logo text
Idagdag sa Library
logo
logo-text

I-download ang aklat na ito sa loob ng app

—Chapter 5—

MABILIS na kumilos si Griffin at pinaghahagupit niya ang mga aswang na pilit pumasok sa gate ng bahay gamit ang buntot pagi. Nanlaki ang mga mata ko nang biglang bumalik sa alaala ko kung paano ako inilalayo ni Griffin kay Mama at Cornelia nang mga oras na iyon. Bumalik sa alaala ko ang mga huling salitang sinabi sa akin ni Mama bago siya namatay. Hindi tao ang mga iyon. Mga aswang sila.
“Naalala ko na. Pasensya na kung nakalimutan ko kayo, Cornelia at Griffin,” ang sambit ko at napalingon silang dalawa.
Ngumiti naman silang dalawa. Tumungo naman si Griffin at Cornelia sa isa't isa. Lumabas ang isang parihabang liwanag na kasing haba ng tarot card. Nagsimula naman sa pakikipaglaban sina Cornelia sa mga aswang.
“Lairus! Isipin mong maigi! Paano mo gustong maprotektahan ang mga taong nais mong protektahan?” ang sigaw ni Griffin.
Paano nga ba? Wala akong maisip. Ano nga ba ang dapat kong gawin? Napalingon ako mula sa likuran nang maramdaman ko ang isang malamig na hangin.
“Lairus,”ang sambit ng isang boses.
Napalingon ako at nakita ko ang kaluluwa ni Mama. Nanlaki ang mga mata ko nang bigla niya akong yakapin. Tumulo ang mga luha ko dahil sa pangungulila sa kanya. Muling nagbalik tanaw sa aking kaisipan ang madalas na paglalaro ni Mama noong bata pa ako. Nakahilera ang mga laruan sa mesa at pinili ko ang laruang espada.
“Mama, po-protektahan ko po kayo sa sino mang mananakit sa inyo!” ang sambit ko noong bata pa ako.
Ngumiti naman si Mama at niyakap ako. Ramdam ko ang pag-iyak ni Mama at tuwing nalulungkot siya ay pinupunasan ko ang mga luha niya.
“Mama, kung kayo po ang papipiliin, ano pong weapon ang pipiliin ninyo?” ang tanong ko kay Mama.
Napaisip naman si Mama. Nababakas sa kanya’ng mukha ang pagtataka at namili siya sa mga laruan ko. Ilang minuto ang nakalipas at nakapili na rin si Mama. Dinampot naman niya ang pana at palaso at itinaas iyon.
“Ang pana at ang palaso ang napili ko,” ang sambit ni Mama.
Nagtaka ako naman dahil ang pana at palaso ang pinili ni Mama. Mahirap para sa akin ang paggamit ng pana at palaso lalo na’t kailangan ay magaling ka sa pag-asinta nito sa kalaban.
“Bakit po pana at palaso, Mama? Ayaw niyo po ba sa espada?” ang tanong ko kay Mama.
Pinahawak naman sa akin ni Mama ang pana at palaso. Inilapat niya ang buntot ng palaso sa tali nito habang pinapahatak niya sa akin ito. Nang bitawan ko iyon ay ang layo nang naabot nito. Tuwang-tuwa naman ako dahil sa layo nang naabot nito.
“Panatag ako na magiging ligtas ako. Dahil mula sa malayo ay kaya kitang protektahan. Isa pa, madaming humahamak sa kakayahan ng pana at palaso. Hindi alam ng karamihan na kailangan mo nang lakas at tamang konsentrasyon upang mapakawalan nang tama ang palasong ito,” ang sambit ni Mama.
Muling nabalik ang diwa ko sa kasalukuyan at patuloy pa rin na nagliliwanag ang parihabang hugis tarot card. Ngumiti ako at pinunasan ko ang luhang hindi ko alam kung kailan pa pumatak.
“Pasensya na kung natagalan ako. Salamat, Mama sa lahat ng itinuro niyo sa akin kahit sa maikling panahon. Patawad po kung nalimutan ko ang lahat ng iyon. Naging duwag ako sa hinaba-haba ng panahon na lumipas,” ang sambit ko.
Hinawakan ko ang liwanag at kumalat iyon sa langit. Lahat ng mga manananggal na nasa langit ay nasunog sa pagdaan ng liwanag na iyon. Nasilaw naman ang mga aswang sa liwanag na nagmumula sa parihabang liwanag.
“Lumabas ka, Bow of Strength!” ang pagtawag ko sa liwanag.
Umikot ang liwanag pabalik sa aking mga kamay at bumuo ito ng korteng pana. Nawala ang liwanag at lumitaw ang disenyo ng pana na bughaw at para itong tangkay ng rosas na naka-korteng infinity katulad ng simbolong nasa ulo ni Cornelia. Ang mga tangkay ay may maliliit na rosas at aakalain mo na yari sa aquamarine ang katawan ng pana. Bakas sa mga mata ni Cornelia at Griffin ang pagkagulat.
“Anak ka nga talaga ni Aurora,” ang mahinang sambit ni Cornelia.
“Ang panang iyan ang gamit ng iyong ina sa pakikipaglaban. Mabubuo lang ang mga palaso ng panang iyan kapag buo na ang desisyon mo kung sino ang mga nais mong protektahan,” ang sambit ni Griffin.
Napaisip naman ako kung sino nga ba ang mga nais kong protektahan. Tiningnan ko silang dalawa na patuloy nakikipaglaban. Si Tita Lucille, Cornelia at Griffin lang ang meron ako sa ngayon. Kahit na sa maikling panahon ko lamang sila nakasama, ay ipinadama nila sa akin na isang pamilya kami. Kaya gagawin ko ang lahat upang protektahan sila. Nais kong makita sila sa harap ng hapag-kainan habang masaya silang kumakain ng mga niluto ko. Itinaas ko ang pana at itinutok iyon sa langit. Hinila ko ang tali ng aking pana at buong pusong inisip sina Mama. Nabuo ang pana at ramdam ko ang nagtatalo ng init at lamig sa aking mga kamay. Binitiwan ko ang palaso at tila dumami ito na parang patak ng ulan.
Tumama ang mga palaso sa kalaban at ang mga palaso na dumiretso sa lupa ay may tumubong mga rosas. Namukadkad ang mga rosas at naging matingkad na lila ang kulay nito. Hinigop nito ang lakas ng mga aswang at nanlaki ang mga mata ko nang matuyo ang mga katawan nila hanggang tuluyan silang maging abo. Nagsiatrasan ang ibang mga aswang at tuluyan na silang umalis ng bahay. Naglaho naman ang mga tumubong rosas at kasabay nang paglalaho ng pana ay bumalik ito sa pagiging tarot card. Tiningnan ko ang tarot card at sa halip na babae at leon ang nasa card ay ang pana na pinalabas ko ang narito. Nakalagay sa pangalan nito ang bow of strength. Tiningnan ko sina Cornelia at bakas sa mga mukha nila ang pagkamangha.
“Ano ang atakeng iyon? Bakit ngayon ko lamang nalaman na may ganitong atake ang baraha ng iyong ina?” ang tanong ni Cornelia.
Tiningnan ko sila. Sa totoo lang ay hindi ko rin alam. Inalala ko lang naman ang nakaraan naming ni Mama at biglang lumabas ang mga bulaklak na humihigop ng life force.
“Kahit ako ay nagulat rin sa atakeng iyon. Pero hindi ko inakala na ang mga alaala ni Mama ang tutulong sa akin sa pagtalo sa mga aswang ngayong gabi,” ang sambit ko sa kanila.
Tumalon naman sa akin si Cornelia. Umiiyak siya sa aking balikat at naririnig ko ang paulit-ulit na paghingi niya ng tawad. Hindi ko alam kung bakit patuloy ang paghingi niya ng tawad. Ako nga ang dapat humingi ng tawad dahil sa nalimutan ko sila ni Griffin.
“Wala ka dapat ihingi ng tawad, Cornelia . Ako ang dapat—!”
Naputol ang sasabihin ko nang bigla akong nakaramdam ng hilo. Napahawak naman ako sa aking ulo at tuluyan na akong napaluhod sa lupa. Nataranta naman si Cornelia at mabilis naman akong inalalayan ni Griffin. Naririnig ko ang pagtawag nila sa pangalan ko ngunit umiikot ang aking paningin. Ano bang nangyayari sa akin? Mukhang napasubo ata ako sa pagpapalabas ng pana na iyon. Mukhang totoo nga ang mga napapanood ko, na ang bawat kapangyarihang pinapakawalan ay may kapalit.
“Lairus! Ano’ng nangyayari sa'yo?” ang sigaw ni Cornelia.
Tuluyan na akong napapikit dahil sa sobrang pagod. Tuluyan nang nagdilim ang aking paningin at ang diwa ko ay napadpad na sa mundo ng mga panaginip. Natagpuan ko ang sarili ko sa isang gubat. Nakita ko ang isang lalaking nakasuot ng sinaunang kasuotan ng mga katutubo. Puno ng tinta ang kanya’ng katawan at napupuno ito ng palamuti. Nagliliwanag na parang araw ang kanya’ng katawan at nakasukbit sa kanya’ng tagiliran ang kanya’ng kampilan. Ang kanya’ng mga mata ay kulay kahel na maihahambing sa sinag ng araw.
Nanlaki ang mga mata ko nang dumaan ang isang liwanag at parang hangin ito na tumagos sa aking katawan. Yumakap ito sa lalaking nagliliwanag at ikinamangha ko ang pag-aanyong tao nito. Ngunit ang pagkamangha ay dagliang napalitan ng pangungulila. Dahil ang babaeng yumakap sa lalaki ay walang iba kung hindi ang aking Mama. Pero ano’ng ginagawa niya rito? Akmang lalapit na ako nang may namuong bitak sa aking kinatatayuan at tuluyan akong nahulog doon. Napasigaw ako dahil sa takot.
Iminulat ko ang aking mga mata at natagpuan ko ang aking sarili sa aking kama. Napatingin ako sa salamin na katapat ng aking kama at laking gulat ko nang makita ko ang pagbabago ng kulay ng aking mga mata. Mula sa pagiging kayumanggi ay tuluyan na itong naging kahel at maihahambing ito sa mata ng lalaking nakita ko kanina. Napasigaw naman ako dahil hindi ako maaaring mag-online class na ganito ang hitsura ng aking mga mata. Biglang bumukas ang pinto at humahangos na pumasok si Cornelia at Griffin sa aking kwarto.
“Ano’ng nangyayari? May kalaban ba?” ang tanong ni Griffin.
Tiningnan ko sila at bakas ang pagkagulat sa kanilang mga mata. Napatakip naman ng bibig si Cornelia at napangisi naman si Griffin. Naiiyak ko silang tinitigan dahil hindi ko alam ang gagawin ko.
“Ano’ng gagawin ko? Baka maging agaw atensyon ako sa mga nakakasalamuha ko?”ang sambit ko.
Napailing naman si Griffin at nagtatalon naman sa tuwa si Cornelia. Uh, hello? May problema akong kinahaharap ngayon pero bakit parang tuwang-tuwa pa ang dalawang ito sa nangyayari?
“Anak ka nga talaga ng tatay mo,” ang sambit ni Griffin.
Naguluhan ako sa nangyayari. Isa pa, paano ko aayusin ‘to? Napalingon naman ako sa drawer at naalala kong may contact lens ako doon. Napabusangot ako nang makita kong expired na iyon. Kadalasan one year lang p’wede suotin ang mga contact lens. Mukhang kailangan ko nang bumili ng bago. Pero sa nangyari kagabi ay mukhang malabong iwanan ako ng dalawang ito. Mukhang wala akong magagawa kung hindi ang isama silang dalawa papunta sa mall upang maiwasan ang pag-aalala nila para sa akin.

Komento sa Aklat (201)

  • avatar
    Jewel Jane Udtohan

    maganda hindi peke thank you novels dahil saying may bahay ma kami

    29/05

      0
  • avatar
    BarrugaAngelica

    maganda ito

    14/04

      0
  • avatar
    EspiaLem

    yes

    04/04

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata