logo text
Idagdag sa Library
logo
logo-text

I-download ang aklat na ito sa loob ng app

Chapter 2

Tirik na ang araw nang bumaba ako sa bus. Pagtapak ko pa lang sa maputing kalsada ay sumalubong na sa akin ang ihip ng hangin na may kasamang alikabok. Mariin akong napapikit at napaubo. Makaraan ang ilang segundo ay nagmulat na ako at nilibot ang tingin sa paligid.
Wala akong nakitang tao sa paligid, maliban sa mga pasaherong nauna nang bumaba ng bus. Tahimik lang din sila at kita ko ang pagtataka sa mga mukha nila. Maski ako ay nagtataka. Hindi ganito ang inaasahan kong mabubungaran sa sentro ng Dalaguete.
"Inday, tabi ka naman."
Napatabi ako nang dumaan ang isang matanda. Nasa likod niya ang lalaking katabi ko kanina sa bus. Sumaludo ito sa akin at inalayan ang matanda sa paglalakad. Naging isang linya ang mga labi ko at napagdesisyunang sumunod na lamang sa kanila.
Nasabi na sa akin ng konduktor na kinuha ng mga militar ang lahat ng gamit sa ilalim ng bus, pati na ang bisikleta ko. Kaya wala akong choice kung hindi lakarin ang sakayan ng habal-habal. Pero kahit ilang metro na ang nalakad namin, wala pa rin akong nakikitang tao.
Nakagat ko ang labi habang inaalala kung anong mabubungaran ko roon. Baka walang drayber doon. Hindi pa naman ako masusundo ni Kuya Arnel dahil may lagnat siya ngayon.
Napahinto ako sa paghakbang nang biglang huminto ang taong sinusundan ko. Nahigit ko ang hininga nang muntik na akong matisod sa biglaang paghinto. Napabuga ako ng hangin at tumingala sa lalaki.
"Saan ka, Miss?" tanong niya. Siya pa rin 'yong lalaking nakatabi ko sa bus kanina.
Nag-iwas ako ng tingin at akmang lalampasan siya nang hawakan niya ang braso ko. Humarap ako sa kaniya. "Ba't mo naman natanong?" nakataas ang kilay na tanong ko.
Binitiwan niya ang braso ko at tinanaw ang matandang tinulungan niya kanina. May nakaalalay na ritong lalaki na sa tingin ko ay apo nito. "Tinawagan ako ng Tito ko sa militar kanina sa bus. Naka-lock down lahat ng munisipalidad sa Cebu pati na sa karatig lalawigan. Pinagbawalan ang lahat na bumiyahe palabas ng Dalaguete."
"Alam ko. Sinabi na ng lalaki doon sa bungad kanina."
Umiling siya na kinakunot ng noo ko. "May sinabi pa ang Tito ko. Sa atin lang sana."
"Ano naman?"
Pumikit siya at akmang hahawakan ang face mask niya pero umiling siya at binaba ang kamay. "Shot to kill ang order."
Naningkit ang mga mata ko. "How sure are you?"
"Si Colonel Tañedo ang Tito ko."
Napatitig ako sa mga mata niya. Wala akong nakikitang biro sa mga iyon. Napalunok ako at nag-iwas ng tingin. Nahuli kong nakatitig sa gawi namin ang isang babae. Nang mapansing nakatitig ako ay nag-iwas ito ng tingin at nagpatuloy sa paglalakad papunta sa sakayan ng tricycle at habal-habal na kitang-kita ko mula rito.
"Ikaw ba talaga ang pamangkin ni Colonel Tañe -"
"Shhh..."
Napalingon ako sa kaniya. Nakataas ang hintuturo niya sa pagitan namin.
"Bawal malaman ng iba. Wag mong ipagkalat. Pinagkatiwalaan kita dahil panay ang tingin ng Bureau sa 'yo, kanina. Mabuti pa ay ihahatid kita sa pupuntahan mo."
Bureau? Bureau of Quarantine? Iyong mga taong balot na balot sa Argao? Huminga ako nang malalim at umiling. "Wag na. Kaya ko namang umuwi nang mag-isa. Isa pa, may pamasahe pa naman ako pauwi sa amin."
Nagulat na lang ako nang matawa siya. "Hindi. Ang ibig kong sabihin ay ihahatid kita dahil -"
Hindi pa siya tapos sa sinasabi niya nang may marinig akong sigawan sa malayo. Napatingin ako sa sakayan at kitang-kita ko kung paano magsuntukan ang dalawang lalaki.
"Ako ang ihahatid niyan!"
"Ako ang unang nagbayad! Ako dapat ang mauna!"
Narinig kong napabuntonghinga ang lalaki. Nakita ko sa gilid ng mata ang paghalukipkip niya. "Yan ang sinasabi ko. Kapag magko-commute ka, tiyak kong aabutan ka ng gabi. Iilan lang ang babiyahe ngayon, lalo na't inanunsiyo nang nakapasok ang virus sa bansa. Alam mo naman, ayaw mahawa ng mga Pinoy."
Napahalukipkip ako at napailing.
PINASADAHAN ko ng tingin ang motor na kinuha niya sa isang saradong bahay malapit sa wet market. Mukhang alagang-alaga pa ito dahil kumikintab sa linis, kahit na pinalabas sa publiko ang model nito noong 2015. Inabot niya sa akin ang isang helmet at ininguso ang likuran niya.
"Angkas na," sabi niya.
Pinaningkitan ko siya ng mata. "Siguraduhin mo lang na iuuwi mo ako sa -"
"Oo na." Pinatunog niya ang dila. "Hindi ako pinalaki ng mama ko na barumbado."
Nagpalipat-lipat pa ang tingin ko sa kaniya at sa motor bago lumapit at umangkas. Tinapik ko ang balikat niya at muntik na akong mapasigaw nang walang anu-ano'y pinaharurot niya ito.
"Bagalan mo naman!" sigaw ko.
"Dapat makauwi ka nang tirik pa ang araw! Magri-raid mamayang alas-sais ang militar sa buong lugar!"
Nangunot na naman ang noo ko sa sinabi niya. Di yata'y masyadong maalam ang lalaking ito sa nangyayari. Isa pa, hindi ko pa nakukuha ang pangalan niya.
"Anong pangalan mo?" pasigaw kong tanong.
Niliko niya ang motor sa isang matarik na bahagi ng kalsada. Humigpit ang hawak ko sa balikat niya dahil papaakyat na ang motor sa Mantalongon.
"Sean!"
Tumango ako kahit hindi niya ako nakikita. "Bakit alam mo lahat ng ito? Sinabi rin ba ng Tito Colonel mo?"
Naramdaman kong tumulin ang takbo ng motor.
"Oo, sinabi niya!"
"Alam din ba ni Papa ang nangyayari? Imposibleng hindi mo siya kilala dahil bestfriend sila ng Tito mo!"
"Sinong Papa mo? Si Tito Husel?"
"Oo!"
Ilang minuto kaming natahimik. Dahil tanging makina ng motor lang ang nag-iingay, mas naririnig ko hangin. Maingay at nakakabingi. Tinuon ko na lang ang atensyon sa tanawin sa malayo.
Nagkukumpulan ang mga puno ng niyog sa malayo habang nasa malapit lang ang mga puno ng saging. May ilang taniman sa gilid ng kalsada at naramdaman kong bumagal ang takbo ng motor. Hindi ko alam kung bakit pero baka ayaw lang niyang tuluyang malagyan ng alikabok ang mga repolyo.
Mas narinig ko rin ang ingay na mula sa kakahuyan na ilang metro lang ang layo mula sa mga puno ng saging at niyog. Ingay ng gangis at ilang awit ng mga ibon ang maririnig mula roon. Dumagdag din ang pagsasayawan ng mga malalagong dahong nakakabit sa mga sanga ng puno. 
"Ang totoo niyan, inatasan ako ni Tito na bantayan ka. Hindi pa makakauwi si Tito Husel dahil sa travel ban at pinakiusapan niya si Tito. Hindi naman makapunta rito sa Dalaguete si Tito dahil in-deploy sila ng Chief sa Bohol."
Hindi ako umimik at tinuon na lang ang tingin sa malayo, kung saan kitang-kita ko ang mga ibong lumilipad. Tanggap ko naman na hindi makakauwi si Papa dahil sa travel ban, pero hindi mawala-wala sa isip ko ang tungkol sa kaligtasan niya. Bumuntong-hinga ako, pumikit, at umusal ng panalangin.
"Sana matapos na ito. Hindi ko alam kung bakit Mo hinahayaang mangyari ito pero alam kong may dahilan Ka, Panginoon. Nawa ay gabayan Mo kami... bigyan Mo kami ng lakas ng loob upang malagpasan ang lahat ng ito. Sa pangalan ni Jesus, aking Panginoon at Tagapagligtas, amen."
Dumilat ako at tinanaw ang papalayong mga ibon.

Komento sa Aklat (11)

  • avatar
    montereyAshanty

    goods but long

    26/02

      0
  • avatar
    Daniela Sebusa Recto

    Napaka ganda po talaga super👏👏😍😍

    23/02

      1
  • avatar
    Mea Hutalla Santelices Xll

    love it 😍

    29/10

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata