logo text
Idagdag sa Library
logo
logo-text

I-download ang aklat na ito sa loob ng app

Weight of Love | Chapter 2

NAG-ANGAT ng tingin si Dorothy kay Amy na ngayon ay malungkot at naluluha ang mga mata na nakatingin sa kanya. Ngumiti siya at niyakap ito. Narinig niya ang paghikbi nito kaya naman tinapik niya ang likod ng kaibigan
Alam niyang nabastusan ito sa mga lalaking iyon at sinamahan pa ng sinabi tungkol sa kanya kaya ganoon na lang ang pag-iyak nito.
“Huwag mo nang isipin 'yon. Makakahanap din sila ng katapat nila,”pang-aalo niya kahit hindi niya sigurado kung pampalubag ba ng nararamdaman ang sinabi niyang iyon.
“Ikaw rin, 'wag mo nang isipan ang sinabi nila,”ani Amy nang mag-angat ng tingin sa kanya. Nakasimangot ito at luhaan.
Tumango si Dorothy at muling ngumiti. Pinunasan niya ang basa nitong pisngi. Ipinakita niya sa kaibigan na okay lang siya at wala lang ang mga narinig. Pero noong makauwi sa kanilang bahay at makaoakulong sa kanyang kwarto ay doon niya inilabas ang sakit na nararamdaman kanina. Kahit hindi na iyon ang unang beses na may tumawag sa kanya ng ganoon ay nasasaktan pa rin siya.
Kailan nga ba siya masasanay?
Pero nang mga sumunod na araw ay parati niyang nakakasalubong ang limang kalalahihang iyon sa University. Labis ang pagtataka niya dahil masama man ang tingin ng mga ito sa kanya ay hindi na niya narinig na tinukso siya ng mga ito. Hindi niya alam kung masisiyahan siya roon o mas matatakot.
Kalaunan ay naging masaya na rin siya dahil nabawasan ang mga taong nangungutya sa kanya. Siguro ay napagod na rin ang mga lalaking iyon at sana ay lahat ng taong nanunukso sa kanya ay mapagod na rin at tigilan na ang pambubully sa kanya.
Hindi niya mapigilang ipanalangin na sana ay mabuksan ang isip ng mga ito na ang ginagawa nilang ganoon ay nakakasakit ng kapwa at iba ang epekto sa mga katulad niya.
Inaamin niyang minsan ay hindi niya naiiwasang saktan ang sarili kapag nakakarinig siya ng ganoon. Para bang ang pag diye-diyeta at labis na exercise ay parusa niya sa sarili dahil hindi siya matanggap ng mga tao.
“Dory, iabot mo ang ang sandok," utos ng kanyang ina habang tinutulangan niya itong magluto nang hapong iyon.
Kinuha niya ang nakasabit na sandok at iniabot iyon sa kanyang ina.“Ito po, Ma.”
Tiningnan niya ang niluluto nitong sinigang. Panigurado siyang masarap iyon dahil ang luto ng kanyang ina ang masasabi niyang pinakamasarap na luto sa buong mundo. Natatakam siya habang nakatingin doon pero bigla ay nawala ang gana niya nang marinig ang sinabi ng kanyang ina noong nakaupo na sila sa hapag.
“Bawasan mo ang kain mo, Dory. Gabi na. Ilang ulit ko bang sasabihin na kapag gabi ay huwag ka ng kakain ng madami?”
Wala sa sariling napatingin si Dorothy sa kanyang ama, nakatingin ito sa kanyang ina pero wala itong sinabi. Malalim na buntong-hininga lamang ang pinakawalan nito.
Nasasaktan man pero wala na siyang nagawa kung 'di ang sundin ang kanyang ina. Tiniis niyang kaunti lang ang kainin at matakam ng sobra sa ulam na kanina niya pa pinaglalawayan. Nang makapasok sa kanyang kwarto ay roon niya muling ibinuhos ang lahat ng sama ng loob na naipon sa puso.
Hindi niya mapigilang kwestiyonin ang kanyang ina. Bakit ba ganoon ang turing nito sa kanya? Kaunting kaunti na lang ay iisipin na niyang hindi siya mahal ng sariling ina.
“HI!”
Napalingon si Dorothy sa kanyang gilid nang marinig ang baritonong boses na iyon. Nakita niya ang isang gwapong lalaki na may magandang ngiti habang nakatingin sa kanya. Hindi niya naiwasang ilibot ang paningin sa buong Library kung saan siya naroon. At gusto niyang makaramdam ng hiya nang makita ang nakangiwing itsura ng mga estudyanteng babae na naroon at nakatingin sa pwesto niya. Siguro, tulad niya ay iniisip ng mga ito kung ano’ng ginagawa ng isang gwapong lalaki sa tabi niya.
Muli siyang tumingin sa kanyang reviewer at hindi pinansin ang lalaki. Naghihintay na lamang siya ng pangungutyang maririnig mula dito at buong puso niya na lamang 'yong tatanggapin.
Pero nagulat siya at labis na nagtaka nang maupo ito sa tabi niya. Nakapag-padagdag ng pagtataka niya nang ipinatong nito sa lamesa ang isang heart shape box ng isang mamahaling tsokolate. Natatakam niya iyong tiningnan pero mabilis siyang nag-iwas ng tingin doon nang marinig sa isip ang galit na boses ng kanyang ina.
'Nakakataba ang tsokolate, Dory!'
“Ah... Ako nga pala si Link.”
Rinig niya ang pagpapakilala ng lalaki sa tabi niya pero hindi niya ito pinansin. Pero muli lang siyang nagulat nang itulak nito ang tsokolate papunta sa kanyang harapan.
“Happy Valentines,”bati ng lalaki.
Hindi na niya naiwasang tingalain muli ito. Maganda pa rin ang pagkakangiti nito at kita niyang sinsero iyon. Pero kahit ganoon ang nakikita ay hindi niya naiwasang makaramdam ng kirot sa puso kahit wala namang masakit sa ginagawa at sinasabi nito.
“H-hindi ako kumakain ng chocolate.”Itinulak niya iyon pabalik sa harap ng lalaki.
“Bakit, diet ka?”tanong nito kaya nadagdagan ang sama ng loob na nararamdaman niya nang mga oras na iyon.
Walang sabi-sabi siyang tumayo bitbit ang kanyang bag at nagmartsa palabas ng Library.
“Hey, Dorothy!”
Rinig niya ang tawag ng lalaki habang naglalakad siya sa pathway pero hindi na niya ito nilingon, kahit pa nagtataka siya dahil alam nito ang pangalan niya. Tanda niyang hindi niya iyon sinabi rito kanina.
Pumasok siya sa restroom na nadaanan at doon ay umiyak habang nakaupo sa bowl. Kailangan ba talagang ipangalandakan ng mga ito na mataba siya? Kahit sa simpleng bagay ay nasasaktan siya dahil parating ipinapaalala ng mga ito na ganoon siya.
Kailan ba siya matatanggap ng mga ito?
Masama ang loob niya ng mga sumunod na araw dahil sa nangyaring iyon. At dahil doon ay hindi na siya kailangang sabihan ng kanyang ina na bawasan ang kain niya dahil wala siyang gana.
Mukha namang nahalata ng kanyang ama ang pananamlay niya dahil ito na mismo ang pumunta sa kwarto niya isang hapon pagkauwi niya galing sa University.
“Dory, pwede ba kitang makausap?”tanong nito nang mapagbuksan niya ng pinto.
“Sige po, Pa.”Nagtaka man pero agad din siyang pumayag.
Pumasok silang dalawa sa kanyang kwarto. Umupo siya sa kanyang kama at umupo naman ang kanyang ama sa lumang swivel chair.
“May problema ba, anak? Napapansin ko nitong mga nakaraang araw na parang matamlay ka.”
Sinalubong niya ang titig ng kanyang ama. Hindi niya inaasahang iyon ang pag-uusapan nila. Bakas sa mukha nito ang paghihintay na magsalita siya.
Gustong gusto na niyang umiyak at magsumbong dito. Gusto niyang ilabas sa ama ang lahat ng sama ng loob na naipon sa kanyang puso. Pero ayaw niyang mag-aalala ito. Alam niyang pagod na ito parati sa trabaho at ayaw niyang dumagdag pa sa pagod na nararamdaman ng kanyang ama. Kaya naman mas pinili niyang sarilinin na lamang ang nararamdaman.
“Wala po, Pa. Pagod lang sa school. Marami po kasing ginagawa nitong mga nakaraang araw,”pagdadahilan niya at nagbigay ng magandang ngiti.
Alam niyang hindi ito naniwala sa dahilan niya. Kita niya iyon sa naaawa nitong titig sa kanya.
Malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ng kanyang ama bago siya mahigpit na niyakap.“Kapag pagod ka na ay narito kami para maging pahinga mo, anak.”
Napapikit siya para pigilan ang luhang gustong kumawala sa kanyang mga mata nang marinig ang sinabi nito.
'Paano ko gagawin 'yon, Pa, kung dito sa tahanang ito ako unang napagod?'
Gusto niyang sabihin iyon sa kanyang ama pero hindi niya ginawa. Sa halip ay ginantihan niya ang mahigpit na yakap nito. Sa yakap na iyon niya ibinuhos ang lahat ng sama ng loob. At gusto niyang masiyahan dahil umepekto iyon. Pakiramdam niya ay nabawasan ang sakit na dinadala niya dahil sa yakap ng kanyang ama. Para bang may kapangyarihan iyon na higupin ang sakit sa puso niya.
Kinabukasan, habang naglalakad sa pathway ay nakita niya ang lalaking nagpakilala sa kanya sa Library noong nakaraang linggo. Nakasandal ito sa dingding habang kausap ang isang lalaki. Magkasing tangkad lang ang dalawa pero mas malaki ang pangangatawan ng nagpakilala sa kanyang Link kumpara sa isa.
Ayaw niya sanang dumaan sa harap ng mga ito pero wala na siyang ibang pagpipilian dahil iyon lang naman ang daan papunta sa classroom niya.
Sa pinakagilid siya dumaan. Ramdam na niya sa braso niya ang pagkiskis niyon sa dingding. Nakayuko siya habang nagmamadali sa paglalakad kasabay ng pananalangin na sana ay hindi siya mapansin ng mga ito. Pero nabigo siya...
“Hi, Dorothy!”
Mas binilisan niya pa ang paglalakad nang marinig niya iyon pero agad siyang natigilan nang humarang ito sa kanyang harapan habang nakapamulsa. Mabilis siyang humakbang paatras dahil muntik na siyang bumunggo sa lalaki.
“Hey,”anito na tumungo pa para silipin ang kanyang mukha. Maganda ang ngiti nito sa labi. Dadaan sana siya sa kaliwa nito pero muli siya nitong hinarangan.“I’m sorry sa nangyari sa Lib—”
“M-mahuhuli na ako sa k-klase,”putol niya sa sasabihin sana nito.
Bakas sa pagkahiya sa mukha nito. “Oh, I’m sorry.”
Mabilis na gumilid ang lalaki para makadaan siya kaya naman mabilis siyang naglakad muli.
“See you around, Dorothy,”sigaw pa nito.
Nang makarating sa classroom ay hinihingal siyang napaupo. Gusto niyang mahiya sa inasta niya kanina sa harap ng lalaki. Pakiramdam niya ay nabastos niya ito sa pagpuputol ng sinasabi nito. May bente minuto pa naman bago ang klase niya at p’wede niya pang pakinggan ang kung ano mang sasabihin nito pero naunahan na siya ng labis na hiya.
Naramdaman niya ang sinseridad sa pananalita nito kanina pero hindi niya magawang pagkatiwalaan ito. Pakiramdam niya ay lihim siyang tinatawanan ng lalaki. Ganoon naman siya, pakiramdam niya lahat ng tao ay walang ibang gagawin kung 'di ang kutyain siya at pagtawanan.
Kailan ba siya magkakaroon ng tiwala sa ibang tao... At sa sarili niya?

Komento sa Aklat (45)

  • avatar
    Reynald Bernardo

    excellence

    12d

      0
  • avatar
    Hailey Warain

    uyww

    15/08

      0
  • avatar
    ۦۦ ۦۦ

    thanks ulit

    05/08

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata