logo text
Idagdag sa Library
logo
logo-text

I-download ang aklat na ito sa loob ng app

Weight of Love | Chapter 7

[ Link POV ]
NAKAUPO ako sa cafeteria habang nakatingin sa isang babaeng may maamong mukha pero mababakas ang lungkot sa kanyang mga mata. Kausap nito ang isang babaeng sa palagay ko ay kaibigan niya.
Nangalumbaba ako sa lamesa at patuloy siyang tinititigan. Sa pagkakantanda ko ay Dory ang pangalan niya. Iyon kasi ang parati kong naririnig na tawag sa kanya ng babaeng kasama niya ngayon.
Magandang babae si Dory. Maiksi ang itim nitong buhok na umabot lang sa ibabaw ng kanyang balikat. Maamo ang mukha niya ngunit mapapansin na malungkot parati ang mga mata. Hindi ko pa siya nakitang ngumiti sa ilang beses na nakasalubong ko siya sa kahit saang parte ng paaralang ito. Kung hindi seryoso ay malungkot ang itsura niya.
“Sino’ng tinitingnan mo, Link?”
Napalingon ako sa pinsan kong si Walter na kasama ko sa table. “Siya.” Itinuro ko rito si Dory.
“Si Amy?” nakangiting aniya at tumango-tango habang nakatingin sa pwesto nila Dory. “Maganda 'yan. Chicks. Maraming nagkakagusto riyan dito sa TMU. Kaso. . .” nakangiwi niya akong nilingon at tinapik sa balikat. “Masyadong pakipot,” bulong niya.
Naguguluhan akong napatingin kina Dory bago tiningnan muli ang pinsan ko. “Sinong Amy?”
“Siya,” aniya na itinuro ang pwesto nila Dory.
Nakuha ko agad iyon. Kung gano’n ay Amy ang pangalan ng kaibigan ni Dory.
“Hindi siya, P’re. Siya.” Muli kong itinuro si Dory kaya napalingon muli roon si Walter.
“Si Majin Buu?” gulat at natatawa niyang tanong sa akin.
Nakaramdam ako ng inis dahil sa itinawag niya kay Dory. “Anong Majin Buu?” may talim ang bawat tanong ko.
“Si—”
Ituturo niya sanang muli si Dory pero agad kong tinapik ang kamay niya kaya gulat siyang napatingin sa akin.
“'Wag na 'wag mo na ulit siyang tatawagin ng gano’n, Walter, kung 'di babangasan ko 'yang kagwapuhang ipinagmamalaki mo,” nang gagalaiting sabi ko at mabilis na tumayo bitbit ang back pack ko.
Naiinis akong nagmartsa palabas ng cafeteria at dumiretso sa building ng Engineering. Nabu-bwisit ako kapag naaalala ko ang itinawag ng pinsan ko kay Dory. Alam kong hindi lang siya ang tumatawag ng ganoon kay Dory, marami pa, at gusto kong manapak tuwing makakarinig ng tumatawag sa kanya ng ganoon.
Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan nilang laitin ang isang tao dahil lang sa mataba ito o kung ano mang mali rito. Kung tutuusin ay wala namang mali kay Dory. Para sa akin ay mas maganda at mas sexy pa siya sa mga girlfriend ng mga lalaking nanunukso sa kanya.
Nanunukso?
Gusto kong matawa dahil ang panunuksong ginagawa nila ay gawain lang ng mga taong may makitid na utak.
“May gusto ka roon kay Dorothy, Link?” tanong sa akin ni Walter na nakasunod na sa akin sa paglalakad.
Hindi ko siya pinansin dahil naiinis pa rin ako sa kanya pero tumatak sa isip ko ang pangalang binanggit niya.
Dorothy
Lihim akong napangiti nang paulit-ulit kong bigsakin ang pangalang iyon habang nakikita sa isip ko ang magandang mukha ni Dorothy. Bagay sa kanya ang pangalan niya. Katulad ng meaning niyon, she’s a God’s gift.
Kinahapunan pagkatapos ng klase ay sabay kaming naglalakad ni Walter palabas ng University. Napangiti ako nang maakita ko sa unahan namin si Dorothy. Pero agad na nangunot ang noo ko nang makitang sinundan sila ng limang kalalakihan habang nagtatawanan ang mga ito at itinuturo siya.
“Hoy, nagmamadali ka ba?”
Humabol sa akin ni Walter nang bilisan ko ang paglalakad. Nang malabas ng gate ay nakita ko ang limang kalalakihan na kinakausap sila Dorothy sa waiting shed.
“Napakasama naman ng ugali mo, Amy. Kinakausap ka lang ay akala mo kung sino ka ng maganda kung makaiwas. Mag sama kayo ng baboy mong kaibigan! Pwe!” Rinig kong sabi ng lalaking kamukha ni Frieza bago naglakad paalis doon sa waiting shed. Pero hindi pa doon tumigil ang pagpuputak nito. “Akala mo kung sinong maganda, ipinagmamalaki yata ang kaibigan niyang si Majin Buu.”
Tiim-bagang at nakakuyom ang mga kamao ko nang tingnan kong muli sila Dorothy. Nakayakap na ito sa kaibigan niya na hula ko ay umiiyak dahil sa pagyugyog ng balikat nito. Nadagdagan lang ang galit na nararamdaman ko nang makita ang namamasang mga mata ni Dorothy.
Tiningnan ko ang limang kalalakihan na ngayon ay nasa kabilang gilid na ng kalsada at kasalukuyang papasok sa isang kanto. Naglakad ako papunta roon para sundan sila.
“Hoy, saan ka na naman pupunta!” Rinig kong sigaw ni Walter pero hindi ko na siya sinagot o nilingon man lang.
Pumasok ako sa kantong pinasukan nila Frieza. Nakita ko ang mga ito sa isang bilyaran doon na masayang naglalaro at parang walang pinaiyak na mga babae kanina lang.
Umupo ako sa isang upuang kahoy at pinanood silang naglalaro. Pinag-aralan ko ang paraan niya ng paglalaro. Nang makuha ang istilo niya ay roon ko na sila hinamon ng laro.
“Nandadaya ka ba, ha?!” malakas na sigaw ni Frieza nang matalo ko siya sa pang limang beses.
Napangisi ako sa kanya habang hawak ang tako na ginamit ko. “'Wag kang ganyan, P’re. Hindi porke natalo ka ay dinaya ka na,” nakangising sabi ko na lalo niyang ikinagalit.
“Gago pala 'to, e,” aniya sa mga kaibigan niyang masama na ang tingin sa akin, na hindi man lang nagbigay ng kaunting takot sa balahibo ko.
May ibinulong kay Frieza ang lalaking kalapit niya bago siya nakangising humarap muli sa akin. Mabilis at nakangisi akong sinugod ni Frieza pero mas mabilis akong umiwas sa tangka niyang pagsuntok. Hinablot ko ang likod ng damit niya at padapa siyang itinulak sa ibabaw ng billiard table.
“Hoy, ano 'yan?!” sigaw ng kung sino kaya natigilan sa tangkang pagsugod ang mga kasama ni Frieza.
“Hindi mo ako katulad na idadaan sa rahas ang lahat ng bagay. Pero marinig ko pang tinawag mo si Dorothy ng gano’n ay malalaman mo ang hinahanap mo,” mariing sabi ko kay Frieza. Nag ngingit ang mga ngipin ko sa gigil.
“Dorothy?” Bakas ang pagtataka sa nakangwii nitong mukha. “Ah. . . Si Majin—”
Pinakadiinan ko pa ang pagkakapinid niya sa table kaya natigilan siya sa pagsasalita at pilit akong inaabot.
“Bakit anong gagawin mo?” natatawa pang aniya.
“Eh, 'di tawagin mo ulit siya ng gano’n nang malaman mo,” mariing sabi ko at isang beses pa siyang itinulak bago ko binitawan.
“Anong kaguluhan 'to?” tanong ng isang nakapamsywang na payat na matanda. Palagay ko ay siya ang may-ari ng bilyarang ito.
“Wala po, Tatang. May itinanong lang po,” nakangiti at magalang ko ani.
Muli kong nilingon si Frieza na nakatayo na at nagpapalagutok ng leeg. Lumapit ako sa kanya pero agad siyang umiwas habang may takot sa mukha na ikinatawa ko. Ipinatong ko ang tako sa billiard table at umalis na roon na mainit pa rin ang ulo.
Lumipas ang mga araw at parati kong pinagmamasdan si Dorothy mula sa malayo. Napapangiti ako kapag nakikita siya pero hindi ko rin maiwasang malungkot kapag nakikita ko ang lungkot sa kanyang mga mata. Gustong gusto kong alisin iyon at palitan ng saya.
Ilang beses kong tinangka na lapitan siya at magpakilala pero hindi ko magawa kapag nararamdaman ko na gusto niyang mapag-isa.
Kita ko kasi sa kanya na mailap siya sa ibang tao kaya gustuhin ko mang maging sandalan niya kapag malungkot siya ay hindi ko magawa. Natatakot ako na baka iwasan niya ako kung basta na lamang akong lalapit sa kanya at basta na lamang siyang kakausapin.
Kaya naman nang makaisip ng paraan para makalapit sa kanya noong Valentines Day ay hindi na ako nag-aksaya ng oras.
“Ibili mo ako ng chocolates bukas,” utos ko kay Walter habang nakasalampak kaming pareho sa sofa nila.
“Pumunta ka rito sa’min para sabihin 'yan? Bakit hindi na lang ikaw ang bumili?” angal niya.
“May exam ako bukas. Wala ka namang pasok kaya ikaw na lang ang bumili.”
“Wow! Makapag-utos ka, ah!” maktol niya na ikinangisi ko. “Teka, kanino mo ba ibibigay?” Ngumiti lang ako na ikinalaki ng mga mata niya. “Don’t tell me kay Ma—” Agad siyang natigilan sa sasabihin nang masamang tingin ang ipinukol ko sa kanya. “Kay Dorothy?” dugtong niya sa sinasabi. Hindi ko iyon sinagot pero mukhang nakuha niya naman at napailing pa. “Lakas ng amats mo do’n, ah. Teka, paano mo ba nagustuhan 'yon?”
“May sinabi ba akong gusto ko siya?”
“Wala ka rin naman sinabing wala. Paano nga?”
Napangiti ako nang maalala ko noong unang beses kong makita si Dorothy. Nakatambay ako noon sa rooftop at nakahiga sa isang mahabang upuang kahoy na nahaharangan ng mga flywood nang dumating siya. Mag-isa siya at may nakasalpak na headset sa magkabila niyang tenga. Umupo siya sa isa pang upuan na naroon at kinuha ang cellphone sa bag. Pero ang ipinagtataka ko ay hindi nakasalpak dion ang headset niya.
Nagpatugtog siya at napangisi ako nang sabayan niya ang kanta. Maganda ang boses niya. Katulad sa mga naririnig kong DJ sa radio. Simula nang araw na iyon ay palagi niya nang nakukuha ang atensyon ko. Kahit saan ako magpunta ay parati ko siyang nakikita. At hindi ko maipagkakaila na iba ang epekto niya sa akin.
Kapag nakikita ko siya ay hindi ko naiiwasang isipin kung gaano siya kaganda. Kapag pinagmamasdan ko siya ay para bang siya na lamang ang nakikita ko. Kapag malungkot siya ay nalulungkot din ako. At kapag iniisip ko pa lang siya tulad ngayon. . .
“Lintek ngitian natin, ah, pinsan?”
Lalo akong napangisi sa sinabing iyon ni Walter. Habang nakangiti at iniisip si Dorothy hindi ko naiwasang sabihin sa sarili kong. . .
Gusto ko nga yata siya.

Komento sa Aklat (45)

  • avatar
    Reynald Bernardo

    excellence

    12d

      0
  • avatar
    Hailey Warain

    uyww

    15/08

      0
  • avatar
    ۦۦ ۦۦ

    thanks ulit

    05/08

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata