logo text
Idagdag sa Library
logo
logo-text

I-download ang aklat na ito sa loob ng app

Chapter 5

Kinabukasan noong dumalaw ang Bureau sa bahay ay tuluyan nang bumaba ang lagnat ni Kuya. Sinabi na ni Mama na gumaling na siya at magtatatlong-linggo na at hindi na rin nagpakita o kumontak ang Bureau. Naging tahimik na rin ang Mantalongon dahil hindi na nagri-raid ang militar at pulis sa lugar. Dalawang beses lang silang humayo rito. Una noong gabing iyon at ikalimang gabi pagkatapos niyon.
"Ange, diniligan mo na ba ang taniman?"
"Opo, Ma."
Tumango si Mama at tumuloy sa kusina. Napatingin naman ako sa labas ng bintana kung saan kitang-kita ko ang munting taniman ng talong at kamatis. Halos wala ng bunga ang mga 'yon at nanlalanta na ang ilan at kahit anong dilig ko ay hindi na bumabalik sa dating sigla.
Napagdesisyunan ko na lang na kumuha ng buto mula sa mga bunga at ibabad sa araw upang matuyo. Itinanim ko ang mga iyon sa isang seedling box at ngayon ay nakikita ko ang pagsibol ng mga 'yon.
Napatingin ako sa pintuan nang humahangos na pumasok si Kuya. Pasimple niyang pinahid ang pawis sa noo. "Angela, kumuha  ka ng isandaan bilis."
"Bakit, Kuya?"
"Basta. Bilisan mo."
Tumayo ako at nagtungo sa kusina. Nagpaalam ako kay Mama na kukuha ng isandaan bago nagpunta sa kuwarto nila ni Papa. Hinanap ko ang wallet niya at kumuha ng isandaan. Pababa pa lang ako sa hagdan nang biglang kinuha ni Kuya ang pera sa kamay ko. Hindi ko napansing sumunod pala siya rito sa taas.
"Kuya," tawag ko. Pero tinaas lang niya ang kamay bago tumakbo palabas ng bahay.
Nagkibit-balikat ako at nagtungo sa sala. Binuksan ko ang telebisyon at Balitanghali ang nandoon sa palabas.
"Isang live report ni Marice Gumali na ngayon ay nasa Cebu. Marice?" ang sabi ng news anchor.
Napunta ang camera sa babaeng nakasuot ng N95 mask at may suot na protective gear. May nakaimprinta sa bandang dibdib na Media.
"Visi, nandito ako ngayon sa Carbon market kung saan nakita ang panlimang kaso ng Viana virus. At kitang-kita niyo naman sa likod kung paanong sa isang iglap lang, naging ghost town ang lugar na bagkasan ng mga gulay mula sa iba't ibang bahagi ng Cebu matapos ipatupad ang pangmalawakang lockdown sa buong lalawigan."
Pinakita sa balita ang drone view ng Carbon market at ang kalapit nitong pamilihan din na Colon. Parang nawalan ng tao ang buong lugar. At kitang-kita pa ang ilang nakakalat na mga gulay at basura sa mga daan. Napabuntong-hinga ako at pinatay ang telebisyon. Puro lang tungkol sa mga negatibong balita ang niri-report at hindi maganda 'yon. Mas tinatakot lang nila ang mga tao.
Napatingin ako kay Mama na nagmadaling lumabas ng kusina. Kinuha niya ang cellphone sa center table at may tinawagan.
"Oo, sige. Magpapabili ako kay Arnel.  Hindi ko alam kung ubos na ba pero alam kong hindi Niya kami pababayaan. Sige. Salamat," rinig kong sambit niya sa cellphone. Kunot ang noo niya habang nagpipindot sa keypad ng Nokia.
"Ma? May problema?" tanong ko.
"Nasaan ang kuya mo?"
"Hindi ko po alam. May binili yata."
"Sabihin mong hinahanap ko siya."
Tumango ako, "Sige po."
Muling bumalik sa kusina si Mama. Pero hindi nawala sa akin ang duda. Kinuha ko ang Nokia sa center table at binuksan ang call history. Si Colonel Tañedo ang kausap niya. Nangunot ang noo ko. Bakit kaya?
Napalingon ako sa pinto nang may mga yabag akong narinig. Nakita ko si Kuya na buhat-buhat ang isang galon ng tubig. Inilagay niya iyon sa tabi ng pinto. Lumabas siya ulit at may binitbit na namang pangalawang galon. Pangatlo. At pang-apat.
"Kuya?" nagtataka kong tanong.
Pinahid niya ang pawis sa noo at binuhat na naman ang mga iyon papasok sa kusina. Narinig ko pang may sinabi si Mama kay Kuya at pansin kong mas bumilis ang pagbuhat ni Kuya sa mga galon. Nang mailagay niya lahat sa kusina at akmang lalabas na naman ay doon lang ako nagsalita.
"Kuya!"
Pero tinaas lang niya ang kamay gaya nang ginawa niya kanina. Napanguso ako at tumakbo pahabol sa kaniya. "Kuya," tawag ko at nag-jog para masabayan ang lakad niya. "Ano bang problema?"
"Bumalik ka na sa bahay, Angela. Baka magkasakit ka."
Nangunot ang noo ko. "Hindi nga, Kuya. Anong problema?"
Umiling siya at lumiko ng daan. Sumunod ako. Napansin kong papunta kami sa tabo market ng Mantalongon. "Ano ngang problema, Kuya?"
"Wala. May pinabili lang si Mama."
"Anong pinabili?"
"Bigas."
"Bigas?" Nangunot ang noo ko. "Sa pagkakaalam ko, may kalahating sako pa naman sa bahay."
"Basta pinabili. Tapos ang usapan."
Napanguso ako at binilisan ang pag-jog dahil bumibilis ang hakbang ni Kuya. Tumingin ako sa harap at nakita ko sa malayo ang mga taong nagkukumpulan sa tabo market. Maliit lang ang tabo market at halos walang bumibili roon dahil mahal ang presyo kaya nakakapagtakang halos mapuno ang loob ng mga tao.
Pumasok kami ni Kuya sa loob at nagtaka ako nang papunta siya sa istante ng gulayan. Sumunod ako sa kaniya at halos mapapikit ako sa sigawan ng mga tao.
"Akin 'yan! Sige! 200!"
"Hindi. Ako ang nauna. 250."
"300!"
"400."
At nagpataasan ng presyo ang dalawang customer para lang sa isang kilo ng isda. May ilan ding tumatawad sa karne at ilan na humihingi nalang ng kakarampot na buto ng manok. Pero napantig ang tainga ko nang marinig ko ang sigaw ng isa.
"Wala na! Ubos na ang karne! Pumunta na lang kayo sa iba."
At may sumunod na nagsalita. "Ubos na ang isda. Doon sa aleng 'yon na lang."
Napatabi ako nang magtakbuhan ang mga tao sa isang puwesto. Hinawakan ni Kuya ang palapulsuhan ko at hinigit ako sa bilihan ng gulay. Bumili si Kuya habang nagmasid lang ako sa paligid. Pagkatapos ay pinabitbit niya sa akin ang biniling gulay at nagpunta na naman kami sa bigasan.
Bumili si Kuya ng isang sako at nanghiram siya ng kariton para ilagay doon ang sako ng bigas. Akmang ilalagay ko roon ang mga gulay nang may pumito. Napatalon ako sa gulat. Agad namang dumapo ang kamay ni Kuya sa balikat ko para siguro pakalmahin ako.
"Atensiyon! Nandito si Maam Valentina. Bibilhin niya lahat ng gulay, karne, at isda kaya walang pwedeng bumili simula ngayon..."
Mahigpit na hinawakan ni Kuya ang kamay ko palampas sa mga tao at palabas sa tabo market. Tulak-tulak niya sa isang kamay ang kariton habang hawak naman sa kabila ang kamay ko.
"Kuya, kaya ko na," sabi ko. Binitiwan naman niya ang kamay ko at dire-diretso kaming naglakad palayo sa tabo market. Dinig ko ang reklamo at sigawan ng mga tao kaya napalingon ako pabalik.
Maraming men in black sa labas ng tabo market. May dalawang kotse ring naka-park sa tapat. Napatingin ako sa isang Mercedes Benz na tumabi sa mga kotseng nauna. Lumabas ang isang lalaking naka-polo at pants.
"Angela," tawag ni Kuya.
Tumakbo ako patabi sa kaniya at sabay kaming naglakad papalayo. Huminga ako ng malalim at naisip na itanong sa kaniya ang kanina pa bumabagabag sa utak ko.
"Kuya, nagkakaubusan na ba?"
Hindi siya sumagot. Tumingin ako sa kaniya habang humahakbang pauwi sa bahay. Seryoso ang mukha niya at hindi kakitaan ng anumang emosyon.
"Kuya," tawag ko ulit.
"Bakit?"
"Sino 'yong nag-pakyaw?"
"Valentina Amorsolo."
"Sino 'yon?"
Napabuga ng hangin si Kuya. "Anak ng konsehal sa Dalaguete. Mayaman. Mestiza. Ex ko."
"Ha?"
Napailing si Kuya. "Wag na natin siyang pag-usapan."
"E, sino 'yong lalaking umibis sa Mercedes ---"
"Angela!" Napahinto kami ni Kuya at napatingin kay Aling Roseta. Umiling ang ale at napatampal ng noo. "Naku ikaw na bata ka! Hinanap ka ng nanay mo. Alalang-alala sa 'yo!"
Hilaw akong napangiti habang napailing si Kuya. "Ako nang bahala, Aling Roseta. Maraming salamat." Ngumiti si Kuya at hinawakan ang kamay ko para bilisan ang hakbang.
Binawi ko naman ang kamay para hindi siya mahirapan sa pagtulak ng kariton.
"Nakita mo 'yong lalaking umibis sa Mercedes Benz, Kuya?"
"Oo."
"Sino siya?"
"Anak ng konsehal ng Argao. Fiance ni Valentina."
Nakita kong marahang napangiti si Kuya kaya nangunot ang noo ko. "Ba't ka nakangiti?" tanong ko.
"Kung hindi dumating si Adolfo, baka hindi ko nakita ang plano ng Diyos sa buhay ko."
Doon lang ako natahimik. Nakuwento niya sa akin dati na dahil sa isang tao, nabuksan ang isip niya sa bagay-bagay. Siguro dahil... sinabi ni Apostle Paul na mas magandang ilaan ang lahat ng oras at lakas sa Diyos. At ang taong iyon, na baka si Adolfo nga, ang nagpaalala kay Kuya kung ano nga ba ang dapat unahin sa mundo.
Napabuntong-hinga na naman ako habang inaalala kung paano magtalo ang mga tao sa tabo market. "Bakit binili lahat ng ex mo, Kuya? Kawawa an mga taong hindi pa nakabili."
Narinig ko siyang napabuntong-hinga rin. "Tandaan mo, Angela, na pinagpala ang mga taong nahihirapan kaysa sa mga taong nasisiyahan. Naalala mo ba ang verse sa Bibliya? Let the lowly brother glory in his exaltation, but the rich in his humiliation, because as a flower in the field, he will pass away."
Napatingin ako sa kaniya. Seryoso na ang mukha niya.
"Ipagdasal natin na hindi sila malinlang ng kalaban. Dahil gaya ng isang bulaklak sa hardin, mamumukadkad sila at hahalimuyak. Pero pagdating ng araw ay malalanta. At kahit anong gawing pag-aalaga ay tuluyan pa ring mamamatay at mabubulok," dagdag ni Kuya.
Napatango ako. Natanaw namin si Mama sa lanai at kunot ang noo niya habang nakatanaw sa amin. Kumaway ako pero tumango lang siya at pumasok sa loob ng bahay.
"Ayos lang 'yan," sabi ni Kuya.
Nagkibit-balikat ako. "Hindi naman nagho-hold ng galit si Mama."
Tumango si Kuya. "Sino bang hindi magpapatawad kung napatawad sila ng Ama sa langit?"
Napahinto kami nang mula sa kung saan ay sumulpot si Ate Fey. Karga niya ang kapatid na lalaki.
"Arnel, pwede ka bang makausap?"
Tumingin si Kuya sa akin bago binalik ang tingin kay Ate Fey. "Ihahatid ko lang 'to sa kusina. Pumasok ka muna sa bahay at magpahinga saglit. Kumain ka na ba?" tanong ni Kuya kay Ate Fey.
Tumango si Ate Fey. Sumabay siya sa amin. Inaya ko siya sa loob habang inihatid naman ni Kuya ang binili namin sa kusina.
Pinaupo ko siya sa upuan. Nag-angat ako ng tingin kay Mama nang lumabas siya mula sa kusina. Napatingin siya kay Ate Fey.
"O, Fey, naparito ka?"
Ngumiti nang marahan si Ate. "Ipapa-check ko sana kay Arnel ang kapatid ko. Ilang araw na siyang may lagnat."
"Gano'n ba? Kumain na ba kayo ng kapatid mo?"
"Opo."
"Saglit, kukuha lang ako ng juice."
Naiwan naman kami ni Ate Fey at ilang segundo pa ang lumipas nang lumabas mula sa kusina si Kuya. Basa na ang buhok niya at bagong t-shirt at shorts na ang suot niya. Mukhang mabilisan siyang naligo. Ngumiti siya nang makita si Ate Fey at agad itong dinaluhan.
"May lagnat pa rin ba?" tanong niya.
Tumango si Ate Fey at nagkuwento. Mataman namang nakikinig si Kuya. Naisip kong lumabas muna para magkasarinlan sila.  Nagpunta ako sa hardin at tumayo doon sa ilalim ng puno ng mangga. Nagpaypay ako sa sarili at pinagmasdan ang buong hardin.
Maya-maya pa'y may dumaang mga kotse sa kalsada sa tapat ng hardin. Sunod-sunod. Mga lima hanggang walong kotse. Nakita ko pa kung paano naglipana ang alikabok sa maputing kalsada. Napailing na lang ako.
Naupo ako at ninamnam ang hanging humahampas sa mukha ko. Ilang saglit pa ay napamulat ako nang marinig ko si Aling Emelda na tinatawag ako.
"May kamatis pa ba?"
Napatingin naman ako sa mga kamatis. Mangilan-ngilan na lang ang nandoon.
"Meron pa po."
"Kukuha ako, ha?"
"Sige lang po."
Pinagmasdan ko siyang kumuha ng mga kamatis. "Ay, Ange, kukuha na rin ako ng talong."
Nakangiti akong tumango. Ilang minuto ang tinagal niya sa pagkuha ng bunga at nang magpasalamat at umalis, napansin kong naubos na ang mga bungang nandoon. Inisa-isa ko ang mga tanim pero wala na ngang bunga.
Napaangat ako ng tingin nang marinig ko si Mama. "Pumasok ka na rito!"
"Sige po."
Nanakbo ako papasok sa bahay. Nakita ko si Ate Fey na naiiyak habang pinapatahan ni Kuya. Tinapik-tapik ni Kuya ang balikat nito habang hawak ng isang kamay ang Nokia. May kausap siya sa cellphone.
"Sabihin mo sa head, Xandro. Oo, babalik na ako riyan. Ha? Kailan? Sige." Sumulyap si Kuya kay Ate Fey. "May pasyente ako rito. Dadalhin ko siya riyan. Ihanda mo ang O.R. Sabihin mo rin kay Nurse Reya na tapos na ang sick leave ko. Sige, salamat, Pare."
Binaba ni Kuya ang cellphone.
"Ano? Babalik ka na sa ospital?" tanong ni Mama.
Tumango si Kuya. "Kulang sila ng doktor doon, Ma. Saka kailangan kong masigurong hindi lalala ang sakit ni Jukno. Mukhang hindi simpleng lagnat."
"Gano'n ba? Ngayon ka na ba aalis?"
"Oo. Ihahanda ko lang ang gamit ko." Tumingin sa akin si Kuya. "Angela, pakisabi sa Tiya Osing mo na ihahatid ko sa ospital ang pamangkin niya. Pakikuha na rin ng mha damit ni Fey ---"
"Hindi na." Tumayo si Ate Fey. "Ako na ang kukuha ng gamit. Maraming salamat, Arnel."
Ngumiti si Kuya. Napangiti rin si Ate Fey bago tumalikod at lumabas ng bahay.
Umikhim si Mama. "Kailan ka babalik dito?"
Napabuga ng hangin si Kuya. "Kapag lumuwag-luwag na ang trabaho ko sa Obando, babalik ulit ako rito sa Mantalongon."
"Aasahan ko 'yan, Arnel."
Ngumiti si Kuya at niyakap si Mama. "Babalik ako, Ma. Kasama natin ang Diyos. Hindi Niya tayo pababayaan."
"Sa pangalan ni Hesus, naniniwala ako."
Kumalas si Kuya at umakyat na sa itaas. Tinulungan ko naman si Mama na magbalot ng makakain nila sa biyahe at ilang mahahalagang gamit na kakailangan ni Kuya sa ilang araw na pananatili sa ospital.
Nang makabalik na si Ate Fey ay bumaba na rin si Kuya. Pinagmasdan ko lang silang mag-usap at magpaalam kay Mama. Akala ko ay aalis na sila pero nagulat ako nang biglang humarap si Kuya sa akin at niyakap ako nang mahigpit.
"Mahal na mahal ka ni Kuya, Angela. Alagaan mo si Mama. Mag-ingat kayo, rito."
Hindi ko alam pero nanubig ang mga mata ko. Mahigpit ko siyang niyakap pabalik at napahikbi habang nakasubsob ang mukha sa dibdib niya.
"Mag-ingat ka, Kuya. Mahal din kita."
"He will guide you, Angela. Jesus will never leave you. 'Wag kalimutang magdasal."
Tumango-tango ako. Kumalas siya at binuhat si Jukno. Sabay silang lumabas ng bahay ni Ate Fey. Pinasok ni Kuya si Jukno sa loob ng tricycle. Pinapasok niya rin si Ate Fey bago muling lumingon sa amin at ngumiti nang marahan.
"God bless you!"
Napangiti ako sa sigaw niya. Nagpunta siya sa puwesto ng motor at pinatakbo ang tricycle palayo.
Hindi ko alam na 'yon na pala ang huli naming pagkikita. Ilang buwan siyang hindi nakauwi ni tumawag. Walang balita mula kay Aling Osing na tiyahin ni Ate Fey. Walang balita mula kay Xandro na katrabaho ni Kuya sa ospital sa Obando. At ilang buwan na ring naging usap-usapan ang posibleng mangyari sa kanila.
Para silang bula na bigla na lang naglaho. Walang nakapagsabi kung bakit nawala at saan nagpunta. Wala.
Wala ring balita sa telebisyon kung ano nang istatus ng lockdown sa Cebu. Wala na ring nagbibigay ng supply sa tabo market kung saan pinapakyaw ng mga mayayaman ang lahat ng bilihin. Wala na ring bunga ang mga taniman sa lahat ng sulok ng Mantalongon dahil ilang buwan na ring doon kumukuha ng makakain ang mga tao dahil sa mga ganid at walang awang mayayaman.
Namatay ang mga seedling na tinanim ko dahil ilang araw kong nakaligtaang diligan at paarawan. Wala nang halos makain ang buong Mantalongon. Pati tubig ay nagkakaubusan.
Kung hindi pa nakaimbak si Kuya bago pa man siya mawala, tiyak na hindi tatagal ang mga tao sa Mantalongon.
"Kumare, may bigas pa ba kayo?" tanong ni Aling Roseta.
Tiningnan ni Mama ang ilang butil ng bigas na noo'y isang sako ng bigas. Umiling siya. Napaiyak si Aling Roseta.
"Diyos ko, bakit ganito? Nagugutom na ang anak ko," naiiyak na sambit ni Aling Roseta at lumabas ng bahay.
Nagkatitigan kami ni Mama. Napatingin ako kay Lola nang maubo ito. Simula noong nawala si Kuya ay hindi na siya tumitigil sa pag-alala. Minsan na siyang nahirapang huminga at naagapan naman. Pero dahil sa malamig na temperatura at mahinang resistinsiya, nanghihina na ang katawan niya.
"Arnel... Arnel..." paulit-ulit na sambit ni Lola.
Tumayo si Mama at umalis sa kusina. Napaupo ako sa upuan at napahilamos ng mukha. Kahit hindi sabihin ni Mama, alam kong nahihirapan siya. Umaalis siya para umiyak sa sulok. Kung saan walang makakarinig kung hindi Siya lang.
"Bakit, Panginoon?" Napatingala ako at pinikit ang mga mata "Mahirap. S-Sobrang hirap..."
At tuluyan akong lumuha.

Komento sa Aklat (11)

  • avatar
    montereyAshanty

    goods but long

    26/02

      0
  • avatar
    Daniela Sebusa Recto

    Napaka ganda po talaga super👏👏😍😍

    23/02

      1
  • avatar
    Mea Hutalla Santelices Xll

    love it 😍

    29/10

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata