sa kakahuyan dahil may tumawag sa kaniyang pangalan, mistulang bumulong ito sa kaniya pero sa kakahuyan siya napalingon.
"Maia..."
Medyo lumakas ang pagtawag nito at nagmumula nga ito sa kakahuyan. Napalunok si Maia at hinanda na niya ang kaniyang pana kung sakali mang mula sa kalaban ang boses na naririnig niya. Naglakad siya papasok sa kakahuyan at nilingon-lingon ang mga posibleng panggalingan ng boses.
"Sino ang nandyan?" tanong niya sa kawalan. May nakita siyang anino mula sa puno kaya agad niya iyong pinatamaan ngunit nawala din ito agad.
"Maia..."
Narinig niya ulit na bumulong ito sa kaniya kaya't lumingon naman siya sa likuran niya habang nakahanda ang pana niya para patamaan kung sino man ang gumagambala sa kaniya.
"Magpakita ka sa akin!" sinabi niya ng pasigaw.
"Huminahon ka, Maia." Natigilan siya nang marinig ang boses sa likuran niya. Mabilis siyang lumingon para tignan kung sino 'yon at isang anino na hugis babae ang tumambad sa kaniya, agad niya itong pinatamaan ngunit tumagos lang ito sa katawan nito.
"Sino ka?!" pasigaw na tanong ni Maia.
"Hindi mo ako kalaban, hindi mo din ako kakampi. Nandito ako para bigyan ka ng konting pangaral," sagot nito.
"Hindi ko 'yan kailangan, umalis ka na dito kung ayaw mong masaktan," galit na sagot ni Maia.
"Nagkakamali ka, kailangan mo 'to at saka hindi mo din naman ako masasakatan. Hindi mo 'ko kaya, nga pala…narinig ko ang lahat ng pinagusapan niyo kanina ni Arayan," pagsisimula ng Anino. Hindi nagsalita si Maia, nakatutok pa rin dito ang pana niya.
"Hindi tamang hindi mo ipaglaban ang pagmamahal mo sa isang tao. Mahal mo siya kaya't gawin mo ang lahat para mapunta siya sa'yo," dagdag pa nito.
"Sino ka para utusan ako?" galit na tanong ni Maia.
"Alam ko ang kwento niyo, Maia." Lumipad ang Anino papunta sa isang sanga at doon umupo. Binaba na ni Maia ang kaniyang pana dahil wala din naman itong silbi, tumatagos lamang ito sa anino.
"Ano naman ang pakialam ko kung alam mo? Wala akong panahon sa'yo, kung gusto mong may malaman pa sa buhay ko wala kong pake," walang ganang sagot ni Maia. Sinimulan na niyang maglakad papuntang palasyo.
"Hindi mo siya magugustuhan kung hindi siya nagpakita ng motibo," sabi ng Anino na nagpahinto kay Maia sa paglalakad.
Huminga siya ng malalim at tumingala para tignan ang Anino. "Anong kalokohan na naman ang sinasabi mo?"
"Kung paano ka niya tratuhin, kung paano siya makipag-usap sa'yo, kung paano niya hawakan ang iyong kamay at marami pang iba. Nahulog ka dahil sa pinapakita niyang pag-aalala sa'yo," sagot ng anino, pumitas pa ito ng bunga sa puno at kinain 'yon ngunit natunaw lang ang bunga at nalaglag sa lupa. "Oops."
"Hindi ba't gano'n naman magtratuhan ang magkaibigan?" inis na tanong ni Maia.
Bumaba ang anino at lumipad sa tabi niya sabay hawak sa kaniyang buhok. "Kung gano'n magtratuhan ang magkaibigan, bakit mo siya minahal?"
Sinubukan ni Maia na mahuli ang anino, ngunit tumawa lang ito habang lumilipad palayo sa kaniya.
"Sinasabi ko 'to dahil hindi buong buhay ay makakasama mo siya, kapag naging sila ng Prinsesa lalayo na ang loob niya sa'yo." Natahimik si Maia dahil sa sinabi nito. May punto ang nilalang na 'yon, kaya naman naguguluhan na ang isip niya.
"Ayon ba ang gusto mong mangyari? Mawala ang nag-iisang kaibigan mo? Ang mawala ang lalaking minamahal mo?" tanong ng Anino.
"Hindi niya ako iiwan," panatag na sagot ni Maia.
"Nagkakamali ka, balang araw mawawala din siya sa'yo."
Pumikit ng madiin si Maia, ayaw niyang marinig ang mga salitang 'yon. "Tumahimik ka!"
"Iiwan ka din niya~"
"Sinabing tumahimik ka!" Hinarap niya ang Anino at pinatamaan ulit ng pana, pero hindi ito ulit tumama kaya't pinagtawanan lang siya nito.
"Iiwan ka niya Maia! Kaya pumili ka, mawala si Arayan o mawala ang Prinsesa?!"
Namuo ang luha sa gilid ng mata ni Maia. "Manahimik ka na!" Tinalikuran niya ito at tumakbo na pabalik sa palasyo.
"Pumili ka, Maia! Ang mawala si Arayan o ang mawala ang prinsesa?!" sigaw ng Anino, ngunit hindi na siya pinansin pa ni Maia.
Nagpadala sa hangin sa himpapawid ang Anino hanggang dalhin siya nito sa kaharian ng Ischyros, malaki ito at malawak. Kahit na umaga ay mistulang gabi sa kanilang kaharian dahil sa kadiliman na bumabalot dito. Pumasok ang Anino sa loob ng bulwagan sa pamamagitan ng malalaking bintana, matatagpuan dito ang Hari ng Ischyros na si Atticus.
"Saan ka nanggaling, Ophelia?" tanong ng Hari.
Pagka-apak ng Anino sa lupa ay naging anyo ito ng magandang babae. Mukha siyang Diyosa, ngunit ng kadiliman. May korona itong kulay itim na nakapatong sa kulay puti nitong buhok, mataray ang mukha nito dahil sa taas ng kilay at itim na kulay ng labi.
"May inasikaso akong sadyang napaka-importante," mataray na sagot ni Ophelia.
"Siguraduhin mo lang na ang prinsesa 'yan. Siguraduhin mo na totoo ang prinsesa kung hindi malalagot tayo," sabi ni Atticus.
"Hindi ka pa rin ba naniniwala? Hayaan mo, malapit ko ng patunayan na totoo ang prinsesa, na buhay ang prinsesang ipinanganak sa araw na naglaho ang buwan. Malapit ko nang mapatunayan na hindi lamang isang Alamat ang tungkol sa Buwan," sagot ni Ophelia sa mahinahong paraan. Dahan-dahan siyang lumapit sa Hari at hinawakan ang dibdib nito.
"Hindi natin hahayaan na tayo ay mabigong muli dahil sadyang kalapastanganan 'yon para sa ating Panginoon," malambing na sabi ni Ophelia. Hinalikan niya si Atticus sa labi at gumanti din ito ng halik.
"Ama..." Natigil sila sa ginagawa nila dahil sa boses na narinig. Nilingon nila ang lalaking kulay pula ang mahabang buhok, kulay pula din ang mapupungay nitong mga mata, matangos ang ilong at may kulay rosas na labi. Balot ito ng baluti sa katawan.
"Gideon, naparito ka para bisitahin ang iyong ina?" tanong ni Haring Atticus.
"Lagi akong narito para sa kaniya, hindi mo napapansin dahil abala ka sa iba," seryoso at taas-kilay na sagot ni Gideon. Mukha itong walang pakialam dahil sa pinapakita nitong pagtaas ng kilay at paggamit ng seryosong mukha. Wala din talaga siyang pakialam sa ginagawa ng kaniyang ama sa ibang babae.
"Humayo ka na," utos ng hari.
"Masusunod." Iniwan niya ang dalawa at naglakad na palayo upang maglibot sa kaharian.
"Bakit ba hindi mo na lang patuluyin ang Prinsipe dito? Baka magalit ang ating Panginoon kapag nalaman niyang hinahayaan lang natin si Gideon na manirahan sa kagubatan," sabi ni Ophelia.
"Anong magagawa natin? Alam mo kung anong kapangyarihan ang taglay ng nilalang na 'yan. Hindi natin siya kayang pakalmahin at ang tanging nagpapakalma sa kaniya ay nakahiga pa sa kama at hirap gumalaw," sagot ni Haring Atticus.
"Sana'y magamit natin siya muli sa hinaharap at mapagtagumpayan na sa wakas ang binabalak natin." Ngumiti si Ophelia at sinimulan ulit na halikan ang Hari. Walang pakialam ang mga kawal kung ano ang nangyayari sa harapan nila.
━━━━━・ 。゚★: *.☪.* :★ ゚。・━━━━━━
Naglalakad ang mag-amang Edmondo at Arayan papunta sa silid ng Prinsesa, si Arayan ay may bitbit na pagkain habang ang bitbit naman ni Edmondo ay ang pangotra sa mahika na nasa pinto ng silid.
Sinabuyan ni Edmondo ng kulay asul na abo ang pintuan at nawala ang mahikang nagpoprotekta dito kaya nakapasok si Arayan. Naiwan naman si Edmondo sa labas, para bigyan sila ng pribadong pag-uusap.
"Magandang umaga. Narito na ang iyong pagkain, Mahal kong Prinsesa." Nilapag ni Arayan ang bitbit nitong pagkain at pinuntahan sa kama ang natutulog na prinsesa. Umupo siya sa gilid ng kama at hinaplos ang buhok nito. "Luna, gumising ka na. Oras na para kumain," malambing niyang bulong.
Umingit lang ito at tinalikuran siya.
"Nakahanda na ang iyong umagahan. Kapag hindi ka pa tumayo diyan, baka hindi mo na ako maabutan dito sa iyong silid," pananakot niya.
Bumangon agad si Luna at kinusot ang mata.
Napangiti si Arayan at hinagod ang buhok nito. "Magandang umaga, mahal ko," bulong niya kay Luna.
"Mahal? May tawag ka na agad sa akin kahit wala pa tayong relasyon," natatawang sabi nito. Bumango na ito at umupo sa upuang katapat ng pagkain niya.
"Mahal kita kaya tatawagin kitang mahal ko," nakangiting sagot ni Arayan, pumunta siya sa lamesa at umupo sa tabi ng Prinsesa.
"Sasabayan mo ba ako sa pagkain?" tanong ng Prinsesa dahil dalawang pinggan ang nasa harapan nila. Tumango si Arayan kaya mas lalong napangiti si Luna.
Sa kalagitnaan ng pagkain ay may tinanong si Arayan na hindi inaasahan ng Prinsesa. "Kailan mo nalamang mahal mo ako? Ako, mahal na kita simula noon."
Natigilan sa pagkain si Luna at tinignan ito. "Hindi ko alam, ang tanging alam ko lang ay nangungulila ako sa tuwing wala ka. Pakiramdam ko, mahal kita."
Tumango naman si Arayan.
Lumipat ang tingin ni Luna sa kamay ni Arayan at hinawakan ito. "Hindi ka ba natatakot sa kahihinatnan nito? Kapag nagkaroon tayo ng relasyon at nalaman ng Ama ko? Maaari kang mamatay." Bumagsak ang balikat ni Luna nang sabihin ang huling salitang binigkas niya, bakas sa kaniya ang pag-aalala.
Natahimik si Arayan dahil sa sinabi ng Prinsesa, ngunit agad niyang inayos ang kanyang pag-iisip. "P-Para saan pa at mahal natin ang isa't isa kung hindi rin natin ipaglalaban kung anong meron tayong dalawa?" tanong niya.
"Anong ibig mong sabihin?" kinakabahang tanong ni Luna.
"H-Handa akong mamatay dahil mahal kita. Kapag naging tayo at hindi nila nalaman, maswerte. Pero kapag hindi natin pinaglaban ang pagmamahalan natin, dahil natatakot tayong malaman nila…hindi ko na alam kung ano ang mararamdaman ko
"Para saan pa't mahal natin ang isa't isa kung hindi tayo magsasama? Kung hindi tayo lalaban, hindi ba?"
"Pero Arayan, hindi ko naman makakaya na mamatay ka ng dahil sa akin-"
"Shh." Nilagay ni Arayan ang kaniyang hintuturo sa bibig ng Prinsesa. "Isipin mong mamamatay ako dahil ipaglalaban kita kahit anong mangyari, ipaglalaban ko ang pagmamahalan natin."
Nag-iwas ng tingin si Luna para tumingin sa lalagyanan niya ng makakapal at luma na mga libro. "May nabasa ako sa isa sa mga libro ko. Maraming namatay dahil sa pagmamahalan ng dalawang tao, hango iyon sa totoong buhay ngunit pinalitan ang ngalan ng lugar at ng mga nilalang."
"Alamat ng Buwan ba ang iyong tinutukoy?" tanong ni Arayan.
"Alamat? Ibig sabihin hindi totoo?" tanong ni Luna.
"Paano mo nasasabing hindi totoo? Ikaw ang patunay," nakangiting sagot ni Arayan.
Kumunot naman ang noo ni Luna. "Ako? Isang patunay?"
"Pinanganak ka sa araw na naglaho ang Buwan, noong araw na naging hugis singsing ito. Sinabi din na ikaw lamang ang pinanganak sa araw na 'yon, ayon sa Alamat," sagot ni Arayan. "Ikaw ang anak ng nagbigay ng kapangyarihan sa buwan," dagdag pa nito.
Tumango si Luna at naalala ang mala-diyosa na nakausap niya noon sa kanyang panaginip na nagpakilala bilang kaniyang ina.
"Nananatili itong alamat sa mga nilalang na hindi pa nakakasaksi sa'yo. Pero dahil nasa harap kita ngayon, masasabi ko na totoo 'yon."
Ngumiti si Luna sa kaniya ng pagkatamis-tamis. "Kung gano'n, nais kong ipakita sa lahat na hindi ako isang alamat lamang.
"Nais kong makita ng mga mata nila ang tunay na kapangyarihan ng Buwan."

Komento sa Aklat (18)

  • avatar
    CristinaKetlhen

    Não é ruim

    07/01

      0
  • avatar
    Erinea Heshan

    Ang ganda ng story ang sakit lang talaga nung part ni Luna.

    22/08/2023

      0
  • avatar
    Ian Anglo Gualva

    wow

    31/07/2022

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata