logo text
Idagdag sa Library
logo
logo-text

I-download ang aklat na ito sa loob ng app

—Chapter 4—

NAGISING ako nang maaga dahil pupunta ako ng Quiapo upang bisitahin ang kaibigan ni Mama. Isa itong manghuhula kaya may kutob akong may alam si Tita Jingle sa kakaibang nangyayari sa akin. Naipagluto ko na sina Cornelia at Griffin ng kanilang umagahan. Nag-iwan naman ako ng note lalo na't tinuruan sila ni Mama noon kung paano magbasa at magsulat ayon sa kwento nila.
Naglakad ako palabas ng eskinita at sumakay ako ng fx sa may highway. Ilang oras ang lumipas ay nakarating din ako sa may Quiapo. Masasabi kong ibang-iba ang atmosphere ng Maynila kumpara sa Quezon City. Nagtanong-tanong ako doon kung nasaan si Tita Jingle. Sa totoo lang, ay wala akong ideya kung saan sa Quiapo ang kanya’ng pwesto. Lumipas ang tatlong oras ay hindi ko pa din nakikita si Tita Jingle. Napadpad naman ako sa nagbebenta ng mga gayuma at iba pang halamang gamot. Tinanong ko rin sila kung may impormasyon sila sa kinaroroonan ni Tita Jingle. Ngunit katulad ng iba kong napagtanungan ay iisa lang ang kanilang sagot. Wala silang kilalang babae na nagngangalang Jingle. Napaupo na lamang ako sa isang upuan na matatagpuan sa underpass sa may Quiapo dahil sa totoo lang ay pagod na ako sa kakahanap kay Tita Jingle. Akala ko madaling hanapin si Tita Jingle pero nagkamali ako. Masyadong malaki ang Quiapo.
“Saang lupalop ko ba hahanapin si Tita Jingle?” ang tanong ko sa sarili ko.
Napalingon naman sa akin ang mananahi sa tapat ko. Bakas ang pagtataka sa kanya’ng mga mata at sa hindi malamang rason ay bigla akong hinila ng mananahi.
“Bakit mo hinahanap ang manghuhulang iyon? Hindi mo ba alam na iisang tao lamang ang tumatawag ng Jingle kay Genevieve?” ang tanong ng mananahi sa akin.
Napakunot naman ang noo ko sa inasta ng mananahi. Genevieve ang totoong pangalan ni Tita Jingle?
“Bakit po? Bawal po bang tawagin na Tita Jingle?” ang tanong ko.
Inilagay niya sa kanya’ng bulsa ang kanya’ng mga kamay bago ito lumapit sa akin. Inalis niya rin ang medida na nakasabit sa kanya’ng leeg at ipinatong iyon sa kanya’ng mesa.
“Alam mo kasi iho, ang babaeng hinahanap mo ay ang asawa ko. Bakit mo ba siya hinahanap? Magpapahula ka ba sa kanya?” ang tanong ng mananahi.
“Anak po ako ni Aurora Silverio,” ang sambit ko.
Bakas sa mga mata niya ang pagkagulat. Hindi na ako magtataka lalo na't si Mama ang nagturo kay Tita Jingle kung paano magbasa ng tarot cards. Lumingon ito sa paligid at tila balisa ito.
“Ano’ng ginagawa mo dito? Wala ka bang ibang kasama?” ang tanong ng mananahi sa akin.
Umiling naman ako. Nakakapagtaka naman dahil wala naman akong ibang kilala na susunod sa akin. P’wera na lang kung alam ni Cornelia at Griffin ang kinaroroonan ko ngayon.
“Sumunod ka sa akin. Ilagay mo sa unahan ang bag mo. Madaming mandurukot dito. Isa pa, huwag lalayo sa akin,” ang sambit ng mananahi.
“Bakit po? Ano pong meron?” ang tanong ko.
Hinatak naman ako ng mananahi palabas ng underpass. Nagpaalam naman muna ito sa kanya’ng kasamahan na aalis na muna ito patungo sa pwesto ni Tita Jingle. Sa ilang minutong paglalakad ay nakarating kami sa isang pwesto. Pumasok kami at kakatapos lang nito na manghula ng isang mayamang kliyente.
“Paano, Madam Genevieve? Aalis na ako. Salamat sa iyong mga payo ,” ang sambit ng kanya’ng kliyente.
“Walang ano man Mr. Gonzales. Sa susunod po ulit,” ang sambit ni Tita Jingle.
Umalis na ang kliyente niya at nagawi naman ang kanya’ng atensyon sa akin. Naningkit ang kanya’ng mga mata dahil sa nakaabay sa akin ang kanya’ng asawa.
“Hoy, Florante! Huwag mong sabihin sa akin na anak mo sa labas ang batang ito?” ang sigaw ni Tita Genevieve.
Napabuntung-hininga na lamang ako dahil sa overreacting ang kanya’ng interpretasyon sa amin ni Tito Florante. Napahalukipkip naman si Tito Florante dahil sa reaksyon ni Tita Jingle.
“Sabihin mo lang kung gutom ka na hindi yung kung ano-ano ang naiisip mo. Isa pa, anak siya ni Aurora,” ang naiinis na sagot ni Tito Florante.
Nagulat ako nang hawakan niya ang magkabilang pisngi ko. Inilabas naman niya ang isang botelya at tiningnan iyon. Para saan naman kaya ang bagay na ito?
“Tao siya. Bueno, ano’ng sadya mo sa akin?” ang tanong ni Tita Jingle.
Itinago niya ang botelya at pinaupo niya ako sa isang monoblock na upuan.
“Ang totoo po niyan Tita, madaming kakaiba pong nangyari sa akin. Nabuhay po ang isang baraha ni Mama. Yung Strength. Ang totoo po niyan, hindi ko po sila maalala pero sinasabi po nila na sila po ang nagbantay sa akin noong bata pa po ako,” ang kwento ko sa kanila.
Nagkatinginan naman si Tita Jingle at Tito Florante. Mukhang may alam sila tungkol sa baraha.
“Florante, maaga kang magsara. At ikaw, bumalik ka dito bukas. Hindi ito ang tamang oras upang pag-usapan ang taong yumao. Martes ngayon,” ang sambit ni Tita Jingle.
Ibinigay niya sa akin ang botelya at ang isang pulang maliit na pouch. Inamoy ko ang pulang pouch at naamoy ko ang matapang ngunit maanghang na amoy nito.
“Iyan ang sisidlan na may lamang luyang itim. Mapoprotektahan ka nito mula sa kulam. At ang botelya naman na ito ay tinatawag na lana. Kumukulo ito kapag may aswang sa paligid. Gabayan ka ng diyos sa iyong pagbabalik,” ang paliwanag ni Tita Jingle.
Gustuhin ko man magtanong pero pakiramdam ko ay may bumabagabag sa kanila. Akmang lalabas na ako nang bigla akong tawagin ni Tito Florante.
“Iho, huwag ka sanang magtatampo kung hindi namin masasagot ang mga katanungang bumabagabag sa iyo ngayon. Pero magtiwala ka sana sa amin. Isa pa, para rin sa kaligtasan ng lahat ang ginagawa namin. Umuwi ka na sa inyo. Naghihintay na sa iyo si Cornelia at Griffin,” ang sambit ni Tito Florante.
Nagulat naman ako nang banggitin ni Tito Florante ang pangalan ni Cornelia at Griffin. Sa pagkakaalala ko ay wala naman akong binabanggit na pangalan kanina. Kaya paano niya nalaman ang pangalan ni Griffin at Cornelia?
“Paano niyo po nalaman ang pangalan po nila. Sa pagkakaalala ko po ay wala naman po akong binabanggit na pangalan kanina ah?” ang sagot ko kay Tito Florante.
Napatakip naman si Tito Florante ng kanya’ng bibig at narinig ko naman ang pagsigaw ni Tita Jingle. Itinulak naman ako palabas ni Tito Florante at agad naman siyang kumaripas ng pagtakbo paloob ng tent. Napailing na lang ako at dismayado akong nagtungo sa paradahan ng mga fx. Sumakay na ako pabalik ng Quezon City dahil naroon ang bahay namin. Halos pasado alas otso na rin ako ng gabi nakarating sa bahay namin. Pagbukas ko ng pinto ay bumungad sa akin ang nakasimangot na mukha ni Griffin at ang nag-aalalang mukha ni Cornelia. Patay! Halos buong araw nga pala ako nawala sa bahay. 
“Kung pupunta ka kay Genevieve sana ay isinama mo na lang kami. Mahirap na baka mamaya masabunutan ka niya nang wala sa oras!” ang sambit ni Griffin.
Napataas naman ang kilay ni Cornelia. Lumapit siya at nagulat ako nang bigla niya akong yakapin. Halos hindi naman ako makahinga sa kanya’ng pagkakayakap. Isa pa, ito lang naman ang unang beses na may nag-aalala sa akin bukod kay Tita Lucille.
“Sa susunod, magsasabi ka ng personal. Mahirap na, ayaw ka namin mapahamak katulad ng mama mo,” ang sambit ni Cornelia. 
Tumayo naman si Griffin at tinapik niya ang balikat ko. Napatingin naman ako sa kanya’ng mukha na nababakas ang pagkabahala. Nakalimutan ko, may nag-aalala na nga pala sa akin ngayon. 
“Nakakalimutan mo yata, Lairus. Hindi ka na nag-iisa ngayon. Kasama mo na kami at lagi kaming narito para sa'yo. Kaya sa susunod na lalakad ka mag-isa, sabihan mo kami ni Cornelia at handa kaming protektahan ka laban sa mga kampon ni Sitan,” ang sambit ni Griffin.
Siniko naman siya nang malakas ni Cornelia at saka pinandilatan. Napaaray naman si Griffin sa lakas ng pagkakasiko sa kanya ni Cornelia. Teka sino ba si Sitan? Habang nag-aaway silang dalawa ay nakaramdam ako na parang may kumikiliti sa loob ng bulsa ng aking pantalon. Kinuha ko ang botelya na nasa aking pantalon at nagulat ako nang biglang kumulo iyon nang malakas. Naalerto naman si Cornelia at Griffin. 
“Griffin, bantayan mo ang munting meistre! May nilalang sa paligid! Hindi ko masabi dahil hindi lang naman sa aswang kumukulo ang lana! Maaaring may manananggal o kaya ay may elemento sa paligid!” ang sigaw ni Cornelia.
Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi ni Cornelia. May aswang sa mismong bakuran ng bahay namin?
“Lairus kumuha ka ng asin sa kusina. Rock salt ang isaboy mo sa bawat bintana at pinto! Maliwanag ba?” ang sigaw ni Cornelia.
Tumungo naman ako at tumakbo ako sa kusina at kumuha ako ng rock salt  upang ilagay sa bawat bintana at pintuan ng bahay. 
“Griffin! Tulungan mo akong magsaboy ng asin! Kunin mo din ang buntot-pagi sa kwarto ni Lucille!” ang sigaw ni Cornelia.
Mabilis pa sa alas kwatro ang pagkilos ni Griffin at sinunod niya ang utos ni Cornelia. Hindi ko inakalang, sa modernong panahon ay may ganito pa pala akong mararanasan. Kahit na ang kwentong barbero tungkol sa kanila ay nagmula pa sa panahon ng mga Kastila, hindi ko lubos maisip na mangyayari ito ngayon sa mismong pamamahay namin. Mama, ano po ba ang dapat kong gawin?

Komento sa Aklat (201)

  • avatar
    Jewel Jane Udtohan

    maganda hindi peke thank you novels dahil saying may bahay ma kami

    29/05

      0
  • avatar
    BarrugaAngelica

    maganda ito

    14/04

      0
  • avatar
    EspiaLem

    yes

    04/04

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata