logo text
Idagdag sa Library
logo
logo-text

I-download ang aklat na ito sa loob ng app

—Chapter 2—

DAHAN-DAHAN kong iminulat ang aking mga mata. Nakikita ko na ang liwanag ng haring araw na tumatagos mula sa boulevard window ng bahay. Kinusot-kusot ko ang aking mga mata at nagulat ako nang makita ang nakangiting mukha ni Cornelia. Napabangon naman ako dahil sa nakatulog ako sa hita ni Cornelia. Pambihira, bakit ba dito sa sahig nakatulog? Napakamot naman ako ng aking ulo dulot ng kahihiyan. Binati naman ako ni Cornelia kaya napalayo ako sa kanya.
“Magandang umaga, Lairus.”
Mabilis akong napabangon at napasandal ako sa aking aparador. Halos hinabol ko ang aking hininga dahil sa gulat na aking naramdaman. Hindi talaga isang panaginip ang pagpunta nila dito kagabi?
“Cornelia? Hindi ba ako nanaginip? Totoo kayo?” ang sigaw ko.
Napatingin ako sa may sulok at nakita kong mumukat-mukat ang mata ang lalaking mukhang leon. Mukhang namumugto ang ang mga mata ng taong leon. Huwag mong sabihing dinidibdib niya pa rin ang sinabi ko kagabi? Pero sino nga ba ang lalaking ito?
“Tingnan mo na Cornelia! Nalimutan na tayo ng batang prinotektahan natin noon!” ang sigaw ng lalaking may tenga ng leon at nagmukmok muli ito sa sulok.
Hindi ba parang masyadong ma-drama ang lalaking ito? Masyado na nga ba akong tumatanda? Kung sabagay, hindi ako magaling sa pagtanda ng mga pangalan. Sa pagkakaalala ko ay labing siyam na taong gulang pa lamang ako. Akmang dadambahan ako ng lalaking mukhang leon ngunit mabilis siyang pinigilan ni Cornelia.
 “Mukhang nalimutan niya na kung paano natin siya ipinagtanggol noon mula sa mga nilalang na pumatay kay Aurora. Kung sabagay, wala pa siyang kamuwang-muwang nang mangyari iyon. Dahil pitong taong gulang siya noon nang nangyari ang trahedyang iyon,” ang malungkot na sambit ni Cornelia.
Sila ang sumagip sa akin noon? Pero bakit hindi ko sila maalala? Alam nila kung sino ang pumatay kay Mama? Sunud-sunod na tanong ang nabuo sa isipan ko. Pilit kong inaalala ang mga nangyari noon ngunit malabo iyon sa aking isipan. Binatukan naman ako ng lalaking may tenga ng leon sa kanya’ng ulo kaya medyo natauhan ako. Natauhang may hindi ako ordinaryong bisita sa bahay namin! Piningot naman ni Cornelia ang lalaki kaya napaaray ito.
“Aray ko! Masakit Cornelia!” ang sigaw nito at hinimas niya ang kanya’ng tenga na piningot ni Cornelia.
Sinamaan naman siya ng tingin ni Cornelia kaya naman napabusangot ito. Agad niyang pinakawalan ang lalaki at umupo siya sa couch na malapit. Masyado kasing malaki ang bahay namin kaya nga minsan ay hindi ko maintindihan ang trip ni Tita Lucille at gusto niya ng madaming kagamitan sa loob ng bahay samantalang karamihan sa ibang kagamitan ay hindi naman nagagamit.
“Kasalanan mo iyan, Griffin! Magtiis ka diyan!” ang masungit na sambit ni Cornelia.
Griffin pala ang pangalan niya? Katulad ng nilalang na nasa mythology ng mga banyagang bansa. Pero mamaya ko na iisipin iyon dahil paano ko sasabihin kay Tita Lucille ang tungkol sa bagay na ito? Baka pag-uwi niya ay bigla na lamang himatayin si Tita Lucille. Napatampal naman ako ng aking mukha dahil sa laki ng problema ko ngayon. 
“Huwag kang mag-alala. Kilala kami ng Tita Lucille mo. Ang totoo nga niyan ay lagi silang magkaaway noon ni Griffin,” ang sambit ni Cornelia.
Nakahinga naman ako nang maluwag dahil hindi ko na kailangan na magpaliwanag pa kay Tita Lucille sa oras na magkaroon ng mahabang paliwanagan. Nakaramdam naman ako ng pagkulo ng tiyan dahil sa gutom. Mukhang kailangan kong magluto nang madami dahil sa ngayon lamang ako may makakasabay kumain. Bumaba ako sa kusina at nagsimulang magluto ng umagahan. Simula nang mamatay si Mama ay kinailangan ko nang matuto ng mga gawaing bahay. Inilapag ko sa mesa ang isang mangkok ng adobo at isang bandehadong kanin. Nakita kong bumaba sila sa hagdan at nanatili silang nakatayo doon.
“Ano? Tatayo lamang ba kayo diyan? Samahan niyo naman ako kumain dito. Mahirap ubusin ang inihanda kong pagkain mag-isa. Uhm. Please?” ang sambit ko at agad silang lumapit sa akin.
Lumapit sila at nagsimula silang magsandok ng kanin at kumain na tila isang normal na tao. Nakahinga naman ako nang maluwag dahil nakikita kong nasasayahan sila sa niluto ko. Napatingin naman ako nang magsalita si Griffin.
“Ilang taon na rin ang nakakalipas simula nang makakain ako ng adobo. Pagkatapos kasing mamatay ni Aurora—! Aray!”
Hindi na naituloy ni Griffin ang kanya’ng sasabihin nang sikuhin siya ni Cornelia. Nanahimik na lamang si Griffin at patuloy siyang kumain. Nang matapos na kami sa umagahan ay si Cornelia ang nagpresinta na maghugas ng mga pinagkainan. Hindi ko naman siya mapigilan dahil mas mabilis pa sa alas kwatro nang makuha niya ang mga hugasin at dinala iyon sa lababo. Nagulat naman ako nang makitang nagwawalis si Griffin sa paligid ng bahay. Parang ako ang naging bisita sa sarili naming pamamahay.
Napatakbo naman ako sa kwarto nang maalala kong naka-animal print na pantalon at walang pang-itaas na damit si Griffin. Hinagilap ko ang mga damit ko na hindi ko nagagamit. Agad akong tumakbo papuntang bakuran at hinatak papuntang banyo si Griffin. Nagulat ako dahil nawala ang kanya’ng tainga na maihahambing sa leon maging ang buntot nito. Naging pula ang kanya’ng buhok at nagkaroon ito ng piercing sa kanya’ kanang tainga. Nabawi ko naman ang aking pagkatulala nang biglang nagsalita si Griffin.
“Teka, ano bang nangyayari sa'yo? Bakit ba humahangos ka diyan?” ang naguguluhang tanong ni Griffin.
“Maligo ka na at saka suotin mo ang damit na ito! Mahirap na baka manyakin ka ng kapitbahay naming mga chisimosa!” ang sigaw ko.
Nainitindihan naman ni Griffin ang kanya’ng assignment at agad siyang naglinis ng kanya’ng sariling katawan. Narinig ko naman ang mahinang pagtawa ni Cornelia. Napatampal naman ako sa sarili ko nang makita kong halos magsalamin na ako sa sobrang linis ng mga pinggan at ng buong kusina. Kita ko naman na basa ang damit ni Cornelia kaya agad akong nagpunta sa kwarto ni Tita Lucille upang ikuha siya ng damit na maaari niyang suotin habang nilalabhan ko ang kanilang mga kasuotan.
Pinagamit ko naman kay Cornelia ang banyo sa taas upang makaligo siya. Nagulat pa nga ako ng paglahuin niya ang mga bulaklak sa kanya’ng ulo kabilang ang infinity symbol na nakalutang sa kanya’ng ulo. Napatingin naman ako sa aking orasan at nakita ko na alas nuwebe na ng umaga. Kailangan ko nga palang magpasa ng artwork sa aming assignment sa Humanities. Kailangan ay may kinalaman raw sa Philippine Mythology. Naparesearch naman ako ng wala sa oras dahil wala naman akong kaalam-alam sa mga ganitong topic.
Umagaw sa aking atensyon ang kwento ni Apolaki. Ang pakikipaglaban niya kay Mayari kung paano nila pinaghatian ang pamumuno sa mundo sa magkaibang oras. Kaya naman naisip ko na iguhit si Apolaki kasama ang kapatid niyang si Mayari at Tala. Nagulat ako nang makarinig ako ng ingay mula sa pintuan. Lumabas naman ng banyo si Cornelia at halos mahulog ang panga ko sa nakikita ko. Bumagay naman sa kanya ang mga damit ni Tita Lucille dahil hindi naman masama ang taste ni Tita Lucille pagdating sa mga damit. Lumapit naman sa akin si Cornelia at umikot-ikot. Nang makita niya ang aking ginuguhit ay nawala ang kanya’ng ngiti sa labi. Nakita ko si Cornelia na nangangatal siyang pinagmamasdan ang iginuhit kong larawan.
“Apolaki, patawad! Hindi ko sinasadya!” ang naiiyak na sambit ni Cornelia at napaluhod siya sa kanya’ng kintatayuan.
Nataranta naman ako at kaagad inalalayan si Cornelia palabas ng kwarto upang sinamahan patungong sala. Kumuha ako ng isang baso ng tubig at iniabot iyon kay Cornelia. Bigla namang bumukas ang pinto mula sa banyo mula sa papuntang kusina. Natigilan naman si Griffin nang makita niya si Cornelia na umiiyak. Seryoso naman akong tiningnan ni Griffin.
“Ano’ng nangyari?” ang tanong ni Griffin.
Napabuntung-hininga naman ako nang kailangan kong ikwento kay Griffin ang nangyari. Nang malaman iyon ni Griffin ay napatampal naman siya ng mukha.
“Hindi mo dapat ipakita ang litrato, maliwanag ba? Malaki ang takot sa kanya ni Cornelia. Kung hindi maiiwasan, ay kailangan mong itago kaagad iyon. Mas maganda kung itatapon o susunugin mo iyon!” ang payo ni Griffin.
Tumungo naman ako at sinunod si Griffin. Nang matapos ko na ang iginuhit kong larawan ay agad ko iyong kinuhanan ng litrato at ipinasa iyon sa e-mail upang maipasa sa aming professor. Itinago ko naman ang larawan dahil maaaring hanapin iyon ng professor namin pagdating ng panahon. Sinigurado ko na ako lamang ang nakakaalam kung saan nakalagay ang iginuhit kong larawan upang hindi malaman ni Cornelia o hindi kaya ay ni Griffin.
Lumabas ako ng kuwarto at nadatnan kong mahimbing na natutulog si Cornelia sa mahabang couch. Nakasandal naman si Griffin sa pader at pansin ko na malalim ang kanya’ng iniisip.
“Sorry, Griffin. Hindi ko naman alam na gan’on ang mangyayari,” ang sambit ko kay Griffin.
Tiningnan naman ako ni Griffin at napabuntung-hininga siya. Lumapit siya sa akin at nakita ko ang galit sa kanya’ng mga mata. Alam kong magagalit siya dahil sa nangyari kay Cornelia. Kaya tatanggapin ko lahat ng ipipintas niya.
“Hindi ko magawang magalit sa'yo Lairus. At iyon ang kinaiinisan ko. Alam mo kung bakit? Ang mga mata mong iyan! Sa ama mo iyan nakuha! Sa tuwing nakikita ko ang mga mata mong iyan, hindi ko magawang tumaliwas dahil pakiramdam ko ay nakasilip siya sa pamamagitan ng mga matang iyan! At ang mukha mo? Kamukhang-kamukha mo ang iyong ina! Mahal namin ni Cornelia si Aurora! Kaya kahit na sabihin na lang nating nagmula kami sa isang piraso ng papel, may pakiramdam kami, Lairus!” ang sambit ni Griffin.
Napatungo na lamang ako sa kanya’ng sinabi. Pero masaya ako na may ideya na ako kung sino ba talaga ang kamukha ko. Dahil kapag may topic kami sa school noon at tungkol sa kung sino ba ang aking kamukha ay lagi akong walang maisagot. Dahil sa murang edad ay iniwan na ako ni Mama. Hindi ko na rin ito nagawang itanong ni Mama dahil sa tuwing tinatanong ko ito ay umiiyak siya.
“Salamat, Griffin,” ang matipid kong sambit.
Nangunot naman ang noo ni Griffin dahil sa sinambit ko. Alam kong mababaw para sa iba ang sinabi ni Griffin pero para sa akin, masaya ako na nasagot na ang katanungang matagal ko nang gustong malaman. Hindi ko naman natatanong si Tita Lucille dahil lagi niyang iniiwasan ang tanong na ito. Napaupo naman ako sa couch at pinalabas ang luhang matagal ko nang hindi nailalabas.
“Pasensya na, Lairus. Hindi ko—Hindi ko sinasadya,”ang sambit ni Griffin.
Niyakap ako ni Griffin at tinapik niya ang balikat ko. Sa tagal kong mag-isa, ngayon lang may nagcomfort sa akin bukod kay Tita Lucille. Lahat kasi ng kamag-anak namin maliban kay Tita Lucille ay itinatakwil ako dahil sa anak daw ng disgrasyada. Naramdaman ko ang init ng kamay ni Griffin at hinaplos niya ang aking likuran. Kailan ko ba talaga mararanasan ang maging malaya sa mga katanungang nagdudulot ng kalungkutan sa akin?           

Komento sa Aklat (201)

  • avatar
    Jewel Jane Udtohan

    maganda hindi peke thank you novels dahil saying may bahay ma kami

    29/05

      0
  • avatar
    BarrugaAngelica

    maganda ito

    14/04

      0
  • avatar
    EspiaLem

    yes

    04/04

      0
  • Tingnan Lahat

Mga Kaugnay na Kabanata

Mga Pinakabagong Kabanata